Pages

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Florante at Laura. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Florante at Laura. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Mayo 15, 2022

Ang Talambuhay ni Francisco Balagtas

 

Ang mga sumusunod na impormasyon tungkol kay Francisco Balagtas ay hango sa artikulo ni Virgilio S. Almario na “Si Balagtas at ang Florante at Laura”.  Kinuha naman niya ang mga ito mula sa akda ni Herminigildo Cruz na “Kun Sino ang Kumatha ng “Florante” (1906) na nalathala sa Libreria “Manila Filatelico,” Santa Cruz, Maynila.

 Ayon kay Almario, si Cruz ang autoridad hinggil sa anumang impormasyong pang kasaysayan kay Balagtas at sa Florante at Laura.

  Si Francisco Balagtas ay isinilang noong Abril 2, 1788 kina Juan Balagtas at Juana Cruz sa Panginay, Bigaa (Balagtas ngayon). Ayon pa rin kay Almario, pinatunayan ni H. Cruz na sa pamamagitan ng mga nakausap nitong pamangkin ng makata sa Bulacan Balagtas ang orihinal na apelyido at ginamit na apelyido ng mga kamag-anak ng makata sa kanyang bayang sinilangan ay Balagtas.

 Mahirap ang pamilyang kinagisnan ni Balagtas. Isang panday ang kanyang ama at walang banggit kung may hanapbuhay ang kanyang ina.

Noong siya’y labing isang taong gulang, lumuwas siya sa Maynila noong 1799 para manilbihan sa isang mayamang pamilya ng Trinidad, Tundo. 

 Taong 1812 sa edad na 24, naging mag-aaral siya sa Colegio de San Juan ngunit sa pangalang “Francisco Baltazar.  Ang “Baltazar” ay lilitaw  sa kanyang mga personal na dokumento gaya ng kasulatan ng kasal kay Juana Tiambeng noong Hulyo 22, 1842 na nagsasaad ding anak niya sina Juan Baltazar at Juana dela Cruz at maging sa sertipiko ng kanyang pagkamatay sa Udyong (Orion ngayon), Bataan. Kaya medyo sisinsayin nito ang haka mismo ni H. Cruz na ginamit ng pamilya ang apelyidong “Baltazar” bilang pagsunod sa batas na pinalaganap noong 1849 ni Gob. Narciso Claveria na magpalit ng apelyidong Espanyol ang lahat ng katutubong Pilipino. Wala pa ang utos ni Claveria nang magpalit ng apelyido ang makata.

 Habang nakatira sa Tundo, nanligaw si Balagtas sa isang Lucena at isang may palayaw na Bianang. Nang lumipat siya sa Pandacan noong 1835 o 1836, nanligaw naman siya sa dalawang dalagang may inisyal na M.A.R. , kina Maria Asuncion Rivera  at Magdalena Ana Ramos. Gayunpaman, sinigurado ng mga kamag-anak ni Balagtas na si Maria Asuncion Rivera  ang “Celia” sa tula ni Balagtas.

 Naging karibal ni Balagtas sa pag-ibig ni Maria Asuncion Rivera si Mariano Kapuli na taga-Pandacan din.  Dahil mayaman, ginamit diumano nito ang kapangyarihan upang maipabilanggo si Balagtas sa gawa-gawang kaso. May haka siCruz na ang “Florante at Laura” ay isinulat ni Balagtas habang nasa kulungan at nakikini-kinita nito ang tuluyang pagkawala ni “Celia” na nagpakasal kay Kapuli.

 Nagbalik sa Tundo si Balagtas noong 1838 at ipinagpatuloy ang pagsusulat ng tula at dula na siyang ikinabuhay nito.

 Noong 1840, lumipat siya sa Balanga, Bataan dahil kinuhang auxiliar o kawani sa opisina ng juez de residencia.  Doon, naging kawani rin siya ng eskribanong si Victor Figueroa.  Dahil sa kanyang trabaho, nakapupunta siya sa ibang bayan ng Bataan at noon nakilala si Juana Tiambeng ng Udyong. Niligawan niya ang dalagang anak ng maykayang mag-asawag Tsino na sina Juan Tiambeng at Dominga Rodriguez.

 Noong 1856 o 1857, nagkakaso si Balagtas dahil sa pagputol diumano sa buhok ng isang babaeng alila ng mayamang Alferez Lukas.  Nahatulan at nakulong si Balagtas nang apat na taon. Anim na buwan siyang nakulong sa Balanga bago inilipat sa isang bilangguang Pambansa sa Tundo. Nakalaya siya at bumalik sa Udyong noong 1860.

 Naubos ang yaman ni Juana Tiambeng dahil sa kaso ni Balagtas.  Bilang ganti, pinag-ibayo ng makata ang kasipagan sa pagsulat ng awit, korido at moro-moro.  Kumita rin siya nang malaki bilang tagasulat ng mga dokumento sa Espanyol.  Sa loob nang 20 taong pagsasama, nagkaroon sila ng 11 na anak na sina Marcelo, Juan, Miguel, Ceferino, Victor, Josefa, Maria, Marcelina, Julia, Isabela at Silveria.  Mahigpit daw niyang itinagubilin na pagbawalang sumunod sa kanyang mga yapak ang mga anak, at “putlin ang kanilang kamay kung sakali’t matulad nga sa kanya”.

 

 

 

 


Biyernes, Enero 31, 2020

Alam mo ba? (Para sa mas ikauunawa sa awit na Florante at Laura)

Ang mga sumusunod ay ilang pangalan o termino na ginamit ni Francisco Balagtas sa kanyang akdang Florante at Laura:


1. Gumamit si Balagtas ng alegorya sa Florante at Laura.  Sa halip na tuwirang pagtukoy, gumamit siya ng  mga simbolo upang makalusot ang akda sa mahigpit na sensura ng mga Espanyol sa panahong ‘yon. Gumamit s’ya ng mga simbolong tulad ng syerpe’, basilisko, Averno, sipres, higera, gayundin ng mga tauhan ng mitolohiyang Griyego tulad ng Adonis, Narciso, Pluton, Oreadas Nimpas at iba pa.

2. Isang maliit at madilim na butas sa isang lawa sa Timog ng Italya ang  Aberno o Averno. Dahil sa nagmumula rito noon na itim na kulay at sa usok na amoy asupre, pinaniniwalaan ng mga sinaunang Romano na ito ang pintuan ng impyerno.

3. Kilala si Pluton o Hades sa Mitolohiyang Griyego bilang Hari ng Kadiliman o Impyerno.

4. Si Narciso ay isang binatang tauhan sa mitolohiyang Griyego. Ubod siya ng kisig kaya’t hinangaan at inibig ng maraming nimpas subali’t silang lahat ay kanyang binigo. Isang araw, napatapat siya sa isang ilog at nakita niya ang kanyang anyo sa malinaw na tubig. Lubos siyang humanga at umibig sa makisig na binatang kanyang nakita ngunit hindi niya batid na siya at ang binata ay iisa.  Namatay siya dahil sa matinding obsesyon sa kanyang sariling repleksyon. Sa ngayon, ang mga taong masyadong mataas ang pagpapahalaga sa sarili o sarili lamang ang minamahal ay tinatawag na narcissistic.

5. Sa mitolohiyang Griyego, ang harpias ay mga nilalang na may katawang tulad ng sa isang ibon, may pakpak at may matutulis na kuko subalit may mukhang tulad ng sa isang babae.  Kilala ang mga ito sa pang-aagaw ng pagkain mula sa isa pang tauhan ng mitolohiyang Griyego na si Phineas.



Linggo, Enero 24, 2016

Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura ni Balagtas

Ang obra-maestra ni Francisco Baltazar o mas kilala bilang Francisco Balagtas na ‘Florante at Laura’ ay may naunang pamagat na “Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kaharian ng Albanya”.

Sa pamagat pa lamang,  malalaman na ng mambabasa kung tungkol saan ang salaysay,  kung sino ang mga pangunahing tauhan at kung saan ang tagpuan ng kuwento.  Uso kasi ang may kahabaang pamagat ng akda sa panahon ng Kastila kung kailan isinulat ang ‘Florante at Laura’.

Sa pahina ng pamagat sa muling limbag nito noong 1861 sa Maynila,  tinukoy ni Balagtas ang sarili bilang ‘matuwain sa bersong tagalog’ sa halip na ilagay ang kanyang pangalan bilang may akda ng tula.

Ipinakilala ni Herminigildo Cruz si Balagtas sa kanyang akdang “Sino ang Kumatha ng Florante at Laura”  na inilimbag noong 1906.

May tatlong pangunahing bahagi ang awit na Florante at Laura. Unang bahagi ang  ‘Kay Celia’ na binubuo ng dalawampu’t dalawang  (22) saknong. Ikalawa  ang  ‘Sa Babasa’ ng akda na binubuo ng  anim (6) na saknong. Ikatlo ang ‘Puno ng Salita’ o detalyadong  pagsasalaysay  na binubuo ng tatlong daan siyamnapu’t siyam (399) na saknong.

Sa unang bahagi, inialay ni Balagtas ang awit  kay Celia at binanggit niya ang M.A.R. na inisyal ng inibig niyang si Maria Asuncion Rivera.  Hindi sila nagkatuluyan ng dalaga dahil kay Mariano Capule, isang mayamang manliligaw nito.  Ginamit ni Capule ang kanyang pera at kapangyarihan upang maipakulong si Balagtas.

Habang nasa kulungan isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura na naging instrumento  rin ng pagpapahayag ng kanyang apat na himagsik – (1) Laban sa malupit na pamahalaan, (2) Laban sa maling kaugalian, (3) Laban sa hidwang pananampalataya at (4) Laban sa mababang uri ng panitikan. Gayunpaman, nakalusot ito sa mapanuring mata ng mga Espanyol sa panahong iyon.

Inilimbag ang Florante at Laura nang nakalaya si Balagtas noong 1838.

Hindi nagtagal, pinakasalan niya  si Juana Tiambeng. Nagkaroon sila ng 11 na anak.

Maituturing na isang klasikal na akda na maipagmamalaki sa larangan ng Panitikan ng lahing Pilipino sa lahat nang panahon ang Florante at Laura.   

Lunes, Pebrero 23, 2015

Florante at Laura:Saknong 143-164



143
Sa pagkalungayngay mata'y idinilat,
himutok ang unang bati sa liwanag;
sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
"Nasaan ka Laura sa ganitong hirap?"
144
"Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin,
kung mamatay ako'y gunitain mo rin."
pumikit na muli't napatid ang daing,
sa may kandong namang takot na sagutin.
145
Ipinanganganib ay baka mabigla,
magtuloy mapatid hiningang mahina;
hinintay na lubos niyang mapayapa
ang loob ng kandong na lipos-dalita.
146
Nang muling mamulat ang nagitlaanan,
"Sino? sa aba ko't nasa Morong kamay!"
ibig na iigtad ang lunong katawan,
nang hindi mangyari'y nagngalit na lamang.
147
Sagot ng gerero'y "Huwag kang manganib
sumapayapa ka't mag-aliw ng dibdib;
ngayo'y ligtas ka na sa lahat ng sakit,
may kalong sa iyo ang nagtatangkilik.
148
"Kung nasusuklam ka sa aking kandungan,
lason sa puso mo ang hindi binyagan
nakukutya akong di ka saklolohan
sa iyong nasapit na napakarawal.
149
"Ipinahahayag ng pananamit mo,
taga-Albanya ka at ako'y Persyano;
ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko,
sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo.
150
"Moro ako'y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dine sa puso ko'y kusang natititiknatural
na ley-ing sa aba't mahapis.
151
"Anong gagawin ko'y aking napakinggan
ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay,
gapos na nakita't pamumutiwanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan."
152
Nagbuntunghininga itong abang kalong
at sa umaaaliw na Moro'y tumugon,
"Kung di mo kinalag sa puno ng kahoy,
nalibing na ako sa tiyan ng leon.
153
"Payapa na naman disin yaring dibdib,
napagkikilalang kaaway kang labis;
at di binayaang nagkapatid-patid
ang aking hiningang kamataya't sakit.
154
"Itong iyong awa'y di ko hinahangad,
patayin mo ako'y siyang pitang habag;
di mo tanto yaring binabatang hirap,
na ang kamatayan ang buhay kong hanap."
155
Dito napahiyaw sa malaking hapis
ang Morong may awa't luha'y tumagistis;
siyang itinugon sa wikang narinig
at sa panlulumo'y kusang napahilig.
156
Anupa't kapwa hindi nakakibo
di nangakalaban sa damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago't
humilig sa Pebo sa hihigang ginto

157
May awang gerero ay sa maramdaman,
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.
158
Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
159
Kumuha ng munting baong makakain,
ang nagdaralita'y inamong tumikim,
kahit umaayaw ay nahikayat din
ng sabing malambot na pawang pang-aliw.
160
Naluwag-luwagan ang panghihingapos,
sapagka't naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.
161
Ito'y di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang nagkalat sa gubat.
162
Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki'y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
163
Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.
164
Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatiwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.

Lunes, Pebrero 16, 2015

Florante at Laura: Saknong 37-68

37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
na may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39
"Ay! Laurang Poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?"

40
"'di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na 'di maglililo sa aking pag-ibig?
Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!"    .

41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit — anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't 'di nagunam-gunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan."

42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil."

43
"'di kung ako Poo'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang s'yudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong perlas?"

44
Ang aking plumahe kung itinatahi
ng parang korales na iyong daliri,
buntung-hininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi."

45
"Makailan, Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok!"

46
"Baluti't koleto'y 'di mo papayagan
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumham."

47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad."

48
"Pinahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L."

49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot."

50
"Buong panganib mo'y baka nakasugat,
'di maniniwala kung 'di masiyasat;
at kung magkagurlis ng munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak."

51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang 'di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi."

52
"Hindi ka tutugot kung 'di natalastas,
kakapitan mo nang mabigla ang lubas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaliw sa mga bulaklak."

53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang sasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit."

54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha:
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay 'di iapula?"

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay —
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan."

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay 'di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula."

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingni ang sugat kong 'di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
ng kamay ko, paa't natataling liig."

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang;
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan."

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong saklakan ng sakit,
upanding mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikakapatid."

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!"

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
Wala na si Laura'y aking tinatawag!
Napalayu-layo't 'di na lumiliyag
ipinagkanulo ang sinta kong tapat."

62
"Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya,
nilimot ang sinta't sinayang ang luha."

63
"Alin pa ang hirap na 'di na sa akin?
May kamatayan pang 'di ko daramdamin?
Ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw."

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumino,
ako'y sinusunog niring panibugho."

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad."

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinukuban,
ang kabangisan mo'y pinapasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy ay napayukayok,
ang liig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay na burok
ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.