Pages

Sabado, Hulyo 30, 2011

PAKSIW NA AYUNGIN


Pete Lacaba

Ganito ang pagkain
ng paksiw na ayungin
bunutin ang palikpik
at ang natirang tinik
(para sa pusa iyan)
at ilapit sa labi
ang ulo at sipsipin
ang mga matang dilat;

pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang katas nito
saka mo umpisahan ang laman


Unti-unti lang, dahan
dahan, at simutin nang
husto-kokonti iyan
ulam natin, mahirap
paglawain sa sabaw

at huwag kang aangal
payat man ang ayungin
pabigat din sa tiyan..


Paglisan


Joi Barrios

Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Walang labis, walang kulang.
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Nunal sa balikat,
Hungkag na tiyan.
May tadyang ka bang hinugot
Nang lumisan?
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Sa kaloob-looban,
Sa kasulok-sulukan
Nais kong mabatid

Ang lahat ng iyong
Tinangay at iniwan.
Nais kong malaman,
Kung buong-buo pa rin ako sa iyong
paglisan



Biyernes, Hulyo 29, 2011

Sa aking mga Kababata

ni  Jose Rizal

Kapagka ang baya'y sadyáng umiibig
Sa kanyáng salitáng kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharián,
At ang isáng tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaán.

Ang hindi magmahal sa kanyang  salitâ
Mahigit sa hayop at malansáng isdâ,
Kayâ ang marapat pagyamaning kusà
Na tulad sa ináng tunay na nagpalà.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Inglés, Kastilà at salitang  anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingín
Ang siyang naggawad, nagbigay  sa atin.

Ang salita nati'y tulad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawalá'y dinatnan ng  sigwâ
Ang lunday sa lawà noóng  dakong una



Huwebes, Hulyo 28, 2011

ANG BUHAY NG TAO



Jose Corazon de Jesus

Inakay na munting naligaw sa gubat
ang hinahanap ko’y ang sariling pugad
ang dating pugad ko noong mapagmalas
nang upuan ko na ang laman ay alias.

O ganito pala itong daigdigan
marami ang sama kaysa kabutihan
kung hahanapin mo ang iyong kaaway
huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.

Ako’y parang bato na ibinalibag
Ang buong akala’y sa langit aakyat
Nang sa himpapawid ako’y mapataas
ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.

INANG WIKA


-Amado V. Hernandez

Natapos ang kasal…
Maligayang bati, birong maaanghang
At saboy ng bigas ang tinanggap naming pagbaba sa altar;
Nang mga sandaling pasakay na kami sa aming sasakyan
Ay may alingasngas akong napakinggan…
At aking natanaw;
Yaon ding matanda ang ligid ng taong hindi magkamayaw;
Ako’y itinulak ng hiwagang lakas na di mapigilan
At siya’y patakbong aking nilapitan;
Nang kandungin ko na sa aking kandungan,
Sa mata’y napahid ang lahat ng luha, dusa’t kalungkutan,
Masuyong nangiti’t maamong tinuran: