Pages

Sabado, Setyembre 8, 2018

WALANG SUGAT


Ni Severino Reyes


Unang Bahagi

I TAGPO
(Tanggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)


Koro    : Ang karayom kung iduro

               Ang daliri’y natitibo,

               Kapag namali ng duro

               Burda nama’y lumiliko


Julia    :  Anong dikit, anong inam

               Ng panyong binuburdahan,

               Tatlong letrang nag-agapay

               Na kay Tenyong na pangalan.


Koro    :   Ang karayom kung itirik

                tumitimo hanggang dibdib.

Julia    :   Piyesta niya’y kung sumipot

                Panyong ito’y iaabot,

                Kalakip ang puso’t loob,

                Ng kaniyang tunay na lingkod.

         

               Si Tenyong ay mabibighani

               Sa dikit ng pagkagawa

               Mga kulay na sutla,

               Asul, puti at pula.



              Panyo’t dito ka sa dibdib,

             Sabihin sa aking ibig

             Na ako’y nagpapahatid

             Isang matunog na halik.



Koro :  Ang karayom kung iduro

            Ang daliri’y natitibo.

           Hoy tingnan ninyo si Julia

           Pati panyo’y sinisinta,

           Kapag panyo ng ibig

          Tinatapos ng pilit

          Nang huwag daw mapulaan

          Ng binatang pagbibigyan:

          Ang panyo pa’y sasamahan

          Ng mainam na pagmamahal.


          At ang magandang pag-ibig

         Kapag namugad sa dibdib

         Nalilimutan ang sakit

         Tuwa ang gumugiit.


         Mga irog natin naman

         Sila’y pawang paghandugan

         Mga panyong mainam

         Iburda ang kanilang pangalan.


Julia    : Piyesta niya’y kung sumipot

             Panyong ito’y iaabot

             Kalakip ang puso’t loob

              Ng kaniyang tunay na lingkod.


Koro :   Nang huwag daw mapulaan

             Ng binatang pagbibigyan

             Ang panyo pa’y sasamahan

             Ng mainam na pagmamahal.



Salitain

Julia    :   Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo’y mangagsayaw na.

(Papasok ang magkasisikanta). (Lalabas si Tenyong).



II TAGPO

(Tenyong at Julia…)

Tenyong:        Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo…

Julia    :    Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya.

Tenyong:       Isang silip lamang, hindi ko na hihipuin, ganoon lang?… ay…

Julia    :         Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo.

Tenyong:        (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na

Hubog kandila, na anaki’y nilalik na maputing garing,
Ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang.

Julia    :           Huwag mo na akong  tuyain, pangit nga ang mga daliri ko.

Tenyong:        (Nagtatampo)  Ay!…

Julia    :           Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod.

Tenyong:        Masakit sa iyo!

Julia    :  (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong…(sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong tubig!

Tenyong:        Ay!

Julia    :  (Sarili) Anong lalim ng buntung hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor). (Sarili) Lalo ko pang pagagalitin.

Tenyong:  Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na ako nagagalit…

Julia    :     Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay!

Tenyong:  Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko.

Julia    :           Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang panyong iyan…

Tenyong:        Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio; N. Narciso, at F. ay Flores.

Julia    :           Namamali ka, hindi mo pangalan iyan.

Tenyong:        Hindi pala akin at kanino nga?

Julia    :           Sa among! Iya’y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko.

Tenyong:        Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra’y A, N, at F?

Julia    :           Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F ay Frayle.

Tenyong:   Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin nang tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko.

Julia    :  Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at magkikiskis maraming butil at nag nag-aalab na magsasalita).

Tenyong:  Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay … sinungaling ako… mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban).

Musika No. 2

Julia    :           Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan.

Tenyong:        Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan.

Julia    :           Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang  iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo.

Tenyong:        Salamat, salamat, Juliang poon ko.

Julia    :           Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko.

Tenyong:        Pag-iibigan ta’y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi…

Tenyong:        Julia ko’y tuparin adhikain natin.

Julia    :           Tayo’y dumulog sa paa ng altar.

Tenyong: Asahan mo.

Sabay: Di mumunting tuwa dito’y dumadalaw, ano pa’t wari di na mamamatay sa piling mo oh! (Tenyong) niyaring buhay (Julia) maalaalang may kabilang buhay… (Lalabas si Juana).


III. TAGPO

(Tenyong, Julia, at Juana mamaya’y Lukas)

Salitain

Juana  :  Julia, Julia, saan mo inilagay ang baro kong makato? (Nagulat si Julia at si Tenyong)

(Lalabas si Lukas)

Lukas  :           Mamang Tenyong, Mamang Tenyong…!

Tenyong:        Napaano ka, Lukas?

Lukas  :           Dinakip pa ang Tatang mo ng Boluntaryo ng Santa Maria.

Tenyong:        Diyata dinakip si Tatang?

Lukas  :           Opo.

Tenyong:        Saan kaya dinala?

Lukas  :           Sa Bulakan daw po dadalhin.

Tenyong:        Tiya, ako po paparoon muna’t susundan si Tatang.

Juana  :  Hintay ka sandali at kami’y sasama. Julia, magtapis ka… (Magsisipasok sina Juana, Julia, at Lukas).

Tenyong:   Oh, mundong sinungaling! Sa bawat sandaling ligayang tinatamo ng dibdib, ay tinutunungan kapagdaka ng matinding dusa! Magdaraya ka! Ang tuwang idinudulot mo sa amin ay maitutulad sa bango sa bulaklak, na sa sandaling oras ay kusang lumilipas.

(Telong Maikli)

Kalye


IV TAGPO

(Musika)

Koro at Lukas

Lukas  :           Tayo na’t ating dalawin mga tagarito sa atin.

Koro    :           Dalhan sila ng makakain at bihisan ay gayundin.

Isang Babae: Naubos na ang lalaki.

Lahat ng Babae:       Lahat na’y hinuhuli mga babae kami.

Lukas  :           Marami pang lalaki.

Lahat ng Lalaki: Huwag malumbay…kami nasasa bahay at nakahandang tunay, laan sa lahat ng bagay…

Lahat ng Babae: (Sasalitain) Mga lalaking walang damdam, kaming mga babae’y pabayaan, di namin kayo kailangan.

Isang Lalaki: Makikita ko si Tatang.

Isang Lalaki:  Kaka ko’y gayundin naman.

Isang Babae: Asawa’y paroroonan.



Isang Babae: Anak ko’y nang matingnan.

Lahat: Tayo na’t sumakay sa tren bumili pa ng bibilhin at sa kanila’y dalhin masarap na pagkain.

Mga Babae:   Tayo na, tayo na.

Lahat:        Sumakay na sa tren.

Mga Lalaki:    Doon sa estasyon.

Lahat:    Ating hihintuin. (Papasok lahat)

(Itataas ang telong maikli)


V TAGPO

(Bilangguan sa Bulakan, patyo ng Gobyerno, maraming mga bilanggong nakatali sa mga rehas).

Salitain

Relihiyoso 1.0: Ah, si Kapitan Luis! Ito tagaroon sa amin; maraming tao ito…

Marcelo:      Mason po yata, among?

Relihiyoso 1.0:  Kung hindi man mason, marahil filibustero, sapagka’t kung siya sumulat maraming K, cabayo K.

Marcelo:   Hindi po ako kabayo, among!

Relihiyoso 1.0:   Hindi ko sinasabing kabayo ikaw, kundi, kung isulat niya ang kabayo may K, na lahat ng C pinapalitan ng K. Masamang tao iyan, mabuti mamatay siya.

Relihiyoso 2.0:  Marcelo, si Kapitan Piton, si Kapitan Miguel, at ang Juez de Paz, ay daragdagan ng rasyon.

Marcelo:      Hindi sila makakain eh!

Relihiyoso 1.0:  Hindi man ang rasyon ang sinasabi ko sa iyo na dagdagan, ay ang pagkain, hindi, ano sa akin kundi sila kumain? Mabuti nga mamatay silang lahat. Ang rasyon na sinasabi ko sa iyo ay ang palo, maraming palo ang kailangan.

Marcelo: Opo, among, hirap na po ang mga katawan nila at nakaaawa po namang magsidaing; isang linggo na pong paluan ito, at isang linggo po namang walang tulog sila!

Relihiyoso 2.0:   Loko ito! Anong awa-awa? Nayon wala awa-awa, duro que duro-awa-awa? Ilan kaban an rasyon? Ang rasyon nan palo, ha!

Marcelo:  Dati po’y tatlong kaban at maikatlo sa isang araw na tinutuluyan, ngayon po’y lima ng kaban, at makalima po isang araw.

Relihiyoso 2.0:  Samakatuwid ay limang bese 25, at makalimang 125, ay Huston 526 (binibilang sa daliri). Kakaunti pa! (bibigyan si Marcelo ng kuwalta at tabako).

Marcelo:         Salamat po, among!

Relihiyoso 1.0:   Kahapon ilan ang namatay?

Marcelo:     Wala po sana, datapwa’t nang mag-uumaga po ay pito lamang.

Relihiyoso1.0:       Bakit ganoon? (gulat)

Marcelo:   Dahil po, ay si Kapitan Inggo ay pingsaulan ng hininga.

Relihiyoso 1.0;    Si Kapitan Inggo pinagsaulan ng hininga! Narito si Kapitana Putin, at ibig daw makita si Kapitan Inggo na asawa niya. Kung ganoon ay hindi mamamatay si Kapitan Inggo.

Marcelo: Mamamatay pong walang pagsala: wala na pong laman ang dalawang pigi sa kapapalo, at ang dalawang braso po’y litaw na ang mga buto, nagigit sa pagkakagapos.

Relihiyoso 1.0:    May buhay-pusa si Kapitan Inggo! Saan naroroon ngayon?

Marcelo: Nariyan po sa kabilang silid, at tinutuluyan uli ng limang kaban.

Relihiyoso 1.0:  Mabuti, mabuti, Marcelo huwag mong kalilimutan, na si Kapitan Inggo ay araw-araw papaluin at ibibilad at buhusan ng tubig ang ilong, at huwag bibigyan ng mabuting tulugan, ha?

Marcelo:  Opo, among  (Sa mga kasama niya) Companeros, habeis traido el dinero para el Gobernador?

Relihiyoso 2,3,4:   Si, si, hemos traido.

Relihiyoso 1.0:   Marcelo, dalhin dito si Kapitan Inggo.

Marcelo:   Hindi po makalakad, eh!

Relihiyoso 1.0:    Dalhin  dito pati ang papag.

Relihiyoso 2.0:    Tonto.

Tadeo :     Bakit ka mumurahin?

Juana  :    Kumusta po naman kayo, among?

P. Teban:  Masama, Juana, talaga yatang itong pagkabuhay namin ay lagi na lamang sa hirap, noong araw kami ay walang inaasahan kundi kaunting sweldo dahil sa kami’y alipin ng mga prayle; ngayon nga, kung sa bagay ay kami na ang namamahala, wala naman kaming kinikita; wala nang pamisa, mga patay at hindi na dinadapit; ngayon napaglirip na ang mga kabanalang ginawa ng mga tao noong araw ay pawang pakunwari at pakitang-tao lamang alinsunod sa malaking takot sa mga prayle.

Juana  :    Totoo po ba ang sabi mo.

P.Teban:  Kaya, Juana, di-malayong kaming mga lklerigo ay mauwi sa pagsasaka, tantuin niyong kaming mga pari ay hindi mabubuhay sa panay na hangin.

Juana  :   Bakit dami mo pong mga pinakaing mga pamangking dalaga?

P. Teban:   Siya nga, ulilang inaampon ko.

Miguel:       Ay! Aling Julia… ay… ma… ma… malapit na po…

Julia    :      Alin po ang malapit na?

Miguel:       Ang… ang… ang…

Julia    :      (Sarili) Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Tadeo :    Miguel, tayo na’t nagkayari na kami ng kaniyang ina.

Miguel:     Ay… salamat (tuwang-tuwa.)

Julia    :       (Sarili) Ipinagkayari na pala ako ni Inang?

Tadeo :       Ano ba ang sinabi mo?

Miguel :       Sinabi ko pong … ay Julia! Ay! Aling Julia! Ay, Julia ko!

Tadeo :       Wala ka nang nasabi kundi pulos na “ay”? Hindi ka nagpahayag ng pagsinta mo?

Miguel :       Sinabi ko pong malapit na…

Tadeo :        Malapit na ang alin?

Miguel :     Itinatanong nga po sa akin kung alin ang malapit na eh, hindi ko po nasagutan…

Tadeo:   Napakadungo ka! Ay Ige, tayo na’t baka ka pa mahalata…

Relihiyoso 1.0:    Kapitana Putin, mana dalaw, parito kayo.

(Magsisilabas ang mga dalaw).


VI TAGPO

(Mga Relihiyoso, Putin, Juana, Julia, Tenyong, at mga dalaw, babae at lalaki).

Salitain

Relihiyoso 1.0:    Kapitana Putin, ngayon makikita ma na angbtao mo, dadalhin dito, at sinabi ko sa Alkalde na huwag nang paluin, huwag nang ibibilad at ipinagbilin ko na bibigyan na ng mabuting tulugan…

Putin   :    Salamat po, among.

Relihiyoso 1.0:   Kami ay aakyat muna sandali sa Gobernador, at sasabihin namin na pawalan, lahat ang mga bilanggo, kaawa-awa naman sila.

Putin   :     Opo, among, mano na nga po… Salamat po, among.

(Magsisihalik ng kamay, si Tenyong ay hindi at ang mga ibang lalaki).

Relihiyoso 1.0:  (Sa mga kasama) Despues de ver el Gobernador.. a Manila, cogemeros el tren la Estacion de Guiguinto, es necesario deciral General que empiece ya a fusilar a los ricos e ilustrados de la provincia, porque esto va mal.

Relihiyoso 2.0:    Ya lo creo que va mal.

Los 3  :    Si, si a fusilar, a fusilar.

(Papasok ang mga pare).


VII TAGPO

(Sila rin, wala na lamang ang mga relihiyoso)

Salitain

Putin   :    Tenyong, kaysama mong bata, bakit ka hindi humalik ng kamay sa among?

Tenyong:    Inang, ang mga kamay pong… namamatay ng kapwa ay hindi dapat hagkan, huwag pong maniniwalang sasabihin niya sa Gobernador na si Tatang ay pawalan, bagkus pa ngang ipagbibiling patayin na ngang tuluyan. (Sarili) Kung nababatid lamang ng mga ito ang pinag-usapan ng apat na lilo! Nakalulunos ang kamngmangan!

(Ipapasok si Kapitang Inggo na nakadapa sa isang papag na makitid).

Putin   : Inggo ko!

Tenyong:  Tatang!

Julia    :    Kaawa-awa naman!

Tenyong:   Mahabaging Langit!

Musika

Tenyong:  Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang mga buto sa mga tinalian, lipos na ang sugat ang buong katawan, nakahahambal! Ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali… Ah, kapag ka namatay oh, ama kong ibig, asahan mo po at igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit, sa ulo ng prayle isa sa kikitil.

Salitain

Tenyong:   Tatang, ikaw po’y ititihaya ko nang hindi mangalay…

Inggo   :  Huwag na … anak ko… hindi na maaari… luray luray na ang katawan… Tayo’y maghihiwalay na walang pagsala! Bunso ko, huwag mong pababayaan ang Inang mo!

Putin, ay Putin … Juana-Julia.. kayo na lamang ang inaasahan kong kakalinga sa kanila… Ang kaluluwa ko’y inihain ko na kay Bathala.

Tenyong:  Diyos na may kapangyarihan! Ano’t inyong ipinagkaloob ang ganitong hirap? (Dito lamang ang pasok ng kantang “Ang dalawang braso’y…)

Musika No.2

Tenyong:   Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal, ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari, lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay satang malupit nakikiugali. Ah! Kapag namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po’t igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit sa ulo ng prayle, isa sa kikitil.

Julia    :  Taya ng loob ko at binabanta-banta mga taong iya’y tadtarin man yata lahat ng niyang laman, buto samapung taba, di makababayadsa utang na madla.

(Mga Babae at Lalaki)

Di na kinahabagan kahit kaunti man, pariseos ay daig sa magpahirap.

Tenyong:  Oo’t di matingnan puso ko’y sinusubhan sa ginawa kay Amang ng mga taong hunghan… ang awa’y nilimot sa kalupitan…

Lalaki’t Babae: Wari mukha nang bangkay…

Tenyong:  Inang, masdan mo po… at masama ang lagay  ni Tatang,  Inang, tingnan mo’t naghihingalo… Tatang, Tatang…

Putin   :    Inggo ko… Inggo…

Tenyong:  Patay na!

(Mangagsisihagulgol ng iyak)

Telong Maikli


VIII. TAGPO

(Sila ring lahat, wala lamang si Kapitang Inggo, ang Alkalde, at mga bilanggong nangakagapos).

Salitain

Putin   : Tenyong, hindi yata ako makasasapit sa atin! Julia, nangangatal ang buong katawan ko! Nagsisikip ang aking dibdib! Ang sakit ay taos hanggang likod! Ay, Tenyong, hindi ako makahinga! Ang puso ko’y parang pinipitpit sa palihang bakal!

(Si Putin ay mapapahandusay).

Tenyong:  Langit na mataas!

(Papasok lahat)


IX TAGPO

(Tenyong at mga kasamang lalaki, mamaya’y si Julia).

Salitain

Tenyong:        Mga kasama, magsikuha ng gulok, at ang may rebolber ay dalhi.

Isa       :           Ako’y mayroong iniingatan.

Isa pa  :           Ako ma’y mayroon din.

Tenyong:        Tayo na sa estasyon ng Guiguinto.

Isa       :           Nalalaman mo bang sila’y mangasisilulan?

Tenyong:   Oo, walang pagsala, narinig ko ang salitaan nila, at nabatid ko tuloy na sasabihin daw nila sa Heneral na tayo’y pagbabarilin na.

Isa       :       Mga tampalasan.

Isa pa  :      Walang patawad!

(Nang mangagsiayon, si Tenyong ay nakahuli sa paglakad, sa lalabas si Julia).

Julia    :       Tenyong, Tenyong!

Tenyong:        Julia!

Julia    :   Diyata’t matitiis, na Ina’y lisanin mo sa kahapis-hapis na anyo? Di ba nalalaman mong sa kaniya’y walang ibang makaaaliw kundi ikaw, at sa may dandam niyang puso, ay walang lunas kundi ikaw na bugtong na anak? Bakit mo siya papanawan?

Tenyong:  Julia, tunay ang sinabi mo; datapwa’t sa sarili mong loob, di ba si Inang ay kakalingain mong parang tunay na ina; alang-alang sa paglingap mo sa akin? Sa bagay, na ito, ano ang ipag-aalaala ko?

Julia    : Oo nga, Tenyong, ngunit hindi kaila sa iyo na ang maililingap ng isang lalaking kamukha mo ay di maititingin ng isang babaing gaya ko. Tenyong, huwag kang umalis!

Tenyong:  Julia, hindi maaari ang ako ay di pasa-parang; ako ay hinihintay ng mga kapatid, Julia, tumutugtog na ang oras ng pananawagan ng naaaping Ina, sa pinto ng nagpaubayang anak; ang Ina natin ay nangangailangan ng tunay nating pagdamay; dito sa dibdib ko’y tumitimo ang nakalulunos niyang himutok, ang nakapanlulumo niyang daing: “May anak ako,” anya, “ngayo’y kapanahunang ako’y ibangon na ninyo sa pagkalugami. Oras na, Julia ko, ng paglagot ng matibay na tanikalang mahigpit sa tatlong daang taong sinasangayad; hindi dapat tulutang… mga iaanak natin ay magising pa sa kalagim-lagim na kaalipin.

Julia    :   Wala akong maitututol, tanggapin na lamang ang huling tagubilin! (Huhubarin ang garantilyang may medalyita; tangnan at isusuot kay Tenyong ang garantilya.) Ang larawang ito’y aking isasabit sa tapat ng puso’y huwag iwawaglit at sa mga digma, kung siya’y masambit ipagtanggol ka sa mga panganib. Kung saka-sakaling irog ko’y masaktan, pahatid kang agad sa aking kandungan. Ang mga sugat mo’y aking huhugasan ng masaganang luhang sa mata’y nunukal.

Tenyong:        Sa Diyos nananalig.

Julia    :           Puso ko’y dinadalaw ng malaking hapis.

Tenyong:        Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw.

Julia    :           Mangungulimlim na ang sa matang ilaw.

Tenyong:        Ang ulap Julia ko’y di mananatili. Darating na ibig, ang pagluluwalhati.

Julia    :           Tenyong na poon ko’y kahimanawari. Magliwayway uli’t dilim ay mapawi.

Tenyong:        Huwag nang matakot, huwag nang mangamba. Ako’t tutupad lang ng aking panata sa pakikianib sa mga kasama. Aming tutubusin, naaliping Ina. Ikaw irog ko’y aking itatago sa loob ng dibdib, sa tabi ng puso. Nnag hindi malubos ang pagkasiphayo sa mga sakuna, ikaw’y kalaguyo. (Titigil) Yayao na ako!

Julia    :  Ako’y lilisanin? Balot yaring puso ng matinding lumbay, bumalik ka agad nang di ikamatay.

Tenyong:        Juliang aking sinta!

Julia    :       Oh, Tenyong ng buhay! 

Tenyong:      (Anyong aalis) (Sarili) Kaawa-awa! (Tuluyang aalis).

Julia    :    (Biglang lilingon) Te…! Yumao na! (papasok)


X TAGPO

(Tugtuging nagpapakilala ng damdamin. Pagdating ng bahaging masaya ay maririnig ang sigawan sa loob. Mga prayle at mga kasama ni Tenyong at si Tenyong.)

Sa loob.

Mga lahi ni Lucifer! Magsisi na kayo’t oras na ninyo! Ikaw ang pumatay sa ama ko – Perdon! Walang utang-na-di pinagbabayaran! (Hagara at mapapatay ang mga prayle, isa ang mabibitin na sasama sa tren).

Telon

Wakas ng Unang Bahagi


Ikalawang Bahagi

I TAGPO

(Bahay ni Julia)

Julia at Juana

Salitain

Juana  :  Julia, igayak ang loob mo; ngayon ay paparito si Miguel at ang kanyang ama, sila’y pagpapakitaan nang mainam.

Julia    :      Kung pumarito po sila, ay di kausapin mo po!

Juana  :      Bakit ba ganyan ang sagot mo?

Julia    :      Wala po!

Juana  :  Hindi naman pangit, lipi ng mabubuting tao, bugtong na anak at nakaririwasa, ano pa ang hangarin mo?

Julia    : Ako po, Inang ko, ay hindi naghahangad ng mga kabutihang tinuran mo, ang hinahangad ko po ay…

Juana  :    Ay ano? Duluhan mo, sabihin mo at nang matalastas ko.

Julia    :      Ang tanggapin pong mahinusay ng puso ko.

Juana  :    (Natatawa) Julia, ako’y natatawa lamang sa iyo, ikaw ay bata pa nga- anong pusu-pusoang sinasabi mo? Totoo nga’t noong unang dako, kapag may lalaking mangingibig, ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy sa puso, at kung ano ang kaniyang tibok ay siyang sinusunod datapwa’t gayo’y iba na, nagbago nang lahat ang lakad ng panahon, ngayo’y kung may lalaking nangingibig ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy dito (hihipuin ang noo) dito sa isip at di na sa puso; at kung ano ang pasya ng isip ay siyang paiiralin: ang puso sa panahong ito ay hindi na gumaganap ng maganda niyang katungkulan, siya’y nagpapahingalay na…

Julia    :      Nakasisindak, Inang ko, ang mga pangungusap mo!

Juana  :     Siyang tunay!

Julia    :    Ako po’y makasunod sa masamang kalakaran ng panahon, dito po ako makatatakwil   sa tapat na udyok ng aking puso.

Juana  :      Julia,  tila wari… may kinalulugdan ka nang iba.

Julia    :       Wala po!

Juana  :  Kung wala ay bakit ka sumusuway sa aking iniaalok? Nalaman mo na, ang kagalingan mong sarili ang aking ninananais. Ang wika ko baga, ay bukas-makalawa’y mag-aasawa ka rin lamang… ay kung mapasa-moro, ay mapasa-Kristiyano na!

Julia    :     Sarili) Moro yata si Tenyong!

II TAGPO

(Julia at Monica)

Salitain

Julia    :    Monicaaaaaaaaaa, Maonicaaaaaaaaaa.

Monica:      (Sa loob) Pooo!

Julia    :      Halika (Lalabas si Monica)

Pumaroon ka kay Lukas, sabihin mong hinihintay ko siya; madali ka…

Monica:    Opo (Papasok).


III TAGPO

(Julia, mamaya’y Miguel, Tadeo, Pari Teban, at Juana)

Musika

           Dalit ni Julia


Oh, Tenyong niyaring dibdib,

Diyata’ ako’y natiis

Na hindi mo na sinilip

Sa ganitong pagkahapis.



Ay! Magdumali ka’t daluhan,

Tubusin sa kapanganiban,

Huwag mo akong bayaang

Mapasa ibang kandungan.


Halika, tenyong, halika,

Atbaka di na abutin

Si Julia’yhumihinga pa…

Papanaw, walang pagsala!



At kung patay na abutin

Itong iyong nalimutan

Ang bangkay ay dalhin na lamang

Sa malapit na libingan.



Huling samo, oh Tenyong,

Kung iyo nang maibaon

Sa malungkot na pantiyon,

Dalawin minsan man isang taon.



Salitain



P. Teban: (Pumalakpak) Mabuti ang dalit mo Julia…datapwa’t napakalumbay lamang…

Julia: (gulat) Patawarin po ninyo at hindi ko nalalamang kayo’y nangagsirating…kahiyahiya po.

P. Teban: Hindi; hindi kahiya-hiya, mainam ang dalit mo. Ang Inang mo?

Julia: Nariyan po sa labas: tatawagin ko po (Papasok).

P. Teban: Magandang bata si Julia, at mukhang lalabas na mabuting asawa… Marunong kang

pumili, Miguel.

Tadeo: Ako, among, ang mabuting mamili, si Miguel po’y hindi maalam makiusap. (Lalabas

si Juana).

Juana: Aba, narito pala ang among! Mano po, among!

P. Teban: Ah, Juana, ano ang buhay-buhay?

Juana: Mabuti po, among.

Tadeo: (Kay Miguel) Lapitan mo.

Miguel: Baka po ako murahin ah! 17

 May manliligaw si Julia na Miguel ang pangalan. Mayaman at bugtong na anak ngunit dungo.

Payo ni Aling Juana:”Ang pag-ibig ay tinatanggap ng mata at itinutuloy sa isip at di sa puso” Tutol si

Julia kay Miguel. Ngunit ipinagkayari siya ng ina sa ama ni Miguel. Hindi alam ni Juana ang ukol sa

anak at pamangking si Tenyong. Nagpadala ng liham si Julia kay Tenyong sa tulong ni Lukas.

 Si Tenyong ay kapitan ng mga naghihimagsik. Walang takot sa labanan. Natagpuan ni Lukas

ang kuta nina Tenyong. Ibinigay ang sulat ng dalaga. Isinasaad sa sulat ang pagkamatay ng inang si

Kapitana Putin at ang araw ng kasal niya kay Miguel. Sasagutin na sana ni Tenyong ang sulat ngunit

nagkaroon ng labanan.


Ikatlong Bahagi 

 Sinabi ni Lukas kay Julia ang dahilan nang di pagtugon ni Tenyong sa liham. Nagbilin

lamang ito na uuwi sa araw ng kasal. Minsan habang nanliligaw si Miguel kay Julia ay si Tenyong

naman ang nasa isip ng dalagang ayaw makipag-usap sa manliligaw kahit kagalitan ng ina. Si Tadeo

na ama ni Miguel ay nanliligaw naman kay Juana, na ina ni Julia.

 Kinabukasa’y ikakasal na si Julia kay Miguel. Nagpapatulong si Julia kay Lukas na tumakas

upang pumunta kay Tenyong. Ngunit di alam ni Lukas kung nasaan na sina Tenyong kaya walang

nalalabi kay Julia kungdi ang magpakasal o magpatiwakal.

 Pinayuhan ni Lukas si Julia na kapag itatanong na ng pari kung iniibig nito si Miguel ay

buong lakas nitong isigaw ang “Hindi po!”. Ngunit tumutol ang dalaga dahil mamamatay naman sa

sama ng loob ang kanyang ina.

      Sa simbahan, ikakasal na si Julia kay Miguel nang dumating  si Tenyong na sugatan.

Ipinatawag ng Heneral ng mga Katipunero ang pari para makapangumpisal si Tenyong.

 Kinumpisal ng kura si Tenyong. Ipinahayag ng kura ang huling hiling ng binata – na sila ni

Julia ay makasal. Galit man si Juana ay pumayag ito. Maging si Tadeo ay pumayag na rin sa huling

kahilingan ng mamamatay. Gayun din si Miguel. Matapos ang kasal, bumangon si Tenyong.

Napasigaw si Miguel ng “Walang Sugat”. Gayundin ang isinigaw ng lahat.

      Gawa-gawa lamang ng Heneral at ni Tenyong ang lahat.



Mga Tanong:
1. Para kanino ang panyong binuburdahan ni Julia?   Bakit itinanggi niya it okay Tenyong?
2. Ano ang mga ginawang kalupitan ng mga prayle kay Kapitan Inggo?
3. Anong uri ng pag-ibig ang nanaig kay Tenyong sa pagtugon niya sa panawagang ipagtanggol ang naaping Inng Bayan? Pangatwiranan.
4. Sang-ayon ka ba na ipinagkasundo ng kanya ina si Julia kay Miguel?
5. Gumamit ng tsart. Paghambingin si Julia at ang mga dalagang milenyal ayon sa mga sumusunod:
a. Paraan ng pagreregalo at pag-aalala sa minamahal
b. Paraan ng pagpapakita ng damdamin at saloobin sa binatang minamahal
c. Pagtugon sa pasya ng mga magulang sa mga bagay na personal
6.  Ano ang pangkalahatang konsepto batay sa diwa, mensahe at tema ng akdang “Walang Sugat” ni Severino Reyes?
7. Sa iyong palagay, may bisa ba sa isip at damdamin ang akdang “Walang Sugat” ni Severino Reyes? Patunayan.
8. Ano ang mga pangyayari sa kasalukuyang panahon ang maiuugnay sa sarsuwelang “Walang Sugat” ni Severino Reyes?
9. Ang “Walang Sugat ni Severino Reyes ay isang halimbawa ng sarsuwela.  Batay dito,  bigyang-kahulugan ang SARSUWELA.
10. Bilang isang mag-aaral,  paano mo karaya maipakikita ang pagmamahal sa bayan?

      





x

Huwebes, Disyembre 28, 2017

Lathalain : Kumonekta sa Kalikasan sa Pamumundok sa Montalban

Swak na swak ang tema para sa World Environment Day sa taong ito na Connecting people to nature” sa nauusong  isport  sa Bayan ng  Rodriguez na “mountaineering” o ang  pamumundok. 
Mountaineering o pamumundok, ang isport ng pag-abot sa  pinakamataas na bahagi o summit ng mga bulubundking lugar alang-alang    lamang sa   personal na kaligayahan at kakutentuhan ng pag-akyat dito.
Isang pang-araw-araw na senaryo na ilang oras pa bago magbukang-liwayway,  tahimik nang nagdaratingan at pumipila ang mga batikan at baguhang mamumundok sa may tarangkahan ng tanggapan ng Department of Environment & Natural Resources (DENR), Department of Tourism at/o sa Tanggapan ng Barangay  para magparehistro bago humayo sa destinasyong bundok sa Rodriguez, Rizal.
Bulubundukin palibhasa ang topograpiya ng bayan ng Rodriguez kaya hango pa ang dating pangalang Montalban sa mga salitang Espanyol na  “Monte” na “mountain” o bundok” ang ibig sabihin at “Alba” na nangangahulugang “white”.     Pinalitan lang ang “Montalban” ng “Rodriguez” bilang parangal sa unang pinuno ng bayang ito at dating Senador ng Pilipinas na si Kgg. Eulogio “Amang” Rodriguez, Sr. sa bisa ng Batas Pambansa Bilang 275 na pinagtibay noong Nobyembre 12, 1982.
Mula sa Kamaynilaan, madaling marating ang Bayan ng Rodriguez kaya hindi lang mga Montalbenos ang nawiwili rito kundi nagiging paborito rin itong destinasyon ng mga mula sa iba’t ibang dako ng bansa. Mayroon na ring mga dayuhan mula sa ibang bansa gaya ng Korea. Nagkakabalitaan tungkol dito dahil sa social media at mga blogs.
Isang requirement na bawat aakyat na indibidwal o pangkat na binubuo ng hanggang pito-katao,  may kasamang isang tour guide na binabayaran ng minimal na halagang Php500.00 sa pag-akyat sa isang bundok at na  nadaragdagan. depende sa bilang ng aakyatin. Bago ang pag-akyat,  nagkakaroon ng maikling orientation na kalimitang pinangunahan ng mga tour guides.
Sulit naman ang mga tour guide dahil alam na alam na nila ang tungkol sa mga bundok na inaakyat kaya nagigig edukasyonal ang  aktibidad na kasama sila.  Bukod dito,  tour guides com photographers ang peg nila dahil        magagaling din silang kumuha ng mga larawan,  ang tanging bagay na maaaring kunin ng mga namumundok mula sa mga inaakyat nilang bundok. 
Bakit nga ba hindi?  Sumasabak sa mga seminar at pagsasanay nng mga tour guides sa photography at iba pa.
 Magkakatulad ang layunin ng bawat namumundok, ang kumonekta sa kalikasan sa pamamagitan ng una,  ang makarating at damhin ang biyayang hatid ng pagtapak sa pinakaituktok ng destinasyong bundok . Dito, hindi lang 'footprints' ang puwede nang iwan kundi maging ang marka na maaaring balikan sa hinaharap o kung hindi man,  masilayan ng mga susunod sa mga yapak ng mga nauna nang umakyat –  mga buto o punla na inihasik o itinanim para maging mga puno.
“Magdala tayo ng maitatanim o kahit mga buto na maihahasik upang maging puno pagdating ng araw sa ating pag-akyat para tulong na rin sa kalikasan,” suhestiyon ni Khay Villorente, dating K-9 Handler o Trainer sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na kabilang na ngayon sa mga  tour guides ng mga namumundok sa Montalban.
Pangalawang paraan ng pagkonekta sa kalikasan ang pagkakataong malapitan at masilayan man lamang at mapahalagahan ang napakayamang biodiversity ng  bayan na kinabibilangan ng iba't ibang hayop gaya ng paniki, cloud rat, unggoy at iba pa ganoon din ng  mga iba't ibang tanim o puno na makikita o matatanaw habang pahingal-hingal pang naglalakad sa daan.
May mga namumundok na 'by random lang' ang pangkat at pa-isa-isang bundok lang ang inaakyat bagama’t dumadayo pa sila mula sa ibang probinsya.
“Nalaman lang namin sa Facebook ang tungkol sa Mt. Pamitinan kaya nagkayayaan kaming magpipinsan,” ani Claire, 23 taong gulang mula sa Laguna.
“Babalik pa kami pero ibang bundok naman ang aakyatin namin,” paniniyak naman ng kanyang pinsan na si Pauline, edad 23 rin.
May mga namumundok na gumagawa ng twin hike o magkasunod na pag-akyat sa dalawang bundok.  Mayroon ding gumagawa ng  trilogy, quadrilogy, pentalogy, hexalogy, heptalogy, octalogy, ennealogy, decalogy at paniwalaan man o hindi, undecalogy adventure o tatlo hanggang labing isa (11) bundok ang inaakyat sa loob lamang ng isang araw.
Sa kasalukuyan, narito ang mga bundok sa Rodriguez, Rizal na bukas na para sa mga gustong           mamundok.
1. Mt. Pamitinan
Sa lahat ng mga bundok na  inaakyat sa Rodriguez, mukhang ang Mt. Pamitinan na nasa 426 + Meters above sea level (MASL)  ang pinakasikat .  Isa ito sa dalawang maalamat na bundok na pinaghiwalay diumano sa pamamagitan ng sariling lakas ng kathang-isip na bayaning  si Bernardo Carpio upang makalaya siya bagama’t may ibang bersyon namang nagsasabi na nakakadena pa rin siya sa gilid nito upang pigilan ang tuluyang pagsasalpukan nito at  ng Mt. Binicayan.
Sa totoong buhay naman at batay sa kasaysayan,  sa kuweba nito nagtago  si Andres Bonifacio noong 1895 kung saan niya idineklara ang isa sa mga unang deklarasyon ng kalayaan kung saan sinasabing nakaaukit pa rin ang kanyang pahayag na “Viva la Independencia Filipinas”.
Naitampok na rin sa telebisyon at iba pa ang Mt. Pamitinan bilang isa sa mga paboritong akyatin ng mga namumundok sa Montalban.
Maaaring  umabot sa isa’t kalahati hanggang dalawa’t kalahating oras ang pag-akyat dito depende sa  bilis ng paglakad o tagal ng pahinga sa pagitan nito.
Maraming madadaanang viewpoints paakyat dito na nagtatapos sa   pambihirang karanasan ng pag-akyat sa tulong ng malaking lubid bago tuluyang  makasampa sa summit nito sa  ibabaw ng malaking bato,  kung saan tanaw ang Mt. Hapunang Banoy at  ang malayong Mt. Arayat  sa norte, isang malaking bahagi ng Bulubundukin ng  Sierra Madre sa hilagang silangan na kulay berde pa naman at ang papaunlad na bayan ng Rizal, ang malapit na tanawin ng Ilog ng Wawa at Mt. Binicayan.
Talagang mapapa-wow sa 360-degree view na matatanaw dito.

2. Mt. Binicayan
Mas mababa nang ilang metro ang Mt. Binicayan sa taas nitong nasa 424+ MASL pero hindi masasabing mas madaling akyatin.
Mahaba-haba ang bahagi ng kalsadang babagtasin na susundan ng  mga taniman bago ang mga daang mabato at maraming kawayan.  Pinaka-finale ang malalaking paghakbang sa mga naglalakihang  limestone upang marating ang summit.
Nasa dalawang oras ang pag-akyat kung diretso lang o saglit lamang ang mga paghinto para kumuha ng larawan.
Halos katulad lamang ng tanawin sa Mt. Pamitinan ang makikita rito        bagama’t mas malawak na bahagi ng Ilog ng Wawa ang matatanaw habang natatakpan ang isang bahagi ng ng Mt. Hapunang Banoy.
Kapag maaga ang pag-akyat dito, may tsansang makasilay ng mga    unggoy na nagpapalipat-lipat sa mga punong nadadaanan
3. Mt. Hapunang Banoy
Malaki-laki ang hamong  maihahain sa mga baguhang namumundok ng mahigit dalawang oras na pagtahak sa landas paakyat sa pinakaituktok ng Mt. Hapunang Banoy na  nasa 517 MASL.
Kumpara sa mga bundok ng Binicayan at Pamitinan,  higit na matutulis ang mga bato o limestones dito at pagdating sa summit, pahirapan ang pag-upo para sa pagkuha ng piktyur dahil may katulisan ang halos lahat ng bahagi ng malaking bato sa pinakamataas na bahagi nito.
Ngunit bago pa makarating sa summit,  maraming view points na may kanya-kanyang challenge sa mga namumundok.
4. Mt. Parawagan
Isa ito sa mga bundok na iaakyat sa San Rafael, Rodriguez, Rizal na may pinakanakahahamong tanawin sa bandang kanluranin ng Sitio Wawa.
Makikita rito ang mga makikitid na batis, kagubatan, Kabundukn ng Sierra Madre at sa pinakaituktok, masisilayan ang kabuuan ng La Mesa dam Reservoir at kalangitan ng  Makati.
5.  Mount Balagbag
Madali at maluwag ang daan paakyat dito kung kayat paborito rinn ito ng mga turista namimisekleta. 
Sinasabi ng mga tagarito na puno ng mga puno ang lugar na ito noon,  halos kalbo na ito ngayon kaya pahirapan ang pag-akyat dito kapag mainit ang panahon kaya mas gusto at inirerekomenda ng mga nakasubok na ang dim trekking o pag-akyat nang madaling araw o hapon na.
6. Mt. Lagyo  
Nasa 396+ (MASL) ang Mt. Lagyo na nasa  bahaging timog ng Ilog Wawa at  kabubukas lang para sa mga namumundok noong Enero ng taong ito.
Mula sa ituktok ng mga katabi nitong mga bundok ng Hapunang Banoy, Pamitinan at Binicayan,  malinaw na matatanaw ang Mt. Lagyo na maliit man kumpara sa mga ito,  nangangako naman ito ng  sapat na hamon para sa mga adbenturerong namumundok.
7.  Mt. Susong Dalaga
Kasama ito sa mga huling bundok na binuksan para sa mga mountaineers at  di pa tiyak kung ilang MASL ng Mt. Susong Dalaga na natawag na ganiito dahil sa kakatwang hugis nito na tila suso ng dalaga  kaya lang, may butas sa pinagitna nito  .
Gayunpaman,  ayon sa pagsasaliksik ukol sa feedbacks ng mga nakaakyat na rito,  kapag pumunta sa Mt. Lagyo,  pwedeng-pwede nang mag-twin hike at tumuloy na rito.
Sundan ang matarik na daan pababa sa maalikabok na kalsada na tatahakin hanggang marating ang nagsangang daan na papuntang Mt. Susong Dalaga.
Madali naman daw ang daan hanggang marating ang matarik na akyatan papunta sa pinakaituktok nito lalo na sa panahong maulan.
8. Mt. Kapananan
Nasa 567 MASL ang elebasyon ng Mt. Kapananan na maaaring marating sa loob ng tatlo hanggang limang oras pinakamalayong destinasyon ito ng pamumundok na  sa Wawa ang jumpoff site at  ganoon din sa distansya nito sa mga kapwa bundok sa lugar.
Iilang tour guides lamang ang nakaalam ng daan paakyat dito palibhasa, hindi ito puntahan ng karamihang namumundok at kilala lang ito bilang isa sa sampung bundok na destinasyon sa Decalogy Mountain Peak Challenge.
9. Mt. Magloko
Dahil halos bagong bukas pa lang ang bundokna ito,  wala pang gaanong ipormasyon tungkol dito.
10. Mt. Ayaas
Para maakyat ang Mt. Ayaas na nasa 627+MASL ang pinakaituktok, maaaring magsimula sa Brgy. Wawa, Rodriguez, Rizal bilang major jumpoff o sa Brgy. Mascap para sa Minor Jumpoff.
Umaabot sa tatlo hanggang apat na oras ang pag-akyat dito ng mga              karaniwang namumundok gaya ng mga guro ng San Jose National High School  na  umakyat  mula sa Mascap noong bakasyon.
Pagtawid sa ilog,  puro grassland na ang binagtas na napakahabang         landas.  May iilang bahagi na may mangilan-ngilang puno ngunit bago             makarating sa pinakaituktok,  puro damo na lamang ang nasa tabi ng             maalikabok na daanan.
Tiyak na mahirap umakyat dito kapag tag-ulan dahil magiging maputik at madulas ang daan.
11. Mt. Sipit Ulang
Mababa lang kung tutuusin ang Mt. Sipit Ulang na nasa 252+MASL na inaakyat mula sa may Mascap Barangay Hall  nang halos dalawang oras.
Para sa mga baguhang adbenturero,  masarap itong akyatin lalo na kapag di maulan dahil sa pagbagtas sa loob ng mga mala- kuwebang rock formation  kung saan halos gumapang sa pagpasok at kailangang umakyat sa hagdan para makalabas.
Huling rock formation ang  pinaka-summit  nito na animo sipit ng hipon na pinagbatayan ng          pangalan nito kung saan kamangha-mangha rin ang tanawin ng mga mabatong bundok ng Wawa na Hapunang Banoy, Pamitinan at Binacayan at tila malapit lang ang Mt. Ayaas.
Kamangha-mangha ang mga limestone formation dito at       maging ang mga challenge na hatid nito na kung bitin pa, puwedeng magsaydtrip sa Payaran Falls.
12. Mt. Oro
Nasa 340+ MASL ang pinakaituktok ng Mt. Oro na kamakailan lang din binuksan para sa mga namumundok sa Rodriguez na maakyat ang summit sa mahigit kumulang dalawang oras.
13. Mount Lubog
Bahagi  ang Mt. Lubog na nasa 955 MASL ang summit ng lugar na apektado ng banta ng illegal na pagtotrooso bagama’t malapit ito sa Ipo Watershed na nagsusuplay ng tubig sa Kamaynilaan.
Malapit  sa may hangganan ng Bulacan ang Mt. Lubog  kalapit ng Mt. Balagbag

Sa panahon ngayon na parang kabuteng nagsusulputan ang mga pabahay at subdibisyon at idagdag pa ang pagbu-bulldozer sa ilang bahagi ng bayan,  isang kaaya-ayang pambalanse ang promosyon ng ecotourism gaya ng pamumundok ng mga tao Rodriguez.
Lingid sa kaalaman ng ibang tao tao na pagpapakapagod lang ang tingin sa pamumundok, napakabisa itong pantanggal ng stress  sapagkat maituturing na hindi matatawarang tanging biyaya ng kalikasan ang ginhawang alay ng sariwang hangin, ang sayang nalalasap sa napakagagandang tanawin, ang kagandahan ng kalikasan na natutuklasan, ang nakahahamong pagsubok sa pagtahak sa iba’t ibang uri ng landas, ang kapanatagang nararamdaman habang pinagmamasdan ang dagat ng ulap na maabutan sa mga summit ng kabundukan kung umulan kinahapunan bago ang maagang pag-akyat at damdamin ng tagumpay sa bawat pagsampa sa summit ng bundok.
Napakaedukasyonal din ang pamumundok sapagkat naisusulong ang kabilang mukha ng pag-unlad ng bayan ng Rodriguez – ang ekoturismo na nagkakaloob naman ng mga alternatibong pagkakakitaan sa mga mamamayan habang tulong-tulong na pinapahalagahan ang kalikasan.
Sa ngayon, may tatlo nang pangkat ang nakapagsagawa na ng Undecalogy Exploration o pag-akyat na ginawa mula ala una nang madaling araw hanggang 11:45 nang  gabi bagama’t hindi nagtagumpay ang lahat ng kasama na maakyat ang labing isang (11) bundok.
Bilang motibasyon, pinagkakalooban na ng sertipiko ang bawat namumundok na nagtagumpay nang umakyat nang single hike, twin hike, trilogy hanggang undecalogy.






Lunes, Setyembre 25, 2017

Lupang Tinubuan ni Narciso G. Reyes


Ang tren ay tumulak sa gitna ng Sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ang mga batang nagtitinda ng mga babasahin, Tribune, mama, Tribune, Taliba? Ubos nap o. Liwayway, bagong labas. Alingawngaw ng mga habilinan at pagpapaalam. Huwag mong kalimutan, Sindo, ang baba mo ay sa Sta. Isabel, tingnan mo ang istasyon. Temiong, huwag mong mabitiw-bitiwan ang supot na iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kamusta na lang sa Ka Uweng. Sela, sabihin mong sa Mahal Na Araw na kami uuwi. Ang pases mo Kiko, baka mawaglit. Maligayang Paglalakbay, Gng. Enriquez. Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at susulta ako araw-araw. Kamusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli.
Ang tren ay nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-s-Tsug. Tsug. Naiwan sa likuran nina Danding ang takipsilim ng Tutuban, at sila’y napagitna sa malayang hangin at sa liwanag ng umaga.
Huminga nang maluwag ang kanyang Tiya Juana at ang sabi, ‘Salamat at tayo’y nakatulak na rin. Kay init doon sa istasyon.’ Ang kanyang Tiyo Goryo ay nakadungaw at nagmamasid sa mga bahay at halaman sa dinaraanan.
Ang galaw ng makina ngayon ay mabilis na’t tugma-tugma, tila pintig ng isang pusong wala nang alinlangan. Napawing tila ulap sa isip ni Danding ang gulo at ingay ng pag-alis, at gumitaw ang pakay ng kanilang pag-uwi sa Malawig. Nagsasalita na naman ang kanyang Tiay Juana, ‘Ang namatay ay ang Tata Inong mo, pamangkin ng iyong Lola Asyang at pinsan namin ng iyong ama. Mabait siyang tao noong siya’y nabubuhay pa.’
Si Danding ay sinagian ng lungkot, bagama’t hindi niya nakita kailanman ang namatay na kamag-anak. Ang pagkabanggit sa kanyang ama ang tumimo sa ilang bahagi ng kanyang puso, at naglapit sa kanyang damdamin ang hindi kilalang patay. Naalala niya na sa Malawig ipinanganak, lumaki at nagkaisip ang kanyang ama. Bumaling siya sa kanyang Tiya Juana at itinanong kung ano ang anyo ng nayong iyon, kung mayaman o dukha, kung liblib o malapit sa bayan. At samantalang nag-aapuhap sa alaala ang kanyang butihing ate ay nabubuo naman sa isip ni Danding ang isang kaaya-ayang larawan, at umusbong sa kanyang puso ang pambihirang pananabik.
Sa unang malas, ang Malawig ay walang pagkakaiba sa alinmang nayon sa Kallagitnaang Luzon. Isang daang makitid, paliku-liko, natatalukapan ng makapal at manilaw-nilaw na alikabok. Mga puno ng kawayan, mangga, niyog at akasya. Mga bahay na pawid, luma na ang karamihan at sunog sa araw ang mga dingding at bubong. Pasalit-salit, isang tindahang hindi mapagwari kung tititigan sa malapit. Doon at ditto, nasisilip sa kabila ang madalang na hanay ng mga bahay. At sa ibabaw ng lahat, nakangiti at puno ng ningning ng umaga, ang bughaw, maaliwalas at walang ulap na langit.
‘Walang maganda rito kundi ang langit,’ ang sabing pabiro ng kutsero ng karitelang sinasakyan nila. Pinaglalabanan ni Danding ang sulak ng pagkabigo sa kanyang dibdib. ’ Hindi po naman,’ ang marahan niyang tugon. Naisaloob niyang sa mga nayong tulad nito isinilang at nagsilaki sina del Pilar, at iba pang bayani ng lahi, at sa gayong mga bukid nagtining ang diwa ng kabayanihan ng himagsikan laban sa mga Kastila. Ang alaalang iyon ay nakaaaliw sa kanya, nagbigay ng bagong anyo sa lahat ng bagay sa paligid-ligid.
Kay rami pala niyang kamag-anak doon. Hindi mapatid-patid ang pagpapakilala ng kanyang Tiya Juana. Sila ang iyong Lolo Tasyo, at sila ang iyong Lola Ines. Ang mga pinsan mong Juan, Seling, Marya at Asyas. Ang iyong Nana Bito. Ang iyong Tata Enteng. Yukod at ngiti rito, halik ng kamay roon. Mga kamag-anak na malapit at malayo, tunay at hawa lamang, matatanda at mga bata. Ang lahat yata ng tao sa bahay, buhat sa mga nangasapuno ng hagdan hanggang sa nagasaloob ay pawang kamag-anak ni Danding. ’Mabuti na lamang at likas na sarat ang ilong ko,’ ang naisaloob niya. ’ Kung hindi ay pulpol na marahil ngayon.’
Sapagkat sila lamang ang nagsipanggaling sa Maynila, sa pagtitipong iyon ay napako kina Danding ang pansin ng lahat. Umugong ang kamustahan. Balana ang nagtanong kay Danding ng kung ano ang lagay ng kanyang amang may sakit at ng kanyang inang siya na lamang ngayong bumubuhay sa kanilang mag-anak. Sinulyapan ng kanyang Tiya Juana si Danding at sinikap na saluhin ang mga tanong. Bantad na siya sa pagkamaramdamin ng kanyang pamangkin, at alam niyang ang kasawian ng ama nito ay talusaling na sugat sa puso nito. Ngunit hindi niya maunahan ng pagtugon sai Danding, na tila magaan ngayon ang bibig at palagay na ang loob sa piling ng mga kamag-anak na ngayon lamang nakilala.
Isang manipis na dingding ng sawali ang tanging nakapagitan sa bulwagan at sa pinakaloob ng bahay, na siyang kinabuburulan ng patay. At sa bukas na lagusan, na napapalamutihan sa magkabilang panig ng mga puting kurtina salo ng pinagbuhol na lasong itim, ay walang tigil ang pagyayaut-yaot dito ng mga taong nakikiramay sa mga namatayan, nagmamasid sa bangkay. Ngunit pagpasok na pagpasok ni Danding ay nag-iba ang kanyang pakiramdam. Napawi sa kanyang pandinig ang alingawngaw sa labas, at dumampi sa kanyang puso ang katahimikan ng kamatayan. Dahan-dahan siyang lumapit sa kabaong, at pinagmasdan ang mukha ng bangkay. Maputi, kaaya-aya ang bukas, isang mukhang nagbabandila sa katapatan at kagitingan. Nabakas ni Danding ang lapad ng noo, sa mga matang hindi ganap ang pagkakapikit, at sa hugis ng ilong, ang bahagyang pagkakahawig sa kanyang ama. Bigla siyang nakaramdam ng awa at lungkot.
’Hindi mo nababati ang Nana Marya mo,’ ang marahang paalala ng kanyang Tita Juana. ’At ang pinsan mong si Bining,’ ang pabulong pang habol. Humalik ng kamay si Danding sa asawa ng yumao, at naupo sa tabi ni Bining, ngunit wala siyang nasabing anuman. Puno ang kanyang puso. Pagkaraan ng ilang sandali ay umabot siya ng isang album sa mesang kalapit, binuksan iyon, at pinagmuni-muni ang mahiwaga at makapangyarihang kaugnayan ng dugo na nagbubuklod ng mga tao.
Pagkakain ng tanghalian ay nanaog si Danding at nagtungo sa bukid sa may likuran ng bahay. Nakaraan na ang panahon ng paggapas, at namandala ana ang ani. Malinis ang hubad na lupa, na naglalatang sa init ng araw. Naupo si Danding sa ilalim ng isang pulutong ng mga punong kawayan, at nagmasid sa paligid-ligid.
Hindi kalayuan, sa gawing kaliwa niya, ay naroon ang kanyang Lolo Tasyo na nagkakayas ng kawayan. Ang talim ng matanda ay tila hiyas na kumikislap sa araw. Tumindig si Danding at lumapit sa matanda. Si Lolo Tasyo ang unang nagsalita.
’Kaparis ka ng iyong ama,’ ang wika niya.
’Bakit po?’
’Balisa ka sa gitna ng karamihan; ibig mo pa ang nag-iisa.’
’May mga sandali pong kailangan ng tao ang mapag-isa.’
’Ganyan din siya kung magsalita, bata pa’y magulang na ang isip.’
’Nasaksihan po ba ninyo ang kanyang kabataan?’
’Nasaksihan!’ Napahalakhak si Lolo Tasyo. ’Ang batang ito! Ako ang nagbaon ng inunan ng ama mo. Ako ang gumawa ng mga una niyang laruan. Naulila agad siya sa ama.’
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itinuro ng itak ang hangganan ng bukid. ’Doon siya malimit magpalipad ng saranggola noong bata pa siyang munti. Sa kabilang pitak siya nahulog sa kalabaw, nang minsang sumama siya sa akin sa pag-araro. Nasaktan siya noon, ang akala ko’y hindi siya titigil sa kaiiyak.’
Lumingon ang matanda at tiningala ang punong mangga sa kanilang likuran. ’Sa itaas ng punong ito pinaakyat ko at pinagtago ang ama mo isang hapon, noong kainitan ng himagsikan, nang mabalitaang may mga huramentadong Kastila na paparito. At doon, sa kinauupuan mo kanina, doon niya isinulat ang kauna-unahan niyang tula-isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa mga dalagang nakilala niya sa bayan. May tagong kapilyuhan ang ama mo.’
Napangiti si Danding. ’Ang dalaga po bang iyan ang naging sanhi ng pagkakaluwas niya sa Maynila?’
’Oo,’ natigilan si Lolo Tasyo na tila nalalasap sa alaala ang mga nangyari. ’Nahuli sila sa tabi ng isang mandala ng palay.’
’Nahuli po?’
’Oo – sa liwanag ng aandap-andap na bituin.’
Marami pang ibig itanong si Danding, ngunit naalala niya ang patay at ang mga tao sa bahay; baka hinahanap na siya. Unti-unting pinutol niya ang pag-uusap nila ni Lolo Tasyo, at iniwan ang matanda sa mga alaala nito.
’Ano ang pinanood mo sa bukid?’ ang usisang biro ng isa sa mga bagong tuklas niyang pinsan.
’Ang araw,’ ang tugon ni Danding, sabay pikit ng mga mata niyang naninibago at hindi halos makakita sa agaw-dilim na tila nakalambong sa bahay.
Ang libingan ay nasa gilid ng simbahan, bagay na nagpapagunita kay Danding ng sumpa ng Diyos kay Adan sa mga anak nito, at ng malungkot at batbat – sakit na pagkakawalay nila, na kamatayan lamang ang lubusang magwawakas. Nagunita niya na sa maliit na bakurang ito ng mga patay na nakahimlay ang alabok ng kanyang ninuno, ang abang labi ng Katipunan, ng mga pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong mga pangarap at mga pagkabigo na siyang pumana sa kanya ng kanyang angkan. Magaan ang pagyapak ni Danding sa malambot na lupa, at sinikap niyang huwag masaling maging ang pinakamaliit na halaman.
Handa na ang hukay. Wala na ang nalalabi kundi ang paghulog at pagtatabon sa kabaong. Ngunit ng huling sandali ay binuksang muli ang takip sa tapat ng mukha ng bangkay, upang ito’y minsan pang masulyapan ng mga naulila.
Nabasag ang katahimikan at naghari ang impit na mga hikbi at ang mga piping pananangis na higit na makadurog-puso kaysa maingay na pag-iyak.
Pinagtiim ni Danding ang kanyang mga bagang, ngunit sa kabila ng kanyang pagtitimpi ay naramdaman niyang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Sandaling nag-ulap ang lahat ng kanyang paningin. Nilunod ang kanyang puso ng matinding dalamhati at ng malabong pakiramdam na siya man ay dumaranas ng isang uri ng kamatayan. Balisa at nagsisikap ang dibdib ng damdaming ito, si Danding ay dahan-dahang lumayo at nagpaunang bumalik sa bahay.
Ibig niyang mapag-isa kaya’t nang makita niyang may taong naiwan sa bahay ay patalilis siyang nagtungo sa bukid. Lumulubog na ang araw, at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Ang abuhing kamay ng takipsilim ay nakaamba na sa himpapawid. Tumigil si Danding sa tabi ng pulutong ng mga kawayan at pinahid ang pawis sa kanyang mukha at leeg.
Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni Danding. Huminga siya nang malalim, umupo sa lupa, at ipinikit ang mga mata. Dahan-dahang inunat niya ang kanyang mga paa, itinukod sa lupa ang mga palad; tumingala at binayaang maglaro sa ligalig niyang mukha ang banayad na hangin.
Kay lamig at kay bango ng hanging iyon.
Unti-unti siyang pinanawan ng lumbay at agam-agam, at natiwasay ang pagod niyang katawan. Sa kapirasong lupang ito, na siyang sinilangan ng ama niya, ay napanatag ang kanyang puso.
Palakas nang palakas ang hangin, na nagtataglay ng amoy ng lupa at kay bango ng nakamandalang palay! Naalala ni Danding ang mga kuwento ni Lolo Tasyo tungkol sa kanyang ama, at siya’y napangiti nang lihim. Ang pagsasaranggola sa bukid, ang pagkahulog sa kalabaw, dalaga sa bunton ng palay, ang lahat ay nananariwa sa kanyang gunita. Tumawa nang marahan si Danding at pinag-igi pang lalo ang pagkakasalampak niya sa lupa. Tila isang punong kababaon doon ang mga ugat, siya’y nakaramdam ng pagkakaugnay sa bukid na minsa’y nadilig na mga luha at umalingawngaw sa mga halakhak ng kanyang ama.
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng tinatawag na pag-ibig sa lupang tinubuan. Nauunawaan niya kung bakit ang pagkakatapon sa ibang bansa ay napakabigat na parusa, at kung bakit ang mga nawawalay na anak ay sumasalunga sa bagyo at baha makauwi lamang sa Inang Bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at Bonifacio.
Sa kabila ng mga magigiting na pangungusap ng pambihirang mga pagmamalasakit, at ng kamatayan ng mga bayani ay nasulyapan ni Danding ang kapirasong lupa, na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, kinabubuhayan ng kanilang mga kamag-anak, kasalo sa kanilang mga lihim at nagtatago na pamana ng kanilang mga angkan. Muli siyang napangiti.

Sa dako ng baybay ay nakarinig siya ng mga tinig, at nauulinigan niyang tinatawag ang kanyang pangalan. Dahan-dahan siyang tumayo. Gabi na, kagat na ang dilim sa lahat ng dako. Walang buwan at may kadiliman ang langit. Ngunit nababanaagan pa niya ang dulo ng mga kawayang nakapanood ng paglikha ng unang tula ng kanyang ama, at ang ilang aandap-andap ng bituing saksi ng unang pag-ibig nito.

Biyernes, Setyembre 1, 2017

Pagsulat ng BALITA

Mga Dapat Tandaan

 (LEAD)
1. Maikli at simple hangga’t maaari.
-Mas ok pag 35 salita o mas konti pa
2. Mas ok pag isang pangunngusap lang.
-pandiwa + pangngalan + tuwirang layon + di tuwirang layon
-preferably “who, what and why? (So what?)
Halimbawa:
Talata # 1. Sinabi ni ___________ na (tuwirang layon) dahil ______________________.
Talata #2. Where (when), ________________________ (paliwanag)
Talata #3 Tahasang sabi (direct quotation) na sumusuporta sa talata 1 & 2.
Talata #4 Paano? Bakit?
·         HUWAG GUMAMIT NG QUOTATION LEAD sa balita  dahil maghina at nagreresulta sa passive na na ikalawang talata.
3. Iwasang simulan ang lead  sa “Kailan” at “Saan” maliban kung ang panahon at lugar ay kakaiba.  Karaniwnag nagsisimula ang lead sa “Sino” o “Ano”
4. Iwasang simulan ang Lead sa “Doon” o “Ito”
5. Sa mga lead ng paunang balita (advance news), ang oras at petsa at lugar ay karaniwang nasa dulo ng pangungusap.
·         Kapag mangyayari pa lamang ang story, iyon lang ang pagkakataon para sa “event lead” at kumpleto ang 5Ws at H.
·         Sino ang gumawa/nagsabi?
·         Ano mismo ang ginawa/sinabi?
·         Kailan sinabi?
·         Bakit ito sinabi?
·         Bakit mahalaga ito sa babasa?



Lunes, Agosto 28, 2017

Pagsulat ng EDITORYAL

Ang EDITORYAL
*     -  Nagsasaad ng pagpuna, panunuligsa, pagtuturo, pagpapaunawa, pagbibigay-puri, pagbibigay-kahulugan napapanahong balita at kumakatawan sa paninindigan ng buong patnugutan at pahayagan.
             - Maituturing na ambag sa pakikipagtalo ukol sa napapanahong isyu.

Mga Uri ng Editoryal
*       Editoryal ng Pagpapabatid (Editorial of Information)
*       Editoryal ng Panghihikayat (Editorial of Persuasion)
*        Editoryal ng Panunuligsa             (Editorial of criticism)
*       Editoryal ng Pagpaparangal  (Editorial of Praise or Commendation)

Mga Bahagi ng EDITORYAL
*      1. Pamagat (Title/Headline)
   -Dapat nakakukuha ng atensiyon ng mambabasa

2. Simula (Lead)
*       Di tulad ng sa balita na itinuturing na ‘puso’ ng kuwento ang lead, sa editoryal, ang ‘puso’ ay maaaring nasa gitna o wakas, depende sa kapritso at istilo ng editorial writer.
*       Hindi kailangang sundin ang tradisyunal na ASSKPB.
*       Mas may kalayaan ang  manunulat ng editorial  na maging  malikahin kaysa manunulat ng balita sa pagsulat ng  ‘lead’.
*       Maaaring isang makabuluhan at makatawag-pansing pangungusap tungkol sa paksa o isyu na mapagtatalunan/matatalakay o pagsasalaysay na naghahayag ng suliranin o isyu.
*       News peg – isang maikling pahayag tungkol sa isang balita na pinagbatayan ng editoryal o napapanahong isyu na nangangailangan ng agarang solusyon.

3. Katawan
*       Naglalaman ng mga ‘basic facts’, mga sanhi at bunga sa likod ng mga pangyayari, sitwasyon at argumento.
*       Inilalahad dito ang mga detalye  ng  mga  katotohanan tungkol sa isyu, kalakip ang
opinion o prinsipyong pinapanigan ng patnugutan.
4. Konklusyon/Wakas
- Naglalaman ng pinakamahalagang kaisipan, tagubilin, mungkahi o direksyon na maaaring payo, hamon o
simpleng  buod  ng akda  

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Editoryal
1. Planuhin ang  isusulat.
*       Pumili ng paksa. Maaaring kahit anong isyu, pangyayari at personalidad na laman ng mga balita pero hangga’t maaari, tiyaking taglay ng editoryal ang mga sumusunod:
ü  Napapanahon
ü  Malaman
ü   Naghahayag ng Pananaw
ü  Walang ‘conflict of interest’
2. Tiyaking nauunawaang  mabuti  ang sitwasyon o isyu.
3. Gawing makatawag pansin at kawili-wili ang panimula na binubuo ng batayang balita  at  reaksyon.
4. Kailangang magtaglay ng isa lamang ideya o panukala.
    -Hango ang paksa sa mga balitang pangkasalukuyan na may malaking kahalagahan sa nakararami, maging sa mga mag-aaral, mga mamamayan o sa buong  bansa.
5. Magbasa at magsaliksik para sa mga impormasyon at datos.
6. Ipaliwanag ang isyu gaya ng ginagawa ng isang reporter at sabihin ang kahalagahan ng sitwasyon
7. Gawing matipid sa mga salita subalit gawing mabisa at kaakit-
akit ang mga pangungusap.
8. Kailangan itong maging makatwiran
9. Kailangan itong umiwas sa pagmumura ni sa pagsesermon.
10. Gawing pormal ang pananalita  at paglalahad ng opinyon.
11. Magbigay ng estadistika kung kinakailangan.
12. Kung magbigay ng argumento, simulan sa pinakamahalaga.




Huwebes, Disyembre 1, 2016

Mga Elemento ng Pelikula

Mga Elemento ng Pelikula


1. Nilalaman – Makatotohanang paglalarawan ng mga pangyayari batay sa pagkakasunod-sunod nito sa tulong ng sequence iskrip.

2. Sinematograpiya – Tinitingnan ditto ang angkop na anggulo upang maipamalas ang tunay na pangyayari sa tulong ng ilaw, lente ng kameraat uri ng shots na ginamit.
3. Tunog – Napalulutang nito ang linya ng mga diyalogo at tagpo sa pelikula.
4. Musika – Napalilitaw nito ang damdaming nais palutangin pati ang pagtukoy ng katauhan.
5. Disenyong pamproduksyon – pinananatili nito ang kaangkupan ng lugar, pananamit, make up, mga kagamitan at eksena na nangingibabaw sa panahon at katauhang tinutukoy sa pelikula upang ito ay maging makatotohanan.
6. Pag-e-edit – Dapat na mabisang naisasaayos, napagpuputol, napagdudugtong-dugtong napakikitid at napalalawak muli ang negatibo ng mga eksena upang umayon sa filmmaker.
7. Pagdidirehe – Mahusay ang pagkakadirehe ng pelikulang napagsanib ng mga eemento ng pelikula.



Linggo, Nobyembre 20, 2016

DAGLI


Ang Dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling kuwento na lumaganap sa Pilipinas noong unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano.
Hindi tiyak ang angkop na haba nito subali’t dapat na hindi ito umabot sa haba ng isang maikling kuwento.

Kabilang sa mga kilalang manunulat ng dagli ay sina Inigo Ed Regalado, Jose Corazon de Jesus, Rosaurio Almario, Patricio Mariano, at Franuseo Lacsamana.

Batay sa ginawang pananaliksik, nalathala sa  “Pahayagang Muling Pagsilang,” ang dagli noong 1902 na pinamahalaan ni Lope K. Santos.  Nagpatuloy ang paglaganap ng anyong ito mula 1930, ayon ito sa pananaliksik ni Rolando Tolentino.

Ayon nman sa pananaliksik ni Arsenio Manuel, nag-ugat ang dagli sa pahayagang Espanyol at tinawag itong “Instantaneas,” at nagpatuloy ang paglaganap ng anyong ito hanggang 1920.

Sa isa pang ginawang pananaliksik ni Aristotle Atienzaa, malaking bilang ng mga dagli na kinalap nina Tolentino para sa antolohiyang,”Ang Dagling Tagalog:1903-1936, “ang tumatalakay sa karanasan ng mga lalaki sa isang lipunang kumikilala sa mga kalalakihan. Karaniwang iniaalay ang daagli sa isang babaeng napupusuan, ang ilan naman ay ginamit ito upang ipahayag ang damdaming makabayan upang lumaban sa mga Amerikanong mananakop.

Nagbabago-bago ang anyo ng dagli batay sa obserbasyon ni Tolentino tulad ng Tanging Lathalain, Pangunahing balita sa pahayagan at anekdota.
1.      
      Tanging Lathalain (feature)-isang uri ito ng pamahayagan na nagsasaad ng mga ulat batay sa masusing pag-aaral, pananaliksik at pakikipanayam,  nagsasaad ito ng katotohanan batay sa isang ulat. Tulad ito ng sanaysay o salaysay na pampanitikan, subali’t nagtataglay ng higit pang katangian tulad ng malalim na kahulugan at malawak na paksa.
2.      
       Pangunahig Balita sa Pahayagan (headline)
-Ang balita ay ulat ng pangyayari.  Ang headlineo ulo ng balita ay siyang pinakatampok na balita sa araw na iyon.
       3.    Anekdota- Ito ay isang kuwento na karaniwang pumapaksa sa isang taong tanyag upang maipahatid sa mga mambabasa ang katangian nito.  Kung minsan, ang anekdota ay nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at kung minsan naman ay bungang-iisip lamang.
          
Ang Dagli sa Kasalukuyan
                Karaniwang napagkakamalang katumbas ng “flash fiction” o “sudden fiction” sa Ingles ang dagli. Ngunit ayon kay Dr. Reuel Molina Aguila, naunanng nagkaroon ng dagli sa Pilipinas noong 1900s bago pa man magkaroon ng flash fiction na umusbong noong 1990. Maaari itong nagsimula sa anyong pasingaw at diga ng magkakabarkada kaya’t masasabing marami sa mga probinsya ang nagkaroon ng ganitong kuwentuhan.
                Ang sumusunod ay mga dagli na lumabas at nalathala sa kasalukuyan.
1.       2007-Antolohiyang, “Mga Kuwentong Paspasan,” ni Vicente Garcia Groyon.
2.       2011-Inilathala ang antolohiyang , “Wag lang di Makaraos” (100 Dagli, Mga Kuwentong Pasaway, Paaway at Pamatay) ni Eros Atalia.  Dito, tinatalakay ang samo’t saring pangyayari sa lipunan sa paraang madaliang unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.
3.       2012-Inilathala ang koleksyon ng mga dagli ni Jack Alvarez na pinamagatang, “Autobiografia ng Ibang Lady Gaga.  Isa itong makabuluhang kontribusyon sa panitikan ng bansa sapagkat iniangat ang dagli sa isang sining ng paglikha ng malaking daigdig mula sa maliitt at particular na karanasan.

Sa pagdaraan ng panahon, iba’t ibang katawagan ang pinanukala na hango sa “flash fiction,” tulad ng, “ Mga Kuwentong Paspasan, 2007” at “Kislap”  mula sa mga salitang  Kuwentong-Isang Iglap. Ang mga katawagang ito ay binuo ng manunulat na si Abdon balde jr. Ang mga “Kwentong Paspasan”, 2007 ay mga kuwentong binubuo ng 150 na salita samantalang ang “Kislap” ay kalipunan ng mga kuwentong hindi hihigit na 150 salita na rin.

Samantalang si Vin Nadera na isa ring manunulat ay tinawag na “Kagyat” ang “flash fiction”, at si Manuel Corosa  na isa pa ring manunulat ay tinawag itong “iglap”.



Hango sa Kayumanggi (Baitang 8), P. 23-26