Pages

Sabado, Pebrero 14, 2015

FLORANTE AT LAURA: III. Puno ng Salita: Saknong 1-36


1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Pebong silang
dumalaw sa loob na lubhang masukal.

2
Malalaking kahoy — ang inihahandog,
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakakalunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.

3
Tanang mga baging na namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.

4
Ang mga bulaklak ng natayong kahoy,
pinakapamuting nag-ungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5
Karamiha'y Sipres at Higerang kutad
na ang lihim niyon ay nakakasindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.

6
Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y S'yerpe't Basilisko'y madla
Hayena't Tigreng ganid na nagsisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.

7
Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Kositong kamandag ang tubig.

8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay-pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.

9
Baguntaong basal na ang anyo'y tindig,
kahit natatali — kamay, paa't liig,
kundi si Narsiso'y tunay na Adonis,
mukha'y sumisilang sa gitna ng sakit.

10
Makinis ang balat at anaki burok,
pilikmata't kilay — mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.

11
Dangan doo'y walang Oreadang Ninfas,
gubat sa Palasyo ng masidhing Harp'yas,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon karikta't hirap.

12
Ang abang uyamin ng dalita't sakit —
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanatak at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.

13
"Mahiganting langit! Bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albanya'y iniwagayway."

14
"Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati."

15
"Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong."

16
"Nguni, at ang lilo't masasamang loob
sa trono ng puri ay iniluklok,
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob."

17
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi at nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinapatulo."

18
"At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan."
19
"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
Ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!"
20
"Sa Korona dahil ng Haring Linceo,
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno."

21
"Ang lahat ng ito, maawaing Langit,
Iyong tinutunghaya'y ano't natitiis?
Mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinayagang Mong ilubog ng lupit."
22
"Makapangyarihang kamay Mo'y ikilos,
pamimilansikin ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob."

23
Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin?
Ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?
'di yata't sa isang alipusta't iling
sampung tainga mo'y ipinangunguling?

24
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
Walang nangyayari sa balat ng lupa,
'di may kagaligang Iyong ninanasa."

25
"Ay, 'di saan ngayon ako mangangapit?
Saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit,
ang sigaw ng aking malumbay ng boses?"


26
"Kung siya Mong ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi Mo lamang sa puso ni Laura —
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."

27
"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,
malawak na lubhang aking tinatawid;
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibdib."

28
"Munting gunam-gunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit sa malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa."

29
"Sa pagkagapos ko'y guni-gunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
at tinatangisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin."

30
"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan naman ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit."

31
"Nguni, sa aba ko sawing kapalaran!
Ano pang halaga ng gayong suyuan ...
ang sing-ibig ko'y katahimikan
ay humihilig na sa ibang kandungan?"

32
"Sa sinapupunan ng Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya't nahan ang dating bangis mo,
nang 'di ko damdamin ang hirap na ito?"

33
Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.

34
Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
ng lalong marahas, lilong kamatayan.

35
Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita'y magmamahabagin
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.

36
Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,

kung wala nang luhang sa mata'y itulo.