Pages

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ang Gererong Moro. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ang Gererong Moro. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Pebrero 23, 2015

Florante at Laura:Saknong 143-164



143
Sa pagkalungayngay mata'y idinilat,
himutok ang unang bati sa liwanag;
sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
"Nasaan ka Laura sa ganitong hirap?"
144
"Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin,
kung mamatay ako'y gunitain mo rin."
pumikit na muli't napatid ang daing,
sa may kandong namang takot na sagutin.
145
Ipinanganganib ay baka mabigla,
magtuloy mapatid hiningang mahina;
hinintay na lubos niyang mapayapa
ang loob ng kandong na lipos-dalita.
146
Nang muling mamulat ang nagitlaanan,
"Sino? sa aba ko't nasa Morong kamay!"
ibig na iigtad ang lunong katawan,
nang hindi mangyari'y nagngalit na lamang.
147
Sagot ng gerero'y "Huwag kang manganib
sumapayapa ka't mag-aliw ng dibdib;
ngayo'y ligtas ka na sa lahat ng sakit,
may kalong sa iyo ang nagtatangkilik.
148
"Kung nasusuklam ka sa aking kandungan,
lason sa puso mo ang hindi binyagan
nakukutya akong di ka saklolohan
sa iyong nasapit na napakarawal.
149
"Ipinahahayag ng pananamit mo,
taga-Albanya ka at ako'y Persyano;
ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko,
sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo.
150
"Moro ako'y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dine sa puso ko'y kusang natititiknatural
na ley-ing sa aba't mahapis.
151
"Anong gagawin ko'y aking napakinggan
ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay,
gapos na nakita't pamumutiwanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan."
152
Nagbuntunghininga itong abang kalong
at sa umaaaliw na Moro'y tumugon,
"Kung di mo kinalag sa puno ng kahoy,
nalibing na ako sa tiyan ng leon.
153
"Payapa na naman disin yaring dibdib,
napagkikilalang kaaway kang labis;
at di binayaang nagkapatid-patid
ang aking hiningang kamataya't sakit.
154
"Itong iyong awa'y di ko hinahangad,
patayin mo ako'y siyang pitang habag;
di mo tanto yaring binabatang hirap,
na ang kamatayan ang buhay kong hanap."
155
Dito napahiyaw sa malaking hapis
ang Morong may awa't luha'y tumagistis;
siyang itinugon sa wikang narinig
at sa panlulumo'y kusang napahilig.
156
Anupa't kapwa hindi nakakibo
di nangakalaban sa damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago't
humilig sa Pebo sa hihigang ginto

157
May awang gerero ay sa maramdaman,
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.
158
Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
159
Kumuha ng munting baong makakain,
ang nagdaralita'y inamong tumikim,
kahit umaayaw ay nahikayat din
ng sabing malambot na pawang pang-aliw.
160
Naluwag-luwagan ang panghihingapos,
sapagka't naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.
161
Ito'y di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang nagkalat sa gubat.
162
Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki'y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
163
Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.
164
Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatiwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.