84
Gerero'y namangha nang ito'y marinig
pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
nang walang makit'ay hinintay umulit,
'di naman nalao'y nagbagong humibik.
85
Ang bayaning Moro'y lalo nang namaang,
"Sino'ng nananaghoy sa ganitong ilang?"
lumapit sa dakong pinanggagalingan
ng buntung-hininga't pinakimatyagan.
86
Inabutan niya'y ang ganitong hibik:
"Ay, mapagkandiling amang iniibig!
Bakit ang buhay mo'y naunang napatid,
ako'y inulila sa gitna ng sakit?"
87
"Kung sa gunita ko'y pagkuru-kuruin
ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
parang nakikita ang iyong narating ...
parusang marahas na kalagim-lagim."
88
"At alin ang hirap na 'di ikakapit
sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
Ikaw ang salamin sa Reyno ng bait,
pagbubutunan ka ng malaking galit."
89
"Katawan mo ama'y parang namamalas
ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
pinipisan-pisan at iwinawalat
ng pawa ring lilo't berdugo ng sukab."
90
"Ang nagkahiwalay na laman mo't buto,
kamay at katawang nalayo sa ulo,
ipinaghagisan niyong mga lilo
at walang maawang maglibing ng tao."
91
"Sampu ng lingkod mo't mga kaibigan,
kung kampi sa lilo'y iyo nang kaaway;
ang 'di nagsaiyo'y natatakot namang
bangkay mo't ibao't maparurusahan."
92
"Hanggang dito ama'y aking naririnig,
nang ang iyong ulo'y itapat sa kalis;
ang panambitan mo't dalangin sa Langit,
na ako'y maligtas sa kukong malupit."
93
"Ninanasa mo pang ako'y matabunan,
ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan,
nang huwag mahulog sa panirang kamay
ng Konde Adolfong higit sa halimaw."
94
"Pananalangin mo'y 'di pa nagaganap,
sa liig mo'y biglang nahulog ang tabak;
nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
ang "Adiyos, bunso"'t buhay mo'y lumipas."
95
"Ay, amang ama ko! Kung magunam-gunam —
madla mong pag-irog at pagpapalayaw,
ipinapalaso ng kapighatian —
luha niring pusong sa mata'y nunukal."
96
"Walang ikalawang ama ka sa lupa
sa anak ng kandong sa pag-aaruga;
ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
sa habag mo'y agad nanalong ang luha."
97
"Ang lahat ng tuwa'y natapos sa akin,
sampu niring buhay ay naging hilahil;
ama ko'y hindi na malaong hihintin
ako't sa payapang baya'y yayakapin."
98
Sandaling tumigil itong nananangis
binigyang-panahong luha'y tumagistis
niyong naaawang Morong nakikinig ...
sa habag ay halos magputok ang dibdib.
99
Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
"Kailan," aniya, "luha ko'y bubukal
ng habag kay ama at panghihinayang
para ng panaghoy ng nananambitan?"
100
"Sa sintang inagaw ang itinatangis,
dahilan ng aking luhang nagbabatis;
yao'y nananaghoy dahil sa pag-ibig
sa amang namatay na mapagtangkilik."
101
"Kung ang walang patid na ibinabaha
ng mga mata ko'y sa hinayang mula —
sa mga palayaw ni ama't aruga —
malaking palad ko't matamis na luha."
102
"Ngunit ang nananahang maralitang tubig ...
sa mukha't dibdib ko'y laging dumidilig,
kay ama nga galing dapuwa't sa bangis,
hindi sa andukha at pagtatangkilik."
103
"Ang matatawag kong palayaw sa akin
ng ama ko'y itong ako'y pagliluhin,
agawan ng sinta't panasa-nasaing
lumubog sa dusa't buhay ko'y makitil."
104
"May para kong anak na napanganyaya,
ang layaw sa ama'y dusa't pawang luha,
hindi nakalasap kahit munting tuwa
sa masintang inang pagdaka'y nawala!"
105
Napahinto rito't narinig na muli
ang panambitan niyong natatali,
na ang wika'y "Laurang aliw niring budhi,
paalam ang abang kandong ng pighati."
106
"Lumagi ka nawa sa kaligayahan,
sa harap ng 'di mo esposong katipan;
at huwag mong datnin yaring kinaratnan,
ng kasing nilimot at pinagliluhan."
107
"Kung nagbangis ka ma't nagsukab sa akin,
mahal ka ring lubha dini sa panimdim;
at kung mangyayari, hanggang sa malibing,
ang mga buto ko, kita'y sisintahin."tulo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento