Ang mga sumusunod ay ilang pangalan o termino na ginamit ni Francisco Balagtas sa kanyang akdang Florante at Laura:
1. Gumamit si Balagtas ng alegorya sa Florante at Laura. Sa halip na tuwirang pagtukoy, gumamit siya
ng mga simbolo upang makalusot ang akda
sa mahigpit na sensura ng mga Espanyol sa panahong ‘yon. Gumamit s’ya ng mga
simbolong tulad ng syerpe’, basilisko, Averno, sipres, higera, gayundin ng mga
tauhan ng mitolohiyang Griyego tulad ng Adonis, Narciso, Pluton, Oreadas Nimpas
at iba pa.
2. Isang maliit at madilim na butas sa isang lawa sa Timog ng
Italya ang Aberno o Averno. Dahil sa
nagmumula rito noon na itim na kulay at sa usok na amoy asupre, pinaniniwalaan
ng mga sinaunang Romano na ito ang pintuan ng impyerno.
3. Kilala si Pluton o Hades sa Mitolohiyang Griyego bilang Hari
ng Kadiliman o Impyerno.
4. Si Narciso ay isang binatang tauhan sa mitolohiyang Griyego.
Ubod siya ng kisig kaya’t hinangaan at inibig ng maraming nimpas subali’t
silang lahat ay kanyang binigo. Isang araw, napatapat siya sa isang ilog at
nakita niya ang kanyang anyo sa malinaw na tubig. Lubos siyang humanga at
umibig sa makisig na binatang kanyang nakita ngunit hindi niya batid na siya at
ang binata ay iisa. Namatay siya dahil
sa matinding obsesyon sa kanyang sariling repleksyon. Sa ngayon, ang mga taong
masyadong mataas ang pagpapahalaga sa sarili o sarili lamang ang minamahal ay
tinatawag na narcissistic.
5. Sa mitolohiyang Griyego, ang harpias ay mga nilalang na may
katawang tulad ng sa isang ibon, may pakpak at may matutulis na kuko subalit
may mukhang tulad ng sa isang babae. Kilala
ang mga ito sa pang-aagaw ng pagkain mula sa isa pang tauhan ng mitolohiyang
Griyego na si Phineas.