Pages

Miyerkules, Pebrero 25, 2015

Florante at Laura - Saknong 69-83


 69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas;
putong na turbante ay kalingas-lingas,
pananamit-Moro sa Persiyang S'yudad.

70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninita ng pagpapahingahan;
'di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.

71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong na kahoy na takip sa langit;
estatuwa manding nakatayo't umid,
ang buntung-hininga niya'y walang patid.

72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo;
nagwikang, "O palad!", sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.

73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo sa kanan;
anaki'y mayroong gunamgunam —
isang mahalagang nalimutang bagay.

74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
'di rin kumakati ang bati ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"

75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtahanan.

76
Mapamaya-maya'y nagbaong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng Furias —
"'di ko itutulot!" ang ipinahayag.

77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at 'di ang ama kong dapat igalang,
hindi ko masasabi kung ang pikang tangan —
bubuga ng libo't laksang kamatayan!"


78
"Bababa si Marte mula sa itaas,
at sa kailalima'y aahon ang Parkas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!"

79
"Sa kukong lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niyaring kaluluwang angkin;
liban kay ama, ang sino ma't alin
ay 'di igagalang ng tangang patalim."

80
"O pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!"

81
"At yuyurakan na ang lalong dakila —
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya."

82
"Itong kinaratnan ng palad kong linsil,
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong 'di makayang bathin."

83
Sa mawika ito luha'y pinaagos,
pika'y isinaksak saka naghimutok;
nagkataon namang parang isinagot
ang buntung-hininga niyong nagagapos.


Florante at Laura: Saknong 126-142

126
Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na napigil ang habag;
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.
127
Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik,
sa dagok ng lubhang matalas sa kalis;
Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.
128
Anyong pantay-mata ang lagak ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran
siyang pagkatalos sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.
129
Nang malapit siya't abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y linigid ng hirap,
nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y nagapos ng habag.
130
Malaong natigil na 'di nakakibo
hininga'y hinabol at biglang lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangang nagbangis leong nangagtayo.
131
Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi't kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.
132
Tanang balahibo'y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.
133
Nagtaas ng kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ng kukong panira;
nang darakmain na'y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.
134
Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos na 'di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.
135
Kung ipamilantik ang kanang pamatay,
at saka isalag ang pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.
136
Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ang loob.
137
Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo'y nang matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi't nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.
138
Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
katawang malatang parang bangkay,
at minsang pinatid ng espadang tangan,
walang awang lubid na lubhang matibay.
139
Umupo't kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga'y natulog;
hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop,
nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.
140
Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay,
ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay,
nininilay niya at pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas at kinasapitan.
141
Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
mawiwiwli disin ang iminamalas
na mata, kundangan sa malaking habag.
142
Gulung-gulong lubha ang kanyang loob,
ngunit napayapa nang anyong kumilos
itong abang kandong na kalunos-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.     


Martes, Pebrero 24, 2015

FLORANTE AT LAURA: Saknong 108-125


108
'di pa natatapos itong pangungusap,
may dalawang leong hangos ng paglakad;
siya'y tinutungo't pagsil-in ang hangad,
ngunit nangatigil pagdating sa harap.

109
Nangaawa mandi't nawalan ng bangis
sa abang sisil-ing larawan ng sakit;
nangakatingala't parang nakikinig
sa 'di lumilikat na tinangis-tangis.

110
Anong loob kaya nitong nagagapos,
ngayong nasa harap ng dalawang hayop,
na ang balang ngipi't kuko'y naghahandog?
Isang kamatayang kakila-kilabot!

111
'di ko na masabi't luha ko'y nanatak,
nauumid yaring dilang nangungusap;
puso ko'y nanlambot sa malaking habag,
sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.

112
Sinong 'di mahapis na may karamdaman
sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay;
lipos ng pighati saka tinutunghan,
sa laman at buto niya ang hihimay.

113
Katiwala na nga itong tigib-sakit
na ang buhay niya'y tuntong na sa guhit;
nilagnat ang puso't nasira ang boses,
'di na mawatasan halos itong hibik.

114
"Paalam, Albanyang pinamamayanan
ng kasam-a't lupit, bangis, kaliluhan,
akong tanggulan mo'y mang pinatay,
sa iyo'y malaki ang panghihinayang.

115
"Sa loob mo nawa'y huwag mamilantik
ang panirang talim ng katalong kalis,
magkaespada kang para nang binitbit
niring kinuta mong kanang matangkilik."

116
"Kinasuklaman mo ang ipinangako —
sa iyo'y gugulin niniyak kong dugo;
at inibig mo pang hayop ang magbubo
sa kung itanggol ka'y maubos tumulo."

117
"Pagkabata ko na'y walang inadhika
kundi paglilingkod sa iyo't kalinga;
'di makailan kang babal-ing masira,
ang mga kamay ko'y siyang tumimawa."

118
"Dustang kamatayan ang bihis mong bayad:
dapuwa't sa iyo'y magpapasalamat,
kung pakamahali't huwag ipahamak
ang tinatangisang giliw na nagsukab."

119
"Yaong aking Laurang hindi mapapaknit
ng kamatayan man sa tapat kong dibdib
paalam, Bayan ko, paalam na ibig,
magdarayang sintang 'di manaw sa isip!"

120
"Bayang walang loob, sintang alibugha,
Adolfong malupit, Laurang magdaraya,
magdiwang na ngayo't manulos sa tuwa
at masusunod na sa akin ang nasa."

121
"Nasa harap ko na ang lalong marawal,
mabangis na lubhang lahing kamatayan;
malulubos na nga ang iyong kasam-an,
gayundin ang aking kaalipustaan."

122
"Sa abang-aba ko! Diyata, o Laura ...
mamatay ako'y hindi mo na sinta!
Ito ang mapait sa lahat ng dusa;
sa'kin ay sino ang mag-aalaala!"

123
"Diyata't ang aking pagkapanganyaya,
'di mo tatapunan ng kamunting luha!
Kung yaring buhay ko'y mahimbing sa wala,
'di babahagian ng munting gunita!"

124
"Guniguning ito'y lubhang makamandag,
agos na, lha ko't puso'y maagnas;
tulo kaluluwa't sa mata'y pumulas,
kayo aking dugo'y mag-unahang matak."

125
"Nang matumbasan ko ng luha, ang sakit
nitong pagkalimot ng tunay kong ibig,
huwag yaring buhay ang siyang itangis
kundi ang pagsintang lubos na naamis."