Pages

Linggo, Marso 28, 2010

Traffic

Ipinikit ko ang aking mga mata. naglakbay na ang aking diwa. Pumaimbulog sa pagkaidlip....sa dako pa roon....nakatulog na ako....habang sakay ng dyip na patok papuntang papasukan ko. Nang ako'y magising, malayo pa rin ako sa paroroonan ko. Dahil sa napakabigat na trapiko.

Halos araw-araw na lamang na ganito ang senaryo tuwing bibiyahe ako papunta sa trabaho o pauwi na sa pamilya ko. Humigit-kumulang dalawang oras ng biyaheng nakakapagod lalo na kapag napakainit ng panahon!

At ang mabigat na trapiko sa gitna ng napakainit na panahon ay pinalala pa nitong mga nagdaang araw ng mga kandidato sa pulitika. Panay ang parada nila kasama ang sangkaterbang diumano'y alipores o tagasuporta nila.

Nakakaabala talaga!Sana iwasan naman nila ang magparada kapag "rush hour" na. Sa halip kasing maingganyo ang mga botante na iboto sila, lalo lamang mawawalan ng ganang iboto sila.

Sabado, Marso 27, 2010

Earth Hour 2010

Para suportahan ang kamapaya laban sa patuloy na pag-init ng mundo (global warming), nakipagkaisa naman kami ng aking pamilya sa pagpatay ng ilaw mula 8:30-9:30 kagabi, Marso 27, 2010.

Paano ko ba malilimutan ito? Mismong mga anak ko ang nagpapaalala. Naka-set pa ang alarm ng mga cellphones para di malimutan ang oras na ito.

Ang bunso ko, minabuting umakyat ng bubungan at pagmasdan daw ang mga bituin.:-) Ang panganay, bisi sa pakikipaglaro sa mga kaibigan. Ang asawa ko, nakipagkuwentuhan sa kaibigang kapitbahay. At ako, kasama ang alaga kong aso na si Heaven, naupo kami sa may kubo sa ilalim ng puso sa tabi ng kalsada habang pinagmamasdan ang kapaligiran...

Palibhasa'y nasa bundok kami, tanaw ang mga nagkikislapang ilaw sa mga kabahayan sa paligid na malayo sa amin. Sa malapitan naman, nakasindi lahat ang mga bonggang street lights ng katabi naming subdivision. At sa dinami-dami ng kapitbahay namin, isang bahay lamang ang nagpatay ng ilaw na tulad namin.

Ang nakakadismaya pa nito, tila walang kamalay-malay ang mga kandidatong pulitiko na abalang-abala sa sa pangangampanya sa napakaliwanag na isteyds. Panay ang sayaw, kanta at diskurso ng iba'tibang personalidad sa gitna ng maraming taong dumalo na ewan kung ano talaga ang motib...pagsuporta o pagkain? Nagpakain kasi sila.

Kaya naman kaninang umaga, bonggang kalat ang bumulaga sa mga unang lumabas ng subdibisyon.:-)

Bumilib sana ako kung pinapatay man lang kahit isang oras ang sandamakmak na naggagandahang ilaw pero di naman ganon kahalaga para di maisakripisyo ng isang oras.

Simpleng pakikipagkaisa sa mundo para maihayag ang pagtutol sa global warming, di magawa. Aba, huwag silang magsasabing "environmentalist" sila at nagpapahalaga sa kalikasan. Lalong huwag nilang asahang sumunod ang mga tao sa kanila kung sila mismo ay huwaran ng kawalang-pagpapahalaga sa mga simulaing pangkapaligiran.

Sa mga taong tulad nila, kung lumindol dahil sa lubhang pag-init ng mundo, huwag nang mag-isip ng dahilan. Isipin na lamang na ito ay sariling kagustuhan.

Huwebes, Marso 25, 2010

Klerans

Patapos na ang iskul yir. Kanya-kanyang papirma na ng klerans ang mga mag-aaral sa kanilang mga guro. Kailangang makumpleto nila ito hangga't maaari bago magbakasyon.

Ito kasi ang kailangan upang makuha ang kanilang kard. Katibayan ito na wala na silang obligasyon sa kanilang mga sabjek at sa iba't ibang tanggapan ng paaralan.

Nagbigay ako ng kondisyon sa ilang mag-aaral na magpapapirma sa akin. Isang tanong, isang sagot. Dapat masagot nila ng tama ang tanong para pirmahan ko ang kanilang kard.

Naku po! Gusto kong umiyak sa pagkadismaya. Mukhang wala silang natutuhan sa akin... Ganoon nga ba talaga ako kahinang magturo? O sadya bang ganito na ang mga kabataan ngayon na hindi na iniintindi ang mga itinuturo ng guro?

Kung sakali man na ako ang nagkulang, paano naman ang mga titser nila mula Kindergarten at elementarya? Katulad ko rin ba sila?

Ang mga tanong kasi ay tulad ng mga sumusunod:

1. Ano ang wikang Pambansa ng Pilipinas?
2. Ilang ang patinig sa alpabetong Filipino?
3. Ilan ang katinig sa alpabetong Fiipino?
4. Ano ang pandiwa? Magbigay ng halimbawa.
5. Ano ang pang-uri? Magbigay ng halimbawa.
6. Ano ang pangngalan? Magbigay ng halimbawa?
7. Magbigay ng salitang inuulit.
8. Magbigay ng halimbawa ng salitang tambalan.
9. Sa pangungusap na "Ang bata ay naglalaro.", ano ang paksa?
10. Sa pangungusap na "Ang bata ay naglalaro.", ano ang ginamit na pandiwa?

Napakahihirap ba ng mga tanongna ito? Bakit hindi nila masagot?

Ilang balikan muna bago ko napirmahan ang kanilang klerans.

Miyerkules, Marso 24, 2010

Pagbati!

...para sa lahat ng mga mag-aaral na nagtamo ng karangalan at mga magtatapos sa kani-kanilang pag-aaral!!!

Lunes, Marso 22, 2010

Pasalubong

Kilala ang mga Pilipino na mahilig sa "pasalubong", pagbibigay man o pagtanggap, galing man sa malayo o sa malapit lang.

Masarap mamili ng pampasalubong lalo na kapag may pera, galing sa malayo at matagal na nawalay sa mga mahal sa buhay. Sa madaling salita, balikbayan!

Pero ang pasalubong na natanggap ko sa araw na ito ay hindi mula sa balikbayan kundi balik-paaralan. Galing kasi sila sa Baguio City. Hindi ako sumama.

Mmmm...ang sarap talaga ng strawberry wine para kay Jocille, strawberry jam para kay Thea, ube jam para kay Mam Buan at peanut brittle sa aming lahat. Ops! mukhang wala ngang para sa akin lang...nakikain lang ako. At least nakarami kayasa nagbigay na naubusan...he-he-he

Salamat kay besfren S' Edwin! Hanggang sa muli.... sana, di ka na maubusan ng pambili ng pasalubong.:-)

Miyerkules, Marso 17, 2010

Gradwesyon na!

Bumabalik ang alaala ng nakaraan... noong ako ay magtatapos pa lamang sa hayskul...masaya na malungkot ang nararamdaman.

Malungkot dahil maghihiwalay na kami ng mga malalapit kong kaibigan at kaklase. At siyempre, di na rin kami araw-araw magkikita ng "labs" ko dat tayms. he-he-he Malungkot din kasi di tiyak kung makapagpapatuloy pa rin ako ng pag-aaral o hindi na. Napakahirap kasi ng buhay namin na mag-isang itinataguyod ng biyudang ina.

Masaya din kasi sa wakas, matatapos na ako ng hayskul! Maryosep! Hindi birong pag-iisip ang ginawa ko para lang makapasang-awa sa Algebra, ano?!! At siyempre nandoon 'yong hopeful feeling na magkakaroon din ng katuparan ang mga pangarap ko sa buhay. (ang dami nga e, sa dami, wala na akong maalala!)

Eniweys, bakit ba ako biglang nagbabalik sa ilang dekada nang nakaraan?

Kaninang hapon kasi, narindi ang tenga ko sa ginawang pers day praktis ng mga magtatapos sa hayskul sa skul namin. Ang kukulit kasi...mga pasaway...ayun, bukod sa paulit-ulit na patugtog ng nire-rehearse nilang mga awit, may intermission pang mga sermon ng mga gurong namamahala sa kanila.

Nakapagpapainit nga naman kasi ng ulo kapag kinukunsumi ka sa gitna ng napakainit na panahon.

Pero, siguro nga, di na rin magawang magpakadisiplinado ng mga estudyante kasi nakadarang sila sa panghapong init ng araw, e, mga artistahin pa naman.:-)

Sana, bukas, maging ok na ang praktis nila para masaya ang lahat...lalo't mamumundok ang maraming titser kinagabihan. Wala lang , magpapalamig lang sila ng ilang araw sa Baguio City. Pero magpapaiwan ako kasi di ko feel magbiyahe nang maraming iniisip. (iniisip daw, o?)

Wish ko lang, may magpasalubong sa aking ng ube jam, strawberry jam, etc. pagbalik nila...

Upang paghandaan naman ang Araw ng Pagtatapos sa Marso 29!

Linggo, Marso 14, 2010

Ang Galing ni Pacquiao!

Walang kupas ang galing ni Manny Pacquiao. Pambansang kamao talaga! Pinatunayan na naman niya ito sa muling pagkapanalo ngayon, sa laban nila ni Joshua Clottey.

Siguro nasa tiyan pa lang siya, sumusuntok na.;-)

Bukod sa karangalan niya, ng kanyang pamilya at buong bansa, napakarami na namang "money" ang nadagdag sa kaban ng yaman niya.

Sana matuloy na ang laban nila ni Floyd Mayweather Jr. at maipanalo niya ulit. Tapos, mag-resign siya habang Champion siya at nasa rurok ng tagumpay. At nang di na niya maranasan ang malamog at matalo pagkatapos ng sunud-sunod na pagkapnalo.

Makapag-isip-isip sana siya at huwag na ring ituloy ang pagpasok sa pulitika. Marami naman siyang magagawa kung gusto niyang tumulong sa mga tao at sa bayan...kahit hindi siya nakaupong opisyal ng bayan.

Eniweys, isang pagbati para kay Manny. (as if naman, makakarating sa kanya...fc ba? as in feeling close?)he-he-he

Talagang isang family affair kapag may laban si Manny. Kahit mga kamag-anak namin sa ibang bansa, nagtipun-tipon at sabay na nanood sa tv ng isa sa Canada at North Carolina. Pati kami nakisabay na rin. Dahil wala naman kaming cable, ang ginawa, sumabay na kami sa kanila. Gamit ang computer camera at speaker nila na nakatutok sa tv nila. he-he-he Medyo malabo pero ang masaya, kausap sila habang nanonood kaming lahat. Masaya, di ba?

At sa lahat ng nagdiriwang sa pagkapanalo ni Pacquiao hanggang sa oras na ito, hinay-hinay sa inuman mga pare ko...Lunes bukas. May trabaho tayo.:-)