Pages

Biyernes, Pebrero 27, 2015

Florante at Laura - Saknong 165-204

165
Kaya't nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,
nagbangong hinaho't pinasalamatan
sa Langit ang bagong lakas ng katawan.

166
Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
ang abang kinalong ay biglang niyakap;
kung nang una'y nukal ang luha sa habag,
ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.
167
Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
ng pasasalamat nitong kinandili;
kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi
ay napawi disin sa tuwang umali.
168
Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig
kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
kisapmata lamang ay agad babalik
at magdaragdag pa sa una ng bangis.
169
Kaya hindi pa rin halos dumadapo
ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
ay itinakwil na ang dalitang lalo
at ang tunod niya'y siyang itinimo.
170
Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
hirap yatang bathin ng sakit sa sinta!
dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
natuluyang nanaw ang tangang hininga.
171
"Iyong natatanto ang aking paglingap,"
anitong Persyano sa nababagabag;
"mula ng hirap mo'y ibig kong magtatap
at nang kung may daa'y malagyan ng lunas."
172
Tugon ng may dusa'y "di lamang ang mula
niring dalita ko ang isasalita,
kundi sampung buhay sapul sa pagkabata,
nang maganapan ko ang hingi mo't nasa."

173
Nupong nag-agapay sa puno ng kahoy
ang may dalang habag at lipos-linggatong,
saka sinalitang luha'y bumabalong,
buong naging buhay hanggang naparoon.
174
"Sa isang dukado ng Albanyang syudad
doon ko nakita ang unang liwanag,
yaring katauha'y utang kong tinanggap
sa Duke Briseo, ay ama kong liyag!
175
"(Ngayon nariyan ka sa payapang bayan,
sa harap ng aking inang minamahal,
Prinsesa Florescang esposa mong hirang,
tanggap ang luha kong sa mata'y nunukal.)
176
"Bakit naging tao ako sa Albanya,
bayan ng ama ko, at di sa Krotona,
masayang Siyudad na lupa ni ina?
disin ang buhay ko'y di lubhang nagdusa?
177
"Ang dukeng ama ko'y pribadong tanungan
ng Haring Linceo sa anumang bagay;
pangalawang puno ng sangkaharian,
may gintong ugali at iginagalang.
178
"Kung sa kabaita'y uliran ng lahat
at sa katapanga'y pang-ulo sa syudad;
walang kasindunong magmahal sa anak,
umakay, magturo sa gagawing dapat.
165
Kaya't nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,
nagbangong hinaho't pinasalamatan
sa Langit ang bagong lakas ng katawan.
 179
"Naririnig ko pa halos hanggang ngayon,
malayaw na tawag ng ama kong poon.
noong ako'y batang kinakandung-kandong,
taguring Floranteng bulaklak kong bugtong.
180
"Ito ang ngalan ko mulang pagkabata,
nagisnan sa ama't inang nag-andukha;
pamagat na ambil sa lumuha-luha
at kayakap-yakap ng madlang dalita.
181
"Buong kamusmusa'y di na sasalitin,
walang may halagang nangyari sa akin
kundi nang sanggol pa'y kusang daragitin
ng isang buwitreng ibong sadyang sakim.
182
"Ang sabi ni ina ako'y natutulog
sa bahay sa kintang malapit sa bundok;
pumasok ang ibong pang-amoy ay abot
hanggang tatlong legwas sa patay na hayop.
183
"Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya,
nasok ang pinsan kong sa Epiro mula;
ngala'y Menalipo-may taglay na pana--
tinudla ang ibo't namatay na bigla.
184
"Isang araw namang bagong lumalakad,
noo'y naglalaro sa gitna ng salas
may nasok na Arco't biglang sinambilat
Kupidong diamanteng sa dibdib ko'y hiyas.
185
"Nang tumuntong ako sa siyam na taon,
palaging gawa ko'y mag-aliw sa burol;
sakbat ang palaso't ang busog na kalong,
pumatay ng hayop, mamana ng ibon.





186
"Sa tuwing umagang bagong naglalatag
ang anak ng araw ng masayang sinag,
naglilibang ako sa tabi ng gubat,
madla ang kaakbay ng mga alagad.
187
"Hanggang sa tingal-in ng sandaigdigan
ang mukha ni Pebong hindi matitigan
ay sinasagap ko ang kaligayahang
handog niyong hindi maramot na parang.
188
"Aking tinitipon ang ikinakalat
na masayang bango ng mga bulaklak,
inaaglahi ko ang laruang palad,
mahinhing amiha't ibong lumilipad.
189
"Kung ako'y mayroong matanaw na hayop
sa tinitingalang malapit na bundok,
biglang ibibinit ang pana sa busog,
sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog.
190
"Tanang samang lingkod ay nag-aagawan,
unang makarampot ng aking napatay;
ang tinik sa dawag ay di dinaramdam,
palibhasa'y tuwa ang nakaakay.
191
"Sukat maligaya sinumang manood
sa sinuling-suling ng sama kong lingkod;
at kung masunduan ang bangkay ng hayop,
ingay ng hiyawan sa loob ng tumok.
192
"Ang laruang busog ay kung pagsawaan,
uupo sa tabi ng matuling bukal,
at mananalamin sa linaw ng Kristal
sasagap ng lamig na iniaalay.
193
"Dito'y mawiwili sa mahinhing tinig
ang nangagsasayang Nayades sa batis;
taginting ng Lirang katono ng awit,
mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib.
194
"Sa tamis ng tinig na kahalak-halak
ng nag-aawitang masasayang Nimfas
naaanyayahan sampung lumilipad--
sarisaring ibong agawan ng dilag.
195
Kaya nga't sa sanga ng kahoy na duklay,
sa mahal na batis na iginagalang
ng bulag na Hentil ay nagluluksuhan,
ibo'y nakikinig ng pag-aawitan.
196
"Anhin kong saysayin ang tinamong tuwa
ng kabataan ko't malawig na lubha;
pag-ibig ni ama'y siyang naging mula,
lisanin ko yaong gubat na payapa.
197
"Pag-ibig anaki'y aking nakilala,
di dapat palakhin ang bata sa saya;
at sa katuwaa'y kapag namihasa,
kung lumaki'y walang hihinting ginhawa.
 198
"Sapagka't ang mundo'y bayan ng hinagpos,
mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib;
lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis...
anong ilalaban sa dahas ng sakit?
199
"Ang taong magawi sa ligaya't aliw,
mahina ang puso't lubhang maramdamin;
inaakala pa lamang ang hilahil
na daratni'y, di na matutuhang bathin.
200
"Para ng halamang lumaki sa tubig,
daho'y malalanta munting di madilig;
ikinaluluoy ang sandaling init,
gayundin ang pusong sa tuwa'y maniig.
201
"Munting kahirapa'y mamalakhing dala,
dibdib palibhasa'y di gawing magbata;
ay bago sa mundo'y bawat kisapmata,
nang tao'y mayroong sukat ipagdusa.
202
"Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad
sa bait at muni't sa hatol ay salat;
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak.
203
"Sa taguring bunso't likong pagmamahal,
ang isinasama ng bata'y nunukal;
ang iba marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad na magulang.
204
"Ang lahat ng ito'y kay amang talastas,
kaya nga ang luha ni ina'y hinamak;
at ipinadaka ako sa Atenas--
bulag na isip ko'y nang doon mamulat."