Pages

Biyernes, Agosto 23, 2013

BAKIT NATIN KAILANGAN ANG ISANG WIKANG PAMBANSA


Ni Manuel L. Quezon

                …Ibig kong sabihin sa inyo na kailangan natin ang isang wikang pambansa.

                Isang propesor sa istorya, siya’y dekano pa rin, ang sumulat ng isang lathala na tumatawad sa balak na ito na tayo’y magkaroon  ng isang wikang pambansa, at idinugtong pa na kakailanganin daw natin ang isang daang taon upang makalinang ng isang wikang panlahat. Itulot ninyong sabihin ko, na walang wikang pambansang naitatag sa loob ng dalawampu’t apat na oras.  (Palakpakan) Bawat wika sa Europa na pambansang masasabi ay nangangailangan ng daan-daang taon upang mapaunlad.  Noong may isang libong taon na ngayon ang nakalilipas, ang mga mamamayan ng Inglatera, halimbawa, ang Pransiya, Espanya, o Alemanya, ay hindi nagsasalita ng iisang wika, pagka’t bawat purok sa bawat bansa ay nagsasalita ng ibang diyalekto.  Dahil dito’y may matuwid baga ang propesor sa pagsasabing hindi natin dapat tangkaing magkaroon ng isang wikang panlahat sapagka’t kakailanganin ang tatlong daang taon sa buhay ng isang bansa?  Sa alin mang bayan ay walang mahalaga na tulad ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang isang bansa; at bilang isang bayan ay hindi tayo magkakaroon ng higit na pagkakilala sa bagay na ito hangga’t hindi tayo nagsasalita ng isang wikang panlahat. May maiisip ba kayong higit na kakatuwa kaysa pagpapanayam na itong mga Pilipino  na ang lahat ng kagawad ay hindi makapagsalita ng isang katutubong wikang panlahat? Hindi ako makapagsasalita, sa pagkakataong ito, ng alinmang wikang mauunawaan ng bawat isang lalaki at babaing narito. May ilan sa inyong nakakaintinding mabuti ng Kastila, ang iba’y higit na nakakaintindi ng Ingles. Pangangahasan ko nang sabihin na iilan lamang sa inyo ang nakakaunawa at nakakapagsalita ng Ingles at Kastila.  Hindi lahat kayo’y nakakapagsalita ng isang wikang Pilipino na iyong ipagkakaunawaan, - isang pangyayaring maipalalagay nating katawa-tawa,kung di man nakakahiya. Ar sapagka’t ipinalalagay nilang mahusay silang magsalita ng Ingles,  ang ilan sa ating kabataang mamamaya’y nagpapalagay na masasayang ang napag-aralan nila kung sila’y magsasalita sa isang katutubong wikang panlahat; kaya hindi nila ibig na magkaroon ng isang wikang pambansa ang kanilang mga kababayan matangi kung ang wikang iyon ay Ingles.

Nguni’t ilang Pilipino ang makakapag-ukol ng kanilang buhay sa pag-aaral ng Ingles? Hindi hihigit sa anim na taon,na sa loob ng panahong iyo’y mag-aaral din sila ng iba pang asignatura. At sino ang nagtuturo sa kanila ng Ingles – ng Ingles na natututuhan nila ngayon sa mga paaralan? Iyon bang mga Pilipinong dalubhasa sa Ingles? Hindi, iyong mga kawawang guro na kakaunting Ingles lamang ang nalalaman, na namihasa sa masamang pagbigkas ng Ingles.  At ang Ingles ng kanilang mga tinuturuan, sa palagay ko,ay magiging lalo pang masama.

Hindi natin pamamaligiin ang gayong uri ng Ingles-Ingles na walang makauunawa. May mga matatangi, mangyari pa – maaaring magkaroon pa rin ng maraming makapagsasalita ng mahusay na Ingles.  Marahil ang lahat ng kagawad ng Kapulungang Pambansa ay magsasalita ng Ingles, marahil ang lahat ng alkalde municipal ay magsasalita rin ng wikang iyan, at pati mga gobernador, konsehal o ang lahat ng kawani ng Pamahalaan. Nguni’t hindi sila ang bumubuo n gating bayan. Magkakaunawaan sila nguni’t ang bayan ay hindi mauunawaan ninuman ng kanila na ring mga kababayan. (Palakpakan)

Linggo, Agosto 18, 2013

PAGLALAYAG SA PUSO NG ISANG BATA


Ni Genoveva Edroza-Matute

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan… nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may-kaliitan, may kaitiman, at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daaang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin isang araw nang siya ang aking maging guro at ako ang kanyang tinuturuan.

Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tignan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalalang siya’y taga ibang pook.

Ngunit may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit na hindi siya hilingan ng gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinagmamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng bawat hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawat isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng “Goodbye, Teacher!”

Sa Simula, pinagtakhan ko ang kanyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa - umiiwas sa iba. Maminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang ang kanyang paningin. Haba ko siyang tinatanaw tuwing hapon, pinakahuli sa kanyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kanyang kapangitan, ang katutuwang paraan ng kanyang pagsasalita.
Unti-unti kong napagdugtong-dugtong ang mga katotohanna tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

Nadama ko ang kakaibang kalungkutan: Nais kong makita siyang nakikipaghabulan sa mga kapwa-bata, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal, napapasuot sa kaguluhang bahagi ng buhay ng bawat bata. Kahit na hindi siya marunong, maging kanya lamang sana ang halakhak at kaligayahan ng buhay-bata.

Tinawag ko siya nang madalas sa klase. Pinagawa ko siya ng marami’t mumunting bagay para sa akin. Pinakuha ko sa kanya ang mga tsinelas ko sa pinakahuling upuan sa silid. Naging ugali niya ang pagkuha sa mga iyon, ang paghihiwalay sa mga iyon upang itapat sa aking paa. Ang pagbili ng aking minindal sa katapat na tindahan, hanggang sa hindi ko na kailangang sabihin sa kanya kung ano ang bibilhin - alam na niya kung alin ang ibig ko, kung alin ang hindi ko totoong ibig.

Isang tahimik na pakikipagkaibigan ang nag-ugnay sa munti’t pangit na batang ito at sa akin. Sa tuwi akong mangangailangan ng ano man, naroon na siya agad. Sa tuwing may mga bagay na gagawin, naroon na siya upang gumawa. At unti-unti kong nadamang siya’y lumiligaya - sa paggawa ng maliliit na bagay para sa akin, sa pagkaalam na may pagmamalasakit ako sa kanya at may pagtingin sa kanya. Nahuhuli ko na siyang nagpapadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan hanggang sa magkanghihiga sa likuran ng silid. Nakikita ko na siyang nakikipaghabulan, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal. Nagkakandirit hanggang sa tindahang bilihan ng aking minindal. At minsan o makalawa ko siyang nahuling nagpapalipat-lipat sa pagtapak sa mga upuan.

At kung ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang pagaril sa Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao’y nagmumukha siyang maligaya at ang kanyang, “Goodbye, Teacher,” sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga ganoong pagkakatao’y naiiwan sa akin ang katiyakang siya’y hindi na totoong napag-iisa at hindi na totoong nalulumbay.

Isang mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kanya’y may nagmamahal.

Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Ngunit siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang bilhin ang aking minidal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisat kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kanyang loob.
Nagtungo siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. 

Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas…Marahil. Kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipagsalubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,” ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.

Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.