Pages

Huwebes, Hulyo 28, 2011

ANG BUHAY NG TAO



Jose Corazon de Jesus

Inakay na munting naligaw sa gubat
ang hinahanap ko’y ang sariling pugad
ang dating pugad ko noong mapagmalas
nang upuan ko na ang laman ay alias.

O ganito pala itong daigdigan
marami ang sama kaysa kabutihan
kung hahanapin mo ang iyong kaaway
huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.

Ako’y parang bato na ibinalibag
Ang buong akala’y sa langit aakyat
Nang sa himpapawid ako’y mapataas
ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.



Mahirap nga palang ang gawang mabuhay
sarili mong bigat ay pinaninimbangan
kung ika’y mabuti kinaiingitan
kung ikaw’y masama kinapopootan.

At gaya ng isang Malaya sa turing
ang langit at lupa’y naiinggit sa akin
subali’t sa isang mumo lang ng kanin
ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.

At sa pagkabigo’y nag-aral na akong
mangilag sa mga patibong sa mundo
kahit sa pagtulog huwag pasiguro’t
bangungot ma’y siyang papatay sa iyo.

Ang buhay ng tao ay parang kandila
habang umiikli, namamatak ang luha
buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda
ang luksang libinga’y laging nakahanda.

Ang palad ay parang turumpong mabilog
lupa’y hinuhukay sa iinog-inog
subali’t kung di ka babago ng kilos
                                                          sa hinukayan mo doon mahuhulog.

2 komento:

ESENEM ayon kay ...

Kelan na isulat itong akda o kelan ito nailathala? saan publikasyon ito nilimbag?

ESENEM ayon kay ...

kelan ito naisulat o nailathala sa publiko? saang publikasyon ito nailimbag?