Pages

Huwebes, Hulyo 28, 2011

INANG WIKA


-Amado V. Hernandez

Natapos ang kasal…
Maligayang bati, birong maaanghang
At saboy ng bigas ang tinanggap naming pagbaba sa altar;
Nang mga sandaling pasakay na kami sa aming sasakyan
Ay may alingasngas akong napakinggan…
At aking natanaw;
Yaon ding matanda ang ligid ng taong hindi magkamayaw;
Ako’y itinulak ng hiwagang lakas na di mapigilan
At siya’y patakbong aking nilapitan;
Nang kandungin ko na sa aking kandungan,
Sa mata’y napahid ang lahat ng luha, dusa’t kalungkutan,
Masuyong nangiti’t maamong tinuran:

“Bunso ko, paalam,
ako ang ina mog sawing kapalaran…”
at ang kulampalad ay napalungayngay,
at nang aking hagkan
ay wala nang buhay.
Sa nanginginig kong bisig din namatay!
Siya’y niyakap ko nang napakatagal:
Inang! inang! inang!
Ayaw ang balikan
Ng tibok ng pusong sa hirap nawindang,
Kahit dinilig ko ng saganang luha ang kawawang bangkay.
Noon ko natantong ang ina kong mahal,
Ang Inangwika kong sa aki’y nagbigay
Ng lahat kong muni, pangarap at dangal,
Subali’t tinikis sa gitna ng aking ginhawa’t tagumpay
At mandi’y pulubing lumaboy sa labis na karalitaan,
Namatay sa kanyang dalamhating taglay
Nang ako’y sa ibang mapalad magmahal,
Nang ako’y …tuluyang pakasal
Sa Wikang Dayuhan!

Walang komento: