Noong unang panahon ang mag-asawang Don Juan at Namongan ay naninirahan sa Nalbuan (isangbahagi ng Lalawigang La Union sa Ilocos).Bago pa maisilang ang kanilang anak, namatay si Don Juan sa pakikidigma. Umakyat ito sa kabundukan upang parusahan ang mga kaaway na Igorot nguni’t siya angnagapi ng mga kalaban. Pinugot ang ulo nito, itinusok sa isang buho ng kawayan at ibinilad sa publiko bilang isang tropeo.
Nang isilang si Lam-ang, apat na hilot ang nagtulung-tlong upang siya ay iluwal. Namangha ang lahat dahil kapapanganak pa lamang sa kanya ay marunong na siyang magsalita. Katunayan nito, siya na ang humiling sa kanyang pangalang “Lam-ang”. Hinanap rin niya agad kung nasaan ang kanyang ama. Dahil dito, itinuring siyang pinagpala na may ambihirang kakayahan sa kanilang lugar.
Ang kabataan ni Lam-ang ay tigib ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari. Siyam na buwan pa lamang siya ay parang binata na. Noon niya naipasyang hanapin ang nawawalang ama na kinasasabikan niyang makita. Bagama’t tutol ang kanyang ina, hindi napigilan si Lam-ang sa balak nitong paglalakbay. Siyam na buwan pa lamang ay anyong binata na ito. Noon din nya napag-isipang hanapin ang nawawalang ama na matagal na niyang hangad makita at makilala. Sa kabila ng pagtutol ng ina sa balak ng anak ay hindi siya nagpapigil sa hangarin.Baon ang iba’t ibang sandata at anting-anting upang magbihay ng lakas sa kanya humayo si Lam-ang sa pagtuklas sa nangyari sa kanyang ama.
Dahil sa kapaguran niya sa paglalakbay patungo sa malayong lupain ng mga Igorot ay naidlip si Lam-ang sa ilalim ng isang mayabong na punungkahoy. Sa kanyang pagkakahimlay ay himalang nakarinig siya ng isang tinig na nagsabing matatagpuan niya ang kanyang ama sa tribo ng mga Igorot. Pagkagising, nagmadaling tinungo ni Lam-ang ang nasabing lugar at doon ay nakita niya ang ulo ng kanyang ama na nakabilad pa rin sa gitna ng nayon.
Dala ng masidhing galit, hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot na noon ay nagsasaya pa sa palibot ng kanyang ama. Maging ang mga kalahi ng mga ito na nasa karatig-pook ay hinamon din niya. Pumili sila ng lugar na paglalabanan. Nagsihanany ang mga Igorot sa gilid ng bundok habang si Lam-ang ay solong nakatayo sa kapatagan. Sandali lang at nagsimula na ang labanan. Tinudla si Lam-ang ng daan-daang ng kanyang mga katunggali ngunit sinalo lamang niya ang mga ito.
Naubusan ng sibat, pana at iba pang sandata ang mga kalaban ni Lam-ang. Ito ang pagkakataong hinintay niya upang gumanti sa mga ito. Nilipol niya sa pamamagitan ng isang sibat lamang ang lahat ng kanyang mga kalaban maliban sa isa na sadya niyang itinirang buhay upang siyang magbalita sa iba pang Igorot ng buong pangyayari. Sa gayon, malalaman nila ang kanyang angking tapang, lakas at dunong.
Bumalik si Lam-ang sa Nalbuan, kung saan may isang kaugalian ang tribo na pagpapaligo sa isang mandirigmang bumalik mula sa pakikidigma. Minabuti ni Lam-ang na sa Ilog Amburayan siya maligo. Doon ay walang nangangahas maligo sapagka’t tinitirhan ito ng isang mabangis na buwaya. Maraming magagandang dalaga ang isinama niya upang hugasan ang kanyang buhok. Matapos maligo, namatay ang mga may buhay na nakatira sa ilog gaya ng isda, hipon, halaman at iba pa.
Sinisid ni Lam-ang ang kailalliman ng ilog kung saan naroon ang kinatatakutang buwaya. Nakipaglaban siya rito at napatay niya ang buwaya. Inutusan niya ang mga dalaga na bunutin ang mga pangil ng buwaya upang magsilbing anting-anting. Tumalima naman ang mga dalaga.
Nang ganap nang binata si Lam-ang, minabuti niyang mag-asawa na. Ang napupusuan niya any ang isang dalagang nagngangalang Ines Kannoyan na mula sa nayon ng Kalanutian. Dahil balita ang kagandahan, maraming kalalakihan mula sa iba’t ibang lugar ang nanliligaw sa dalaga.
Hindi rin naman nagpahuli si Lam-ang. Isinuot niya ang kanyang pinakamahusay na damit at dinala ang kanyang putting katyaw at abuhing aso patungo sa Kalanutian.
Sa gitna ng kanyang paglalakbay, nakasalubong ni Lam-ang si Sumarang, isang higanteng may mga matang kasinlaki ng pinggan at ilong na dalawang talampakan ang haba. Nang mabatid ng higante na si Lam-ang ay karibal niya sa pag-ibig ni Ines, hinamon niya ang binata sa isang labanan. Nagtagumpay si Lam-ang. Inihagis niya si Sumarang sa ikasiyam na bundok. Nagpatuloy siya sa paglalakbay. Nakarating si Lam-ang sa bakuran ng bahay nina Ines subali’t sa dami ng mga nanliligaw sa dalaga ay hindi siya makalapit sa bahay.
Ayon sa isang pagsasalaysay, pinatilaok ni Lam-ang ang kanyang katyaw at bumagsak ang isang bahay na malapit kina Ines, bagay na kumuha sa pansin ng dalaga. Pinakahol naman ni Lam-ang ang alagang aso at ang bahay ay muling naitayo at nabuo. Nasaksihan ng mga magulang ng dalaga ang mga ginawa ni Lam-ang at siya’y ipinatawag. Itinanong nila kung ano ang pakay nig binata at sinabi niyang ibig niyang maging kabiyak ang kanilang anak.
Bilang kapalit ng kamay ng kanilang anak, humingi ang mga ito ng dote na doble ng halaga ng kanilang ari-arian. Sumagot ang putting katyaw para kay Lam-ang at sinabing babalik sila sa loob ng isang lingo dala ang dote.
Pinaghandaan ni Lam-ang ang kanilang kasal pagbalik niya sa Nalbuan. Gumawa siya ng dalawang barkong napapalamutian ng ginto. Inilulan niya rito ang mga ginto, alahas, estatwa, prutas at iba pang mahahalagang bagay. Pagkaraan ng isang lingo ay bumalik si Lam-ang sa nayon nina Ines kasama ang kanyang ina at iba pang taga-Kalanutian. Labis naman ang naging paghanga ni Ines at ng kanyang pamilya sa inialay ni Lam-ang sa kanila kaya’t kaagad na idinaos ang isang malaking kasalan. Matapos ang kasal ay iniuwi na ni Lam-ang si Ines sa Nalbuan.
Pagkalipas ng tatlong taon, nagkaroon ng anak ang mag-asawa. Isang gabi ay dinalaw si Lam-ang ng isang masamang panaginip. Alang-alang sa kapakanan ng kanyang anak at mga ninuno ay dapat siyang dumaan sa isang matandang ritwal. Ito ay ang pagsisid sa pusod ng karagatan upang kunin ang isang gintong kabibe. Batid ni Lam-ang na maaari niyang ikasawi ang nasabing pagsubok kaya’t dumalangin siya sa mga anito at nakatanggap naman siya ng mga tanda ng pag-asa. Sinabi niya kay Ines ang tungkol sa kanyang pangitain, ang panganib na kanyang kakaharapin, at ang tritwal na gagawin ng asawa upang si Lam-ang ay muling mabuhay.
Dumating ang araw na kanyang pinangangambahan. Saksi ang mga tao nang sumisid si Lam-ang sa karagatan para sa gintong kabibe. Subali’t kasabay ng kanyang pagsisid ay sinalubong siya ng Berkakan, ang halimaw ng karagatan na lumamon sa kanya.
Samantala, naghihintay ang naiwang si Ines at ang kanilang anak sa kanilang tahanan. Nang maganap ang mga senyales – ang pagbagsak ng kanilang kalan, ang pag-uga ng hagdan ng bahay, at ang pagkukumbulsyon ng kanilang anak – natiyak ni Ines na nasawi ang kanyang asawa. Nanangis si Ines sa loob ng tatlong araw hanggang sa magkaroon siya ng lakas na kunin ang mga buto ng asawa na nakakalat sa dalmpasigan. At gaya ng ritwal na ipinagbilin sa kanya ni Lam-ang bago ito namatay, binungkos niya sa pulang tela na gawa sa sutla ang mga buto ni Lam-ang habang bumibigkas siya ng isang orasyon.
Tumalikod si Ines habang umuusal ng orasyon at naramdaman niya ang pagkabuo ng isang bagong katawan ng kanyang asawa. Unti-unting kumilos ang mga buto. Tumilaok ang katyaw, tumahol ang aso, at nang humarap si Ines ay namalas niya ang asawa na nabuhay muli.
Dahil sa pagbabalik ni Lam-ang mula sa kamatayan, siya, ang kanyang asawa at ang kanilang anak ay nagtaglay ng buhay na walang hanggan at namuhay sila nang maligaya at mapayapa sa bukirin ng Elysium.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento