Malaking bahagi ng aking kabataan sa dekada 80’s hanggang
mga unang taon ng 90’s ang KOMIKS. Kung
tutuusin, mas natuto at nahilig akong
magbasa ng iba’t ibang akda at babasahin dahil sa Komiks. Naaalala ko pa, bawat bahay yata sa lugar namin noon,
bumibili ng komiks tapos naghihiraman kami.
Hanggang kolehiyo, pag nasa bayan (palengke ako, hindi
puwedeg di ako dumaan sa komiks stand.
Nauupo ako doon, nag-aarkila at nagbabasa ng komiks. Mas matipid kasi at mas makakarami ako kung
renta na lang kaysa bibili ng bago.
Kailan nga ba nauso ang komiks?
Si Dr. Jose Rizal ang sinasabing kauna-unahang Pilipino na gumawa ng komiks
dahil sa kanyang komiks strip na “Pagong at Matsing” na inilathala sa magasing
"Trubner's Record" sa Europa noong 1884.
Halaw ang “Pagong at
Matsing” ni Rizal sa isang popular na pabula sa Asya.
Habang nasa panahon ng rebulosyunaryo ang Pilipinas noong
1896-1898, lumabs ang mga magasing may nakaimprentang mga cartoons. Kabilang dito ang “Miao” at “Te con Leche”.
Nang matalo ang Pilipinas sa digmaan, maraming mga Pilipino
na kontra sa mga Amerikano ang lumipat sa malayang pamamahayag.
Noong 1907, inilathala ang "Lipang Kalabaw", isang
magasing Tagalog na nasa pangangasiwa ni Lope K. Santos. Nagtataglay ang magasing
ito ng mga satirikong cartoons na patungkol sa mga Amerikanong opisyal. Ngunit
natigil ang paglalathala ng magasing noong 1909.
Lumabas ang mga unang
serye ng Filipino komiks bilang page filler sa mga magasing tagalog noong 1920.
Kabilang sa mga magasing ito ang "Telembang" at ang muling binuhay na
"Lipang Kalabaw", na nagtataglay pa rin ng mga satirikong cartoons
laban sa mga Amerikano at mga pederalista.
Maituturing ang dalawang komiks na
ito bilang mga “panimula” ng komiks sa Pilipinas.
Noong 1922, lumabas naman ang Liwayway, na sa simula ay hindi naglalaman ng komiks serye
ngunit pagdating ng 1929, inilathala na sa magasin ang "Album ng Mga
Kabalbalan ni Kenkoy" bilang isang filler sa entertainment section nito.
Ang karakter na si Kenkoy ang bida sa seryeng ito, isang nakatutuwang batang
Pilipino na naging representasyon ng mga kabataang may pagiisip na kolonyal
noong 1930s.'
Mula noon, nagsulputan na ang mga regular na serye ng
komiks. Unang lumabas ang Halakhak Komiks noong 1946, na tumagal lamang
nang sampung edisyon dahil sa kakulangan ng maayos na distribusyon.
Noong 1947, lumabas naman ang Pilipino Komiks, sa pamamahala
ni Tony Velasquez. Nagbigay-daan ito
para sa paglalathala ng iba pang magasin ng komiks.
Sunod-sunod na ang paglabas ng mga naging sikat na komiks
tulad ng Tagalog Klasiks noong 1949, at
Silangan Komiks noong 1950.
Lumabas ang unang isyu ng Silangan Komiks noong Marso 15,
1950 sa ilalim ng pamamahala ni Ben Cabailo, Jr., ipinagmalaki nito ang mga
pinakabata at magagaling na dibuhista nang panahong iyon na sina Nestor
Redondo, Alfredo Alcala, Nolasco “Noly” Panaligan, Elpidio Torres at Antonio de
Zuniga. Isa sa mga sumukat na kuwento mula sa Silangan ay ang “Prinsipe Ahmad,
Anak ni Aladdin” na likha ni Alfredo P. Alcala.
Ilang lingo matapos ilabas ang unang komiks ng Silangan,
inilathala ang Aksiyon Komiks ng Arcade Publications. Naging patnugot nito si Eriberto Tablan samantalang sina Alfredo Alcala at Virgilio Redondo naman
ang mga punong ilustrador.
Sumunod sa mga ito ang Bituin Komiiks (April 1950) Bulaklak Komiks (Agosto 1950),
Pantastik Komiks (Oktubre 1950), Hiwaga Komiks (1950), Espesyal (1952), Manila
Klasiks (1952), at Extra Komiks (1953). Dito nagsimula ang isa sa pinakamalaking
industriya ng komiks sa buong mundo, kaya noong kalagitnaan ng 1950’s, hindi
man opisyal ay itinuring ang komiks bilang pambansang libro ng mga Pilipino.
Lumawak pa ang mga ginamit na anyo sa paggawa ng
komiks. Noong 1950s, kumuha ng inspirasyon
ang komiks mula sa ibang anyo ng panitikan tulad ng komedya, alamat, mga
paniniwala at maging sa mitolohiyang Pilipino.
Mayaman sa mga kuwentong patungkol sa aswang, kapre, nuno sa
punso, tikbalang at iba pang mga karakter na mga sinaunang paniniwala ng mga
Pilipino ang mga naunang komiks na Tagalog.
Hinango ng ilang komiks ang mga ideya ng karakter sa mga
komiks ng Amerika, tulad ng Kulafu at Og (Tarzan), Darna (Wonder Woman o
Superman), at D.I. Trece (Dick Tracy).
Sa panahon ng Martial Law, ipinatanggal ang ilan sa mga
nilalaman ng komiks. Ipinag-utos din ang paggamit ng murang papel para sa
komiks. Naapektuhan nito ang itsura at kalidad ng komiks, kaya naman bumaba ang
benta ng mga ito sa pagpasok ng dekada 80s.
Nagresulta ito sa pag-alis ng mga dibuhista o ilustrador ng
komiks sa Pilipinas para magtrabaho sa parehong industriya sa Amerika. Kabilang dito sina Alfredo Alcala, Mar Amongo,
Alex Nino, Tony de Zuniga, Rudy Nebres at Nestor Redondo.
Pagkatapos ng Martial Law, muling namuhunan ang industriya
ng komiks sa mga makabagong mambabasa.
Drama ang naging usong tema sa komiks sa pagpapasikat ng mga manunulat
na sina Pablo S. Gomez, Elena Patron at Nerissa Cabral.
Dekada otsenta, nauso naman ang mga Komiks na tulad ng Love Story, Love Song, Love Letter, Theme Song at iba pa na nagpokus sa mga Kuwentong Pag-ibig.
Tumagal lamang ang pagbabalik ng interes sa komiks hanggang sa mga unang taon ng 1990s kung kailan
nagsimula nang mahumaling ang mga Pilipino sa ibang anyo ng paglilibang tulad
ng video games, karaoke, pocketbook novels, at kalaunan, sa cellphones na
sinundan pa ng Internet at text messaging.
Maraming gumagawa ng komiks ang nagtipid sa produksyon,
binawasan ang suweldo ng mga manunulat at dibuhista, gumamit ng murang papel at
dinamihan ang mga pahinang nakatuon sa showbiz kaysa komiks. Dahil sa baba ng
suweldo, ang mga manggawa sa industriya ng komiks ay nawalan na ng gana sa
paggawa ng mga lumang kuwento at ang guhit ng mga ilustrador ay pangkaraniwan
na lamang. Samakatuwid, hindi na nito
nasasalamin ang mayamang g tradisyon ng komiks na nasimulan noon.
Sa taong 2005, wala nang kahit anong kumpanya o malaking
tagalimbag ng komiks sa Pilipinas. Ang mga naiwan ay mga maliliit na lamang na
naglalathala ng sariling titulo ng komiks.
Sa kasalukuyan ay marami pa rin ang nagnanasang buhayin ang
industriya sa bansa. Isa na rito si Carlo J. Caparas. Noong taong 2007, tinangka niyang buhayin at
pasiglahin ang tradisyunal na komiks sa sirkulasyon sa pamamagitan ng mga
ginawa nilang komiks caravan sa iba’t bang bahagi ng bansa.
Hindi lamang sa Pilipinas nakilala ang galing at husay ng
mga manlilikha ng komiks kundi maging sa ibang bansa. World-class nga naman
kasi ang kakayahan ng mga Pilipino sa paglikha ng komiks.
Kinilala ang galing at husay ng mga Pilipino sa larangan ng sining
at malilikhaing pagsulat sa lokal man at internasyonal na komunidad . Kabilang sa mga komikerong Pilipino na kilala
sa labas ng Pilipinas sina Gerry Alaguilan, Whilce Portacio, Philip Tan Alfredo
Alcantara at marami pang iba.