Pages

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

ALAMAT

Depinisyon ng ALAMAT
Ang Alamat ay isa sa mga pinakamatatanda o pinakamatagal na anyo ng panitikan o literatura hindi lamang sa bansang Pilipinas kundi maging sa ibang bansa sa buong daigdig. Ito ay mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng isang bagay, lugar, halaman, hayop, pangalan o katawagan at iba pa.

Katangian ng Alamat
1. Ang Alamat ay kuwento na maaaring pasalita o pasulat.
2. Ito ay kadalasang maikli at simple kaya madaling maintindihan.
3. Maaaring hango sa totoong pangyayari o kathang-isip lamang.
4. Mahiwaga at hindi kapani-paniwala ang mga pangyayari.
5. Nakaaliw sa mga mambabasa.
6. Kasasalaminan ng kultura at kaugalian ng mga tao sa lugar na pinagmulan nito.
7. Kapupulutan ng aral ng mambabasa ukol sa sariling kaunlaran at ng buong bayan.

Kasaysayan ng Alamat sa Pilipinas
Sa panahon pa man ng ating mga ninunong Ita o mga Negrito, sinasabing mayroon nang mga alamat bagama’t ang mga ito ay pasalita od salin-bibig pa lamang.
Dahil sa pandarayuhan ng mga Indones, Malay, Intsik, Persyano, at mga Kastila sa Pilipinas, nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng Alamat sa Pilipinas. Nadagdagan at napaunlad ito. Karamihan sa mga nadagdag ay ukol sa mga anito, Bathalat at iba pang hango sa paniniwalang Pagano.
Mula sa bibig ng mga tao, nasalin ang ating mga alamat sa panulat nang matuto ng Alibata ang ating mga ninuno mula sa mga Malay. Isinulat nila ito sa mga balat ng puno, mga dahon, bato at iba pa. Sa panahon ding ito sinasabing umusbong ang alamat na “Malakas at Maganda”.
Gaya nang maraming bagay na may kinalaman sa mga Pilipino, tinangkang pigilan ng mga Kastila ang paglaganap ng sarili nating mga Alamat. Gayunpaman, hindi sila nagtagumpay dahil nawala man ang maraming naisulat nang alamat, patuloy itong lumaganap sa pamamagitan ng salin-bibig.
Mula sa pagiging pasalitang literatura, muli itong naisulat hanggang maisalin sa henerasyon natin NGAYON.
Mayaman ang Pilipinas sa mga Alamat na makakatulong sa mga tao sa kasalukuyan upang higit na maunawaan ang nakaraan at kasalukuyan. Sa ganitong paraan, mapaghahandaan naman ang kinabukasan bilang mga mamamayang Pilipino.
Kaya naman, maituturing na isang malaking hakbang ng pamahalaan na sa pamamagitan ng Bagong Kurikulum sa Sekondarya ng Kagawaran ng Edukasyon ay maituro ito sa mga mag-aaral. Sa ganitong paraan, bubuhayin sa sistema ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan ang pagpapahalaga sa mga Panitikang sariling atin gaya ng ALAMAT.

Walang komento: