Pages

Huwebes, Marso 12, 2015

Ang Alamat ng Rice Cooker


-Jeleiah Viduya

May ilang dekada na ang nakalipas  sa isang di kalayuang nayon ng Ambitacay, may isang dalaga na nangngngalang Adawea. Mula nang magkasunod na pumanaw ang kanyang mga magulang, mag-isa na lamang siyang namumuhay sa kanilang tahanan.
Kilala sa pamayanan si Adawea dahil sa kanyang pambihirang kasipagan, kabaitan at pagkamatulungin sa kapwa. Sanay na sanay siya sa mga gawaing-bukid gaya ng pagtatanim, pagdidilig at pag-alaga ng mga halaman.  Siya rin ang nag-aani at nagbebenta ng kanyang mga produkto gaya ng kamatis, talong, ampalaya, kalabasa at iba pa. Magiliw siya sa lahat kaya naman mabilis niyang naibebenta ang mga ito.
Dahil walang kasama sa bahay, solo niya ang mga gawain dito gaya ng paglilinis at paglalaba. Napapanatili niyang malinis at maayos ang loob at labas ng kanyang tahanan.
Kapag may mga kapitbahay na nangangailangan ng tulong, hindi siya nagkakait.  Mga bata man o matatanda,  malapit sa sa kanya.
Sa kabila ng lahat ng taglay niyang magagandang katangian,  may tanging kapintasan si Adawea – tamad siya sa pagluluto.  Katunayan, kahit kailan ay  hindi niya ito sinubukang gawin.
Sa loob ng labindalawang taon mula nang mapag-isa siya sa buhay, puro tinapay, mga prutas at mga lutong pagkain na bigay ng mga kapitbahay lamang ang kanyang kinakain.
Gayunpaman,  di na pinapansin ng ibang tao ang kapintasang ito.  Marahil, napagtatakpan na ito ng kasipagan, kabaitan at pagkamatalungin ng dalaga.
Bukod pa rito, namumukod-tangi rin ang kagandahan ni Adawea. Bagay ito na nakakatawag-pansin lalo na sa mga kabinataan na hindi napipigilan ang pag-akyat ng ligaw kay Adawea.
Ngunit walang nagtagumpay sa mga kabinataan ng Ambitacay na paibigin ng dalaga.
Isang araw, may mga dayuhan na dumating sa kanilang lugar upang magsagawa ng outreach program. Kabilang sa grupo si Johnny, na na-love-at-first-sight nang masilayan nito si Adawea
Sa hindi maipaliwang na dahilan,  tila nagrigodon ang puso ng dalaga sa unang pagdadaupang-palad nila.
Bagama’t may communication barrier sila dahil parehong walang kasanayan sa wika ng bawat isa,  hindi ito naging balakid sa kanilang pag-iibigan.
Humantong sa pag-iisang dibdib ang kanilang pagmamahalan.
Sumama na si Adawea nang mgpasya itong sa Maynila na sila manirahan.
Naging maligaya ang kanilang pagsasama.  Tila naging isang piping kasunduan na nila  na ang pagluluto ay palagiang gawain  ni  Johnny.
Isang araw,  habang nasa kusina si Johnny, nagmamadali itong lumabas at nagtungo sa silid-tulugan kung saan nagliligpit ng mga damit ang asawa.
“Bakit? What’s the matter with you?” tanong ni Adawea na noon ay agad sinaklit ng matinding pag-aalala.
“I’m sorry, wife… I can’t cook now… I am not feeling well.”
“No worries… I’ll cook for you.  Stay here…Ako ang bahala,” awtomatikong tugon na Adawea.
 “Talaga, Darling?” di makapaniwalang tanong ni Johnny  sa asawa.
“S-sure, love kita e…” nakangiting tugon ni Adawea.
“Thanks, wife.  K-kahit rice lang, please?” may pagllmbing na pakiusap ni Johnny na sa ilang buwan lamang ng pnanatili sa Pilipinas ay nawili nang kumin ng kanin.
Dahil sa matinding pag-ibig sa asawa, hindi na nagdalawang-isip pa si Adawea. Agad siyang pumunta sa kusina kung saan naiwan ni  Johnny  ang bukas na electric kettle ng pinapakuluan nitong tubig.
Agad na inabot ni Adawea  ang  bigas na nasa wall cabinet sa tapat ng noon ay kumukulo nang tubig sa electric kettle.
Hindi sinasadya,  tumapon ang kinukuha niyang bigas sa kumukulong tubig.
Nataranta siya at agad tinawag ang asawa. Nakalimutan niyang masama ng pakiramdam nito.
“Johnny, asawa ko,   come…” hinila niya  papuntang kusina ang asawang nagulat at hindi na nakapalag.
Nadatnan nilang naluto na ang bigas na natapon sa electric kettle.
“The rice..cook…er, ..” natataranta pa rin si Adawea.  Hindi maapuhap ang salitang sasabihin para magpaliwanag.
 “Rice cooker? Oh wow! Good job, wife! I love you more.”  At buong pagmamahal na hinapit ni Johnny ang asawa.  Ayaw niya itong mapahiya sa pagsisikap na makapagluto dahil sa kanya.

At mula noon, nagkaroon na ng rice cooker.

Walang komento: