Pages

Miyerkules, Mayo 9, 2012

Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan


(Balagtasan)
- Jose Corazon de Jesus

LAKAN-DIWA:
Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
Lahat ng makata’y inaanyayahang
Sa gawang pagtula ay makipaglaban.

Ang makasasali’y batikang makata
At ang bibigkasi’y magagandang tula,
Magandang kumilos, may gata sa dila
At kung hindi ay mapapahiya.

Itong Balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.

At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
Saka ang ibig kong dito’y pag-sapan:
BULAKLAK NG LAHING KALINISLINISAN.

Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
At magbalagtasan sa Sariling Wika.

PARU-PARO:
Magandang gabi sa kanilang lahat
Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paru-parong may itim na pakpak
At nagbabalita ng masamang oras.

Nananawagan po, bunying Lakan-Diwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
Naging paru-paro sa gitna ng tula
At isang bulaklak ang pinipithaya.

Martes, Mayo 8, 2012

ANG PAMANA


 ni Jose Corazon de Jesus

Isang araw, ang Ina ko'y nakita kong namamanglaw
naglilinis ng marumi't mga lumang kasangkapan,
sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan
nakita kong ang maraming taon noon kahirapan;
sa guhit ng kanyang pisnging laumalalim araw-araw
nakita ko ang Ina ko'y tila mandin namamanglaw,
at ang sabi, “itong piano'y sa iyo ko ibibigay
ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
mga silya't aparador sa kay Titong ibibigay
sa ganyan ko hiahati itong ating munting yaman.

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng kanyang mukha
tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
subalit sa akingmata'y may namuong mga luha
na hindi ko mapigilan at hindi ko masansala;
naisip o ang Ina ko, ang Ina kong kaawaawa
tila kami'y iiwan na't may yari nang huling nasa,
at sa halip na magalak sa pamang mapapala
sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita,
napaiyak akong tila kaawaawang ba't
niyakap ko ang Ina ko at sa kanya ay winika.

Ang ibig ko sana Nanay, kita'y aking pasayahin
at huwag ko nang makitang ikaw'y malulungkot mandin,
Oh! Ina ko, ano ba ang naisipang paghatiin
ang lahat ng kayamanang naiwan mo sa amin?
“wala naman” - yaong sagot, “baka ako'y tawagin
ni Bathala, ang mabuti'y malaman mo ang habilin
itong piyano, iyang silya't salamin
pamana ko sa inyong bunsong ginigiliw...

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan
ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan
ang ibig ko'y ikaw Inang
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko'y ikaw.
Aanhin ko ang piyano kapag ikaw ay namatay
ni hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay
ang ibig ko'y ikaw Inang
at mabuhay ka na lamang
inililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman
ni hindi ka maaaring mapantayan ng daigdigan
ng lahat ng ginto rito
pagka't ikaw, Oh! Ina ko,
Ikaw'y wala pang kapantay.

                                                                                       - Panulaang Tagalog nina Angeles, Matienzo at Panganiban; pp.78-79

Lunes, Mayo 7, 2012

Alay Pasasalamat Ng Gov. Isidro S. Rodriguez Sr. Memorial National High School


Ika-26 ng Setyembre, taong nagdaan
Bagyong Ondoy naranasan sa buong bayan
Pagbaha’y nanalasa sa aming paaralan
Naging putikang  tambakan ng sirang kagamitan.

Nagkapit-kamay, buong pusong nagtulungan
Mga mag-aaral, guro, magulang at pamayanan
Dalawang linggong naglinis, tila walang kapaguran.
Naghanda upang eskwelaha’y magamit kina-Lunesan

Ngunit anong saklap, tila nagsara ang kalangitan
Oktubre na! Ang San Isidro, nagulantang…
Natupok! Naabo! Ang mahal naming paaralan –
Tuluyang nilamon ang tira ng bagyong nagdaan.

Binaha na nga, bakit pa nasunugan?
Sino’ng di mahahapis sa aming kinasapitan?
Puso ma’y bato, hapdi’y mararamdaman
Animo’y basing-sisiw kaming mga Governian.

Sino’ng lalapitan? Sino’ng maaasahan
Upang makabangon, aming paaralan?
Gayong kaliwa’t kanan ang nangangailangan,
Sino o ano ang uunahin ng hihingan?

Mula sa pagkalugmok na kinasadlakan
Sumilay ang tagumpay na inaasam
Pagka’t ngayo’y nakabangon na, aming paaralan
Dahil sa tulong ng lahat ng kinauukulan.

Ang PLDT-Smart sa pamumuno ni G. Manny Pangilinan
Nagkalob ng napakagandang 2-storey container van
Na magagamit ng mga mag-aaral
Upang sa pag-aaral lalong ganahan.

Hindi malilimutan! Hindi mnatutumbasan
Kabutihang ibinahagi sa ‘ming pangalawang tahanan
Kaya’t taos-puso po naming kayong pinasasalamatan
Kalakip ang pangakong handog nyo’y iingatan.

                                          Joy O. Dilan