Pages

Martes, Mayo 8, 2012

ANG PAMANA


 ni Jose Corazon de Jesus

Isang araw, ang Ina ko'y nakita kong namamanglaw
naglilinis ng marumi't mga lumang kasangkapan,
sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan
nakita kong ang maraming taon noon kahirapan;
sa guhit ng kanyang pisnging laumalalim araw-araw
nakita ko ang Ina ko'y tila mandin namamanglaw,
at ang sabi, “itong piano'y sa iyo ko ibibigay
ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
mga silya't aparador sa kay Titong ibibigay
sa ganyan ko hiahati itong ating munting yaman.

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng kanyang mukha
tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
subalit sa akingmata'y may namuong mga luha
na hindi ko mapigilan at hindi ko masansala;
naisip o ang Ina ko, ang Ina kong kaawaawa
tila kami'y iiwan na't may yari nang huling nasa,
at sa halip na magalak sa pamang mapapala
sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita,
napaiyak akong tila kaawaawang ba't
niyakap ko ang Ina ko at sa kanya ay winika.

Ang ibig ko sana Nanay, kita'y aking pasayahin
at huwag ko nang makitang ikaw'y malulungkot mandin,
Oh! Ina ko, ano ba ang naisipang paghatiin
ang lahat ng kayamanang naiwan mo sa amin?
“wala naman” - yaong sagot, “baka ako'y tawagin
ni Bathala, ang mabuti'y malaman mo ang habilin
itong piyano, iyang silya't salamin
pamana ko sa inyong bunsong ginigiliw...

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan
ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan
ang ibig ko'y ikaw Inang
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko'y ikaw.
Aanhin ko ang piyano kapag ikaw ay namatay
ni hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay
ang ibig ko'y ikaw Inang
at mabuhay ka na lamang
inililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman
ni hindi ka maaaring mapantayan ng daigdigan
ng lahat ng ginto rito
pagka't ikaw, Oh! Ina ko,
Ikaw'y wala pang kapantay.

                                                                                       - Panulaang Tagalog nina Angeles, Matienzo at Panganiban; pp.78-79

Walang komento: