Pages

Biyernes, Agosto 23, 2013

BAKIT NATIN KAILANGAN ANG ISANG WIKANG PAMBANSA


Ni Manuel L. Quezon

                …Ibig kong sabihin sa inyo na kailangan natin ang isang wikang pambansa.

                Isang propesor sa istorya, siya’y dekano pa rin, ang sumulat ng isang lathala na tumatawad sa balak na ito na tayo’y magkaroon  ng isang wikang pambansa, at idinugtong pa na kakailanganin daw natin ang isang daang taon upang makalinang ng isang wikang panlahat. Itulot ninyong sabihin ko, na walang wikang pambansang naitatag sa loob ng dalawampu’t apat na oras.  (Palakpakan) Bawat wika sa Europa na pambansang masasabi ay nangangailangan ng daan-daang taon upang mapaunlad.  Noong may isang libong taon na ngayon ang nakalilipas, ang mga mamamayan ng Inglatera, halimbawa, ang Pransiya, Espanya, o Alemanya, ay hindi nagsasalita ng iisang wika, pagka’t bawat purok sa bawat bansa ay nagsasalita ng ibang diyalekto.  Dahil dito’y may matuwid baga ang propesor sa pagsasabing hindi natin dapat tangkaing magkaroon ng isang wikang panlahat sapagka’t kakailanganin ang tatlong daang taon sa buhay ng isang bansa?  Sa alin mang bayan ay walang mahalaga na tulad ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang isang bansa; at bilang isang bayan ay hindi tayo magkakaroon ng higit na pagkakilala sa bagay na ito hangga’t hindi tayo nagsasalita ng isang wikang panlahat. May maiisip ba kayong higit na kakatuwa kaysa pagpapanayam na itong mga Pilipino  na ang lahat ng kagawad ay hindi makapagsalita ng isang katutubong wikang panlahat? Hindi ako makapagsasalita, sa pagkakataong ito, ng alinmang wikang mauunawaan ng bawat isang lalaki at babaing narito. May ilan sa inyong nakakaintinding mabuti ng Kastila, ang iba’y higit na nakakaintindi ng Ingles. Pangangahasan ko nang sabihin na iilan lamang sa inyo ang nakakaunawa at nakakapagsalita ng Ingles at Kastila.  Hindi lahat kayo’y nakakapagsalita ng isang wikang Pilipino na iyong ipagkakaunawaan, - isang pangyayaring maipalalagay nating katawa-tawa,kung di man nakakahiya. Ar sapagka’t ipinalalagay nilang mahusay silang magsalita ng Ingles,  ang ilan sa ating kabataang mamamaya’y nagpapalagay na masasayang ang napag-aralan nila kung sila’y magsasalita sa isang katutubong wikang panlahat; kaya hindi nila ibig na magkaroon ng isang wikang pambansa ang kanilang mga kababayan matangi kung ang wikang iyon ay Ingles.

Nguni’t ilang Pilipino ang makakapag-ukol ng kanilang buhay sa pag-aaral ng Ingles? Hindi hihigit sa anim na taon,na sa loob ng panahong iyo’y mag-aaral din sila ng iba pang asignatura. At sino ang nagtuturo sa kanila ng Ingles – ng Ingles na natututuhan nila ngayon sa mga paaralan? Iyon bang mga Pilipinong dalubhasa sa Ingles? Hindi, iyong mga kawawang guro na kakaunting Ingles lamang ang nalalaman, na namihasa sa masamang pagbigkas ng Ingles.  At ang Ingles ng kanilang mga tinuturuan, sa palagay ko,ay magiging lalo pang masama.

Hindi natin pamamaligiin ang gayong uri ng Ingles-Ingles na walang makauunawa. May mga matatangi, mangyari pa – maaaring magkaroon pa rin ng maraming makapagsasalita ng mahusay na Ingles.  Marahil ang lahat ng kagawad ng Kapulungang Pambansa ay magsasalita ng Ingles, marahil ang lahat ng alkalde municipal ay magsasalita rin ng wikang iyan, at pati mga gobernador, konsehal o ang lahat ng kawani ng Pamahalaan. Nguni’t hindi sila ang bumubuo n gating bayan. Magkakaunawaan sila nguni’t ang bayan ay hindi mauunawaan ninuman ng kanila na ring mga kababayan. (Palakpakan)


Katangahan,katangahan ang sinasabi na upang matuto ng Tagalog ang isang Pilipino, o ang isang Ilokano o ang isang Bisaya ay kakailanganin ang isang panahong kasintagal ng kakailanganin niya upang matuto ng Ingles. Noong mga nagdaang araw, ang isang tagalalawigang naparirito sa Maynila upang mag-aral ay natututo ng Tagalog pagkaraan ng isang taon.  Nguni’t hindi na ngayon, sapagka’t ang mga kabataang ito’y palag na lamang nag-uusap sa Ingles.

Gaya ng alam ninyo,nakaharap ko ang Kanyang Kadakilaan, ang Emperador ng Hapon ay nagsasalita ng Ingles,nguni’t sa aking pakikipanayam sa kanya ay hindi siya kailan man nagsalita sa akin ng Ingles; nagsalita siya sa akin ng kanyang wika.  Nagsalita ako sa Ingles at iyo’y isinalin sa kanya sa wikang Hapon,bagaman nauunawaan niya ang  sinasabi ko. Para sa kanya, isang karangalan sa bansa na hindi siya makikipag-usap sa akin kundi sa kanyang sariling wikang pambansa. Tiyak na sasang-ayon ako nag awing wikang pambansa ang Kastila,o ang Ingles, o alin pang wika,kung it’y madali nating matututuhan katulad ng isa sa mga katutubong diyalekto. Ang mahalaga’y hindi ang magkaroon ng gayo’t ganitong wika,kundi ang magkaroon ng isang wikang sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa ating wika o ng alinman sa Ingles at Kastila.  Ang totoo’y magiging madalipa sa mga Pilipino na tutuhan ang Kastila kaysa Ingles at gawing wikang panlahat,sapagka’t ang Kastila ay binabasa at binibigkas na gaya ng Tagalog, gaya ng Bisya o gaya ng Ilokano. Ang Ingles ay hindi gayon…

Gayon ma’y sang-ayon akong ipagpatuloy ang pagtuturo ng Ingles.  Ang totoo’y  dapat nating ipagpatuloy ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan.  Ang Ingles ay isang wikang kapakipakinabang na matutuhan.  Ito ng wikang pandaigdig ngayon sa pagkakalakalan. Nguni’t huwag ninyong tangkain  ang hindi maaari, huwag tangkaing  gawin itong wikang pambansa ng Pilipinas sapagka’t hindi maaari kailan man.  Walang kailangan sa akin gaano man katagal ang abutin bago tayo magkaroon ng isang wikang pambansa.  Walang kailangan sa akin na tayo’y maghintay ng isang daang taon man; subali’t hindi kailan man maaaring maging wikang pambansa natin ang Ingles.


Mangyari pa,hindi ko hinihintay na maunawaan ng lahat  ng alkalde ang aking pananagalog at hindi ko ibig na ipakipaglaban nino man ang wikang Tagalog sapagka’t hindi mabuti ang lumikha ng pagtatalunan sa suliranin sa pagpili ng isang wikang pambansa. Datapwa’t hindi dapat tutulan ang paglikha ng isang wikang pambansa.  Maaari ninyong itanong, bakit ganoon na lamang ang malasakit ko tungkol dito?  Ako’y matanda na, at dimaglalao’t yayao naako.  Nahalalako hindi sa tulong ng isa man lang wikang pambansa.  Kung ukol sa pulitika,  wala akong pakialam ano mang wika ang salitaan sa Pilipinas.  Nguni’t nakita ko kung gaano kahirap ang magpatuloy sa katayuang ito. At kahiya-hiya pa.  Tuwing tutungo ako sa mga lalawigan sa Bisaya upangmagtalumpati roon, ako’y laging nangangailangan ng isang interprete. Mawiwika ninyo marahil na upang malunasan ito ay itakdang ang bawa’t kandidato sa pagka-Pangulo ay dapat makapagsalita ng lahat ng wika at diyalekto sa Pilipinas.  Bagaman wala akong tutol diyan, iyan ay hindi rin makakalunas sa suliranin, sapagka’t samantalang sa ganya’y maaari ngang makitungo sa bayan ang Pangulo, ang mga mamamayan naman ay walang paraan ng pakikitungo sa isa’t isa.  Angmahalaga’y ang tuwirang magkausap at magkaunawaan an gating mga kababayan sa pamamagitan ng iisang wika.  Mangyari pa, mahabang panahon ang kakailanganin bago tayo magkaroon na sariling wika natin,nguni’t mabuti na rin kahit kailanganin ang isang daang taon para maisagawa iyon; at sa pagkakaroon natin ng isang wikang sarili tayo’y hindi dapat mahiya sa pangyayaring nagdagdag tayo ng ilang salitang Ingles o Kastila.  Ayos iyon. Bawat wika’y nangangailangan ng maraming taon bago nabuo, at bawa’t wika’y  nabuo sa panghihiram sa mga ibang wika.

Walang komento: