Noong unang panahon, sa tribu ng Hannanga sa lupain ng mga Ifugao, isang batang lalaki ang ipinanganak ng mag-asawang Amtulao at Dumulao. Pinangalanang Aliguyon, siya ay lumaking lubhang matalinong bata. Kinakitaan siya ng pagnanasang magtamo ng karunungan at kasanayan.
Lumaki si Aliguyon sa ilalim ng pagsasanay ng kanyang ama sa paghawak ng sibat at sa mga pangaral nito tunkol sa buhay. Dahil dito, sa pagkabata pa lamang niya ay nagging mahusay na siya sa pakikipaglaban at maging sa pagbigkas ng mahihiwagang orasyon. Hinahangaan siya ng ibang mga bata sa nayon at kinikilala bilang kanilang pinuno.
Sa simula pa lamang ay nabatid na ni Aliguyon mula sa kanyang ama ang tungkol sa matagal nang kaalit nito – si Pangaiwan ng Daligdigan. Nabuo ang kanyang murang isipan na ipaghiganti ang kanyang mga magulang sa kanyang kaaway kapag siyai’y lumaki na. Kaya nga’t nang nasa hustong gulang na si Aliguyon, inakit niya ang kayang mga kababata upang pumaroon sa Daligdigan at hamunin sa pakikipaglaban si Pangaiwan. Bago sumapit ang takdang araw ng kanyang paglisan ay nagsagawa muna si Aliguyon ng paghahanda para sa labanan.
I. Ang Paghahanda ni Aliguyon
Isang umaga, si Aliguyon ay makatlong uli na nagtawag sa kanyang mga kasamahan. Una ay upang maglaro ng trumpo. Naglaro sila nito mula sa bakuran hanggang sa loob ng bahay hanggang tamaan ng trumpo ang bangibang, isang uri ng agong. Hinanap ni Aliguyon, ang trumpo sa lugar na pinaglalagyan ng bangibang. Nang hindi Makita ang hinahanap, nainis at tinapon niya ang bangibang sa may harapan ng kanyang amang si Amtulao.
Ang pangalawang pagkakataon ng pagtawag ni Aliguyon ay upang mag-alay ng dasal sa manok na tandang. Gagawin niya ito upang matiyak na hindi siya matatalo sa panahon ng labanan. Kinuha ni Aliguyon ang tandang at dinala sa silong ng bahay. Naulingan naman ng kanyang inang si Dumulao ang ginagawa ng anak, at nagtataka siya kung saan natutuhan ng anak, sa murang gulang, magdasal sa manok.
Sinipa ng inang naiinis ang mangkok na may alak at itinapon ang pagtutuhugan niya ng manok. Hindi naman natinag sa kinaroroonan si Aliguyon. Sa kanyang pagmamaktol ay ipinagdasal niyang mabasag ang mangkok at maging kamalasan ng kanyang ina – at hindi para sa kanya – ang pagkakatapon sa kawayang tuhugan. Umalis si Dumulao na hindi malaman kung ano ang gagawin sa anak. Samantala, nagapatuloy naman si Aliguyon sa pagdarasal.
Ang dasal ni Aliguyon ay patungkol sa manok na unang nilikha at binuhay ng “kadiliman” at “kailaliman”. Ayon sa tradisyon, ito ay inaalagaan at pinarami ni Tadona, ang ninuno ng mga Kiangan sa Hannaga.
Humiling si Aliguyon sa manok na pangalagaan siya laban sa kanilang mga kaaway. Namanhikan din siya rito na kung isa man sa kanila ang mamamatay ay bigyan siya ng palatandaan – itaas ang tuka nito- upang hindi na nila ipagpatuloy ang balak na pakikipaglaban.
Ang pangatlong pagtawag ni Aliguyon sa kanyang mga kasamahan ay upang sila ay humimpil sa may batuhang bakuran na malapit sa kanilang kamalig. Ginawa niya ito matapos ang magandang kinalabasan ng kanyang pag-aalay. Kinuha niya ang inaagiw nang kalasag at sibat ng kanyang ama upang paghandaan ang pakikipaglaban.
Magdamag silang humimpil sa may kamalig. Sa unang pagtilaok ng manok, ginising niya ang kanyang mga kasamahan upang magluto ng makakain. Samantala, iniwan sila ni Aliguyon upang sumangguni sa ibong Idao hinggil sa paraang kanilang dapat gawin. Umuwi siya sa ama at tinanong ito kung saan makikita ang ibon.
HUmanga si Amtulao sa tapang na ipinakita ng anak nang malaman nitong balak ng anak na pumunta sa Daligdigan upang hamunin si Pangaiwan, ang matagal na niyang kalaban. Simula’t sapul ay iniisip na niyang ang anak ang magdadala ng katahimikan sa kanya. Ipinamanhik ni Amtulao sa kanyang anak na mag-uwi ito ng asawa mula sa nasabing tribo nang sa gayon ay malubos na ang katahimikanniya. At upang lubos na matiyak ni Amtulao ang kaligtasan at tagumpay ni Aliguyon, idinaan niya ito sa isang pagsubok: sinibat ng ama si Aliguyon at ito nama’y mabilis na nasalo ng anak.
Hinanap ni Aliguyon ang ibong Idao sa gubat at natagpuan niya ito. Sa pagkahuli sa ibon ay lalo pang tumatag ang kanyang katiyakan ng pagwawagi sa gagawing pakikipaglaban. Bumalik siya sa kampo, kumain at namahinga.
II. Ang Labanan Sa Daligdigan
KInabukasan, sinimulan nang bagtasin ni Aliguyon, kasama ng pangkat niyang sampung mandirigma, ang daan patungo sa Daligdigan. Nang masapit nila ang nayon ay isinigaw ni Aliguyon ang hamong pakikipaglaban sa pinuno nito. Narinig ito ng mga taga-tribo at ibinalita ang hamon kay Pumbakhayon, ang anak ni Pangaiwan na noo’y nakaupo sa may pintuan ng kanilang bahay.
Natawa si Pumbakhayon sa narilig na balita at inakalang sina Aliguyon ay mga taong naligaw lamang sa Daligdigan at humihingi ng tulong. Minabuti niyang puntahan ang sinsasabing manlulusob. Napatunayan niya ang seryosong hamon ng mga dayuhan nang mamasdan niya ang nakatayong makisig na si Aliguyon. Nagpakilala si Aliguyon at sinabi ang pakay.
Katulad ni Aliguyon, si Pumbakhayon ay malakas at isa ring magiting na mandirigma. At dahil sa matanda na ang kanyang amang si Pangaiwan, si Pumbakhayon na ang tumanggap ng hamon ng anak ni Amtulao.
Tulad ng ginawang paghahanda ni Aliguyon, nagdasal at nag-alay din si Pumbakhayon ng manok upang matiyak ang kaligtasan sa susuunging panganib. Matapos tingnan ang apdo ng manok para sa anumang senyales , kinuha niya ang kalasag at sibat. Nagulumihanan si Pangiwan sa kilos ng anak. Tinanong niya kung ano ang nangyayari, at isinalaysay ni Pumbakhayon ang tungkol sa napipintong labanan.
Nagulat ang pangkat ni Aliguyon sa pagdating ng pangkat nina Pumbakhayon. Umurong ang mga ito at nagdahilang sila’y maglilinis ng kanilang mga kalasag at sibat; at naiwang mag-isa si Aliguyon.
Bago maglaban, ipinakiusap ni Pumbakhayon kay Aliguyon na sa may ilog sila maglahan dahil malapit nang mahinog ang mga palay, at baka masira ang mga ito sa kanilang paglalaban. Nagmatigas si Aliguyon. Iginiit niyang sa palayan na sila maghamok
Dahil ibig niyang Makita ang mga tumutubong kawayan at punungkahoy sa palayan habang sila’y naglalaban.
Pinagmasdan ni Aliguyon si Pumbakhayon at nakita niya ang hindi kaaya-ayang anyo ng mga daliri nito sa paa, Nawari rin ni Aliguyon na hindi sila magkakatalo sapagka’t magkapantay lamang ang kanilang lakas.
Nag-umpisa ang paglalabanan sa gitna ng palayan. Naunang nagpukol ng sibat si Aliguyon. Nasalo ito ni Pumbakhayon. Gumanti si Pumbakhayon na naagapan din naman ni Aliguyon. Nakita ni Pumbakhayonang gilas ng kalaban at siya’y kanyang hinangaan. Matagal silang naglaban, mula bukang-liwayway hanggang katanghalian.
Ang mga babaing nanonood ay sumisigaw na patayin na ni Pumbakhayon si Aliguyon at dalhin sa kanila ang kanyang ulo upang magkaroon ng sariwang hangin sa Daligdigan. Pinaalalahanan naman sila ni Pumbakhayon na si Aliguyon ay kapantay niya sa galling sa pakikidigma.
Samantala. Nag-alala naman si Dangunay, ang ina I Pumbakhayon. Isinama niya si Bugan, ang batang babaing kapatid ni Pumbakhayon at pumunta sila sa labanan upang sunduin si Pumbakhayon para kumain. Itinanong ni Aliguyon kay Pumbakhayon kung sino ang mga babae at isinagot ng huli na sila ang kanyang ina at kapatid. Natigil ang labanan at umuwi si Pumbakhayon upang kumain. Gayun din ang ginawa ni Aliguyon.
III. Ang Labanan sa Hannanga
Sa katagalan ng paglalabanan sa Daligdigan, minabuti ni Aliguyon na magpaalam muna kay Pumbakyahon. Pumayag si Pumbakyahon subali’t pahabol niyang sinabi na susunod siya, sampu ng kanyang mga mandirigma, sa Hannanga. Dito nila ipagpapatuloy ang naudlot na pagpapatuloy ang naudlot na pagtatagisan nila ng lakas.
Madilim na nang makauwi sina Aliguyon sa kanilang tribo, at ipinagdiwang ng mga mamamayan ang kanilang pagdating sapagkat hindi nagapi si Aliguyon sa kanyang pakikidigma. Matapos kumain, napuna ni Aliguyon na hinda pa inaani ang paly. Tinanong niya ang ina kung bakit. Sumagot si Dumulao na hihintayin nila si Pumbakhayon upang sirain ang mga ito, tulad ng paninira ni Aliguyon sa palayan sa Daligdigan.
Upang maiwasan ang pagkasira ng palayan, bago pa man ay nag-abang na si Aliguyon at ang kanyang mga kasamahan sa pagdating nila Pumbakhayon sa may ilog. Nang Makita sila ni Pumbakhayon ay naisip nitong sinadya ni Aliguyon na tambangan sila sa may ilog upang huwag nang umabot sa palayan ang labanan at maiwasan ang pagkasira ng mga palay sa Hannanga.
Luminga si Pumbakhayon at nakita niya ang mga tagapag-ani. Matapos niyang sibatin si Aliguyon, kumuha siya ng mga kahoy, pinagtutulisan ang mga dulo nito, at pinagsisibat ang mga tagapag-ani. Ang iba ay tinamaan ng sibat samantalang ang iba’y mapalad na nakatakas. Kinuha ni Pumbakhayon ang mga pungos ng palay at inhagis ang mga ito sa ilog sag alit dahil sa katusuhan ni Aliguyon.
Mauling naglaban sina Pumbakhayon at Aliguyon. Naging mas mahigpit ang kanilang pagtitinggali, subalit tulad ng nangyari sa Daligdigan, walang nagwagi at nagapi sa kanilang paglalaban. Katulad din ng ginawa ni Dangunay, pinangako ni Damulao ang batang si Aginaya, ang babaing kapatid ni Aliguyon.
Tulad din ng pagtatanong ni Aliguyon kay Pumbakhayon, tinanong huli si Aliguyon kung sino ang mga babaeng sumundo sa kanya. Sumagot si Aliguyon kay Pumbakhayon na sila ang kanyang ina at kapatid na babae. Dahil ditto, naihantulad ni Pumbakhayon sa kanyang inang si Dangunay si Dumulao.
IV. Ang Pagbabalik ng Labanan sa Daligdigan
Matapos ang isang araw na paglalaban sa Hannanga ay nagpahinga ang dalawang panig, at nagkasundo sila na itutuloy na lamang ang labanan kinabukasan. Nang sumunod na araw, kasabay ng unang pagtilaok ng manok, ay ginising ni Aliguyon ang kaniyang mga kasamahan upang maagang makapag-almusal at makarating sa Daligdigan. Sa ikatlong pagkakataon, muling nagharap ang dalawang panig, subalit wala paring tinatamaan ng sibat kinamulan sa magkabilang panig. Wala pa ring nanalo at nagapi sa salawang pangkat at tumagal pa ang paglalabanan.
V. Ang Paglalaban nina Aliguyon at Daulayan
Nakarating sa tribong Mumbalawan ang balita tungkol sa nagaganap na laban sa pagitan nina Aliguyon at Pumbakhayon. Ang tribong ito ay pinamumunuan ni Dinuganan na siyang ipinagkasundong mapapangasawa ni Bugan, kapatid na babae ni Pumbakhayon.
Sapagka’t ang narinig nilang balita ay napatay ni Aliguyon si Pumbakhayon, ipinasya ni Daulayan na siya naman ang makipaglaban kay Aliguyon upang maipakita sa tribo ng babaeng mapapangasawa ang kanyang taglay na lakas. Sa pag-aalala naman sa anak, pinayuhan ni Magappid si Daulayan na manahimik na lamang at huwag nang makiaalam sa gulo. Hind pinakinggan ni Daulayan ang payo ng ina, bagkus ay naghanda ito sa pakikipaglaban.
Lumisan na si Daulayanpatungo sa dako ng labanan nina Aliguyon at Pumbakhayon. Habang binabagtas ni Daulayan ang daan patungo sa Daligdigan ay namalas niya ang kalawakan ng palayan na pag-aari nina Pumbakhayon. “Napakalawak ng mamanahin kong ito,” ang may paghahangad na isinaisip ni Daulayan.
Nakarating si Daulayan sa pook ng labanan, at nakita niyang buhay pa si Pumbakhayon. Tinawag niya ito at hinilig na siya na ang makipaglaban kay Aliguyon. Hindi sumang-ayon si Pumbakhayon dahil batid niyang hindi maaaring itapat sa kahusayan ni Aliguyon ang kakayahan ni Daulayan. Subali’t nagpumilit si daulayan kaya’t pinagbigyan din siya ni Pumbakhayon.
Tulad ng inaasahan, kaagad na tinamaan ng sibat ni Aliguyon ang binti ni Daulayan at ang kapusukan niya ay nauwi sa kahihiyan. Nang lapitan ni Aliguyon si Daulayan upang pugutan ng ulo, nagmakaawa ang huli. Bilang kapalit ng kanyang buhay, pinagtatanggal ni Daulayan ang kanyang mahahalagang huwintas at ibinigay ang mga it okay Aliguyon.
Pagkatapos ng mabilis na laban kay Daulayan, may panunuyang sinigawan ni Aliguyon si Pumbakhayon na nagsabing kunin niya ang sugatang si Daulayan at ito’y arugain. Si Pumbakhayon naman, matapos masaksihan ang nagging paglalaban nina Aliguyon at Daulayan, ay hindi napigilang masambit sa sarili na si Aliguyon ang lalaking karapat-dapat para kay Bugan na kanyang kapatid.
Ang balita tungkol sa nagyari kay Daulayan ay nakarating sa Mumbalawan at nagdulot ng isang napakalaking kahihiyan sa tribo. Maging si Magappid, ang ina ni Daulayan ay sinisisi ang anak sa sinapitnito, at sinabing kung nakinig lamang si Daulayan sa kanyang pangaral ay hindi sana niya dinanas ang ganoong pagkatalo.
Upang mapagtakpan ang kahihiyan ng tribo, at sa kanyang pag-aakalang nalalapit na ang kamatayan ni Daulayan, nag-alay ng hayop samga anito ang buong tribo ng Mumbalawan. Umabot pa ng isa at kalahating taon ang paghihirap ni Daulayan sa kanyang natamong sugat bago ito namatay.
VI. Ang paghingi ni Aliguyon sa Kamay ni Bugan
Ang pagkagapi ni Daulayan ang nagpatigil sa walang katapusang paglalabanan nina Aliguyon at Pumbakhayon.
Habang namamamhinga si Aliguyon sa Hannanga matapos itong makapaligo, tinawag niya ang kanyang mga kasamahan upang magsipaghanda sa pagbabalik sa Daligdigan. Sa kanilang pagdating, iniwannila ang mga dalang sibat sa bakuran ng bahay ni Pumbakhayon at umupo si Aliguyon sa isang lusong na walang laman. Nagsindi ng sulo si Pumbakhayon dahil gabi na at dinala it okay Aliguyon. Sinabi ni Pumbakhayon sa kanyang mga kasamahan na naroroon sa kanila si Aliguyon, at madali na nila itong mapapatay. Natawa lamang si Aliguyon nang malaman ito at sinabing si Pumbakhayon lamang ang makakagapi sa kanya.
Samantala, tinawag ni Pumbakhayon ang kanyang amang si Pangaiwan upang ihanda na ang alak at nganga na pagsasaluhan bilang tanda ng pagtatapos ng alitan. Nagsalin si Pangaiwan ng alak sa tasa at nagbilot ng nganga. Pinaghati niya kina Aliguyon at Pumbakhayon na pinaupo sa magkabilang dulo ng bakuran bilang bahagi ng seremonya ng pagkakasundo. Nagkaroon ng kainan at kasayahan bilang pagbubunyi sa naganap na pagbabati ng dalawa.
Kinabukasan, inutusan ni Aliguyon ang kanyang kasama upang ipaalam kay Pumbakhayon, na noo’y nasahapag-kainan, ang kanyang pakay sapagbabalik sa Daligdigan. Ito ay upang hingin ang kamay ni Bugan upang kanyang maging asawa. Tinanggap naman ito nang maluwag ni Pumbakhayon; dati pa man ay naniniwala siyang karapat-dapat ang binata na mapangasawa ng kapatid niya.
Bago sila magsalo sa almusal ay minabuti ni Aliguyon na pauwiin na ang ibang kasamahan sapagkat napakarami nilang pakakainin ni Pumbakhayon. Matapos ang agahan ay nakiusap si Aliguyon kay Pumbakhayon na ituro sa kanya ang daan patungong gubat upang makapanguha siya ng kahoy na panggatong. Nag-atubili naman si Pumbakhayon sapagkat marami na silang kahoy nguni’t nagpilit si Aliguyon. Ayon sa kanya, ang kanyang gagawin ay isang paninilbihan ng isang binatang naniningalang-pugad. Sa huli ay pumayag din si Pumbakhayon sa Pamanhik ni Aliguyon. Nanguha sila ng kahoy sa gubat at dinala sa bahay nina Bugan. Matapos mananghalian, buong gilas na sinibak ni Aliguyon ang mga kahoy, bagay na hinangaan din ni Pumbakhayon.
Kinagabihan, nagpaalam si Aliguyon kay Pumbakhayon na kung maari ay isama niya si Bugan sa Hannanga. Bilang tanda ng pagpayag ay kinuha ni Pumbakhayon ang isang tumbagang agong at magandang sinamay na kumot at ipinagbigay kay Aliguyon. Ipinabaon niya ang agong upang tugtugin ng pangkat sa kanilang paglalakbay pabalik ng Hannanga at maging masaya ito. Ang kumot na yari sa sinamay naman ay upang maging panggalang ni Bugan sa araw sapagkat hindi siya sanay na mainitan. May ilang mga taga-Daligdigan na sumamang maghatid sa pag-uwi ng mag-asawa.
VII. Ang Pagdating nina Aliguyon at Bugan sa Hannanga
Dapithapon na nang dumating ang pangkat ni Aliguyon sa Hannanga. Ipinakilala ni Aliguyon si Bugan kina Dumulao at Amtulao at sinabi sa ama na “pumaram” na si Pangaiwan na kanyang kalaban, at pinalitan na ito ni Pumbakhayon. Sianbi niya pa na ginapi niya ang kaaway ng kanyang ama sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa kanya. Malugod naming tinanggap ng mag-asawa ang kanilang magiging manugang. Nagpatawag sila ng isang malaking salu-salo at isinaos ang isang kasayahan. Masayang umuwi ang mga taga-Daligdigan na naghatid kina Aliguyon at Bugan, at sa kanilang pag-uwi ay buong kagalakan nilang ibinalita kay Pumbakhayon ang tungkol sa kagandahang-loob na ipinakita sa kanila ng mga taga-Hannanga. Dahil ditto, nasabi ni Pumbakhayon na ipakita rin nila ang kagandahang-loob ng taga-Dligdigan sa mga taga-Hannanga.
Kinabukasan naman, inutusan ni Aliguyon ang kanyang mga tauhan na pumutol ng kahoy sa gubat. Ito ay gagamitin sa paggawa ng alulod na daluyan ng tubig mula sa bukal hanggang bakuran ng kanilang bahay ni Bugan. Sa ganitong paraan ay sa bahay na lamang maliligo si Bugan. Gumawa rin si Aliguyon ng paliguan ni Bugan at itinakda niya kung saan isasabit ang kanyang kuwintas, at kung saan siya magpapatuyo ng bundok at katawan. Ang lahat ng ito ay ginawa niya sa pamamagitan ng pagtatali ng pinakamagandang kumot upang matakpan ang paligid, at upang magkaroon ng kanlungan at ng mapaglalagyan ng tumabagang agong.
VIII. Ang Pagtungo ni Pumbakhayon sa Hannaga
Dumating si Pumbakhayon sa bahay ng mag-asawang Bugan at Aliguyon sa Hannanga. Inanyayahan siyang kumain ni Aliguyon subalit tumanggi si Pumbakhayon at sinabing ang pakay niya ay magtungo sa bahay nina Amtulao at Dumulao.
Muling nagdasal sa manok si Pumbakhayon upang hilingin ang kaunlaran ng mga Ifugao. Matapos manalangin, hiniling ni Pumbakhayon kay aliguyon na ipatawag ang mga kababaihan ng Hannanga upang makilahof sa kanyang gagawing pag-awit ng mga awit ng pag-ibig. Sinabi ni Aliguyon ang kahilingan sa kanyang kapatid na si Aginaya, at tinipon ng babae ang mga kababaihan sa kanilang tahanan para sa pag-aawitan.
Naging matagumpay ang pag-aalay na ginawa ni Pumbakhayon, at ito’y pinag-usapan sa buong nayon ng Hannanga. Gabi-gabi, sa loob ng isang buwan, ay nagkaroon ng tugtugan ng agong, inuman ng alak, at kainan ang mga mamamayan. Ang kasayahan ay nagpatuloy hanggang sa ikasal sina Aliguyon at Bugan. Ipinagpista ng buong Ifugao ang pag-iisang dibdib nina Aliguyon at Bugan.
Sa ganitong paraan nga nagkaroon ng katahimikan sina Dumulao at Amtulao. Sa kanilang katandaan ay nagkaroon sila ng mga apo kina Aliguyon at Bugan. Nabuhay nang matiwasay ang mga mamamayan ng Daligdigan at Hannanga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento