Pages

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ponolohikal sa wikang Filipino gamit ng mga patinig na e at i. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ponolohikal sa wikang Filipino gamit ng mga patinig na e at i. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Enero 23, 2021

Replektibong Sanaysay Tungkol sa Ponolohikal na Varayti ng Wika

 

- Joy Ollero

 

 

May pagkakataong napuri ako ngunit mas maraming beses na na-bully ako dahil sa pagbigkas ng mga salita sa Filipino at English na kalauna’y nalaman kong dahil pala sa Ponolohikal na Varayti ng Wika.

 

Ipinanganak ako at namuhay sa probinsya nang halos tatlong dekada. Kung tutuusin, Ilocano ang unang kong wika ngunit parang simula’t sapul, ginagamit ko na rin ang Filipino.  Sinanay kasi akong magsalita ng Tagalog.

 

Kaya naman, minsan, napupuri ako ng ilang matatanda sa probinsya dahil mahusay daw akong mag-Tagalog at hindi halata na hindi ako lumaki sa Maynila.  Ngunit pagdating naman sa Kamaynilaan, malimit na napapansin ang matigas na pagbigkas ko raw ng mga salita. Lumalabas daw ang pagka-Ilocano ko.

 

Minsan, pinuproblema ko ito. Bakit kasi?

 

Ayon sa isang pagtalakay sa klase, ang Ponolohikal na varayti ay ukol sa ponema na yunit ng tunog ng ating wika na nagpapaiba rin sa kahulugan nito. Nagiging salik sa pagkakaroon ng varayti ng wika ang Ponolohiya dahil sa iba’t ibang paraan ng pagbigkas ng tunog ng mga taong kabilang naman sa iba’t ibang kultura.

 

Sa madaling salita, ang ponolohikal na varayti ng wika ay ukol sa mga salita o ekspresyon na parehas ang kahulugan ngunit magkaiba ang tunog at bigkas ng mga salita (dialectal accent).

 

Batay na lang sa salitang “ponolohiya” na kumbinasyon ng mga salitang “pono” na “phone” sa Ingles ay nangangahulugan “tunog” at “lohiya” na ang ibig sabihin naman ay pag-aaral ng mga tunog. At ang “ponolohikal na varayti ng wika” ay isa sa tatlong salik ng pagkakaroon ng pagkakaiba sa tawag o kahulugan ng mga salita.

 

Pinakakaraniwang halimbawa ng ponolohikal na varayti ang pagkakapalitan ng bigkas sa /e/ at /i/ gayundin sa /o/ at /u/.

 

Ngunit sa palagay ko, isa pang dahilan ng pagkakapalitan ng bigkas /e/ at /i/ o ng /o/ at /u/ ay medyo nakasanayan din ito ng dila ng mga Pilipino palihasa’y noong unang panahon, sa Baybayin, tatlo lang naman ang patinig - a, e/i at o/u.

 

Kaya siguro partikular ang pagkakamali ko lalo na sa mga pangalan ng tao katulad ng “Amelia” na nagiging “Amilia”, “Celia” na nagiging “Cilia” at “Emilio” na nagiging “Imilio” kundi man “Emelio”.  Ang isa pa sa mga salitang malimit na napagpapalit ko ang ay “peso” at “piso”.

 

Marahil nga, maaari itong iugnay sa Ponolohikal na varayti ng wika. Ngunit sa kung paano, hindi ko pa ganap na maipaliwanag. Siguro nga, sadyang “dialectal accent” ang problema.  O baka nga minsan, sadyang may kakaiba lang sa dila ko.

 

Sa susunod na may mam-bully sa akin, sasabihin ko na lang na “Ponolohikal na varayti ng wika ang gamit ko.  Magsaliksik ka nang malaman mo.” J