Ni Genoveva Edroza-Matute
Binata
na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas
siya sa nakaraang digmaan… nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin,
siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya
ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may-kaliitan, may
kaitiman, at may walong taong gulang.
Pagkaraan
ng daan-daaang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos,
pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y
nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kanyang mukha at ang
kanyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya
sa akin isang araw nang siya ang aking maging guro at ako ang kanyang
tinuturuan.
Isa siya
sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at pipis
niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tignan lamang iyo’y mahahabag na sa
kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa
kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalalang siya’y taga ibang
pook.
Sa
Simula, pinagtakhan ko ang kanyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang
gumagawa nang tahimik at nag-iisa - umiiwas sa iba. Maminsan-minsa’y nahuhuli
ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang ang kanyang paningin. Haba ko
siyang tinatanaw tuwing hapon, pinakahuli sa kanyang mga kasamahan, ay naiisip
kong alam na alam niya ang kanyang kapangitan, ang katutuwang paraan ng kanyang
pagsasalita.
Unti-unti
kong napagdugtong-dugtong ang mga katotohanna tungkol sa kanyang buhay. Payak
ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas
sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa
paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang
panginoon.
Nadama
ko ang kakaibang kalungkutan: Nais kong makita siyang nakikipaghabulan sa mga
kapwa-bata, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal, napapasuot sa kaguluhang
bahagi ng buhay ng bawat bata. Kahit na hindi siya marunong, maging kanya
lamang sana ang halakhak at kaligayahan ng buhay-bata.
Tinawag
ko siya nang madalas sa klase. Pinagawa ko siya ng marami’t mumunting bagay
para sa akin. Pinakuha ko sa kanya ang mga tsinelas ko sa pinakahuling upuan sa
silid. Naging ugali niya ang pagkuha sa mga iyon, ang paghihiwalay sa mga iyon
upang itapat sa aking paa. Ang pagbili ng aking minindal sa katapat na
tindahan, hanggang sa hindi ko na kailangang sabihin sa kanya kung ano ang
bibilhin - alam na niya kung alin ang ibig ko, kung alin ang hindi ko totoong
ibig.
Isang
tahimik na pakikipagkaibigan ang nag-ugnay sa munti’t pangit na batang ito at
sa akin. Sa tuwi akong mangangailangan ng ano man, naroon na siya agad. Sa
tuwing may mga bagay na gagawin, naroon na siya upang gumawa. At unti-unti kong
nadamang siya’y lumiligaya - sa paggawa ng maliliit na bagay para sa akin, sa
pagkaalam na may pagmamalasakit ako sa kanya at may pagtingin sa kanya.
Nahuhuli ko na siyang nagpapadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan hanggang sa
magkanghihiga sa likuran ng silid. Nakikita ko na siyang nakikipaghabulan,
umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal. Nagkakandirit hanggang sa tindahang
bilihan ng aking minindal. At minsan o makalawa ko siyang nahuling
nagpapalipat-lipat sa pagtapak sa mga upuan.
At kung
ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang pagaril sa
Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao’y nagmumukha siyang maligaya at ang
kanyang, “Goodbye, Teacher,” sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga ganoong
pagkakatao’y naiiwan sa akin ang katiyakang siya’y hindi na totoong napag-iisa
at hindi na totoong nalulumbay.
Isang
mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya’y
mahalaga at sa kanya’y may nagmamahal.
Napasuot
na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa
mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging
maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.
Nang
hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Ngunit
siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin
ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat
upang bilhin ang aking minidal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga
kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok.
Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang
kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong
iyon.
Naisip
ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng
pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling
buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisat
kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo’y paalis
na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.
Tumagal
siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kanyang
loob.
Nagtungo
siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang
matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon
upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang
mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.
Ano ang
ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit
sa aking sarili.
Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit
sa aking sarili.
Bukas…Marahil.
Kung pagpipilitan ko bukas…
Biglang-bigla,
ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata
niyang nakipagsalubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye,
Teacher,” ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.
Nagbalik
siya upang sabihin iyon sa akin.
Kung
gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi
kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang
yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya
ang aking naging guro.