Mga Salawikain:
1. .Ang ibong magkakabalahibo
Ay sama-samang magkakalaguyo
Kahulugan: Nagiging magkasundo at laging magkakasama ang mga tao na magkakapareho ang paniniwala, hilig gawain, mithiin at iba pa..
2 Ang pinakamahusay na bahagi
Ng alin mang gawain,
Ay ang pagsisimula.
Kahulugan: Madali ang magplano ngunit ang mahirap ay ang unang hakbang ng pagsasakatuparan nito. Ngunit kapag nasimulan na, mas madali na itong ituloy at tapusin.
3. Ang taong mapagtanong,
Daig ang marunong.
Kahulugan: Nadaragdagan kasi ang karunungan ng taong mapagtanong ng mga bagay na hindi pa niya alam. Ang tao namang marunong, nananalig na lamang sa sariling karunungan at kahit di alam, hindi na magtatanong sa pangambang bumaba ang pagkakilala sa kaniya ng ibang tao.
4. Di man magsabi't magbadya,
Sa kilos makikilala.
Kahulugan: Mas epektibong magpakita ng saloobin sa pamamagitan ng gawa kaysa pagsasalita lamang.
5. Bangko niya, Buhat niya.
Kahulugan: Nananagot ang isang tao sa kanyang sariling gawain kaya anumang pagkakamaling nagawa o ginawa ay hindi puwedeng isisi sa ibang tao.
6. Bahay man ay palasyo
Kung ang nakatira'y kuwago,
Mabuti pa'y isang kubo
Kung ang nakatira'y tao.
Kahulugan: Mas mahalaga ang pag-uugali ng mga taong nakatira sa isang tahanan kaysa sa rangya ng kanilang tirahan.
7. Kapag ang katawan ay malakas,
Diyos ay di man matawag;
Kapag dinapuan ng lagnat,
Santo't santa'y siyang hanap.
Kahulugan: Kadalasan, naaalala lamang manalangin ng tao kapag nasa gipit na kalagayan, may malubhang karamdaman o may mabigat na problema. Ngunit kapag maraming pera, maganda ang kalusugan at maayos ang buhay, puro sarili ang iniisip at hindi man lang magawang magpasalamat sa Diyos.
8. Sakit ng kalingkingan,
Dama ng buong katawan.
Kahulugan: Gaano man kaliit ang isang problema, posibleng makaapekto ito ng malaki sa buhay ng isang tao. Kapag pamilya naman ang pinag-uusapan, ang problema ng isang miyembro, halimbawa'y anak, ay problema rin ng buong pamilya.
9. Mabuti ang isang buhay na pulubi
Kaysa sa nakalibing na hari.
Kahulugan: Gaano man kayaman ang isang tao, wala rin silbi kung hindi na niya ito mapapakinabangan kahit kailan.
10. Madaling tuwirin ang kawayan
Kung mura pa at di magulang.
Kahulugan: Ang bata ay natuturuan pa nang tama ngunit ang matanda ay hindi na.
Mga Kasabihan:
1. Kung hindi ukol,
Hindi bubukol.
Kahulugan: Ang isang bagay na hindi nakalaan sa isang tao ay hindi niya makukuha anuman ang gawin niya.
2. Bawat palayok,
May katapat na suklob.
Kahulugan: Ang bawat bagay, pangyayari o ugali ay laging may katumbas na kabutihan o kasamaan.
3. Ang bibig ng ilog, iyong masasarhan.
Ang bibig ng tao'y hindi matatakpan.
Kahulugan: Maaaring pigilan ang ibang bagay sa natural na takbo nito ngunit ang likas na pagiging tsismoso o tsismosa ng isang tao ay hindi mapipigilan.
4. Ang may mabuting kalooban
May gantimpalang nakalaan.
Kahulugan: Hindi napapasama ang taong may mabuting pag-uugali. Sa halip, napapabuti ang kanyang kalagayan sa buhay.
5. Mabuti pa ang may isang tuyong subo na may katahimikan,
Kaysa buhay na laging pistahan na may alitan.
Kahulugan: Kahit hindi masarap ang inuulam basta payapa ang buhay ay mas maganda kaysa masasarap nga ang pagkain pero magulo naman ang buhay.
6. Ang pagtulak sa kapahamakan ng kapwa
Walang kakamting ligaya at tuwa.
Kahulugan: Kahit kailan, walang naidudulot na kabutihan ang paghahangad ng masama para sa iba. Magbibigay lamang ito ng bagabag o karma sa hinaharap.
7. Kung di pakikinggan
Hindi magkakaunawaan.
Kahulugan: Upang maiwasan ang pagtatalo, kailangang magbigayan sa pagsasalita at pakikinig ang bawat isa.
8. Kapag may isinuksok,
May mandurukot.
Kahulugan: Kapag nag-iipon, may mailalabas at magagamit sa panahon ng pangangailangan.
9. Madali ang maging tao,
Mahirap magpakatao.
Kahulugan: Hindi ibig sabihin na kapag isinilang at lumaki ang isang tao ay karapatan na niyang mabuhay sa paraang gusto niya kahit may ibang taong masagasaan. Obligasyon kasi ng bawat isa ang matuto ng mabuting pakikipag-kapwa tao
10. Ang pagsisisi ay laging sa huli.
Kahulugan: Nalalaman lang ng tao na siya ay nagkamali kapag nangyari na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento