375
"Di lubhang
nalaon noong pag-alis mo,
O, sintang Florante
sa Albanyong Reyno,
narinig sa baya'y
isang piping gulo
na umalingawngaw
hanggang sa palasyo.
376
"Ngunit di
mangyaring mawatas-watasan
ang bakit at hulo
ng bulung-bulungan;
parang isang sakit
na mahulaan
ng medikong pantas
ang dahil at saan.
377
"Di
kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob
ng magulong baya't
baluting soldados;
(O, araw na lubhang
kakila-kilabot!
araw na sinumpa ng
galit ng Diyos!)
378
"Sigawang
malakas niyong bayang gulo:
'mamatay, mamatay
ang Haring Linceo
na nagmunakalang
gutumin ang reyno't
lagyan ng estangke
ang kakani't trigo.'
379
"Ito'y kay
Adolfong kagagawang lahat
at nang magkagulo
yaong bayang bulag;
sa ngalan ng hari
ay isinambulat
gayong ordeng mula
sa dibdib na sukab.
380
"Noon di'y
hinugot sa tronong luklukan
ang ama kong hari
at pinapugutan;
may matuwid bagang
makapanlulumay
sa sukab na puso't
nagugulong bayan?
381
"Sa araw ring
yao'y naputlan ng ulo
ang tapat na loob
na mga konseho;
at hindi pumurol
ang tabak ng lilo
hanggang may mabait
na mahal sa reyno.
382
"Umakyat sa
trono ang kondeng malupit
at pinagbalaan ako
nang mahigpit,
na kung di
tumanggap sa haing pag-ibig,
dustang kamataya'y
aking masasapit.
383
"Sa pagnanasa
kong siya'y magantihan
at sulatan kita sa
Etolyang Bayan,
pinilit ang pusong
huwag ipamalay
sa lilo-ang aking
kaayawa't suklam.
384
"Limang buwang
singkad ang hininging taning,
ang kaniyang
sinta'y bago ko tanggapin;
ngunit ipinasyang
tunay sa panimdim
ang magpatiwakal
kundi ka dumating.
385
"Niyari ang
sulat at ibinigay ko
sa tapat na lingkod
nang dalhin sa iyo;
di nag-isang buwa'y
siyang pagdating mo't
nahulog sa kamay ni
Adolfong lilo.
386
"Sa takot sa
iyo niyong palamara
kung ikaw'y
magbalik na may hukbong dala,
nang mag-isang muwi
ay pinadalhan ka
ng may selyong
sulat at sa haring pirma.
387
"Matanto ko
ito'y sa malaking lumbay
gayak na ang puso
na magpatiwakal
ay siyang pagdating
ni Minandro naman,
kinubkob ng hukbo
ang Albanyong Bayan.
388
"Sa banta ko'y
siyang tantong nakatanggap
ng sa iyo'y aking
padalang kalatas,
kaya't nang
dumating sa Albanyang Syudad,
lobong nagugutom
ang kahalintulad.
389
"Nang walang
magawa ang Konde Adolfo
ay kusang tumawag
ng kapuwa lilo;
dumating ang gabi
umalis sa reyno
at ako'y dinalang
gapos sa kabayo.
390
"Kapagdating
dito ako'y dinadahas
at ibig ilugso ang
puri kong ingat;
mana'y isang tunod
na kung saan buhat,
pumako sa dibdib ni
Adolfong sukab..."
391
Sagot Flerida:
"Nang dito'y sumapit
ay may napakinggang
binibining boses
na pakiramdam ko'y
binibigyang-sakit,
nahambal ang aking
mahabaging dibdib.
392
"Nang
paghanapin ko'y ikaw ang nataos,
pinipilit niyong
taong balakiyot;
hindi ko nabata't
bininit sa busog
ang isang palasong
sa lilo'y tumapos..."
393
Di pa napapatid
itong pangungusap,
si Minandro'y
siyang pagdating sa gubat;
dala'y ehersito't
si Adolfong hanap,
nakita'y katoto...
laking tuwa't galak!
394
Yaong ehersitong
mula sa Etolya,
ang unang nawika sa
gayong ligaya:
"Biba si
Floranteng Hari sa Albanya...
Mabuhay, mabuhay
ang Prinsesa Laura!"
395
Dinala sa reynong
ipinagdiriwang
sampu ni Aladi't ni
Fleridang hirang,
kapuwa tumanggap na
mangabinyagan;
magkakasing sinta'y
naraos nakasal.
396
Namatay sa bunying
Sultan Ali-Adab,
nuwi si Aladin sa
Persyang Syudad;
ang Duke Florante
sa trono'y naakyat
sa siping ni
Laurang minumutyang liyag.
397
Sa pamamahala
nitong bagong hari,
sa kapayapaan ang
reyno'y nauwi;
dito nakabangon ang
nalulugami
at napasatuwa ang
nagpipighati.
398
Kaya nga'y nagtaas
ang kamay sa langit,
sa pasasalamat sa
bayang tangkilik;
ang hari't ang
reyna'y walang naiisip
kundi ang magsabog
ng awa sa kabig.
399
Nagkasama silang
lubhang mahinusay
hanggang sa nasapit
ang payapang bayan...
(Tigil, aking
Musa't kusa kang lumagay
sa yapak ni SELYA'T
dalhin yaring Ay!... AY!)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento