ni Liwayway A. Arceo
Ilang gabi nang ako
ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng kanyang
dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka
sa malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng
bagay, paghikbi...
Ilang araw ko nang
hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang isang
larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang
buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang
ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas
na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay
Ina...
Sa Ina ay hindi
palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako
inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang
kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘di
ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko
namamalas ang pagkagat niya sa kanyang labi. Kailangang ‘di ko na makita ang
panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang mariing huwag kung mayroon siyang ipinagbabawal.
Ang ngiti ni Ina ay
patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na
uhaw...
Minsan man ay hindi ko
narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may
magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila
may hawak na kaunawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot
kailanman.
Kung gabi ay hinahanap
ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre
at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at
nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang
bata.
Ngunit, sa halip niyon
ay minalas ko si ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa
kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot ang kanyang noo;
kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano
siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang
kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...
Si Ina ay isang
magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng mga
uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda
ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay
natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunit, ang pananabik na
ito’y napapawi.
Kabagut-bagot ang
aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang marahil ay
nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti
ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na
nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at
kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaaring
maging katapatan...
Sakali mang hindi
nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi ipinamamalay
sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti,
ng mga biruan.
Sapat na ang isang
tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam
ni Ama. Sapat na ang naningil na ang
maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong
itatagal ng isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang
may naririnig siya.
Mabibilang sa mga
daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina
at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang
pag-aaliw.
Inuumaga man si Ama sa
pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina.
Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog
siya o hindi ay hindi ko matiyak.
Marahil ay ito ang
tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...
Ngunit, walang
pagsisisi sa kanyang tinig.
Ilang taon na ngayon
ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw
ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina:
yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may
bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi
pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang
talaarawan?
Lasing na lasing si
Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya
ngayong gabi. Hinihilamusan siya ni ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala
itong naibigay na ginhawa.
Hindi rin kumikino si
Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol.
Sapagkat may isusulat
ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating
ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...
Idinaraing ngayon ni
Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.
Marahil
ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.
Isang panyolitong basa
ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking
ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.
Ang kanyang mga bisig,
buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa tuhod hanggang
sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala
kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob
ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit
na tubig na pinigaan ng kalamansi.
Nakangiti si Ama:
Manggagamot pala ang aking dalaga!
Sinuklian ko ng isang
mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.
Sana’y ako si ina sa
mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang nadarama kong
kasiyahan...
Nabigo ako sa aking
pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan
ni Ina: sa ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na
guhit.
Anang manggagamot ay
gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang ipagtapat sa
akin ang karamdaman ni Ama.
Ipinaayos ngayon ni
Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko ang
kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel
sa kanyang mga kahon.
Ang pang-ilalim na
kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka: may
isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga
bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga
nasa sobre.
Ang larawan sa
kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng tuka ng
isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at
bilugang mga titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang
larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanya at sa
mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama.
Bakit sa panahong ito
lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking katiwasayan kung
hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na
hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang
kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...
Naiwan na natin ang
gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit,
nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa
kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa
alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap;
sana’y huwag tayong magising sa katotohanan...
Nakita ko siya kagabi
sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng
isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko
mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay
mahal sa akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...
Ang pag-ibig na ito’y
isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako ang
nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang
tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho
pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa
akin...
Ngunit, bakit
napakahirap ang lumimot?
Nadama ko ang kamay ni
Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may pumasok sa
aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya
ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.
Si Ina ay dumating at
lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati
ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag
daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...
Ang katahimikang
namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang
pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa
ko sa mga paninging yaon.
Hiningi ni Ama ang
kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama sa
kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat
nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa
itim na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa
aking paghinga.
Nasa kalamigan ng lupa
ang kaluwalhatian ko!
Kailanman ay hindi ko
aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito.
Huwag kang palilinlang
sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa
tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong
Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong
sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...
Muli kong nadama ang
tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.
Kinatatakutan ko na
ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.
Si Ina ay patuloy sa
kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy sa
kanyang pahluha kung walang makakita sa kanya...
Ang kanang kamay ni
Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas na
damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.
Naupo siya sa gilid ng
higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.
Magaling na ako, mahal
ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan
tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking
wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...
Ang
malabubog na tubig na bumabakod sa mga paningin ni Ina ay nabasag at ilang
butil niyon ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na
iminulat ni Ama at sa pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo
niyang labi ang isang ngiting punung-puno ng pagbasa. Muling nalapat ang mga
durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid ang mga matang
binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.
Nasa mga palad pa rin
ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin mo, mahal ko, na maaangkin ko na ang
kaligayahan ko...
Kinagat ni Ina nang
mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko naaming kay Ina ang
tinig na yaon: Maaangkin mo na, mahal ko!
Ang init ng mga labi
ni Ina ang kasabay ng kapayapaang nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa mga mata
man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala nang
luhang dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng
kalilisang kaluluwa...