Pages

Huwebes, Disyembre 1, 2016

Mga Elemento ng Pelikula

Mga Elemento ng Pelikula


1. Nilalaman – Makatotohanang paglalarawan ng mga pangyayari batay sa pagkakasunod-sunod nito sa tulong ng sequence iskrip.

2. Sinematograpiya – Tinitingnan ditto ang angkop na anggulo upang maipamalas ang tunay na pangyayari sa tulong ng ilaw, lente ng kameraat uri ng shots na ginamit.
3. Tunog – Napalulutang nito ang linya ng mga diyalogo at tagpo sa pelikula.
4. Musika – Napalilitaw nito ang damdaming nais palutangin pati ang pagtukoy ng katauhan.
5. Disenyong pamproduksyon – pinananatili nito ang kaangkupan ng lugar, pananamit, make up, mga kagamitan at eksena na nangingibabaw sa panahon at katauhang tinutukoy sa pelikula upang ito ay maging makatotohanan.
6. Pag-e-edit – Dapat na mabisang naisasaayos, napagpuputol, napagdudugtong-dugtong napakikitid at napalalawak muli ang negatibo ng mga eksena upang umayon sa filmmaker.
7. Pagdidirehe – Mahusay ang pagkakadirehe ng pelikulang napagsanib ng mga eemento ng pelikula.



Linggo, Nobyembre 20, 2016

DAGLI


Ang Dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling kuwento na lumaganap sa Pilipinas noong unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano.
Hindi tiyak ang angkop na haba nito subali’t dapat na hindi ito umabot sa haba ng isang maikling kuwento.

Kabilang sa mga kilalang manunulat ng dagli ay sina Inigo Ed Regalado, Jose Corazon de Jesus, Rosaurio Almario, Patricio Mariano, at Franuseo Lacsamana.

Batay sa ginawang pananaliksik, nalathala sa  “Pahayagang Muling Pagsilang,” ang dagli noong 1902 na pinamahalaan ni Lope K. Santos.  Nagpatuloy ang paglaganap ng anyong ito mula 1930, ayon ito sa pananaliksik ni Rolando Tolentino.

Ayon nman sa pananaliksik ni Arsenio Manuel, nag-ugat ang dagli sa pahayagang Espanyol at tinawag itong “Instantaneas,” at nagpatuloy ang paglaganap ng anyong ito hanggang 1920.

Sa isa pang ginawang pananaliksik ni Aristotle Atienzaa, malaking bilang ng mga dagli na kinalap nina Tolentino para sa antolohiyang,”Ang Dagling Tagalog:1903-1936, “ang tumatalakay sa karanasan ng mga lalaki sa isang lipunang kumikilala sa mga kalalakihan. Karaniwang iniaalay ang daagli sa isang babaeng napupusuan, ang ilan naman ay ginamit ito upang ipahayag ang damdaming makabayan upang lumaban sa mga Amerikanong mananakop.

Nagbabago-bago ang anyo ng dagli batay sa obserbasyon ni Tolentino tulad ng Tanging Lathalain, Pangunahing balita sa pahayagan at anekdota.
1.      
      Tanging Lathalain (feature)-isang uri ito ng pamahayagan na nagsasaad ng mga ulat batay sa masusing pag-aaral, pananaliksik at pakikipanayam,  nagsasaad ito ng katotohanan batay sa isang ulat. Tulad ito ng sanaysay o salaysay na pampanitikan, subali’t nagtataglay ng higit pang katangian tulad ng malalim na kahulugan at malawak na paksa.
2.      
       Pangunahig Balita sa Pahayagan (headline)
-Ang balita ay ulat ng pangyayari.  Ang headlineo ulo ng balita ay siyang pinakatampok na balita sa araw na iyon.
       3.    Anekdota- Ito ay isang kuwento na karaniwang pumapaksa sa isang taong tanyag upang maipahatid sa mga mambabasa ang katangian nito.  Kung minsan, ang anekdota ay nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at kung minsan naman ay bungang-iisip lamang.
          
Ang Dagli sa Kasalukuyan
                Karaniwang napagkakamalang katumbas ng “flash fiction” o “sudden fiction” sa Ingles ang dagli. Ngunit ayon kay Dr. Reuel Molina Aguila, naunanng nagkaroon ng dagli sa Pilipinas noong 1900s bago pa man magkaroon ng flash fiction na umusbong noong 1990. Maaari itong nagsimula sa anyong pasingaw at diga ng magkakabarkada kaya’t masasabing marami sa mga probinsya ang nagkaroon ng ganitong kuwentuhan.
                Ang sumusunod ay mga dagli na lumabas at nalathala sa kasalukuyan.
1.       2007-Antolohiyang, “Mga Kuwentong Paspasan,” ni Vicente Garcia Groyon.
2.       2011-Inilathala ang antolohiyang , “Wag lang di Makaraos” (100 Dagli, Mga Kuwentong Pasaway, Paaway at Pamatay) ni Eros Atalia.  Dito, tinatalakay ang samo’t saring pangyayari sa lipunan sa paraang madaliang unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.
3.       2012-Inilathala ang koleksyon ng mga dagli ni Jack Alvarez na pinamagatang, “Autobiografia ng Ibang Lady Gaga.  Isa itong makabuluhang kontribusyon sa panitikan ng bansa sapagkat iniangat ang dagli sa isang sining ng paglikha ng malaking daigdig mula sa maliitt at particular na karanasan.

Sa pagdaraan ng panahon, iba’t ibang katawagan ang pinanukala na hango sa “flash fiction,” tulad ng, “ Mga Kuwentong Paspasan, 2007” at “Kislap”  mula sa mga salitang  Kuwentong-Isang Iglap. Ang mga katawagang ito ay binuo ng manunulat na si Abdon balde jr. Ang mga “Kwentong Paspasan”, 2007 ay mga kuwentong binubuo ng 150 na salita samantalang ang “Kislap” ay kalipunan ng mga kuwentong hindi hihigit na 150 salita na rin.

Samantalang si Vin Nadera na isa ring manunulat ay tinawag na “Kagyat” ang “flash fiction”, at si Manuel Corosa  na isa pa ring manunulat ay tinawag itong “iglap”.



Hango sa Kayumanggi (Baitang 8), P. 23-26

Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Sayang


“Gising…! Gising…!Sunud-sunod na yugyog ng  aking ina. Sadyang nakatatamad ang paggising nang maaga lalo pa’t malamig ang panahon.  Nasa kasarapan ka sa pagtulog pagkatapos heto’t may mang-iistorbo; pipilitin kang gisingin.

“Dalian mo’t   baka mahuli ka na naman.  Gabi ka na kasi kung matulog.  Nagpupuyat ka sa panonood ng telebisyon.” Litanya ng aking ina.

Maaga pa naman subali’t minamadali na niya ako sa pagpasok.  Mabagal daw kasi akong kumilos.  Isa pa, ayaw niya akong umalis ng bahay nang hindi kumakain ng agahan.
Isang gabi’y naisipan kong pihitin an gaming orasang nakalagay sa sala at sa aking silid.  Iniatras ko ito ng kalahating oras.

“Masarap-sarap ang tulog ko mamaya, hindi ako magigising ang maaga,” pangiti-ngiti ko pang bulong sa sarili.

Eksaktong ika-7:00 nang umaga nang dumating ako sa paaralan.  Muntik na akong mahuli.  Mabuti na lamang at mabilis-bilis ang dyip na aking nasakyan.

Mag-uuwian na nang ipahayag n gaming tagapayong matutuloy ang aming lakbay-aral kinabukasan-lahat ng nasa Grade 8 ay kasama. Binilinan niya kami na pumasok nang maaga dahil hindi maaaring maghintay nang matagal ang bus.

Sa labis na pananabik ay di-agad ako nakatulog subali’t maaga akong nagising. Nagpatumpik-tumpik pa ako sa pagkilos.

Eksakto ika-6:00 ng umaga nang umalis ako sa bahay.  Isang oras para sa biyahe ay labis-labis na gayong hindi naman kalayuan ang aming bahay sa paaralan. Matagal-tagal din akong naghintay ng dyip.

“Ako yata ang unang dumating. Wala pa kahit isa sa aking kamag-aral. Mabuti naman at sa unahan ako mapupuwesto.”

Kampante akong nakaupo sa batong upuan nang lapitan at tanungin ako ng guwardiya ng paaralan.
“Sinong hinihintay mo?”

“Iyon pong mga kamag-aral ko. Bakit ho yata wala pa sila?”

“Kaalis lang nila.  Hindi mo ba alam ang oras ng pag-alis?”

Hindi na ako nakaimik.  Tumayo ako’t tumalikod sa guwardiya.

“Kasalanan ko. Kung hindi ko iniatras ang oras, hindi ako mahuhuli. Sayang…


Hango sa Kayumanggi (Baitang 8), p. 19

Miyerkules, Enero 27, 2016

Buod ng Florante at Laura (Saknong 1-68)

Sa isang madilim at nakakatakot na gubat,  maraming malalaking puno at kakaibang mga halaman at mga mababangis na hayop tulad ng serpyente, hyena, basilisko at leon. Matatagpuan dito ang Ilog Cocito na makamandag ang tubig. Nasa malapit ito sa Reyno Averno.
Nagsimula ang tulang pasalaysay sa paglalarawan ng isang madilim at nakakatakot na gubat na madilim at nakakatakot kung saan makikita ang  maraming malalaking puno, kakaibang halaman, mababangis na hayop at makamandag na ilog.
Sa isang puno ng Higera sa gitna ng gubat,  nakagapos ang isang  umiiyak na lalaking mala-Adonis at Narciso sa kaguwapuhan at tikas.
 Naalala niya ang kalagayan ng bayan niyang Albanya na noon ay pinaghaharian ng kasamaan, sa pamumuno ni Konde Adolfo na nagtaksil kay Haring Linseo at  naging ganid sa kayamanan ng Dukeng Ama ng lalaking nakagapos.
Ipinagdalamhati rin niya ang pinakamamahal niyang si Laura na naisip niyang nagtaksil sa kanya at nasa piling na ni Adolfo.
Sa tindi ng pagdurusa, tila kinuwestyon pa niya ang Langit kung bakit pinayagang mangyari ang ganon sa Albanya.  Gayunpaman, nagpakumbaba rin siya at sinabi sa kanyang panalangin na matitiis niya ang anumang pagdurusa kung ito ang kaloob sa kanya.  Kasunod nito,  humirit pa ang siya na sana’y isagi siya ng Langit sa alaala ni Laura.
Nawalan ng malay ang lalaking nakagapos.
                                       
Nang magkamalay, ipinagpatuloy niya ang pag-iyak habang inaalala ang mga nakaraang ‘moments’ nila ni Laura kung kailan iniyakan siya ng  Prinsesa kapag naghahanda siyang umalis para pumunta sa pakikipagdigma sa ibang kaharian bilang pagsunod sa Hari na ama nito.Naalala rin niya ang pang-aaliw nito sa kanya at pagluha kapag malungkot siya.
Kasunod ng pagdaloy ng mga alaala ang realisasyon at panghihinayang ng lalaki sa mga luha at pangako ni Laura sa masaklap na kinahantungan ng pag-iibigan nila ng dalaga. 
Sa kabila ng lahat, tiniyak ng lalaki na mamahalin niya hanggang sa huling hibla ng buhay niya si Prinsesa Laura.
Sa ikalawang pagkakataon,  nawalan ng malay  ang lalaking nakagapos.


Linggo, Enero 24, 2016

Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura ni Balagtas

Ang obra-maestra ni Francisco Baltazar o mas kilala bilang Francisco Balagtas na ‘Florante at Laura’ ay may naunang pamagat na “Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kaharian ng Albanya”.

Sa pamagat pa lamang,  malalaman na ng mambabasa kung tungkol saan ang salaysay,  kung sino ang mga pangunahing tauhan at kung saan ang tagpuan ng kuwento.  Uso kasi ang may kahabaang pamagat ng akda sa panahon ng Kastila kung kailan isinulat ang ‘Florante at Laura’.

Sa pahina ng pamagat sa muling limbag nito noong 1861 sa Maynila,  tinukoy ni Balagtas ang sarili bilang ‘matuwain sa bersong tagalog’ sa halip na ilagay ang kanyang pangalan bilang may akda ng tula.

Ipinakilala ni Herminigildo Cruz si Balagtas sa kanyang akdang “Sino ang Kumatha ng Florante at Laura”  na inilimbag noong 1906.

May tatlong pangunahing bahagi ang awit na Florante at Laura. Unang bahagi ang  ‘Kay Celia’ na binubuo ng dalawampu’t dalawang  (22) saknong. Ikalawa  ang  ‘Sa Babasa’ ng akda na binubuo ng  anim (6) na saknong. Ikatlo ang ‘Puno ng Salita’ o detalyadong  pagsasalaysay  na binubuo ng tatlong daan siyamnapu’t siyam (399) na saknong.

Sa unang bahagi, inialay ni Balagtas ang awit  kay Celia at binanggit niya ang M.A.R. na inisyal ng inibig niyang si Maria Asuncion Rivera.  Hindi sila nagkatuluyan ng dalaga dahil kay Mariano Capule, isang mayamang manliligaw nito.  Ginamit ni Capule ang kanyang pera at kapangyarihan upang maipakulong si Balagtas.

Habang nasa kulungan isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura na naging instrumento  rin ng pagpapahayag ng kanyang apat na himagsik – (1) Laban sa malupit na pamahalaan, (2) Laban sa maling kaugalian, (3) Laban sa hidwang pananampalataya at (4) Laban sa mababang uri ng panitikan. Gayunpaman, nakalusot ito sa mapanuring mata ng mga Espanyol sa panahong iyon.

Inilimbag ang Florante at Laura nang nakalaya si Balagtas noong 1838.

Hindi nagtagal, pinakasalan niya  si Juana Tiambeng. Nagkaroon sila ng 11 na anak.

Maituturing na isang klasikal na akda na maipagmamalaki sa larangan ng Panitikan ng lahing Pilipino sa lahat nang panahon ang Florante at Laura.