Pages

Linggo, Mayo 15, 2022

Ang Talambuhay ni Francisco Balagtas

 

Ang mga sumusunod na impormasyon tungkol kay Francisco Balagtas ay hango sa artikulo ni Virgilio S. Almario na “Si Balagtas at ang Florante at Laura”.  Kinuha naman niya ang mga ito mula sa akda ni Herminigildo Cruz na “Kun Sino ang Kumatha ng “Florante” (1906) na nalathala sa Libreria “Manila Filatelico,” Santa Cruz, Maynila.

 Ayon kay Almario, si Cruz ang autoridad hinggil sa anumang impormasyong pang kasaysayan kay Balagtas at sa Florante at Laura.

  Si Francisco Balagtas ay isinilang noong Abril 2, 1788 kina Juan Balagtas at Juana Cruz sa Panginay, Bigaa (Balagtas ngayon). Ayon pa rin kay Almario, pinatunayan ni H. Cruz na sa pamamagitan ng mga nakausap nitong pamangkin ng makata sa Bulacan Balagtas ang orihinal na apelyido at ginamit na apelyido ng mga kamag-anak ng makata sa kanyang bayang sinilangan ay Balagtas.

 Mahirap ang pamilyang kinagisnan ni Balagtas. Isang panday ang kanyang ama at walang banggit kung may hanapbuhay ang kanyang ina.

Noong siya’y labing isang taong gulang, lumuwas siya sa Maynila noong 1799 para manilbihan sa isang mayamang pamilya ng Trinidad, Tundo. 

 Taong 1812 sa edad na 24, naging mag-aaral siya sa Colegio de San Juan ngunit sa pangalang “Francisco Baltazar.  Ang “Baltazar” ay lilitaw  sa kanyang mga personal na dokumento gaya ng kasulatan ng kasal kay Juana Tiambeng noong Hulyo 22, 1842 na nagsasaad ding anak niya sina Juan Baltazar at Juana dela Cruz at maging sa sertipiko ng kanyang pagkamatay sa Udyong (Orion ngayon), Bataan. Kaya medyo sisinsayin nito ang haka mismo ni H. Cruz na ginamit ng pamilya ang apelyidong “Baltazar” bilang pagsunod sa batas na pinalaganap noong 1849 ni Gob. Narciso Claveria na magpalit ng apelyidong Espanyol ang lahat ng katutubong Pilipino. Wala pa ang utos ni Claveria nang magpalit ng apelyido ang makata.

 Habang nakatira sa Tundo, nanligaw si Balagtas sa isang Lucena at isang may palayaw na Bianang. Nang lumipat siya sa Pandacan noong 1835 o 1836, nanligaw naman siya sa dalawang dalagang may inisyal na M.A.R. , kina Maria Asuncion Rivera  at Magdalena Ana Ramos. Gayunpaman, sinigurado ng mga kamag-anak ni Balagtas na si Maria Asuncion Rivera  ang “Celia” sa tula ni Balagtas.

 Naging karibal ni Balagtas sa pag-ibig ni Maria Asuncion Rivera si Mariano Kapuli na taga-Pandacan din.  Dahil mayaman, ginamit diumano nito ang kapangyarihan upang maipabilanggo si Balagtas sa gawa-gawang kaso. May haka siCruz na ang “Florante at Laura” ay isinulat ni Balagtas habang nasa kulungan at nakikini-kinita nito ang tuluyang pagkawala ni “Celia” na nagpakasal kay Kapuli.

 Nagbalik sa Tundo si Balagtas noong 1838 at ipinagpatuloy ang pagsusulat ng tula at dula na siyang ikinabuhay nito.

 Noong 1840, lumipat siya sa Balanga, Bataan dahil kinuhang auxiliar o kawani sa opisina ng juez de residencia.  Doon, naging kawani rin siya ng eskribanong si Victor Figueroa.  Dahil sa kanyang trabaho, nakapupunta siya sa ibang bayan ng Bataan at noon nakilala si Juana Tiambeng ng Udyong. Niligawan niya ang dalagang anak ng maykayang mag-asawag Tsino na sina Juan Tiambeng at Dominga Rodriguez.

 Noong 1856 o 1857, nagkakaso si Balagtas dahil sa pagputol diumano sa buhok ng isang babaeng alila ng mayamang Alferez Lukas.  Nahatulan at nakulong si Balagtas nang apat na taon. Anim na buwan siyang nakulong sa Balanga bago inilipat sa isang bilangguang Pambansa sa Tundo. Nakalaya siya at bumalik sa Udyong noong 1860.

 Naubos ang yaman ni Juana Tiambeng dahil sa kaso ni Balagtas.  Bilang ganti, pinag-ibayo ng makata ang kasipagan sa pagsulat ng awit, korido at moro-moro.  Kumita rin siya nang malaki bilang tagasulat ng mga dokumento sa Espanyol.  Sa loob nang 20 taong pagsasama, nagkaroon sila ng 11 na anak na sina Marcelo, Juan, Miguel, Ceferino, Victor, Josefa, Maria, Marcelina, Julia, Isabela at Silveria.  Mahigpit daw niyang itinagubilin na pagbawalang sumunod sa kanyang mga yapak ang mga anak, at “putlin ang kanilang kamay kung sakali’t matulad nga sa kanya”.

 

 

 

 


Walang komento: