Pages

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Ang Katamaran ng mga Pilipino



ni Dr. Jose P. Rizal
(Ang matutunghayan ay isang lagom sa Tagalog ng sanaysay na “La Indolencia de los Filipinos,” na nalathala sa La Solidaridad mula noong Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890. Ang sanaysay na ito’y isinulat ni Rizal sa ikalawang pagtungo niya sa Europa. Isinulat niya ito bilang tugon sa paulit-ulit na upasala sa mga Pilipino na sila’y mga tamad. Ang upasalang ito’y hindi tinutulan ni Jose Rizal sa kaniyang sanaysay. Manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng katamaran ng kaniyang mga kababayan. At sa pag-amin niyang iyan ay nagbigay siya ng mga matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay masasabi ngang tamad. Narito ang kaniyang mga matuwid.
Ang pangunahing sanhi ay ang mainit na singaw ng panahon. Kahit na ang mga banyagang nandarayuhan sa Pilipinas buhat sa mga bayang malamig ang klima ay nagiging tamad pagdating dito at ayaw humawak ng mabibigat na gawain. Sa bayang mainit ang panahon, kahit hindi kumilos ang isang tao, siya’y pinagpapawisan at hindi mapalagay. Wika pa ni Rizal: Ang mga Europeong naninirahan sa Pilipinas ay nangangailangan pa ng mga tagapaypay at tagahugot ng sapatos, at hindi nagsisipaglakad kundi laging lulan ng kanilang karwahe, gayong masasarap ang kanilang kinakain at ginhawa ang kanilang kabuhayan. Sila’y malaya, ang bunga ng kanilang mga pagsisikap ay para sa kanilang sarili, may pag-asa sa kinabukasan, at iginagalang ng madla. Ang abang katutubo, ang tamad na katutubo ay kulang sa pagkain, walang inaasahan sa araw ng bukas, ang bunga ng kanilang pagod ay sa iba napupunta, at kinukuha sila sa paggawang sapilitan.
Sinasabing ang mga Europeo ay nahihirapan sa mga bayang mainit ang singaw ng panahon palibhasa’y hindi sila hirati sa gayong klima, kaya’t karampatan lamang na dulutan sila ng balanang makapagpapaginhawa sa kanilang kalagayan. Datapuwa’t ang wika nga ni Rizal, ang isang tao’y maaaring mabuhay kahit saan kung sisikapin lamang niyang ibagay ang kanyang sarili sa hinihingi ng pangangailangan.
Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga Pilipino dahil din sa kagagawan ng mga Kastila. Ang mga Pilipino, nang bago dumating ang mga Kastila ay ginhawa sa kanilang kabuhayan, nakikipagkalakalan sila sa Tsina at iba pang mga bansa, at hinaharap nila ang pagsasaka, pagmamanukan, paghabi ng damit at iba pa. Kaya’t mapagkikilalang nang wala pa rito ang mga Kastila, ang mga Pilipino bagaman ang mga pangangailangan nila’y hindi naman marami, ay hindi mga mapagpabayang gaya ngayon.
Ang lahat ng industriya at pati na ang pagsasaka ay napabayaan sapagkat ang mga Pilipino’y hindi makapagtanggol laban sa pananalakay ng mga mandarambong buhat sa Mindanaw at Sulu. Paano’y ayaw pahintulutang makapag-ingat ng mga baril at iba pang sandata ang mga Pilipinong naiiwan sa bayan habang ang iba’y wala at kasama sa mga pandarayuhang walang kabuluhan. Nang panahon ng Kastila’y maraming digma at kaguluhan sa loob ng bayan at maraming ipinapapatay. Isinalaysay ni Rizal ang nangyari sa isang pulong malapit sa Sebu, na halos nawalan ng tao sapagkat madaling nangabihag ng mga piratang buhat sa Sulu palibhasa’y walang sukat maipananggol sa sarili.
Ang pagsasaka’y napabayaan dahil pa rin sa sapilitang paggawa na ipinatutupad ng pamahalaan. Dahil sa maraming pandarayuhang ginagawa ng mga Kastila, kailangan ang walang tigil na paggawa ng mga barko, kaya’t maraming Pilipino ang pinapagpuputol nila ng mga kahoy sa gubat upang magamit. Wala tuloy katiyakan ang kabuhayan ng mga tao kaya’t naging mga mapagpabaya. Tungkol dito’y sinipi ni Rizal si Morga na nagsabi (sa kanyang Sucesos) na halos nakalimutan na ng mga katutubo ang pagsasaka, pagmamanukan, ang paghabi, na dati nilang ginagawa noong sila’y mga pagano pa hanggang sa mga ilang taon pa pagkatapos ng pagsakop. Iyan ang naging bunga ng tatlumpu’t dalawang taon ng sapilitang paggawa na ipinataw sa mga Pilipino.
Ang pamahalaa’y walang dulot na pampasigla upang ang mga tao ay mahikayat na gumawa. Pinatamlay ng mga Kastila ang pakikipagkalakalan sa mga bansang malaya, gaya ng Siam, Cambodia, at Hapon, kaya’t humina ang pagluluwas ng mga produktong Pilipino at ang industriya ay hindi umunlad. Ang Pilipino’y hindi maaaring gumawa sa kanilang bukid kung walang pahintulot ng pamahalaan.
Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi tumatanggap ng karampatang halaga sa kanilang mga produkto. Sinabi ni Rizal na alinsunod sa istorya, matapos alipinin ng mga encomendero ang mga Pilipino, sila’y pinagagawa para sa sarili nilang kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na sa kanila ipagbili ang inaani o produkto sa maliit na halaga at kung minsa’y wala pang bayad o kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling timbangan at takalan.
Alinsunod pa rin kay Rizal, ang lahat ng negosyo’y sinasarili ng gobernador, at sa halip pukawin ang mga Pilipino sa kanilang pagpapabaya, ang iniisip lamang niya’y ang kanyang kapakanan kaya’t sinusugpo ang ano mang makaaagaw niya sa mga pakinabang sa pangangalakal.
Mga kung anu-anong kuskos-balungos sa pakikitungo sa pamahalaan, mga “kakuwanan” ng pulitika, mga kinakailangang panunuyo at “pakikisama,” mga pagreregalo, at ang ganap na pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan,- ang mga iyan ay naging pamatay-sigla sa paggawang kapaki-pakinabang.
Nariyan pa ang halimbawang ipinamalas ng mga Kastila: pag-iwas sa pagpaparumi ng kamay sa paggawa, pagkuha ng maraming utusan sa bahay, na para bang alangan sa kanilang kalagayan ang magpatulo ng pawis, at ang pagkilos na animo’y kung sinong maginoo at panginoon na ipinaging palasak tuloy ng kasabihang “para kang Kastila,”- ang lahat ng iyan ay nagpunla sa kalooban ng mga Pilipino ng binhi ng katamaran at pagtanggi o pagkatakot sa mabibigat na gawain.
At ang wika pa ng mga Pilipino noon: “Bakit gagawa pa? Ang sabi ng kura ay hindi raw makapapasok sa kaharian ng langit ang taong mayaman.”
Ang sugal ay binibigyan ng luwag, at ito’y isa pa ring nagpapalala ng katamaran.
Ang Pilipino’y hindi binibigyan ng ano mang tulong na salapi o pautang upang maging puhunan. Kung may salapi man ang isang Pilipinong magsasaka, ang natitira, matapos bawasin ang buwis at iba pang impuwesto ay ipinambabayad naman niya sa kalmen, kandila, nobena, at iba pa.
Kung ang mga pananim ay pinipinsala ng balang o ng bagyo, ang pamahalaan ay hindi nagbibigay ng ano mang tulong sa mga magsasaka, kaya ang mga ito ay inaalihan ng katamaran.
Walang pampasiglang ibinibigay sa pagpapakadalubhasa. May isang Pilipinong nag-aral ng kimika sa Europa, ngunit hindi man lamang siya pinag-ukulan ng pansin.
Ang katamara’y pinalulubha pang lalo ng di mabuting sistema ng edukasyon. Ganito ang wika ni Rizal:
“Iminulat palibhasa sa halimbawa ng mapagbulay-bulay at tamad na pamumuhay ng mga monghe, ang mga katutubo nama’y walang ginawa kundi iukol ang kanilang buhay sa pagkakaloob ng kanilang salapi sa simbahan dahil sa inaasahang mga himala at iba pang kataka-takang bagay. Ang kanilang kalooban ay nagayuma; buhat sa pagkabata ay wala silang natutuhan kundi ang pagkilos na parang mga makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan. Kataka-taka bang ang ganitong maling pagmumulat sa isip at kalooban ng isang bata ay magbunga ng kahambal-hambal na mga pagkakasalungatan? Iyang walang puknat na pagtutunggali ng isip at ng tungkulin… ay humantong sa pananamlay ng kanyang mga pagsisikap, at sa tulong ng init panahon, ang kaniyang walang katapusang pag-aatubili, ang kaniyang mga pag-aalinlangan ay siyang naging ugat ng kaniyang katamaran.”
Ang sistema ng edukasyon, na isang kawil ng mga pagmamalupit, ay nagpatamlay sa halip na magpasigla sa Pilipino. Siya’y nagkaroon ng mababang pagkakilala sa sarili at pagwawalang-bahala sa paggawa.
Ang isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang kawalan nila ng damdamin bilang isang bansa palibhasa’y pinagkaitan sila ng karapatang makapagtatag ng mga samahan na magbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaunawaan at magkaisang damdamin.
Palibhasa nga’y walang bansang kinaaaniban, ang mga Pilipino’y hindi nagkaroon ng pagkabahala sa ano mang kahirapang dinaranas ng mga tao. Patay ang apoy ng kanilang pagsisikap, at walang sukat makaganyak sa kanila na mag-ukol ng panahon at sigla alang-alang sa kaunlaran at kasaganaan ng kanilang Bayan.
Ang sabi ni Rizal: “Ang edukasyon ay siyang lupa, at ang kalayaan ay siyang araw, ng sangkatauhan. Kung walang edukasyon at walang kalayaan, walang pagbabagong maisasagawa, walang hakbang na makapagdudulot ng bungang ninanais.”

Huwebes, Hulyo 16, 2015

Ang Duplo

Ang Duplo
    Tulad ng karagatan, ang Duplo ay isang uri rin ng tulang patnigan at  nilalaro kapay may lamay upang di antukin.
       Ito ay patulang dula ng paglilitis o paglutas ng hari  sa isang suliranin na karaniwang tungkol sa  ibon.
      Bahagi ng laro ang pagbibigay ng parusa gamit ang palmatorya (isang tsinelas) na ipinapalo sa palad ng 'salarin' .  Maaari ring pagdarasal ukol sa patay ang iginagawad na kaparusahan.
      Ang sumusunod ay halimbawa ng isang duplo.


          Ang Ibon ng Hari
                                           
Hari:           Simulan na ang laro. Bumilang kayo.

Mga Bilyaka: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Mga Bilyako: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Hari:           Tribulasyon!

Lahat:         Tribulasyon!

Hari:           Estamos en la Buena composicion.(Titindig)
          Ang komposisyon ng tanan
          ay paglalarong mahusay!
          Ang magulo ay mahalay
          Sa mata ng kapitbahay.
          Mga binibini at mga ginoo,
          Matatanda’t batang ngayo’y naririto,
          Malugod na bati ang tanging handog ko
          sa pagsisimula nitong larong duplo.
          Ang hardin ko’y kubkob ng rehas na bakal,
          Asero ang pinto’t patalim ang urang;
          Ngunit at nawala ang ibon kong hirang,
          Ang mga bilyaka ang nuha’t nagnakaw!

Mga Bilyaka: Hindi kami ang nagnakaw.

Hari:           Sino ang nagnakaw?

Bilyako 1:    Kagabi po, hari, maliwanag ang b’wan;
          May isang aninong aking natanaw;
          Hindi sinasadya, nang aking lapitan
          Isang babae po, iyang natagpuan.

          At kitang-kita kong ikinubli niya.
          Siya’y naririto at nasa tribuna,
          Nagnakaw ng ibon ay isang bilyaka!

Hari:                     Diyata’t bilyaka?
                   Sino sa kanila?

Bilyako 1:              Sa unang hanay po.

Bilyaka 2:             H’wag paniwalaan.
                   Siya’y bulaan!
                   (Magkakaingay)

Hari:                     (Sa lahat) Katahimikan!
                   (Sa Bilyako 1) Mapatototohanan?

Bilyako 1:              Ako’y nalalaan!

Bilyaka 2:             Kung kagabi lamang ang sinabi niya,
                   Hindi maaari’t kami’y magkasama;
                   Kami’y namamasyal ng irog kong sinta,
                   Pa’nong mananakaw ang ibon sa hawla?

Hari:                     Kung hindi nga siya, sabihin kung sino
                   At pakaasahang parurusahan ko.

Bilyaka 2:             Ang nuha ng ibo’y sa ikalawang hanay,
                   Doon nakaupo nang buong hinusay,
                   Walang iba kundi kanyang kasintahan (Ituturo.)
                   Kung hindi ay bakit ipinagsasanggalang?

Hari:                     Pinararatanga’y hindi umiimik,
                   Tila nga may sala’t dila’y nauumid. (Mag-iisip)
                   Sapagkat may sala
                   Heto, palmatorya! (Akmang papaluin)

Bilyako 2:              Kaiingat kayo, O mahal na hari,
                   Mag-isip-isip ka’t baka magkamali.
                   (Titigil ng pagsasalita bago magpapatuloy)
                   Nalalaman ko po kung sinong nagnakaw.
                   Aking ibubulong kung pahihintulutan.

Hari:                     Nagpapahintulot!

Bilyako 2:             (Lalapit at bubulong)

Hari:                     Ipakakaon ko, talaga bang tunay?
                   (Siyang pagdating ng abay ng reyna)

Abay ng Reyna:     Mahal na hari po, ibo’y aking dala,
                   Isasauli ko sa kinunang hawla;
                   Kagabi po ito’y kinuha ng reyna
                   Siya ay nag-aliw sa pangungulila!

Hari:                     Kung gayon ay walang dapat parusahan!
                   Ibalik ang ibon sa hawlang kinunan.
                   Kung uulitin pa’y ipagbibigay-alam
                   Nang huwag ang iba ang mapagbintangan.

Abay ng Reyna:      ’Pinagbigay-alam sa inyong gward’ya,
                   Baka nalimutan at nalingat siya.

Hari:                     Maraming salamat, bilyaka’t bilyako,
                   Ngayo’y tinatapos itong larong duplo.
                   Paalam sa lahat, salamat sa inyo,
                   Muling magkikita pag naglaro tayo.    

W A K A S

Miyerkules, Hulyo 15, 2015

Ang Karagatan

Ang karagatan ay isang uri ng tulang patnigan sapagkat ito ay dulang patula.  Nagpapalitan ng patulang pahayag ang mga tauhan dito.

Ang larong ito na karaniwang ginagawa o nilalaro ng mga dalaga at mga binata upang di antukin sa huling gabi ng paglalamay.

Hango ito sa isang alamat tungkol sa singsing na nahulog sa karagatan ng isang prinsesa ang ang piniling mapangasawa ay ang binatang nagtaumpay sa pagsisid sa karagatan.

Ang sumusunod ay halimbawa ng karagatan:

 (May isang mesang nakalagay ang mga paninda-mga garapon ng pagkain at mga de-bote. May dalawang dalaga at apat na binata sa paligid ng mesa. Maraming tao sa paligid. Isang matanda ang lalapit sa ponda.)

Tandang Terong:   Humm… tila matagal nang nakasalang ang sinaing ay ‘di
                              pa nagagatungan.

Isang Manonood:   Kailangang gatungan ang sinaing nang maluto’t tayo’y
                             makakain.

Maring:                 Ang kahoy na panggatong kaya ‘di masindihan ay higit
                              na marami ang nasa kalan kaysa kailangan.

Isa pang manonood: Tama si Maring. Ang isa’y malungkot kaya’t
                            naghahanap; dalawaha’y angkop at siyang anong sarap;
                            ngunit pag nagtatlo’y isa na ang kalabisan.Kung ‘di  
                                matiyak ni Neneng  kung sino sa kanila ang kakausapin, 
                            mga kanayon ano’ng  kailangan?

Lahat:                   Tanging paraa’y ang karagatan.

Ingkong Terong:    Ayos ka na ba, Neneng?

Neneng:            Tumanggi man po ako’y walang mangyayari.
                           Kagustuhan rin ninyo ang masusunod.

Ingkong Terong:    At kayong apat?

Apat na Lalaki :    Opo.

Ingkong Terong:    Akin  na, Neneng ang iyong singsing. (Aabutin sa dalaga 
                              ang singsing at ihuhulog sa tubig na nasa garapon).
                              Kayong apat ay magpapalabunutan kung sino ang unang
                              sisisid sa singsing na inihulog ni Neneng. (Palabunutan).   
                             At ikaw Berting ang unang sisisid sa dagat ng pag-ibig                      
                             upang makuha ang singsing.

Mga Tao:               (Palakpakan)

Isang Tao:       Pagbutihin mo, binata at si Neneng ay marami nang  
                   nailunod  na talisuyo sa karagatan.

Berting:              Magandang gabi sa inyong lahat
                 Mga nariritong kanayon ni Neneng
                 At sa iyo mutya’y muling nagpupugay.
                 Ipinangangakong nahulog mong singsing
                    Aking sisiri’t sa iyo’y ibibigay
                    Tanda ng pag-ibig na walang hangganan.
                    Dahilan sa ako’y siyang nakabunot
                    Ng palitong itong nagpapahintulot
                    Ako ay sumisid sa dagat ng nais
                    At ang iyong singsing ay aking makamit
                    Ay katunayan nang Diyos ang pumili
                    Na ako ngang ito’y siya mong itangi.   
                    Sumisid sa singsing na aking hinulog
                    Subalit ‘di upang siyang maging irog
                    Kundi idaan lang muna sa pagsubok
                    Kaya’t sisirin mo ang tanong kong ito
                    At singsing kong ito ay nang maangkin mo
                    Ang singsing na itong linso’t walang bato
                    Turan mo’ng simula at ang dulo nito.

Berting:      Tila ang bugtong mo’y sinlalim ng dagat
          Na ‘di matatarok ng isip kong pahat.
          Kaya’t iyong singsing nais mang makuha
          Isa pang pagsubok ay hiling ko sinta.

Kulas:           Ang pagkakatao’y isalin sa iba
          Nang ‘di masabing ikaw ay buwaya
          Akong nabunot ng pang-ikalawa
          Inaangkin hirang kanyang karapatan
          Sumisid sa dagat ng singsing mong bugtong
          Na siyang panumbas sa iyong pag-irog.

Neneng:       Kung gayon, o, Kulas, iyo nang sisirin
          Ang lalim ng puno’t dulo niyang singsing.

Kulas:        Singsing, aking Neneng, walang puno’t dulo
          Mayroon ngang simula at may wakas ito
          Ang simula’y bilog nito na panloob
          At ang katapusa’y panlabas na bilog.
          Ganyan kung gawin, singsing ng pag-ibig
          Haya’t nasisid  ko singsing mong nahulog.

Neneng:       Iyan ang tanong diyan kay Lamberto
          Kaya’t heto naman ang para sa iyo;
          Nang ika’y parito, pamula sa kanto
          Ilang bahay, Kulas, ang naraanan mo?
          May ilaw ay ilan, iyo sanang turan
          Tingnan ko ang tibay pang-alaala mo?

Kulas:          Salamat Neneng ko’t iyang katanungan
          Kay daling sagutin kaya’t aking masasabing
          Ako’y tanging mahal; Heto ang tugon ko:
          Bahay, pito lamang at sa mga ito’y
          Aking natandaan, apat ang may ilaw-
          Ito’y patotoong isip ko’y malinaw.

Neneng:       Kulas, ika’y mali sa iyong katugunan
          Kaya’t isasalin itong aking tanong
          Sa sinong ikatlong sa tubig lulusong
          At siyang sisisid, sa singsing kong bugtong.

Nardo:         Ako ang ikatlong dapat subukin mo
          Kaya’t iyong dinggin ang tugon ko’y:
          Pamula sa kanto at hanggang sa rito
          Walang bahay ni ilaw akong natandaan
          Kundi itong ponda ni Neneng kong mahal.
Mga Tao:     (Palakpakan at kantiyawan)

Neneng:       Kung gayon ito naman ay tugunin
          Pang-una sa ikatlong iyong sasagutin
          Bakit ba ang tubig sa bilog na mundo
          Hindi tumatapon walang ligwak ito?

Nardo:         Sa abot ng isip narito ang tugon:
          Tubig, bato’t tao, at lahat sa mundo
          Ay ‘di tumatapon dahil sa ang globo
          Ay isang malaki’t mabisang magneto;
          Hinihigop nito ang lahat ng narito
          At sa kalawaka’y ‘di tayo tutungo.

Mga Tao:     Magaling! Mabuhay si Nardo!

Neneng:       Pangalawang tanong,heto na’t pakinggan
          Paanong buwang sa langit ay tanglaw
          Aking mahihipo’t mapaglalaruan?
          Ito’y pangarap nang ako’y musmos pa lamang
          Kung talagang ako ay sadyang mahal mo
          Paiirugan mo ang hiling kong ito.

Nardo:         Salamat, O, Ina, sa pag-aaruga mo,
          Noong ako’y munti’t pinalalaki mo.
          Isang paborito’t ibig kong kuwento
          Ay siyang panugon sa tanong na ito.
          Sa pamamagitan ng isang salamin
          Minumutyang buwan ay pabababain
          Kahit sa kandungan ng mutya ko’t giliw
          Mapaglalaruang buwang hinihiling.

Mga Tao:     Magaling! Iyan ang binata namin!...
          Pakinggan natin ang tanong na ikatlo.

Nardo:         Ako’y nakahanda sa pangatlong tanong
          Singsing na nahulog aking sisisirin
          Sukdang ikapugto ng hiningang tangan
          Kung puso ng mutya’y aking maaangkin.


Neneng:       Ako’y nangangamba, ako’y natatakot
          Na ang huling tanong kaniyang masagot
          Itong karagatan isang laro lamang
          Ngunit paglalarong birong totohanan
          Ayoko na yatang ito ay ituloy
          Baka sa sagutan ako’y maparool.

Ingkong Terong: Ituloy mo, apo, bahala na ako.

Neneng:       Kung gayon, Leonardo, tugunin mo ito.
          Kung tayo’y makasal, ay nanaisin ko
          Na magpulot-gata sa bayang Mindoro
          Na ating sasakya’y binalsang kawayan
          Na bigkis ng lubid na pawang hinabi
          Sa buhanging pino’t ikaw ang pipili.

Nardo:         Neneng, aking mahal, sadyang mahal kita
          Kaya’t imposible’y pag-aariin pa
          Lubid na buhangin, aking pipiliin
Kung pababaunan ng aking pagkain
          Bawat isang linggong kakailanganin
          Sa ‘sang dahong ipil iyong babalutin.

Neneng:       ‘Di ba’t ang hiling sa akin nanggaling
          Bakit ngayo’y ako ang pasusulitin?

Nardo:         ‘Pagkat paniwalang ‘di ka sinungaling

Neneng:       Ano ang batayan ng iyong pasaring?

Nardo:        Salamat kung gayon, mutya ko at giliw
          Ikaw ay may wikang tapat at matining
          Nang iyong sabihin tayo’y kakasalin
          Inakalang tapat ikaw sa paggiliw
          Kaya’t sa problemang aking
          Kahati ka sa tuwa’t  sa ligaya gayo’y din
          Ang buhanging lubid ay kaya kong gawin
          Kung sa hirap nito’y kasalo ang giliw.

Neneng:       Ayoko’t ‘di tama! ‘Di pala kasal,
          Ni walang sintahan ay mag-aasawa na.

Nardo:        ‘Di nga mag-asawa ngunit may pagsinta!

Neneng:       Ay sayang! Sayang na pag-ibig
          Sayang ang singsing kong nahulog sa tubig
          Kung ikaw rin lang siyang sisisid
          Mahanga’y hintin kong kumati ang tubig.

Tandang Terong:   Sa unang pagkakataon ay nagkaganito ang apo ko.
                   Ako ang hahatol. Tama si Nardo.
                   Ang karagata’y simula lang ng kuwento
                   Mula ngayon, Nardo, sa bahay pumanhik
                   At doon mo ihibik ang iyong pag-ibig.

Pepito:         (Iiling-iling at magkikibit ng balikat.)

Mga Tao:     Mabuhay si Ingkong Terong! Mabuhay!
          Mabuhay ang karagatan, aliwang Pilipino!
          (Palakpakan)




Martes, Hunyo 16, 2015

Ang Bulong

Ang Bulong

Tinatawag ding orasyon ang Bulong na kabilang sa mga unang tula ng mga Pilipino.  Inuusal ito sa iba’t ibang pagkakataon tuldas sa panggagamot, pang-usog, pang-iingkanto ng mga albularyo  at sa mga ispiritu o mga bagay ng kababalaghan.

Halimbawa Tabi, tabi po,
Aisin po ang sakit ng asawa ko.

Huwag magagalit, kaibigan
Aming pinuputol lamang
Ang sa ami’y napag-utusan.

Dagang malaki, dagang maliit
Ang ngipin kong bulok at pangit
Magkaroon ng magandang kapalit.



Huwebes, Marso 12, 2015

Ang Alamat ng Rice Cooker


-Jeleiah Viduya

May ilang dekada na ang nakalipas  sa isang di kalayuang nayon ng Ambitacay, may isang dalaga na nangngngalang Adawea. Mula nang magkasunod na pumanaw ang kanyang mga magulang, mag-isa na lamang siyang namumuhay sa kanilang tahanan.
Kilala sa pamayanan si Adawea dahil sa kanyang pambihirang kasipagan, kabaitan at pagkamatulungin sa kapwa. Sanay na sanay siya sa mga gawaing-bukid gaya ng pagtatanim, pagdidilig at pag-alaga ng mga halaman.  Siya rin ang nag-aani at nagbebenta ng kanyang mga produkto gaya ng kamatis, talong, ampalaya, kalabasa at iba pa. Magiliw siya sa lahat kaya naman mabilis niyang naibebenta ang mga ito.
Dahil walang kasama sa bahay, solo niya ang mga gawain dito gaya ng paglilinis at paglalaba. Napapanatili niyang malinis at maayos ang loob at labas ng kanyang tahanan.
Kapag may mga kapitbahay na nangangailangan ng tulong, hindi siya nagkakait.  Mga bata man o matatanda,  malapit sa sa kanya.
Sa kabila ng lahat ng taglay niyang magagandang katangian,  may tanging kapintasan si Adawea – tamad siya sa pagluluto.  Katunayan, kahit kailan ay  hindi niya ito sinubukang gawin.
Sa loob ng labindalawang taon mula nang mapag-isa siya sa buhay, puro tinapay, mga prutas at mga lutong pagkain na bigay ng mga kapitbahay lamang ang kanyang kinakain.
Gayunpaman,  di na pinapansin ng ibang tao ang kapintasang ito.  Marahil, napagtatakpan na ito ng kasipagan, kabaitan at pagkamatalungin ng dalaga.
Bukod pa rito, namumukod-tangi rin ang kagandahan ni Adawea. Bagay ito na nakakatawag-pansin lalo na sa mga kabinataan na hindi napipigilan ang pag-akyat ng ligaw kay Adawea.
Ngunit walang nagtagumpay sa mga kabinataan ng Ambitacay na paibigin ng dalaga.
Isang araw, may mga dayuhan na dumating sa kanilang lugar upang magsagawa ng outreach program. Kabilang sa grupo si Johnny, na na-love-at-first-sight nang masilayan nito si Adawea
Sa hindi maipaliwang na dahilan,  tila nagrigodon ang puso ng dalaga sa unang pagdadaupang-palad nila.
Bagama’t may communication barrier sila dahil parehong walang kasanayan sa wika ng bawat isa,  hindi ito naging balakid sa kanilang pag-iibigan.
Humantong sa pag-iisang dibdib ang kanilang pagmamahalan.
Sumama na si Adawea nang mgpasya itong sa Maynila na sila manirahan.
Naging maligaya ang kanilang pagsasama.  Tila naging isang piping kasunduan na nila  na ang pagluluto ay palagiang gawain  ni  Johnny.
Isang araw,  habang nasa kusina si Johnny, nagmamadali itong lumabas at nagtungo sa silid-tulugan kung saan nagliligpit ng mga damit ang asawa.
“Bakit? What’s the matter with you?” tanong ni Adawea na noon ay agad sinaklit ng matinding pag-aalala.
“I’m sorry, wife… I can’t cook now… I am not feeling well.”
“No worries… I’ll cook for you.  Stay here…Ako ang bahala,” awtomatikong tugon na Adawea.
 “Talaga, Darling?” di makapaniwalang tanong ni Johnny  sa asawa.
“S-sure, love kita e…” nakangiting tugon ni Adawea.
“Thanks, wife.  K-kahit rice lang, please?” may pagllmbing na pakiusap ni Johnny na sa ilang buwan lamang ng pnanatili sa Pilipinas ay nawili nang kumin ng kanin.
Dahil sa matinding pag-ibig sa asawa, hindi na nagdalawang-isip pa si Adawea. Agad siyang pumunta sa kusina kung saan naiwan ni  Johnny  ang bukas na electric kettle ng pinapakuluan nitong tubig.
Agad na inabot ni Adawea  ang  bigas na nasa wall cabinet sa tapat ng noon ay kumukulo nang tubig sa electric kettle.
Hindi sinasadya,  tumapon ang kinukuha niyang bigas sa kumukulong tubig.
Nataranta siya at agad tinawag ang asawa. Nakalimutan niyang masama ng pakiramdam nito.
“Johnny, asawa ko,   come…” hinila niya  papuntang kusina ang asawang nagulat at hindi na nakapalag.
Nadatnan nilang naluto na ang bigas na natapon sa electric kettle.
“The rice..cook…er, ..” natataranta pa rin si Adawea.  Hindi maapuhap ang salitang sasabihin para magpaliwanag.
 “Rice cooker? Oh wow! Good job, wife! I love you more.”  At buong pagmamahal na hinapit ni Johnny ang asawa.  Ayaw niya itong mapahiya sa pagsisikap na makapagluto dahil sa kanya.

At mula noon, nagkaroon na ng rice cooker.

Miyerkules, Marso 11, 2015

Florante at Laura:Saknong 361-374

361
Napakinggan nila'y ganitong saysay
 "nang aking matatap na papupugutan
 ang abang sinta kong nasa bilangguan
 nagdapa sa yapak ng haring sukaban.
362 
"Inihinging-tawad ng luha at daing 
ang kaniyang anak na mutya ko't giliw; 
ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin 
ang pagsinta niya'y di patatawarin. 
363 
"Anong gagawin ko sa ganitong bagay?
ang sinta ko kaya'y bayaang mamatay?
napahinuhod na ako't nang mabuhay
ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!
364
"Ang di nabalinong matibay kong dibdib
ng suyo ng hari, bala at paghibik,
naglambot na kusa't humain sa sakit
at nang mailigtas ang buhay ng ibig.
365
"Sa tuwa ng hari, pinawalan agad
ang dahil ng aking luhang pumapatak;
datapwa't tadhanang umalis sa syudad
at sa ibang lupa'y kusang mawakawak.
366
"Pumanaw sa Persya ang irog ko't buhay
na hindi man kami nagkasalitaan;
tingni kung may luha akong ibubukal
na maitutumbas sa dusa kong taglay

367
"Nang iginagayak sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko,
aking naakalang magdamit-gerero
at kusang nagtanan sa real palasyo.
368
"Isang hatinggabi kadilima'y lubha,
lihim na naghugos ako sa bintana;
walang kinasama kung hindi ang nasa--
matunton ang sinta kung nasaang lupa.
369
"May ilan nang taon akong naglagalag
na pinapalasyo ang bundok at gubat;
dumating nga rito't kita'y nailigtas
sa masamang nasa niyong taong sukab..."
370
Salita'y nahinto sa biglang pagdating
ng Duke Florante't Prinsipe Aladin;
na pagkakilala sa boses ng giliw,
ang gawi ng puso'y di mapigil-pigil.
371
Aling dila kaya ang makasasayod
ng tuwang kinamtan ng magkasing irog?
sa hiya ng sakit sa lupa'y lumubog,
dala ang kaniyang naputol na tunod.
372
Saan kalangitan napaakyat kaya
ang aking Florante sa tinamong tuwa;
ngayong tumititig sa ligayang mukha
ng kaniyang Laurang ninanasa-nasa?
373
Anupa nga't yaong gubat na malungkot,
sa apat ay naging paraiso't lugod;
makailang hintong kanilang nilimot
na may hininga pang sukat na malagot.
374
Sigabo ng tuwa'y nang dumalang-dalang,
dininig ng tatlo ang kay Laurang buhay;
nasapit sa reyno mula nang pumanaw

ang sintang nanggubat; ganito ang saysay...

Martes, Marso 10, 2015

Florante at Laura: Saknong 347-360

347
"Ang pagkabuhay mo'y yamang natalastas,
tantuin mo naman ngayon ang kausap;
ako ang Aladin sa Persyang Syudad,
anak ng balitang Sultang Ali-Adab.
348
"Sa pagbatis niring mapait na luha,
ang pagkabuhay ko'y sukat mahalata...
(Ay, ama ko! bakit...? Ay, Fleridang tuwa!)
katoto'y bayaang ako'y mapayapa.
349
"Magsama na kitang sa luha'y maagnas,
yamang pinag-isa ng masamang palad;
sa gubat na ito'y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos na hirap."
350
Hindi na inulit ni Florante naman,
luha ni Aladi'y pinaibayuhan;
tumahan sa gubat na may limang buwan,
nang isang umaga'y naganyak maglibang.
351
Kanilang nilibot ang loob ng gubat,
kahit bahagya nang makakitang landas;
dito sinalita ni Alading hayag
ang kanyang buhay na kahabag-habag.
352
Aniya'y "Sa madlang gyerang dinaanan,
di ako naghirap ng pakikilaban
para nang bakahin ang pusong matibay
ni Fleridang irog na tinatangisan.
353
"Kung nakikiumpok sa madlang prinsesa'y,
si Diana'y sa gitna ng maraming Nimpa,
kaya't kung tawagin sa Reynong Persya,
isa si Houris ng mga propeta.
354
"Anupa't pinalad na aking dinaig
sa katiyagaan ang pusong matipid;
at pagkakaisa ng dalawang dibdib
pagsinta ni ama'y nabuyong gumiit.
355
"Dito na minulan ang pagpapahirap
sa aki'y ninasang buhay ko'y mautas;
at nang magbiktorya sa Albanyang Syudad,
pagdating sa Persya'y binilanggo agad.
356
"At ang ibinuhat na kasalanan ko,
di pa utos niya'y iniwan ang hukbo;
at nang mabalitaang reyno'y nabawi mo,
noo'y hinatulang pupugutan ng ulo.
357
"Nang gabing malungkot na kinabukasan,
wakas na tadhanang ako'y pupugutan,
sa karsel ay nasok ang isang heneral,
dala ang patawad na lalong pamatay.
358
"Tadhanang mahigpit ay malis pagdaka,
huwag mabukasan sa Reyno ng Persya;
sa munting pagsuway-buhay ko ang dusa...
sinunod ko't utos ng hari ko't ama.
359
"Nguni't sa puso ko'y matamis pang lubha
na tuloy nakitil ang hiningang aba,
huwag ang may buhay na nagugunita--
iba ang may kandong sa langit ko't tuwa.
360
"May anim na ngayong taong walang likat
nang nilibut-libot na kasama'y hirap..."
napatigil dito't sila'y may namatyag--
nagsasalitaan sa loob ng gubat.