(Halaw mula sa Tuwaang – Epikong Manobo)
Ipinagtapat ni Tuwaang ang ipinag-uutos sa kanya ng hangin sa kanyang tiyahin sa ina. Ito ay tungkol sa dapat niyang pagdalo sa kasal ng Mutya ng Monawon.
“Tuwaang, huwag ka nang pumunta,” pigil ng kanyang tiyahin. “Nararamdaman kong hindi ka mapapabuti roon.”
Nagmatigas ang determinadong si Tuwaang. Tiniyak niya sa kanyang tiyang na kaya niya ang kanyang sarili. Masidhi ang pagnanais niyang Makita ng kagandahan ng dalaga ng Monawon.
Naghanda si Tuwaang at tumulak na sa pagdalo sa kasal. Isinakbit niya ang hugis-pusong buslo na maaaring makapagpakidlat, ginamit ang kupya at baluti na gawa pa ng mga diyosa, at dinala ang isang mahabang espada at punyal, maging ang kanyang kalasag at sibat.
Narating ni Tuwaang ang kapatagan ng Kawkawangan sa pamamagitan ng talim ng kidlat. Nang nagpapahinga na siya roon ay nakarinig siya ng huni ng ibong gungutan. Tinangka niyang hulihin ang ibon ngunit, nakita niya ang matatalim na tari nito. Nagsalita ang Gungutan at sinabi nito kay Tuwaang na dahil sa panaginip kaya niya nalaman ang pagdating ng binata, na gusto niyang samahan .
Isinama nga ni Tuwaang ang gungutan sa pupuntahang kasalan.Pumailanlang ang dalwa sa himpapawid sa pamamagitan ng paggalaw ng kanilang mga balikat.
Pagdating sa Monawon, pinatuloy si Tuwaang sa bulwagan kung saan naupo siya sa isang ginintuang upuan, habang nakadapo sa isang haliging kahoy ang gungutan.
Kasabay ng isang nakahahalinang tugtugin at hilera ng mga namumulaklak na puno, dumating ang Binata ng Panayangan. Dumating din ang iba pang magigiting –ang Binata ng Liwanon at ang Binata ng Pagsikat ng Araw. Samantalang ang ikakasal na Binata ng Sakadna ay dumating kasama ang isandaang tagasunod.
Sa kanyang pagdatal, buong pagyayabang na inutusan niya ang may-ari ng kabahayan na linisin ang bulwagan ng mga “dumki”, bilang pasaring sa mga katulad ni Tuwaang na dumating nang hindi naanyayahan. Bilang pagtugon, sinabi ni Tuwaang na may mga “pulang dahon” o mga tunay na bayani sa kabahayan.
Ang ilang paunang ritwal ay isinagawa muna bago inumpisahan ang seremonya ng kasal. Sa huli ay isa-isa nang inialay ang savakan, mga mamahaling kagamitan at pagkain na pag-aari ng babaeng ikakasal na babayaran ng mga kamag-anak ng lalaking ikakasal. Hanggang ang dalawang pinakamamahaling savakan na lamang ang natira.
Katumbas ng isang lumang agong na may sampung palamuti at siyam na nakaumbok na singsing ang isa sa mga natirang savakan. Ang ikalawa naman ay matutumbasan lamang ng isang gitarang ginto at isang plautang ginto. Inamin ng Binata ng Sakadna na hindi na niya kayang tubusin ang matirang mga kagamitan.
Sinagip ni Tuwaang ang lalaking ikakasal mula sa kahiya-hiyang kalagayan.Nakapagpalabas siya ng isang mas lumang agong na ibinigay sa ikakasal upang itumbas sa savakan sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang hininga. Ito ay tinanggap naman ng mga kaanak ng Mutya ng Monawon. Nakapagpalitaw din ng isang gitarang ginto at plautang ginto si Tuwaang.
Pagkatapos ng mga semonyang ito ay hiniling nang lumabas mula sa kanyang silid ang Dalaga ng Monawon upang hainan ang mga panauhin ng nganga. Inutusan ng dalaga ang sisidlan ng nganga upang magsilbi sa lahat at piliin ang kanyang mapapangasawa. Mula sa sisidlan ay tatalon ang isang buto ng nganga sa bibig ng tatapatang panauhin.
Sumunod ang sisidlan at mula rito ay dalawang buto ng nganga ang tumalon sa bibig ng Binata ng Sakadna. Pagtapat ng mahiwagang sisidlan kay Tuwaang, ito ay tumigil. Hindi na ito tuminag kahit tinangkang itaboy ito ni Tuwaang. Dahil ditto ay nagpasya ang Mutya ng Monawon na sa tabi ni Tuwaang umupo.
Talagang napahiya ang BInata ng Sakadna sa mga nangyari. Lumabas ito sa bulwagan at hinamon sa isang labanan hanggang kamatayan si Tuwaang.
Tinanggap ni Tuwaang ang hamon ngunit pinigilan muna siya ng babaing ikakasal upang masuklayan ang kanyang buhok bago makipaglaban.
Naarok ni Tuwaang ang pagmamahal at paghanga sa mga mata ng dala habang sinusuklayan siya nito at binabalaang mag-ingat sapagka’t ang Binata ng Sakadna ay hindi patas lumaban.
Tiyak ang pangako ni Tuwaang na mag-iingat siya para sa binibini bago siya lumabas ng bulwagan upang harapin sa laban ang Binata ng Sadkana.
Isandaang lalaki ang kasama ng Binata ng Sadkanan samantalang ang gungutan lamang ang tanging kasama ni Tuwaang. NGunit lumaban siya nang buong giting at pagkatapos ng isang maikling pagtutunggali ay natalo niya at ng mahiwagang ibon ang siyamnapu’t apat na lalaki. Madali rin nilang natalo ang anim pang natirang nakatayo.
Si Tuwaang na lamang at ang Binata ng Sakadna ang naghahamok. Isang malakas na hampas ang inilatay ng katunggali kay Tuwaang at ito’y tumilapon at humampas sa isang malaking bato. Napulbos ang bato at nagkandatumba ang mga punong kinatalsikan ni Tuwaang dahil sa lakas ng kanyang pagkakatilapon.
Sinunggaban ni Tuwaang ang kanyang kaaway at buong lakas niya itong inihagis nang paibaba. Dahil sa matinding pagkakahagis ni Tuwaang, lumubog sa ilalim ng lupa ang Binata ng Sakadna.Gayunpama’y muling nakabawi ito at lumitaw upang muling harapin sa Tuwaang sa pamamagitan ng isang malakas na tulak na nagpabaon kay Tuwaang sa ilalim ng lupa, kung saan nakaabot siya kay Tuwaha, ang diyos ng mga lamang-lupa.
Mula kay Tuwaha, nabatid ni Tuwaang ang lihim upang magapi niya ang kanyang kaaway. Pag-ahon ni Tuwaang sa ibabaw ng lupa upang muling makipaglaban, winasak niya ang plautang ginto doon lihim na itinago ng Binata ng Sakadna ang kanyang buhay . Dahil doon, nasawi ang buhay ng Binata ng Skadna.
Kasama ng Gungutan, iniuwi ni Tuwaang ang mutya ng Monawon sa Kuaman at doon sila namuhay at naghari magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento