Ni Manuel L. Quezon
…Ibig
kong sabihin sa inyo na kailangan natin ang isang wikang pambansa.
Isang
propesor sa istorya, siya’y dekano pa rin, ang sumulat ng isang lathala na
tumatawad sa balak na ito na tayo’y magkaroon
ng isang wikang pambansa, at idinugtong pa na kakailanganin daw natin ang
isang daang taon upang makalinang ng isang wikang panlahat. Itulot ninyong
sabihin ko, na walang wikang pambansang naitatag sa loob ng dalawampu’t apat na
oras. (Palakpakan) Bawat wika sa Europa
na pambansang masasabi ay nangangailangan ng daan-daang taon upang
mapaunlad. Noong may isang libong taon
na ngayon ang nakalilipas, ang mga mamamayan ng Inglatera, halimbawa, ang Pransiya,
Espanya, o Alemanya, ay hindi nagsasalita ng iisang wika, pagka’t bawat purok
sa bawat bansa ay nagsasalita ng ibang diyalekto. Dahil dito’y may matuwid baga ang propesor sa
pagsasabing hindi natin dapat tangkaing magkaroon ng isang wikang panlahat sapagka’t
kakailanganin ang tatlong daang taon sa buhay ng isang bansa? Sa alin mang bayan ay walang mahalaga na tulad
ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang isang bansa; at bilang isang
bayan ay hindi tayo magkakaroon ng higit na pagkakilala sa bagay na ito
hangga’t hindi tayo nagsasalita ng isang wikang panlahat. May maiisip ba kayong
higit na kakatuwa kaysa pagpapanayam na itong mga Pilipino na ang lahat ng kagawad ay hindi
makapagsalita ng isang katutubong wikang panlahat? Hindi ako makapagsasalita,
sa pagkakataong ito, ng alinmang wikang mauunawaan ng bawat isang lalaki at
babaing narito. May ilan sa inyong nakakaintinding mabuti ng Kastila, ang iba’y
higit na nakakaintindi ng Ingles. Pangangahasan ko nang sabihin na iilan lamang
sa inyo ang nakakaunawa at nakakapagsalita ng Ingles at Kastila. Hindi lahat kayo’y nakakapagsalita ng isang
wikang Pilipino na iyong ipagkakaunawaan, - isang pangyayaring maipalalagay
nating katawa-tawa,kung di man nakakahiya. Ar sapagka’t ipinalalagay nilang
mahusay silang magsalita ng Ingles, ang
ilan sa ating kabataang mamamaya’y nagpapalagay na masasayang ang napag-aralan
nila kung sila’y magsasalita sa isang katutubong wikang panlahat; kaya hindi
nila ibig na magkaroon ng isang wikang pambansa ang kanilang mga kababayan
matangi kung ang wikang iyon ay Ingles.
Nguni’t ilang Pilipino ang
makakapag-ukol ng kanilang buhay sa pag-aaral ng Ingles? Hindi hihigit sa anim
na taon,na sa loob ng panahong iyo’y mag-aaral din sila ng iba pang asignatura.
At sino ang nagtuturo sa kanila ng Ingles – ng Ingles na natututuhan nila
ngayon sa mga paaralan? Iyon bang mga Pilipinong dalubhasa sa Ingles? Hindi,
iyong mga kawawang guro na kakaunting Ingles lamang ang nalalaman, na namihasa sa
masamang pagbigkas ng Ingles. At ang
Ingles ng kanilang mga tinuturuan, sa palagay ko,ay magiging lalo pang masama.
Hindi natin pamamaligiin ang
gayong uri ng Ingles-Ingles na walang makauunawa. May mga matatangi, mangyari
pa – maaaring magkaroon pa rin ng maraming makapagsasalita ng mahusay na
Ingles. Marahil ang lahat ng kagawad ng
Kapulungang Pambansa ay magsasalita ng Ingles, marahil ang lahat ng alkalde municipal
ay magsasalita rin ng wikang iyan, at pati mga gobernador, konsehal o ang lahat
ng kawani ng Pamahalaan. Nguni’t hindi sila ang bumubuo n gating bayan.
Magkakaunawaan sila nguni’t ang bayan ay hindi mauunawaan ninuman ng kanila na
ring mga kababayan. (Palakpakan)