Pages

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Ang Alamat ng mga Alamat

Sa bulubunduking lugar sa isang bayan sa ating kapuluan, daan-daang taon na ang nakalipas ay may nakatirang isang lalaking balo na ubod ng yaman. Mataas ang lugar na kinatatayuan ng kanyang napakalaki at napakagandang bahay. Mula sa kanyang bahay ay tanaw na tanaw niya ang mga taong naninirajan sa may paanan ng bundok. Kitang-kita niya ang naghihikahos na na pamumuhay ng mga ito sa ibaba, na ikinatutuwa niya dahil lalo itong nakapagpapataas sa kanyang kalagayan. Kung gaano kataas ang kanyang tinitirhan, ganoon din naman kataas ang kanyang pag-uugali.

Ang lalaking balo ay may isang anak na dalaga, na ang ugali at kalooban naman ay kasingganda ng kanyang panlabas na kaanyuan. Dahil ditto, maraming nanliligaw sa kanya. Maging ang mga mayayamang binata mula sa malalayong lugar ay pumapanhik ng ligaw sa dalaga. Ngunit ang kanyang inibig ay isang mahirap na binatang nakatira sa may paanan ng bundok.

Hindi matanggap ng lalaking balo ang lalaking napili ng kanyang anak. Pilit niyang hinadlangan ang pag-iibigan ng dalawang magsing-irog kaya’t napagpasyahan ng mga ito na magtanan na lamang. Nanirahan ang mag-asawa sa paanan ng bundok. Galit nag alit ang lalaking balo kaya’t minabuti ng mag-asawa na huwag na munang magpakita rito.

Isang araw, umulan ng napakalakas. Inabot ito ng isang lingo at umapaw ang mga ilog. Lalo pang lumakas ang walang tigil na pag-ulan. Lumikha ito ng napakalaking baha na umabot sa mga maliliit na bahay sa paanan ng bundok. Nabahala ang mga tao. Nag-isip sila ng paraan kung paano sila makaliligtas. Sa pangunguna ng anak ng lalaking balo at ng kanyang asawa, pinuntahan nila ang bahay ng ama at nakiusap na payagan silang pansamantalang manirahan sa bahay nito. Umiyak at nagmakaawa ang anak ngunit hindi pa rin nila natamo ang kapatawaran ng ama.

Pagkalipas ng ilang araw, tumigil na ang ulan. Namatay lahat ng nakatira sa paanan ng bundok, kabilang ang anak ng lalaking balo. Siya lamang ang natirang buhay. Nang malaman niya ito, naisip niyang magpakamatay na lamang.

Sinaksak niya ang kanyang sarili ngunit hindi man lamang tumalab ang kutsilyo nang itarak niya ito sa kanayang dibdib. Maya-maya ay may narinig siyang tinig.

“Ikaw ay walang kamatayan. Kahit matanda ka na, mananatili kang buhay. At bilang kaparusahan sa nagawa mo, hindi ka hihinto sa pagsulat. Itatala mo ang lahat ng kuwento tungkol sa pinagmulan ng mga prutas, hayop o anumang bagay na kapupulutan ng magagandang pag-uugali ng mga tao.”

Matapos ang tinig ay kumidlat nang napakalakas. Malakas na malakas. Biglang nabiyak ang isang napakalaking bato at sa malaking tipak nito ay naisatitik ang salitang “ALAMAT”.

Walang nagawa ang lalaking balo. Naisip niyang iyon ay parusa ng langit sa kanyang kapalaluan sa kapwa. Bilang pagsisisi at pagtanggap sa kasalanang nagawa, ginampanan niya ang utos ng tinig. Isinulat niya ang lahat ng pinagmulan ng lahat ng bagay na naabot ng kanyang paningin at pandinig sa kalawakan, kaparangan, sa mga kabundukan, kagubatan at karagatan.

Lumipas ang napakahabang panahon. Tumanda at nagmukhang ermitanyo na ang lalaking balo ngunit patuloy pa rin siya sa paglakad at paglipat-lipat sa iba’t ibang lugar saanmang dako upang isulat ang mga alamat sa malalaking tipak ng bato.

Walang komento: