(Balagtasan)
- Jose Corazon de Jesus
LAKAN-DIWA:
Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
Lahat ng makata’y inaanyayahang
Sa gawang pagtula ay makipaglaban.
Ang makasasali’y batikang makata
At ang bibigkasi’y magagandang tula ,
Magandang kumilos, may gata sa dila
At kung hindi ay mapapahiya.
Itong Balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.
At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
Saka ang ibig kong dito’y pag-sapan:
BULAKLAK NG LAHING KALINISLINISAN.
Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
At magbalagtasan sa Sariling Wika.
PARU-PARO:
Magandang gabi sa kanilang lahat
Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paru-parong may itim na pakpak
At nagbabalita ng masamang oras.
Nananawagan po, bunying Lakan-Diwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
Naging paru-paro sa gitna ng tula
At isang bulaklak ang pinipithaya.