Pages

Miyerkules, Enero 27, 2016

Buod ng Florante at Laura (Saknong 1-68)

Sa isang madilim at nakakatakot na gubat,  maraming malalaking puno at kakaibang mga halaman at mga mababangis na hayop tulad ng serpyente, hyena, basilisko at leon. Matatagpuan dito ang Ilog Cocito na makamandag ang tubig. Nasa malapit ito sa Reyno Averno.
Nagsimula ang tulang pasalaysay sa paglalarawan ng isang madilim at nakakatakot na gubat na madilim at nakakatakot kung saan makikita ang  maraming malalaking puno, kakaibang halaman, mababangis na hayop at makamandag na ilog.
Sa isang puno ng Higera sa gitna ng gubat,  nakagapos ang isang  umiiyak na lalaking mala-Adonis at Narciso sa kaguwapuhan at tikas.
 Naalala niya ang kalagayan ng bayan niyang Albanya na noon ay pinaghaharian ng kasamaan, sa pamumuno ni Konde Adolfo na nagtaksil kay Haring Linseo at  naging ganid sa kayamanan ng Dukeng Ama ng lalaking nakagapos.
Ipinagdalamhati rin niya ang pinakamamahal niyang si Laura na naisip niyang nagtaksil sa kanya at nasa piling na ni Adolfo.
Sa tindi ng pagdurusa, tila kinuwestyon pa niya ang Langit kung bakit pinayagang mangyari ang ganon sa Albanya.  Gayunpaman, nagpakumbaba rin siya at sinabi sa kanyang panalangin na matitiis niya ang anumang pagdurusa kung ito ang kaloob sa kanya.  Kasunod nito,  humirit pa ang siya na sana’y isagi siya ng Langit sa alaala ni Laura.
Nawalan ng malay ang lalaking nakagapos.
                                       
Nang magkamalay, ipinagpatuloy niya ang pag-iyak habang inaalala ang mga nakaraang ‘moments’ nila ni Laura kung kailan iniyakan siya ng  Prinsesa kapag naghahanda siyang umalis para pumunta sa pakikipagdigma sa ibang kaharian bilang pagsunod sa Hari na ama nito.Naalala rin niya ang pang-aaliw nito sa kanya at pagluha kapag malungkot siya.
Kasunod ng pagdaloy ng mga alaala ang realisasyon at panghihinayang ng lalaki sa mga luha at pangako ni Laura sa masaklap na kinahantungan ng pag-iibigan nila ng dalaga. 
Sa kabila ng lahat, tiniyak ng lalaki na mamahalin niya hanggang sa huling hibla ng buhay niya si Prinsesa Laura.
Sa ikalawang pagkakataon,  nawalan ng malay  ang lalaking nakagapos.


Linggo, Enero 24, 2016

Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura ni Balagtas

Ang obra-maestra ni Francisco Baltazar o mas kilala bilang Francisco Balagtas na ‘Florante at Laura’ ay may naunang pamagat na “Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kaharian ng Albanya”.

Sa pamagat pa lamang,  malalaman na ng mambabasa kung tungkol saan ang salaysay,  kung sino ang mga pangunahing tauhan at kung saan ang tagpuan ng kuwento.  Uso kasi ang may kahabaang pamagat ng akda sa panahon ng Kastila kung kailan isinulat ang ‘Florante at Laura’.

Sa pahina ng pamagat sa muling limbag nito noong 1861 sa Maynila,  tinukoy ni Balagtas ang sarili bilang ‘matuwain sa bersong tagalog’ sa halip na ilagay ang kanyang pangalan bilang may akda ng tula.

Ipinakilala ni Herminigildo Cruz si Balagtas sa kanyang akdang “Sino ang Kumatha ng Florante at Laura”  na inilimbag noong 1906.

May tatlong pangunahing bahagi ang awit na Florante at Laura. Unang bahagi ang  ‘Kay Celia’ na binubuo ng dalawampu’t dalawang  (22) saknong. Ikalawa  ang  ‘Sa Babasa’ ng akda na binubuo ng  anim (6) na saknong. Ikatlo ang ‘Puno ng Salita’ o detalyadong  pagsasalaysay  na binubuo ng tatlong daan siyamnapu’t siyam (399) na saknong.

Sa unang bahagi, inialay ni Balagtas ang awit  kay Celia at binanggit niya ang M.A.R. na inisyal ng inibig niyang si Maria Asuncion Rivera.  Hindi sila nagkatuluyan ng dalaga dahil kay Mariano Capule, isang mayamang manliligaw nito.  Ginamit ni Capule ang kanyang pera at kapangyarihan upang maipakulong si Balagtas.

Habang nasa kulungan isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura na naging instrumento  rin ng pagpapahayag ng kanyang apat na himagsik – (1) Laban sa malupit na pamahalaan, (2) Laban sa maling kaugalian, (3) Laban sa hidwang pananampalataya at (4) Laban sa mababang uri ng panitikan. Gayunpaman, nakalusot ito sa mapanuring mata ng mga Espanyol sa panahong iyon.

Inilimbag ang Florante at Laura nang nakalaya si Balagtas noong 1838.

Hindi nagtagal, pinakasalan niya  si Juana Tiambeng. Nagkaroon sila ng 11 na anak.

Maituturing na isang klasikal na akda na maipagmamalaki sa larangan ng Panitikan ng lahing Pilipino sa lahat nang panahon ang Florante at Laura.