Pages

Biyernes, Agosto 23, 2013

BAKIT NATIN KAILANGAN ANG ISANG WIKANG PAMBANSA


Ni Manuel L. Quezon

                …Ibig kong sabihin sa inyo na kailangan natin ang isang wikang pambansa.

                Isang propesor sa istorya, siya’y dekano pa rin, ang sumulat ng isang lathala na tumatawad sa balak na ito na tayo’y magkaroon  ng isang wikang pambansa, at idinugtong pa na kakailanganin daw natin ang isang daang taon upang makalinang ng isang wikang panlahat. Itulot ninyong sabihin ko, na walang wikang pambansang naitatag sa loob ng dalawampu’t apat na oras.  (Palakpakan) Bawat wika sa Europa na pambansang masasabi ay nangangailangan ng daan-daang taon upang mapaunlad.  Noong may isang libong taon na ngayon ang nakalilipas, ang mga mamamayan ng Inglatera, halimbawa, ang Pransiya, Espanya, o Alemanya, ay hindi nagsasalita ng iisang wika, pagka’t bawat purok sa bawat bansa ay nagsasalita ng ibang diyalekto.  Dahil dito’y may matuwid baga ang propesor sa pagsasabing hindi natin dapat tangkaing magkaroon ng isang wikang panlahat sapagka’t kakailanganin ang tatlong daang taon sa buhay ng isang bansa?  Sa alin mang bayan ay walang mahalaga na tulad ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang isang bansa; at bilang isang bayan ay hindi tayo magkakaroon ng higit na pagkakilala sa bagay na ito hangga’t hindi tayo nagsasalita ng isang wikang panlahat. May maiisip ba kayong higit na kakatuwa kaysa pagpapanayam na itong mga Pilipino  na ang lahat ng kagawad ay hindi makapagsalita ng isang katutubong wikang panlahat? Hindi ako makapagsasalita, sa pagkakataong ito, ng alinmang wikang mauunawaan ng bawat isang lalaki at babaing narito. May ilan sa inyong nakakaintinding mabuti ng Kastila, ang iba’y higit na nakakaintindi ng Ingles. Pangangahasan ko nang sabihin na iilan lamang sa inyo ang nakakaunawa at nakakapagsalita ng Ingles at Kastila.  Hindi lahat kayo’y nakakapagsalita ng isang wikang Pilipino na iyong ipagkakaunawaan, - isang pangyayaring maipalalagay nating katawa-tawa,kung di man nakakahiya. Ar sapagka’t ipinalalagay nilang mahusay silang magsalita ng Ingles,  ang ilan sa ating kabataang mamamaya’y nagpapalagay na masasayang ang napag-aralan nila kung sila’y magsasalita sa isang katutubong wikang panlahat; kaya hindi nila ibig na magkaroon ng isang wikang pambansa ang kanilang mga kababayan matangi kung ang wikang iyon ay Ingles.

Nguni’t ilang Pilipino ang makakapag-ukol ng kanilang buhay sa pag-aaral ng Ingles? Hindi hihigit sa anim na taon,na sa loob ng panahong iyo’y mag-aaral din sila ng iba pang asignatura. At sino ang nagtuturo sa kanila ng Ingles – ng Ingles na natututuhan nila ngayon sa mga paaralan? Iyon bang mga Pilipinong dalubhasa sa Ingles? Hindi, iyong mga kawawang guro na kakaunting Ingles lamang ang nalalaman, na namihasa sa masamang pagbigkas ng Ingles.  At ang Ingles ng kanilang mga tinuturuan, sa palagay ko,ay magiging lalo pang masama.

Hindi natin pamamaligiin ang gayong uri ng Ingles-Ingles na walang makauunawa. May mga matatangi, mangyari pa – maaaring magkaroon pa rin ng maraming makapagsasalita ng mahusay na Ingles.  Marahil ang lahat ng kagawad ng Kapulungang Pambansa ay magsasalita ng Ingles, marahil ang lahat ng alkalde municipal ay magsasalita rin ng wikang iyan, at pati mga gobernador, konsehal o ang lahat ng kawani ng Pamahalaan. Nguni’t hindi sila ang bumubuo n gating bayan. Magkakaunawaan sila nguni’t ang bayan ay hindi mauunawaan ninuman ng kanila na ring mga kababayan. (Palakpakan)

Linggo, Agosto 18, 2013

PAGLALAYAG SA PUSO NG ISANG BATA


Ni Genoveva Edroza-Matute

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan… nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may-kaliitan, may kaitiman, at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daaang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin isang araw nang siya ang aking maging guro at ako ang kanyang tinuturuan.

Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tignan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalalang siya’y taga ibang pook.

Ngunit may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit na hindi siya hilingan ng gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinagmamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng bawat hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawat isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng “Goodbye, Teacher!”

Sa Simula, pinagtakhan ko ang kanyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa - umiiwas sa iba. Maminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang ang kanyang paningin. Haba ko siyang tinatanaw tuwing hapon, pinakahuli sa kanyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kanyang kapangitan, ang katutuwang paraan ng kanyang pagsasalita.
Unti-unti kong napagdugtong-dugtong ang mga katotohanna tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

Nadama ko ang kakaibang kalungkutan: Nais kong makita siyang nakikipaghabulan sa mga kapwa-bata, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal, napapasuot sa kaguluhang bahagi ng buhay ng bawat bata. Kahit na hindi siya marunong, maging kanya lamang sana ang halakhak at kaligayahan ng buhay-bata.

Tinawag ko siya nang madalas sa klase. Pinagawa ko siya ng marami’t mumunting bagay para sa akin. Pinakuha ko sa kanya ang mga tsinelas ko sa pinakahuling upuan sa silid. Naging ugali niya ang pagkuha sa mga iyon, ang paghihiwalay sa mga iyon upang itapat sa aking paa. Ang pagbili ng aking minindal sa katapat na tindahan, hanggang sa hindi ko na kailangang sabihin sa kanya kung ano ang bibilhin - alam na niya kung alin ang ibig ko, kung alin ang hindi ko totoong ibig.

Isang tahimik na pakikipagkaibigan ang nag-ugnay sa munti’t pangit na batang ito at sa akin. Sa tuwi akong mangangailangan ng ano man, naroon na siya agad. Sa tuwing may mga bagay na gagawin, naroon na siya upang gumawa. At unti-unti kong nadamang siya’y lumiligaya - sa paggawa ng maliliit na bagay para sa akin, sa pagkaalam na may pagmamalasakit ako sa kanya at may pagtingin sa kanya. Nahuhuli ko na siyang nagpapadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan hanggang sa magkanghihiga sa likuran ng silid. Nakikita ko na siyang nakikipaghabulan, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal. Nagkakandirit hanggang sa tindahang bilihan ng aking minindal. At minsan o makalawa ko siyang nahuling nagpapalipat-lipat sa pagtapak sa mga upuan.

At kung ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang pagaril sa Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao’y nagmumukha siyang maligaya at ang kanyang, “Goodbye, Teacher,” sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga ganoong pagkakatao’y naiiwan sa akin ang katiyakang siya’y hindi na totoong napag-iisa at hindi na totoong nalulumbay.

Isang mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kanya’y may nagmamahal.

Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Ngunit siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang bilhin ang aking minidal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisat kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kanyang loob.
Nagtungo siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. 

Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas…Marahil. Kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipagsalubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,” ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.

Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.


Miyerkules, Hunyo 19, 2013

Mina ng Ginto




(Alamat ng Baguio)

Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Bata pa si Kunto ngunit siya na ang pinakamalakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas.
Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik . Maibigin sila sa kapwa at may takot sila sa kanilang Bathala. Taon-taon ay nagdaraos sila ng cañao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito.
Kung nagdaraos sila ng cañao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang Bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila.
Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba.
Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil.
Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita.
Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng cañao.”
Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng cañao,” ang pasiya ni Kunto.
Ipinagbigay-alam sa lahat ang cañao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman ay naghanda ng masasarap na pagkain.
Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila.
Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata sa kanilang nakita. Natakot sila.
Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin.
“Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong cañao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito.      Makikita niyo ang isang punungkahoy, na kahit minsan sa buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita o makikita magpakailanman. Ang bunga,dahon, at sanga ay maaari ninyong kunin ngunit ang katawan ay huwag ninyong gagalawin. Huwag na huwag ninyong tatagain ang katawan nito.”
Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.Ipinagpatuloy nila ang kanilang pista. Pagkaraan ng tatlong araw, bumalik sila sa pook na pinag-iwanan sa matanda. Itinaas nila ang palayok at gaya ng sinabi ng matanda, nakita nila ang isang punungkahoy na maliit. Kumikislap ito sa liwanag ng araw-lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon.
Nagsigawan ang mga tao sa laki ng galak. Si Kunto ang kauna-unahang lumapit sa punungkahoy at pumitas ng isang dahon. Pagkapitas sa dahon ay nagkaroon kaagad ng kapalit ito kayat nag-ibayo ang tuwa sa mga tao. Bawat isa ay pumitas ng dahon.
Sa loob ng maikling panahon, yumaman ang mga taga-Suyuk.Ang dati nilang matahimik na pamumuhay ay napalitan ng pag-iimbutan at inggitan. Ang punungkahoy naman ay patuloy sa pagtaas hanggang sa ang mga dulo nito’y hindi na maabot ng tingin ng mga tao.
Isang araw, anang isang mamamayan, “kay taas-taas na at hindi na natin maabot ang bunga o dahon ng punong-ginto. Mabuti pa ay pagputul-putulin na natin ang mga sanga at dahon nito. Ang puno ay paghahati-hatian natin.”
Kinuha ng mga lalaki ang kanilang mga itak at palakol. Ang iba ay kumuha ng mga sibat. Tinaga nila nang tinaga ang puno at binungkal ang lupa upang lumuwag ang mga ugat.Nang malapit nang mabuwal ang punungkahoy ay kumidlat nang ubod-talim. Kumulog nang ubos-lakas at parang pinagsaklob ang lupa at langit.
Ang punungkahoy ay nabuwal. Nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan ng puno. Isang tinig ang narinig ng mga tao.
 “ Kayo ay binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan. Ang punong-ginto upang maging mariwasa ang inyong pamumuhay. Sa halip na kayo’y higit na mag-ibigan , kasakiman ang naghari sa inyong mga puso. Hindi ninyo sinunod ang aking ipinagbilin na huwag ninyong sasaktan ang puno. Sa tuwi-tuwina ay inyong nanaisin ang gintong iyan.”
At pagkasabi ng mga katagang ito, sa harap ng mga tao sa Suyuk, ang puno ay nilulon na ng lupang kinabuwalan. Mula nga noon, nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghukay sa lupa.

Linggo, Setyembre 16, 2012


Mula sa panulat nina:
Dapat:  Bheng Arellano
Hindi Dapat:  Rudolf Miranda
Lakandiwa:  Bert Cabual



LAKANDIWA:

“Dapat ba o Hindi Dapat na dagdagan
Ng isa pang taon ang haiskul na paham?”
Tanong itong ngayo’y kinasasabikang
Mag-ilaw ng tugong sa baya’y tatanglaw.

Itong Balagtasa’y aking ibubukas
Sa nangalilimping kawal ni Balagtas;
Ang mga makata’y maaring maghayag
Ng pangangatwirang madiwa’t matatag.

Makatang may giting at lakas ng loob
Na sa Balagtasang ito ay lumahok;
Ngayo’y oras ninyong pumutak...sumangkot,
Kumbaga sa tandang at inahing manok.

Martes, Agosto 21, 2012

Paalam, Sec. Robredo

         Una ko siyang binanggit sa isang post ko rito nang siya ay napasama sa Search for 2010 Worl Mayor Prize Award. Kaya nakakalungkot na sa muli kong pag-post ay pamamaalam na dahil sa  kanyang biglaang pagpanaw.
          Ang totoo, hindi ko siya personal na kakilala.  Gayunpaman, base sa mga nabasa, nababasa, narinig at naririnig ko tungkol sa kanya, isa talaga siyang mabuting tao at isang ehemplo sa pagiging mabuting lider.  Karapat-dapat siyang tularan ng maraming namumuno sa iba't ibang sangay ng ating pamahalaan na halos puro pansariling interes ang prayoridad.
         Siguro nga, mas maaga talagang pinagpapahinga ang mga mabubuting lider.  Pero sana man lamang ay hindi masayang ang mga ginawa niyang pagsisikap upang magkaroon magandang pagbabago ang isang bayan.  Sana'y dumama pa ang kagaya niya sa paninindigan at pagbibigay ng serbisyo sa kanyang mga nasasakupan.
        Paalalam sa isang mabuting lider. Paalam, Sec. Jesse M. Robredo.
       

* Ang larawan ay kinopya at ibinahagi mula sa Facebook Official Gazette of  the Republic of the Philippines. Maraing salamat po.


Miyerkules, Mayo 9, 2012

Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan


(Balagtasan)
- Jose Corazon de Jesus

LAKAN-DIWA:
Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
Lahat ng makata’y inaanyayahang
Sa gawang pagtula ay makipaglaban.

Ang makasasali’y batikang makata
At ang bibigkasi’y magagandang tula,
Magandang kumilos, may gata sa dila
At kung hindi ay mapapahiya.

Itong Balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.

At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
Saka ang ibig kong dito’y pag-sapan:
BULAKLAK NG LAHING KALINISLINISAN.

Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
At magbalagtasan sa Sariling Wika.

PARU-PARO:
Magandang gabi sa kanilang lahat
Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paru-parong may itim na pakpak
At nagbabalita ng masamang oras.

Nananawagan po, bunying Lakan-Diwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
Naging paru-paro sa gitna ng tula
At isang bulaklak ang pinipithaya.

Martes, Mayo 8, 2012

ANG PAMANA


 ni Jose Corazon de Jesus

Isang araw, ang Ina ko'y nakita kong namamanglaw
naglilinis ng marumi't mga lumang kasangkapan,
sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan
nakita kong ang maraming taon noon kahirapan;
sa guhit ng kanyang pisnging laumalalim araw-araw
nakita ko ang Ina ko'y tila mandin namamanglaw,
at ang sabi, “itong piano'y sa iyo ko ibibigay
ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
mga silya't aparador sa kay Titong ibibigay
sa ganyan ko hiahati itong ating munting yaman.

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng kanyang mukha
tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
subalit sa akingmata'y may namuong mga luha
na hindi ko mapigilan at hindi ko masansala;
naisip o ang Ina ko, ang Ina kong kaawaawa
tila kami'y iiwan na't may yari nang huling nasa,
at sa halip na magalak sa pamang mapapala
sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita,
napaiyak akong tila kaawaawang ba't
niyakap ko ang Ina ko at sa kanya ay winika.

Ang ibig ko sana Nanay, kita'y aking pasayahin
at huwag ko nang makitang ikaw'y malulungkot mandin,
Oh! Ina ko, ano ba ang naisipang paghatiin
ang lahat ng kayamanang naiwan mo sa amin?
“wala naman” - yaong sagot, “baka ako'y tawagin
ni Bathala, ang mabuti'y malaman mo ang habilin
itong piyano, iyang silya't salamin
pamana ko sa inyong bunsong ginigiliw...

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan
ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan
ang ibig ko'y ikaw Inang
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko'y ikaw.
Aanhin ko ang piyano kapag ikaw ay namatay
ni hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay
ang ibig ko'y ikaw Inang
at mabuhay ka na lamang
inililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman
ni hindi ka maaaring mapantayan ng daigdigan
ng lahat ng ginto rito
pagka't ikaw, Oh! Ina ko,
Ikaw'y wala pang kapantay.

                                                                                       - Panulaang Tagalog nina Angeles, Matienzo at Panganiban; pp.78-79

Lunes, Mayo 7, 2012

Alay Pasasalamat Ng Gov. Isidro S. Rodriguez Sr. Memorial National High School


Ika-26 ng Setyembre, taong nagdaan
Bagyong Ondoy naranasan sa buong bayan
Pagbaha’y nanalasa sa aming paaralan
Naging putikang  tambakan ng sirang kagamitan.

Nagkapit-kamay, buong pusong nagtulungan
Mga mag-aaral, guro, magulang at pamayanan
Dalawang linggong naglinis, tila walang kapaguran.
Naghanda upang eskwelaha’y magamit kina-Lunesan

Ngunit anong saklap, tila nagsara ang kalangitan
Oktubre na! Ang San Isidro, nagulantang…
Natupok! Naabo! Ang mahal naming paaralan –
Tuluyang nilamon ang tira ng bagyong nagdaan.

Binaha na nga, bakit pa nasunugan?
Sino’ng di mahahapis sa aming kinasapitan?
Puso ma’y bato, hapdi’y mararamdaman
Animo’y basing-sisiw kaming mga Governian.

Sino’ng lalapitan? Sino’ng maaasahan
Upang makabangon, aming paaralan?
Gayong kaliwa’t kanan ang nangangailangan,
Sino o ano ang uunahin ng hihingan?

Mula sa pagkalugmok na kinasadlakan
Sumilay ang tagumpay na inaasam
Pagka’t ngayo’y nakabangon na, aming paaralan
Dahil sa tulong ng lahat ng kinauukulan.

Ang PLDT-Smart sa pamumuno ni G. Manny Pangilinan
Nagkalob ng napakagandang 2-storey container van
Na magagamit ng mga mag-aaral
Upang sa pag-aaral lalong ganahan.

Hindi malilimutan! Hindi mnatutumbasan
Kabutihang ibinahagi sa ‘ming pangalawang tahanan
Kaya’t taos-puso po naming kayong pinasasalamatan
Kalakip ang pangakong handog nyo’y iingatan.

                                          Joy O. Dilan

Biyernes, Marso 30, 2012


Mangarap at Magsikap
-Joy Ollero Dilan

(Isang talumpati sa temang  “Alay Ninyong Kaalaman, Gamit Namin sa Pag-unlad ng Bayan”  na binigkas ng may-akda para sa mga gradweyts ng  Macalva Elementary School noong Marso 29, 2012..)

            Isang taon lang ang kulang para  maging tatlong dekada  ang nakakaraan mula nang ako at ang aking mga kasabayan ay nakaupo sa kinauupuan ninyong mga mag-aaral na ngayo’y lilisan sa Macalva Elementary School upang  tumuntong sa mataas na paaralan at maging unang batch ng K+12 program ng  Kagawaran ng Edukasyon sa bansa.
            At sa hindi inaasahang pagbabalik kong ito, kagyat na bumabalik ang mga alaala ng aming elementary days…na parang kailan lang…
            Parang kailan lang…  nilalakad namin ang  pagpasok at pag-uwi mula sa paaralan. Bihira pa noon ang sasakyan. Minsan, pag sinuswerte, iniaangkas kami ng libre ng mga mababait na tricycle drivers.
            Parang kailan lang… kasla kami kuton nga agsasaruno tapno mapan agsatdo ti danum nga pagsibog ti mulmula ti hardin iti eskwelaan.
Parang kailan lang…  agiyawidak ti sangasupot a nutribun ta nagpagatang ni antik.  Ngamin adu kadaguti kaeskwelaak, dida kayat ti nutribun  isu pa-sekreto nga ilako da kaniak sadan to igatang ti tinudok wenno ice candy. Ay apo, mano laeng balon ko idi – mikol, diyes, benteng (kwarta nga saanen nga am-amo daguiti ubbing ita). No dadduma, awan pay balon ko.  
Parang kailan lang…No pangaldawen, isukatkon tay balon ko nga kapasyet ti karne wenno sida a balon daguiti kaeskwelaak.  Masdaaw idi ni nanangko no apay nga kapasyet ti kayat ko a balunen. Ngamin, kaykayatmet daguiti gagayyem ko.
Parang kailan lang…nakaragragsak kami nga agkakadua nga aggagayyem ken agkakaeskwelaan. This is one thing I will always be grateful of my elementary years – having good friends whose friendship last through the years. I’m just so happy that to these days, we still communicate with each other.
 Parang kailan lang idi napadasak naminsan ti saka-saka a nagawid. Tennga ti aldaw pay…binulod ngamin ni Mam Romero ket nalipatanna nga insubli diay tsinelas  ko.… mabutengak met a mangala. Those days, nagan la ni mam, agpigpigerger kamin. No pay kasdiay, maitured mi met latta ti mapan makibayyabas diay arubayanda nu kua.
Parang kailan lang, minalemak nga mangyawid ti  Philippine Journal of Education magazines  nga  pagyamyamanak nga impabpabulod daydi Dios ti alwad na a Grade III teacher ko, ni Mam Panelo . At the end of the skul year, nabasak aminen nga istorya ken dandaniw  sadiay. Not to mention all kinds of  magazines and komiks nga binubulodmi kenni Maria Flor kenni mam Llavore idi.
Isu saan yo laglagilawen, apo no nalaingak nga agistorya…nasursurwak ngamin ditoy eskwelaan…baben daguiti materials nga impabpabulod daguiti nasisingpet ken mannakaawat nga mamaestrak ditoy idi.
Eniweys, so much for the Part I of intro.  Adda pay katuloy na. Iyaanus yo la coman, apo  ta subbuteken ti panagtakder ko ditoy  since I know this is a once-in-a-lifetime opportunity only”.  
Memories keep flooding  the moment I entered Macalva Elementary School.  It’s like being “home” again. 
However, back to reality… sa dahilan kung  bakit narito tayo ngayon at sa papel na aking ginagampanan -Guest Speaker. Panauhing Tagapagsalita. 
Ang tanong ko kay mam Llavore nang ako’y tawagan, “Bakit ako?” 
Hindi  impressive ang resume ko.  Sa karaniwang pamantayan ng tao, hindi ako ganon ka-successful kasi hindi pa naman ako mayaman.  Hangang saan lang ba ang narrating ko?
But then, I realized , bakit nga ba hindi?  Afterall, in my own right, I am successful.  I’ll tell you why… later.   For the meantime, mag-recitation  muna tayo,mga bata,ok?
Unang tanong, ano ang tema  o paksa ng Pagtatapos sa taong ito?
Ikalawang tanong, Ano  ang unang bagay na pumasok sa isip mo nang mabasa o marinig ang paksang ito? 
Ikatlong tanong,  Sino ang  unang naisip mo nang mabasa o marinig nyo ang paksang ito?
Whatever, whoever…tama lahat. Naisip nyo e. 

Kapupulutan ng  kaalaman  ang lahat ng kapwa  at maging ang iba pang mga bagay sa mundo. Ang mga kaalamang ito ay maaaring positibo at maaari namang negatibo. Depende ito sa kakayahang magbigay-kahulugan, umunawa, dumama at tumanggap ng bawat  tao.
Para-paraan ang pagtatamo ng kaalaman. Nagsisimula siyempre ito sa tahanan. Hindi nga ba’t  tinaguriang unang guro ang ating magulang?  Dahil sa kanila, ating natutuhan ang mga pangunahing kasanayan sa buhay – pangangalaga sa katawan at kalusugan ( kas iti umno a pannangan), pakikipag-usap nang may paggalang, pagpapahalaga sa kultura’t mga kinalakhang kaugalian.         
At dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga ng ating mga magulang na mabigyan tayo ng ibayong kaalaman at gayundin ng pangarap nilang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan, dinala tayo sa paaralan, ang institusyon ng pamahalaan para sa pormal na pagbabahagi ng kaalaman –edukasyon. Sa paaralan,  ipinagkatiwala tayo ng ating mga magulang  sa ating mga guro upang lalong mahubog ang ating mga kakayahan.
   Ang kaalaman o edukasyon ay sadyang napakahalaga.  Kaya naman, minsan maririnig natin sa ating mga magulang, “Mag-aral kang mabuti, anak. Igagapang naming ang iyong pag-aaral” na ang ibig sabihin ay gagawin nila ang lahat upang mapag-aral ang kanilang anak. Magastos kasi ang magpaaral lalo ngayon kasi may Nursery, Kindergarten at Preschool na. (Imbag laketdin ta idi siak ti inserrek ni nanang ko ditoy  nga eskwelaan nga idi ket Macalva Community School pay laeng, inawatdak a dagus ta atiddog ngamin ti takiag ko isu nagaw-at ko ti bangir a lapayag ko uray innem laeng ti tawen ko idi).
             Sabi ng nanay ko noon, “Ang edukasyon ay kayamanan na hindi makukuha ninuman”. Kanayon nga ibaga na uray natandaanak la ngaruden ngem kinaagpaysuna, diak unay maawatan pay idi.

Sabado, Pebrero 11, 2012

Buod: "Tata Selo" ni Rogelio Sicat


        Ang kwentong Tata Selo ay tungkol sa isang matanda na naghangad  lamang na makapagsaka sa kaniyang dating lupa na naibenta dahil sa pagkakasakit ang kanyang asawa.  Dahil sa kahirapan, hindi na niya ito nabawi kaya nakiusap na lang siya kay Kabesa Tano na siya na lang ang magsaka sa kanyang lupa.
        Ngunit isang araw, sapilitan siya pinaaalis ni Kabesang Tano dahil may iba nang magsasaka sa kanyang dating lupa. Hindi siya pinakinggan sa kanyang pagsusumamo. Sa halip, sinaktan pa siya nito.  Nagdilim ang kanyang paningin at nataga niya si Kabesang Tano na  ikinamatay nito. Nakulong si Tata Selo.
       Sa bandang huli, pinagsamantalahan pa ng alkalde ang anak ni Tata Selo na si Saling.  Nanlulumo man ay wala na silang magawa.
Nanaig ang hustisya ng mga mayayaman. 

Buod ng “Kwento ni Mabuti” ni Genoveva Edroza Matute


           Ang maikling kuwentong ito ay tungkol sa  isang guro at ina na kung bansagan ng kanyang mga estudyante ay “Mabuti”.
          Si Mabuti ang naging dahilan upang  maunawaan ng isang mag-aaral sa katauhan ni Fe ang tunay na kahulugan ng buhay.
          Si Mabuti  may suliraning iniiyakan, tulad din ni Fe. Sa kabila nito, napaghingahan niya ng damdamin ang guro.  Bumuti ang kanyang pakiramdam at naging positibo ang kanyang  pananaw sa buhay.
        Natuklasan niya ang isang lihim sa pagkatao nito na nagbunga ng anak. Ang anak na ipinagmamalaki ng guro sa kabila ng lahat. Hindi niya kinabakasan ng kapaitan ang guro. 
        Naramdaman ni Fe na sila ni Mabuti  ay iisa dahil nadama niya na silang dalawa ay bahagi ng mga nilalang na nakararanas ng kalungkutan at nakakikilala ng kaligayahan.


Linggo, Disyembre 11, 2011

Sa Pula, Sa Puti


- Francisco "Soc" Rodrigo  

Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing. 
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin. 
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin? 
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin. 
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa. 
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing). 
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos. 
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya. 
Celing: Grasya ba o disgrasya, 
gaya ng karaniwang nangyayari? 
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat
noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema. 
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema. 
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing! 
Celing: E ano kung puti? 
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta! 
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak. 
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo. 
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi
noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso. 
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito.Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo. 
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok. 
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya! 
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas). 
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong. 
Celing: Totoong-totoo? 
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa). 
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo 
sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay. 
Kulas: 
(Kukunin ang salapi) 
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna. 
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.) 
Sioning: Kumusta ka, Kulas? 
Kulas: 
(Nagmamadali) 
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan kana. 
(Lalabas si Kulas). 


Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kaligirang Pangkasaysayan ng Dulang Pangtanghalan


Ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga unang taon ng pangungupkop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na ang drama ay binubuo ng tanghalan, iba’t ibang  kasuotan, iskripto, “characterization”, at “internal conflict”.  Ito an pangunahing sangkap ng tunay na drama ayon  sa banyagang kahulugan.  Sa kabilang dako, ayon sa mga librong  kinunsulta ko, ang drama ay drama kahit wala ang mga sangkap na nabanggit. Ito ang dramang Pilipino.  Ayon pa rink ay Tiongson. Memises  ang pangunahing  sangkap  ng Dulang Pilipino.  Memises ay ang pagbibigay buhay ng actor sa mga pang-araw-araw  na pangyayari sa buhay ng mga Pilipino.  Ito rin ang malaking pagkakaiba ng banayaga sa Pilipinong dula.

Inilalarawan sa  tunay na  PIlipinong Dula ang mga pangarap ng bansa. Dito ipinapakita ang mga katutubong kultura, paniniwala at tradisyon. Ikinukuwento rin ang paghihirap at pagpupunyagi sa buhay ng mga katutubong Pilipino.  Dito rin mamamalas ang iba’t ibang anyo ng kanilang pamahalaan at uri ng lipunan.  Samakatuwid, ang tunay a dulang Pilipino ay nagbibigay ng mas malawak na pang-unawa sa kulturang Pilipino at nagbibigay ng kasagutan sa  mga pangangailangan ng mga Pilipino.  Higit sa lahat, ito’y nagsisilbing gabay para sa kabutihan ng mga mamamayang Pilipino.

Ang kasaysayan ng Dulang Pilipino ay isinlang sa lipunan  ng mga katutubong  Pilipino bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop. Ayon kay Casanova, ang mga katutubo’y likas na mahiligin sa mga awit, sayaw, at tula na siyang  pinag-ugatan ng mga unang anyo ng dula.  Ang mga unang awitin ay nasa anyo ng tula.  Ang mga katutubo rin ay mayaman sa epikong bayan na kalimita’y isinasalaysay sa pamamagitan ng pag-awit.Ang mga awit, sayaw at ritwal ay karaniwang ginaganap para sa pagdiriwang ng kaarawan, binyag, pagtutuli, ligawan, kasalan, kamatayan, pakikipagdigmaan , kasawian, pananagumpay, pagtatanim, pag-aani, at pangingisda, atbp. Bago dumating ang mga katutubong Pilipino.

                                                        -Mula sa Gabay ng Pagtuturo ng Kurikulum ng Edukasyong Sekundarya ng 2010


Sabado, Agosto 6, 2011

Eagle Bayan Care-avan, Tagumpay

E

Dumagsa ang mga mamamayang nagnais  maka-avail ng mga libreng benepisyong ipinagkakaloob ng  Eagle Bayan Care-avan sa araw na ito ng Sabado, Agosto 6, 2011.


Sabay-sabay na isinagawa ito sa  limang dako sa NCR - Marikina Sports Complex, Amoranto Sports Complex, Cuneta Astrodome, Oreta Site, San Andres Stadium at NEU Lobby.


Bukod sa  libreng Medical Consultation, Dental Check-up at Legal Consultation, namigay din ng mga gamot at vitamins , at iba pa sa mga bata at matatanda.

Sabado, Hulyo 30, 2011

PAKSIW NA AYUNGIN


Pete Lacaba

Ganito ang pagkain
ng paksiw na ayungin
bunutin ang palikpik
at ang natirang tinik
(para sa pusa iyan)
at ilapit sa labi
ang ulo at sipsipin
ang mga matang dilat;

pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang katas nito
saka mo umpisahan ang laman


Unti-unti lang, dahan
dahan, at simutin nang
husto-kokonti iyan
ulam natin, mahirap
paglawain sa sabaw

at huwag kang aangal
payat man ang ayungin
pabigat din sa tiyan..


Paglisan


Joi Barrios

Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Walang labis, walang kulang.
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Nunal sa balikat,
Hungkag na tiyan.
May tadyang ka bang hinugot
Nang lumisan?
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Sa kaloob-looban,
Sa kasulok-sulukan
Nais kong mabatid

Ang lahat ng iyong
Tinangay at iniwan.
Nais kong malaman,
Kung buong-buo pa rin ako sa iyong
paglisan



Biyernes, Hulyo 29, 2011

Sa aking mga Kababata

ni  Jose Rizal

Kapagka ang baya'y sadyáng umiibig
Sa kanyáng salitáng kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharián,
At ang isáng tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaán.

Ang hindi magmahal sa kanyang  salitâ
Mahigit sa hayop at malansáng isdâ,
Kayâ ang marapat pagyamaning kusà
Na tulad sa ináng tunay na nagpalà.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Inglés, Kastilà at salitang  anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingín
Ang siyang naggawad, nagbigay  sa atin.

Ang salita nati'y tulad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawalá'y dinatnan ng  sigwâ
Ang lunday sa lawà noóng  dakong una



Huwebes, Hulyo 28, 2011

ANG BUHAY NG TAO



Jose Corazon de Jesus

Inakay na munting naligaw sa gubat
ang hinahanap ko’y ang sariling pugad
ang dating pugad ko noong mapagmalas
nang upuan ko na ang laman ay alias.

O ganito pala itong daigdigan
marami ang sama kaysa kabutihan
kung hahanapin mo ang iyong kaaway
huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.

Ako’y parang bato na ibinalibag
Ang buong akala’y sa langit aakyat
Nang sa himpapawid ako’y mapataas
ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.

INANG WIKA


-Amado V. Hernandez

Natapos ang kasal…
Maligayang bati, birong maaanghang
At saboy ng bigas ang tinanggap naming pagbaba sa altar;
Nang mga sandaling pasakay na kami sa aming sasakyan
Ay may alingasngas akong napakinggan…
At aking natanaw;
Yaon ding matanda ang ligid ng taong hindi magkamayaw;
Ako’y itinulak ng hiwagang lakas na di mapigilan
At siya’y patakbong aking nilapitan;
Nang kandungin ko na sa aking kandungan,
Sa mata’y napahid ang lahat ng luha, dusa’t kalungkutan,
Masuyong nangiti’t maamong tinuran:

Miyerkules, Enero 12, 2011

HANDIONG

Epiko ng Bikol
Salin sa Tagalog ni J. Arrogante

VIII
Ang Kabikolan ay isang lupain
Patagang  mayaman sa mga baybayin
Sa buong daigdig pinakamarikit
Sagana sa butil, aming nakakamit.

IX
Si Baltog ang lalaking kauna-unahang
Nanirahan sa dakilang patagan
Nagmulang Botavara,
Lahing di nakikita

Lunes, Enero 10, 2011

Dumalo si Tuwaang sa Isang Kasalan


(Halaw mula sa Tuwaang – Epikong Manobo)
Ipinagtapat ni Tuwaang ang ipinag-uutos sa kanya ng hangin sa kanyang tiyahin sa ina.  Ito ay tungkol sa dapat niyang pagdalo sa kasal ng Mutya ng Monawon.
“Tuwaang, huwag ka nang pumunta,” pigil ng kanyang tiyahin. “Nararamdaman kong hindi ka mapapabuti roon.”
Nagmatigas ang determinadong si Tuwaang. Tiniyak niya sa kanyang tiyang na kaya niya ang kanyang sarili. Masidhi ang pagnanais niyang Makita ng kagandahan ng dalaga ng Monawon.
Naghanda si Tuwaang at tumulak na sa pagdalo sa kasal. Isinakbit niya  ang hugis-pusong buslo na maaaring makapagpakidlat, ginamit ang kupya at baluti na gawa pa ng mga diyosa, at  dinala ang isang mahabang espada at punyal, maging ang kanyang kalasag at sibat.
Narating ni Tuwaang ang kapatagan ng Kawkawangan sa pamamagitan ng talim ng kidlat.  Nang nagpapahinga na siya roon ay nakarinig siya ng huni ng ibong gungutan. Tinangka niyang hulihin ang ibon ngunit, nakita niya ang matatalim na tari nito. Nagsalita ang Gungutan at sinabi nito kay Tuwaang na dahil sa panaginip kaya niya nalaman ang pagdating ng binata, na gusto niyang samahan .

Linggo, Enero 9, 2011

INDARAPATRA AT SULAYMAN

 (Isinatula ni Bartolome del Valle)

Noong unang panahon ayon sa alamat ng pulong MIndanaw,
ay wala ni kahit munting kapatagan. Pawang kabundukan
ang tinatahanan ng maraming taong doo’y namumuhay
maligaya sila sapagkat sagana sa likas na yaman.

Subali’t ang lagim ay biglang dumating sa kanilang bundok
na dati’y payapa. Apat na halimaw ang doo’y nana lot.
Una’y si Kurita na maraming paa at ganid na hayop
pagka’t sa pagkain kahit limang tao’y kanyang nauubos.

Ang Bundok Matutum ay tinirhan naman ng isang halimaw
na may mukhang tao na nakatatakot kung ito’y mamasdan,
ang sino mang tao na kanyang mahuli’y agad nilalapang,
at ang laman nito’y kanyang kinakain na walang anuman.

Ang ikatlo’y si Pah na ibong malaki. Pag ito’y lumipad
ang Bundok na Bita ay napadidilim niyong kanyang pakpak,
ang lahat ng tao’y sa kuweba tumahan upang makaligtas
sa salot na itong may matang malinaw at kukong matalas.

Ang Bundok Kurayang pinananahanan ng maraming tao
ay pinagpalagim ng isa pang ibong may pitong ulo;
walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko
pagkat maaaring kanyang matanaw ang lahat ng dako.

Linggo, Enero 2, 2011

'Holidays' sa Taong 2011

Ang sumusunod ay listahan ng mga araw na  ipagdiriwang o “holidays” para sa taong ito ng 2011 sa ilalim ng   Proklamasyon Blg 84.

A. Regular Holidays
New Year’s Day – January 1 (Saturday)
Araw ng Kagitingan – April 9 (Saturday)
Maundy Thursday – April 21
Good Friday – April 22
Labor Day – May 1 (Sunday)
Independence Day – June 12 (Sunday)
National Heroes Day – August 29 (Last Monday of August)
Bonifacio Day – November 30 (Wednesday)
Christmas Day – December 25 (Sunday)
Rizal Day – December 30 (Friday)

B. Special (Non-Working) Days
Ninoy Aquino Day – August 21 (Sunday)
All Saints Day – November 1 (Tuesday)
Last Day of the Year – December 31 (Saturday)

C. Special Holiday (for all schools)
EDSA Revolution Anniversary – February 25 (Friday)

Ayon sa GMANews.tv,   tatlong ‘holidays’ lamang ang magbibigay sa publiko ng mahabang  ‘weekends’ o pahinga na mas mababa sa kalahati ng 11 na mahabang ‘weekends’ noong taong 2010.

Sinabi ni  Chief Presidential Legal Counsel Eduardo de Mesa sa GMANews.tv  na nasa diskresyon ni Pangulong  Noynoy Aquino sa paglilipat ng mga holiday na hindi pangrelihiyon sa araw ng Lunes na pinakamalapit dito.  Binanggit ni  de Mesa ang  RA 9492 na nagsasaad na ang mga di-pangrelihiyong ‘holidays’ ay maaaring ilipat maliban kung itinalaga ng batas at/o ng proklamasyon