Pages

Lunes, Pebrero 16, 2015

Florante at Laura: Saknong 37-68

37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
na may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39
"Ay! Laurang Poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?"

40
"'di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na 'di maglililo sa aking pag-ibig?
Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!"    .

41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit — anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't 'di nagunam-gunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan."

42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil."

43
"'di kung ako Poo'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang s'yudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong perlas?"

44
Ang aking plumahe kung itinatahi
ng parang korales na iyong daliri,
buntung-hininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi."

45
"Makailan, Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok!"

46
"Baluti't koleto'y 'di mo papayagan
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumham."

47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad."

48
"Pinahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L."

49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot."

50
"Buong panganib mo'y baka nakasugat,
'di maniniwala kung 'di masiyasat;
at kung magkagurlis ng munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak."

51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang 'di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi."

52
"Hindi ka tutugot kung 'di natalastas,
kakapitan mo nang mabigla ang lubas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaliw sa mga bulaklak."

53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang sasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit."

54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha:
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay 'di iapula?"

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay —
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan."

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay 'di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula."

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingni ang sugat kong 'di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
ng kamay ko, paa't natataling liig."

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang;
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan."

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong saklakan ng sakit,
upanding mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikakapatid."

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!"

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
Wala na si Laura'y aking tinatawag!
Napalayu-layo't 'di na lumiliyag
ipinagkanulo ang sinta kong tapat."

62
"Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya,
nilimot ang sinta't sinayang ang luha."

63
"Alin pa ang hirap na 'di na sa akin?
May kamatayan pang 'di ko daramdamin?
Ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw."

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumino,
ako'y sinusunog niring panibugho."

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad."

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinukuban,
ang kabangisan mo'y pinapasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy ay napayukayok,
ang liig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay na burok
ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.