I. Kay
Selya
Inihayag dito ni
Balagtas ni kanyang damdamin -
kalungkutan, pangungulila at pag-ibig sa dalagang hindi itinadhana para
sa kanya. Inalala niya ang mga masasayang araw noong magkasama pa sila. Inihandog
niya ang kanyang akda sa dalaga. Hiniling niyang sana kung mabasa nito ang
kanyang awit ay maalala man lang siya. At hiniling din ni Balagtas na ipagdasal
siya ni Celia o M.A.R.
II. Sa Babasa Nito
Sa
bahaging ito inihayag ni Balagtas ang kanyang mensahe sa babasa ng kanyang akda
– (1) pakikinabangan ng gustong umunawa ang kanyang awit, (2) matutuwa ang
matalinong babasa nito (3) huwag baguhin ang berso (4) huwag agad hatulan ang
kanyang akda dahil lang may nabasang salita na hindi maintindihan, (5) gamitin
ang talababa para mas maunawaan ito at (6) ayaw niyang magaya kay Segismundo na
pumangit ang akda dahil sa kababago nito.
III. Puno ng Salita
Sa
isang madilim na gubat ay nakatali sa isang puno ng Higera ang isang matikas na binata na taga-kaharian ng
Albanya. Labis siyang namimighati dahil sa kinahinatnan ng kanyang bayan, sa
pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo at sa kaiisip kay Laura na inakala
niyang nagtaksil sa kanya at ipinagpalit siya kay Konde Adolfo.
Sa di-kalayuan,
dumating ang isang gererong moro na nananangis din dahil sa kalupitan ng
sariling ama na umagaw sa kasintahan nito na si Flerida.
Naulinigan ng gererong
moro ang pagtangis ng lalaking nakagapos kaya tinunton nito ang kinaroroonan ng
huli na noon ay wala nang malay-tao at nasa bingit ng kamatayan dahil sa
dalawang leon.
Iniligtas ng gererong
moro ang lalaki na nagulat nang magkamalay at mapagtanto niyang iniligtas siya
ng isang kaaway.
Kinabukasan, bumuti na
ang pakiramdam niya at nagkuwento na
siya sa gererong moro.
Nagpakilala
siyang si Florante mula sa Kaharian ng Albanya.
Isinalaysay niya ang buong buhay niya - ang kanyang kapanganakan, pamilya, kabataan, pag-aaral,
pag-ibig at hanggang sa pagtatagumpay niya sa mga labanan bilang heneral ng
hukbo sa Albanya.
Si Florante ay solong
anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca.
Wala namang gaanong
nangyari sa kanyang kamusmusan maliban sa muntik na siyang dagitin ng buwitre
habang natutulog noong sanggol pa lamang siya. Iniligtas siya ng pinsan niyang
si Menalipo. At sinambilat ng isang arkon ang dyamanteng hiyas sa kanyang
dibdib noong bago pa lamang siyang naglalakad at naglalaro sa kanilang salas.
Lumaki siyang
nararamdaman ang tunay na pagmamahal mula sa kanyang mga magulang at sa mga taong
nakapaligid sa kanya. Mahilig siyang mamasyal sa tabi ng gubat at mamana ng mga
hayop.
Nakilala at naunawaan
niya na ang anak ay dapat turuan at hindi dapat palakhin sa layaw ng magulang.
Dahil sa pag-ibig ng
kanyang mga magulang, ipinadala siya sa Atenas upang mag-aral noong siya’y edad
labing isa pa lamang. Naging guro niya si Antenor. Sa Atenas din niya nakasama si Konde Adolfo
na kinilalang matalino at ulirang mag-aaral bago ito naungusan ni Florante sa
tagumpay at karangalan bilang mag-aaral.
Nahayag ang katotohanan na
paimbabaw lang ang ipinakita nitong mga kabaitan nang tangkain nitong patayin
si Florante sa pagtatanghal nila ng isang
trahedya sa isang pagdiriwang sa Atenas. Mabuti na lang nailigtas siya ng
matalik niyang kaibigan na si Menandro.
Dahil sa nangyari,
pinauwi si Adolfo sa Albanya.
Makalipas ang isang
taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng
balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca. Dalawang buwan pa
ang lumipas bago nakauwi si Florante sa Albanya. Pinaalalanan siya ni Antenor
na mag-ingat kay Adolfo. Sumama sa kanyang pagbabalik si Menandro.
Halos, kararating pa
lang nila sa Albanya, nang dumating ang isang kinatawan ng kaharian ng Krotona
na may dala ng mensahe na humihiling ng tulong mula sa Albanya. Kubkob na ng
mga kalabang taga-Persya sa pamumuno ni Heneral Osmalic na kanang kamay ni
Prinsipe Aladin na morong gererong
hinahangaan ni Florante.
Nagtungo sila sa
palasyo kung saan malugod dilang sinalubong at pinatuloy ni Haring Linceo.
Itinalaga ng hari si Florante para maging Heneral na mamumuno sa hukbo na
tutulong sa Crotona. Bagama’t ayaw pa sana ni Duke Briseo na masabak sa labanan
ang kanyang anak, hindi na ito tumutol.
Noon niya unang nakita
si Laura na agad bumighani sa kanyang puso.
Bago umalis si Florante at ang kanyang hukbo, muli niyang nasilayan si
Laura. Inihayag niya ang kanyang pag-ibig sa dalaga. Hindi man agad ito tumugon na iniibig din siya nito, sapat
na ang nakita nito nang paalis na sila
papuntang Crotona.
Naging matagumpay ang
unang pakikidigma ni Florante. Napatay niya si Heneral Osmalik. Limang buwan pa silang namalagi sa Crotona.
Pabalik na sila sa
Albanya nang matanaw nila na bandila na ng mga Persyano ang nakawagayway sa
Albanya. Huminto muna sila sa paanan ng isang bundok upang makiramdam at
magmasid nang matanaw nila ang isang pulutong ng mga Moro na may bihag na
babaeng nakatalukbong.
Sa naisip na baka si
Laura iyon, agad sumugod si Florante.
Hindi nga siya nagkamali. Si
Laura nga. Hinatulan ito ng kamatayan dahil sa pagtanggi at pagsampal nito sa
emir. Nakumpirma ni Florante na iniibig
din siya ng Prinsesa.
Mula sa dalaga, nalaman
nila ang sinapit ng Albanya. Agad silang
lumusob at muling nabawi ang kaharian.
Pinalaya ni Florante mula sa sa kulungan si Haring Linceo, ang kanyang
ama at lahat ng mga kababayan nilang nabihag kasama si Adolfo.
Naging kapansin-pansin
ang paninibugho ni Adolfo kay Florante dahil sa papuri ng hari at pagtingin ni
Laura sa kanya.
Muling sumabak at
nagtagumpay sa labanan si Florante sa pagtatanggol sa Kaharian ng Albanya laban sa mga sumalakay na taga-Turkiya.
Umabot sa 17 kaharian
ang kaniyang kinalaban at nagtagumpay si Florante.
Ang huli ay ang Etolya
kung saan isang araw pa lang matapos ang kanilang pagkapanalo, nakatanggap siya
ng sulat mula sa Hari na pinapauwi siya agad sa Albanya. Ipinagkatiwala niya
ang kanyang hukbo sa matalik niyang kaibigan at kanang kamay na si
Menandro. Agad siyang bumalik sa
Albanya.
Gabi na nang dumating
siya sa Albanya. Buong tiwalang pumasok siya sa reyno. Nang biglang kinubkob siya ng may tatlumpong
libong sandatahan. Ni hindi na niya nagawang mabunot pa ang kanyang sandata.Binidbid ng gapos ang
kanyang buong katawan at ipiniit sa karsel. Doon ay nalaman niyang pinatay ni
Konde Adolfo sina Haring Linceo at ang kanyang amang si Duke Briseo. Nalaman
din niyang nangako si Laura na magpapakasal kay Adolfo.
Nabilanggo si Florante
nang labingwalong araw bago siya dinala nang gabi sa gubat, iginapos at iniwan
para mamatay. Ngunit sa pangalawang araw niya roon, nagising siyang nasa kandungan ng morong
nagligtas sa kanya. Ang moro na katabi
niyang nakaupo at pinagkuwentuhan niya
ng kanyang buhay.
Pagkatapos
ng pagsasalaysay ni Florante, nagpakilala ang gererong moro na si Aladin.
Napagkasunduan nilang magkasama na lang silang maninirahan sa kagubatang iyon.
Magkukuwento rin sana si Aladin tungkol sa buhay nito ngunit naging emosyal
ito. Iginalang ni Florante ang damdamin
nito.
Pagkalipas
ng may limang buwan, habang naglilibang na nilibot nila ang loob ng gubat, nagkuwento na si Aladin tungkol sa buhay nito.
Si Aladin ay anak ni
Sultan Ali Adab na umagaw sa kasintahan niyang si Flerida. Si Aladin ang namuno sa pagsakop sa Albanya
ngunit pagkatapos ay umuwi na siya sa Persya.
Ipinakulong siya agad ng kanyang amang Sultan dahil sa kanyang
pagbabalik nang wala pa itong utos. At
nang nabalitaan nito na nabawi ni Florante ang Albanya, hinatulan na si Aladin
na pupugutan ng ulo.
Ngunit kinagabihan bago
ang nakatakdang pugutan ito ng ulo, pinuntahan ito ng isang heneral na
nagbalita ng patawad sa kondisyong huwag na itong maabutan ng bukas sa
reyno. Mabigat man sa kalooban nito,
sumunod na lang si Aladin.
Umalis itong
nangungulila sa pinakaiibig nitong kasintahang si Flerida.
Anim na taon na itong
naninirahan sa gubat na iyon
Maya-maya’y
may naulinigan silang nag-uusap.
Ayon
sa isa, nang malaman nitong pupugutan ng ulo ang iniibig nitong nasa kulungan,
nagmakaawa ito sa haring sukaban at nangakong magpapakasal dito kung
patatawarin ang anak nito ngunit kung
tatanggi ito, hindi nito mapapatawad.
Nagsakripisyo ito
alang-alang sa iniibig nitong kasintahan.
Napaniwala naman nito ang hari. Pinatawad nito ang anak ngunit pinaalis
at hindi na pwedeng bumalik.
Inihahanda na ang
pag-iisang-dibdib nito at ng hari.
Ngunit isang
hatinggabi, dumaan ito sa bintana at tumakas.
Napadpad at nanirahan sa bundok at gubat. At dumating doon kaya nailigtas nito ang
kausap.
Napatigil
ang mga ito sa pag-uusap dahil sa biglang pagdating nina Aladin
at Florante na agad humangos doon
nang mabosesan na ang mga nag-uusap ay ang mga dalagang iniibig nila - sina Flerida at Laura.
Pakiramdam ng apat,
nasa isang paraiso na sila sa gitna ng
malungkot na gubat na iyon. Walang
pagsidlan ang kaligayahang lumukob sa puso ng bawat isa sa kanila.
Maya-maya
pa’y nagsalaysay din si Laura.
Hindi
nagtagal pagkaalis ni Florante at ng kanyang hukbo, nagkaroon ng hindi
maipaliwanag na piping gulo na umabot hanggang palasyo.
Nabigla ang mga ito nang
kinubkob na ng mga kalaban ang palasyo. Nagkagulo na sa kaharian at sumisigaw
ang mga tao laban kay Haring Linceo na diumano’y nagpanukalang gutumin ang mga
ito. Puwersahang inalis sa trono ang hari at pinugutan ng ulo. Pinagpapatay ang
lahat ng makitang mababait sa kaharian.
At pakana lahat ito ni Adolfo upang maangkin nito ang trono.
Nagbanta itong
papatayin si Laura na papatayin kapag tumanggi sa pag-ibig nito. Para makaganti kay Adolfo, hindi ipinahalata
ng prinsesa ang pagkasuklam nito sa lalaki.
Lihim itong sumulat kay Florante na noon ay nasa Etolia.
Humiling ng limang
buwan si Laura bago nito tanggapin ang pag-ibig ni Adolfo. Pero ang plano ng dalaga ay magpatiwakal
kapag hindi dumating si Florante.
Ngunit wala pang isang
buwan, nahulog sa patibong ni Adolfo si Florante nang bumalik itong mag-isa. Sa
takot ni Adolfo sa binata kapag bumalik na kasama ang hukbo, pinadalhan nito ng
sulat na may selyo at pirma ni Haring Linceo para umuwing mag-isa.
Nang nakahanda na ang
loob ng dalaga para magpatiwakal, dumating si Menandro at ang hukbo. Ito ang nakatanggap ng sulat ni Laura. Nang
wala nang magawa si Adolfo, tumakas na lang at isinama si Laura sa gubat.
Pinagtatangkaan nitong halayin si Prinsesa Laura nang tamaan sa dibdib ng isang
sibat at namatay.
Sinabi ni Flerida na
narinig nito ang paghingi ni Laura ng saklolo. Nang makita nito ang tangkang
panghahalay sa dalaga, agad nitong bininit sa busog ang isang palaso na tumapos
sa taksil na si Adolfo.
Di
pa natatapos magsalita si Flerida, dumating si Menandro at ang hukbo na
naghahanap kay Adolfo.
Nabalot ng katuwaan ang
lahat.
Bumalik
na sila sa Reyno ng Albanya kung saan nagpabinyag sina Prinsipe Aladin at
Flerida.
Ikinasal
ang magkakasintahan.
Nang namatay si Sultan
Ali-Adab, umuwi sa Persya sina Prinsipe Aladin at Flerida.
Nanumbalik ang
kapayapaan sa Reyno dahil sa mahusay na pamamalakad ng Hari at Reyna.
***W a k a s***