Pages

Martes, Marso 3, 2020

Buod ng Noli Me Tangere



Matapos ang matagal na pamamalagi sa Europa dahil sa kanyang pagpapakadalubhasa, nagpasyang umuwi sa kanyang Bayang sinilangan si Crisostomo Ibarra.

Pagdating niya sa Pilipinas, nalaman niyang yumao na ang kanyang ama.  Binawian ito ng buhay sa bilangguan dahil sa kagagawan ni Padre Damaso, isang Pransiskanong Prayle.

Sinabi ni Tinyente Guevarra na pinaratangan diumano ni Padre Damaso si Don Rafael na isang Erehe at Pilibustero kaya itiniwalag ito sa simbahan at ibinilanggo. Doon ito nagkasakit at namatay.

Ngunit hindi pa tumigil si Padre Damaso. Ipinahukay nito ang mga labi ni Don Rafael para ipalipat sa sementeryo ng mga Intsik.

Kaya lang, dahil mabigat at malakas ang ulan, hindi na nagawa ng mga inutusan nito na ilipat ng sementeryo. Sa halip, napagdesisyunan na lang nilang itapon ito sa lawa.

Kasuklam-suklam ang mga inihayag ni Tinyente. Gayunpaman, sinarili ni Ibarra  ang mga nalaman niya – nanahimik lang siya at pinili nyang ituloy ang pangarap na makapagpatayo ng isang paaralan.

Pero nagbago ang lahat nang  muli silang magkita ni Padre Damaso sa isang salu-salo at  ilang beses nagparinig sa binata ang Pransiskanong pari .

Sinubukan ni Ibarra na magtimpi  at ipagwalang-bahala na lang ang nangyari sa kanyang ama. Kaya lang, nabigo siyang ikubli ang tunay na nararamdaman. Hindi siya nakapagpigil at tinangka niyang saksakin ang pari.

Mabuti na lamang, nandoon si Maria Clara na sumaway sa kanya.

Dahil sa pangyayari, itiniwalag ng simbahan si Ibarra. Sinamantala naman ito ng kontrabidang si Padre Damaso upang udyukan si Kapitan Tiago na ipawalang bisa ang nakatakda sanang pagpapakasal ni Maria Clara at ni Ibarra.

Ginawa ito ni Padre Damaso dahil gusto nitong  makasal si Maria Clara kay Linares, isang Kastilang binatilyo na kararating lamang noon sa bansa.

Kahit na tinanggap ni Maria Clara ang hatol ng pari at ng pasya ng ama nito, hindi naging masaya ang dalaga sa kinahinatnan ng  tadhana nito.  Dahil dito, nagkasakit ito.

Palihim itong pinadalhan ni Ibarra ng gamot upang agad itong gumaling.

Mapapawalang bisa na sana ang pagkakatiwalag kay Ibarra ngunit sinalakay ang kwartel ng mga Gwardya Sibil. Napagbintangan ang binate na kasama sa pag-atake kaya muli siyang  dinakip at inilagak sa kulungan.

Sinubukang patunayan ni Ibarra na wala siyang kinalaman sa pagsalakay sa kwartel ngunit napahamak siya dahil sa liham na ibinigay ni Maria Clara sa kanya. Dahil dito, tuluyan na siyang ikinulong.

Isang gabi, nakatakas si Ibarra sa kulungan, habang  may pagdiriwang sa tahanan nina  Kapitan Tiago. Ipinahayag noong gabing iyon ang kasunduan ukol sa  pag-iisang dibdib nina Linares at Maria Clara.

Bago tuluyang lumisan si Ibarra, nagawa niyang palihim na makipagkita kay Maria Clara. Pinapalaya na ng binate ang dalaga.

Nagpaliwanag si Maria Clara na si Padre Damaso ang tunay nitong ama ayon sa mga nabasa nitong liham na nasa mga kamay ni Padre Salvi. Sinabi nito na kailangan nitong protektahan ang karangalan ng namayapang ina nito kaya magpapakasal ito sa Kastilang si Linares.

Sumumpa si Maria Clara na kahit ano ang mangyari sa kanila, mananatili ang pag-ibig nito sa binata magpakailanman.

Tumakas si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng Bangka at palihim na tinunton ang Ilog Pasig hanggang sa makalabas sila sa may Lawa ng Bay.

Ngunit sa kasamaang palad, nakita sila ng mga awtoridad na humahabol sa kanila. Iniligaw ni Elias ang mga tumutugis sa kanila upang mailigtas si Ibarra.

Lumundag si Elias sa tubig at lumangoy papalayo.

Binaril ito ng mga gwardya sibil hanggang sa nagkulay dugo ang tubig.

Nabalitaan ni Maria Clara na pinaslang ng mga gwardya sibil si Ibarra.

Pinagbantaan ni Maria Clara ang sariling buhay kung hindi siya ipapasok ni Padre Damaso sa kumbento kaya walang nagawa ang pari kundi pagbigyan ang dalaga.

Sugatan at malubha ang lagay ni Elias nang makarating siya sa kagubatan  ng mga Ibarra. Natagpuan niya roon si Basilio kasama ang ina nitong pumanaw na.

At bago tuluyang namatay si Elias, sinabi nitong hindi man lang nito  napagmasdan ang pamimitak ng araw sa kanyang mahal na bayan. Hiniling nito  na sana, hindi malimutan ang mga taong namatay upang maipagtanggol ang bayang sinilangan.