(Balagtasan)
- Jose Corazon de Jesus
LAKAN-DIWA:
Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
Lahat ng makata’y inaanyayahang
Sa gawang pagtula ay makipaglaban.
Ang makasasali’y batikang makata
At ang bibigkasi’y magagandang tula ,
Magandang kumilos, may gata sa dila
At kung hindi ay mapapahiya.
Itong Balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.
At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
Saka ang ibig kong dito’y pag-sapan:
BULAKLAK NG LAHING KALINISLINISAN.
Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
At magbalagtasan sa Sariling Wika.
PARU-PARO:
Magandang gabi sa kanilang lahat
Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paru-parong may itim na pakpak
At nagbabalita ng masamang oras.
Nananawagan po, bunying Lakan-Diwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
Naging paru-paro sa gitna ng tula
At isang bulaklak ang pinipithaya.
Sa ulilang harding pinanggalingan ko
Laon nang panahong nagtampo ang bango,
Nguni’t aywan baga’t sa sandaling ito
Ay may kabanguhang binubuhay ako.
May ilang taon nang nagtampo sa akin
Ang bango ng mga bulaklak sa hardin,
Luksang Paruparo kung ako’y tawagin,
mata ko’y luhaan, ang
pakpak ko’y itim.
Bunying Lakan-Diwa, dakilang Gat-Payo,
Yaring kasawia’y pagpayuhan, ninyo,
At si Laka-ILaw ang gagamitin ko
Upang matalunton ang naglahong bango.
LAKAN-DIWA
Sa
kapangyarihan na taglay ko na rin
Ikinagagalak na kayo’y tanggapin,
Magtuloy po kayo at ditto sa hardin,
Tingnan sa kanila kung sino at alin.
PARU-PARO:
Sa aking paglanghap ay laon nang patay
Ang bango ng mga bulaklak sa parang,
Nguni’t ang puso ko’y may napanagimpang
Bulaklak ng lahing kalinis-linisan.
Ang bulaklak ko pong pinakaiirog
Ubod na ng ganda’t puti ang talulot,
Bulaklak poi to ng lupang Tagalog,
Kapatak na luhang pangala’y kampupot.
Kung kaya po naman di ko masansala
Ang taghoy ng dibdib na kanyang dinaya,
Matapos na siya’y diligan ng luha
Nang siya’y umunlad, nagtago…nawala!
Isang dapit-hapong palubog ang Araw
Sa loob ng hardin, kami’y nagtaguan,
- Paruparo, anya kita’y tatalian,
Ako’y hanapin mo’t kung makita’y hagkan.
Isang panyong puting myay dagta ng lason
Ang sa aking mata’y itinakip noon ,
At ang Bulaklak ko’y bumaba sa dahon,
Nagtago pa mandin at aking hinabol.
Hinabul-habol ko ang bango at samyo
Hanggang makarating ako sa malayo,
At nang alisin na ang takip na panyo
Wala si Kampupot, wala yaring puso.
Ang taguang biro’y naging totohanan
Hanggang tunay na ngang mawala sa tanaw,
At ang hinagpis ko noong ako’y iwan,
Baliw na mistula sa pagsisintahan.
Sa lahat ng sulok at lahat ng panig
Ay siya ang laging laman niring isip,
Matulog man ako’y napapanaginip,
Mistulang nalimbag sa sugatang dibdib.
Sa apat na sulok ng mundong payapa
Ang aking anino’y tulang nabandila,
Paruparo akong sa mata’y may luha,
Ang mga pakpak ko’y may patak na luksa.
Ang sakdal kong ito, Lakan-Diwang mahal,
Ibalik sa akin, puso kong ninakaw,
At kung si Kampupot ay ayw po naman,
Ay ang puso niya sa aki’y ibigay.
BUBUYOG:
Hindi mangyayari at ang puso niya’y
Karugtong ng aking pusong nagdurusa,
Puso ni Bulaklak pag iyong kinuha
Ang lalagutin mo’y dalawang hininga.
Pusong pinagtali ng isang pag-ibig
Pag pinaghiwalay kapanga-panganib,
Daga’t ma’t hatiin ang agos ng tubig,
Sa ngalan ng Diyos, ay maghihimagsik.
Ang dalawang ibon na magkasintahan,
Papaglayuin mo’t kapwa mamamatay,
Kambal na pag-ibig pag pinaghiwalay,
Bangkay ang umalis, patay ang nilisan,
Paruparong sawing may pakpak na itim
Waring ang mata mo’y nagtatakipsilim,
At sa dahil sa diwang baliw sa paggiliw
Di man Kampupot mo’y iyong inaangkin.
Dinaramdam ko rin ang dinaranas mo
At sa kasawia’y magkauri tayo,
Ako ma’y mayroong nawawalang bango
Ng isang bulaklak kaya naparito.
Buhat pa kanginang ikaw’y nangungusap
Bawat salita mo’y matulis na sibat,
Saka ang hanap mong mabangong bulaklak,
Luksang paruparo, siya ko ring hanap.
Ipahintulot mo, Paruparong luksa,
Dalitin ko yaring matinding dalita.
Itulot mo rin po, Hukom na dakila,
Bubuyog sa sawi’y makapagsalita.
PARUPARO:
Di ko pinipigil ang pagsasalaysay
Lalo’t magniningning ang isang katwiran,
Nguni’t tantuin mo na sa daigdigan
Ang bawa’t maganda’y pinag-aagawan.
LAKAN-DIWA:
Magsalita kayo at ipaliwanang
Ang ubod ng lungkot na inyong dinanas,
Paano at saan ninyo napagmalas
Na ito ang siya ninyong hinhanap?
BUBUYOG:
Sa isang malungkot at ulilang hardin
Ang binhi ng isang halama’y sumupling,
Sa butas ng bakod na tahanan naming
Ay kasabay akong isinisilang din.
Nang iyang halama’y lumaki, umunlad,
Lumaki ako’t tumibay ang pakpak,
At nang sa butas ko ako’y makalipad
Ang unang hinagka’y katabing bulaklak.
Sa kanyang talulot unang isinangla
Ang tamis ng aking halik na sariwa,
At sa aking bulong na matalinghaga
Napamukadkad ko ang kanyang sanghaya.
Nang mamukadkad na ang aking kampupot
Sa araw at gabi ako’y nagtatanod,
Langgam at tutubing dumapo sa ubod
Sa panibugho ko’y aking tinatapos.
Ngayon, tanda ko ngang kayo’y nagtaguan
Habang ako’y kanlong sa isang halaman,
Luksang paruparo nang ikaw’y maligaw
Ang aking halakhak ay nakabulahaw.
Ang inyong taguan, akala ko’y biro,
Kaya ang tawa ko’y abot sa malayo,
Ngani’t nang ang saya’y tumagos sa puso
Sa akin man pala ay nakapagtago.
Lumubog ang araw hanggang sa dumilim
Giliw kong bulaklak dir in dumarating,
Nang kinabukasa’t muling nangulimlim
Ay hinanap ko na ang nawalang giliw.
Nilipad ko halos ang taas ng langit
At tinalunton ko ang bakas ng ibig,
Ang kawikaan ko sa aking pag-alis
Kung dimakita’y din a magbabalik.
Sa malaong araw na nilipad-lipad
Dito ko natunton ang aking bulaklak,
Bukong sa halik kokaya namukadkad
Di ko papayagang mapaibang palad.
Luksang Paruparo, kampupot na iyan,
Iyan ang langit ko, pag-asa at buhay,
Ang unang balik kong katamis-tamisan
Sa talulot niya ay nakalarawan.
PARUPARO:
Hindi mangyayaring sa isang bulaklak
Kapwa mapaloob ang dalawang palad.
Kung ikaw at ako’y kanyang tinatanggap
Nagkasagi sana
ang kanitang pakpak.
Ikaw ay Bubuyog, sa urang sumilang
Nang makalabas ka’y saka mo hinagkan:
Ako ay lumabas sa kanya ring tangkay,
Sino ang malapit sa pagliligawan?
Una muna akong nag-uod sa sanga
Na ballot ng sapot ng pagkaulila,
Nang buksan ng Diyos yaring mga mata
Bulo’t dahon naming ay magkasama na.
Sa ugoy ng hanginsa madaling-araw
Nagduruyan kaming dalawa sa tangkay,
At kung bumabagyo’t malakas ang ulan,
Ang kanya ring dahon ang aking balabal.
Sa kanyang talulot kung may dumadaloy
Na patak ng hamog, aking iniinom;
Sa dahon ding iyon ako nagkakanlong
Sa init ng Araw sa buong maghapon.
Paano ngang siya ay pagkakamalan
Sa kami’y lumaki sa iisang tangkay,
Kaya nga kung ako’y sa kanya nabuhay
Ibig ko rin namang sa kanya mamatay.
BUBUYOG:
Huwag kang matuwa sapagka’t kaniig
Niyaring bulaklak na inaaring langit,
Pagka’t tantuin mo sa ngalang pag-ibig
Malayo ma’t ibig, daig ang malapit.
Saka ang sabi mong sa mutyang kampupot
Nakikiinom ka ng patak ng hamog,
Kaunting biyaya na bigay ng Diyos,
Tapang ng hiya mong ikaw ang lumagok.
Ikaw’y isang uod, may bulo kang taglay;
Sa isang bulaklak laso’t kamatayan,
At akong bubuyog ang dala ko’y buhay
Bulong ng hiningang katamis-tamisan.
PARUPARO:
Akong malapit na’y napipintasan mo,
Ikaw na malayo naman kaya’y pa’no?
Dalaw ka nang dalaw, di mo naiino,
Ay ubos na pala ang tamis sa bao.
Bubuyog na laging may ungol at bulong
Ay nakayayamot saanman pumaroon,
At ang katawan mo’y mayrong karayom
Pano kang lalapit, di naduro tuloy?
Di ka humahalik sa mga bulaklak,
Talbos ng kamote ang siya mong liyag,
Ang mga bintana’y iyong binubutas,
Ikaw ay bubuyog, ako’y paruparo,
Iyong mgabulong ay naririnig ko;
Kung dinig ng lahat ang panambitan mo
Hiya ni Kampupot, ayaw na sa iyo.
BUBUYOG:
Kundi iniibig ang nakikiusap
Lalo na ang tahimik na
tatapat-tapat,
Kung ang magsalita’y di-magtamong-palad
Lalo na ang dungong di makapangusap.
Lilipad-lipad ka na payao’t ditto
Pasagilang-bingit, at patanaw-tao,
Pagligaw-matandang sa panahong ito
Pagtatawanan ka ng liligawan mo.
Ikaw’y paruparo, ako ay bubuyog
Nilang ka sa tangkay, ako ay sa bakod,
Nguni’t saang panig nitong sansinukob
Nakakatuwaan ang paris
mong uod?
Saka, Paruparo, dapat mong malamang
Sa mula’t mula pa’y di ka minamahal,
Ang panyong panali nang ikaw ay takpan
Ikaw ang may sabing may lason pang taglay.
PARUPARO:
Ganyan ang hinalangnamugad sa dibdib,
Pagka’t napaligaw ang aking pangmasid,
Hindi pala laso’t dagta ng pag-ibig
Ang sa aking panyo’y kanyang idinilig.
BUBUYOG:
Dadayain ka nga’t taksil kang talaga
At sa mga daho’y nagtatago ka pa.
PARUPARO:
Kung ako’y dinaya’t ikaw ang tatawa
Sa taglay kong bulo nilason na kita.
BUBUYOG:
Pagka’t ikaw’y taksil, akin si Kampupot.
BUBUYOG:
Siya’y bulaklak ko sa tabi ng bakod.
PARUPARO:
Bulaklak nga siy’t ako’y kanyang uod.
LAKAN-DIWA:
Tigil na Bubuyog, tigil Paruparo,
Inyo nang wakasan iyang pagtatalo;
Yamang di-malan ang may-ari nito,
Kampupot na iya’y paghatian ninyo.
BUBUYOG:
Kapag hahatiin ang aking bulaklak
Sa kay Paruparo’y ibigay nang lahat;
Ibig ko pang ako’y magtiis ng hirap
Kaya ang talulot niya ang malagas.
PARUPARO:
Kung hahatiin po’y ayoko rin naman
Pagka’t pati ako’y kusang mamamatay;
Kabyak na kampupot, aanhin ko iyan
O buo wala nguni’t akin lamang.
LAKAN-DIWA:
Maging si Solomong kilabot sa dunong
Dito’y masisira sa gawang paghatol;
Kapwa nagnanasa, kapwa naghahabol,
Nguni’t kung hatii’y kapwa tumututol.
Ipahintulot pong sa mutyang narito
Na siyang kampupot sabihin kung sino,
Kung sino ang kanyang binigyan ng oo,
O kung si Bubuyog, o kung si Paruparo.
KAMPUPOT:
Ang kasintahan ko’y ang luha ng langit,
Ang Araw, ang Buwan sa gabing tahimik,
At si Bubuyog po’t paruparong bukid,
Ay kapwa hindi ko sila iniibig.
PARUPARO:
Matanong nga kita, sinta kong bulaklak,
Limot mo na baga ang aking pagliyag?
Limot mo na bagang sa buong magdamag
Pinapayungan ka ng dalawang pakpak?
KAMPUPOT:
Tila nga, tila nga sa aki’y mayroong
Sa hamog ng gabi ay may nagkakanlong,
Ngunit akala ko’y dahon lang ng kahoy
At di inakala na sinuman yaon.
BUBUYOG:
At ako ba, Mutya, hindi mo na batid
Ang mga bulong ko’t daing ng pag-ibig,
Ang akin bang samo at mga paghibik
Na bulong sa iyo’y di mo ba narinig?
KAMPUPOT:
Tila nga, tila nga ako’y may napansing
Daing at panaghoy na kung saan galing,
Nguni’t akala ko’y paspas lang ng hangin
At di inakala na sinuma’t alin.
BUBUYOG:
Sa minsang ligaya’y tali ang kasunod,
Makapitong lumbay o hanggang matapos.
PARUPARO:
Dito natunayan yaong kawikaan
Na ang paglililo’y nasa kagandahan.
SABAY: BUBYOG AT PARUPARO:
Ang isang sanglang naiwan sa akin
Ay di mananakaw magpahanggang libing.
LAKAN-DIWA:
Ang hatol ko’y ito sa dalawang hibang
Nabaliw nang hindi kinababaliwan:
Yamang ang panahon ay inyong sinayang
Kaya’t nararapat na maparusahan.
Ikaw ay tumula ngayon, Paru-paro,
Ang iyong tulain ay “Pagbabalik” mo,
At ang “Pasalubong” sa babaing lilo,
Bubuyog, tulain, ito ang hatol ko.
(Pagkatapos makatula ni Paruparo)
LAKAN-DIWA:
Sang-ayon sa aking inilagdang hatol,
Ay ikaw Bubuyog ang tumula ngayon;
Ang iyong tulain ay ang “Pasalubong”
Ng kabuhayan mong tigib ng linggatong.
(Pagkatapos makatula ni Bubuyog)
Minamahal nami’t sinisintang bayan,
Sa ngayo’y tapos na itong Balagtasan;
At kung ibig ninyong sila ay hatulan,
Hatulan na ninyo pagdating ng bahay,
2 komento:
Sino ang gumanap na paro paro?
Maganda pero deserve
Mag-post ng isang Komento