Pages

Huwebes, Disyembre 28, 2017

Lathalain : Kumonekta sa Kalikasan sa Pamumundok sa Montalban

Swak na swak ang tema para sa World Environment Day sa taong ito na Connecting people to nature” sa nauusong  isport  sa Bayan ng  Rodriguez na “mountaineering” o ang  pamumundok. 
Mountaineering o pamumundok, ang isport ng pag-abot sa  pinakamataas na bahagi o summit ng mga bulubundking lugar alang-alang    lamang sa   personal na kaligayahan at kakutentuhan ng pag-akyat dito.
Isang pang-araw-araw na senaryo na ilang oras pa bago magbukang-liwayway,  tahimik nang nagdaratingan at pumipila ang mga batikan at baguhang mamumundok sa may tarangkahan ng tanggapan ng Department of Environment & Natural Resources (DENR), Department of Tourism at/o sa Tanggapan ng Barangay  para magparehistro bago humayo sa destinasyong bundok sa Rodriguez, Rizal.
Bulubundukin palibhasa ang topograpiya ng bayan ng Rodriguez kaya hango pa ang dating pangalang Montalban sa mga salitang Espanyol na  “Monte” na “mountain” o bundok” ang ibig sabihin at “Alba” na nangangahulugang “white”.     Pinalitan lang ang “Montalban” ng “Rodriguez” bilang parangal sa unang pinuno ng bayang ito at dating Senador ng Pilipinas na si Kgg. Eulogio “Amang” Rodriguez, Sr. sa bisa ng Batas Pambansa Bilang 275 na pinagtibay noong Nobyembre 12, 1982.
Mula sa Kamaynilaan, madaling marating ang Bayan ng Rodriguez kaya hindi lang mga Montalbenos ang nawiwili rito kundi nagiging paborito rin itong destinasyon ng mga mula sa iba’t ibang dako ng bansa. Mayroon na ring mga dayuhan mula sa ibang bansa gaya ng Korea. Nagkakabalitaan tungkol dito dahil sa social media at mga blogs.
Isang requirement na bawat aakyat na indibidwal o pangkat na binubuo ng hanggang pito-katao,  may kasamang isang tour guide na binabayaran ng minimal na halagang Php500.00 sa pag-akyat sa isang bundok at na  nadaragdagan. depende sa bilang ng aakyatin. Bago ang pag-akyat,  nagkakaroon ng maikling orientation na kalimitang pinangunahan ng mga tour guides.
Sulit naman ang mga tour guide dahil alam na alam na nila ang tungkol sa mga bundok na inaakyat kaya nagigig edukasyonal ang  aktibidad na kasama sila.  Bukod dito,  tour guides com photographers ang peg nila dahil        magagaling din silang kumuha ng mga larawan,  ang tanging bagay na maaaring kunin ng mga namumundok mula sa mga inaakyat nilang bundok. 
Bakit nga ba hindi?  Sumasabak sa mga seminar at pagsasanay nng mga tour guides sa photography at iba pa.
 Magkakatulad ang layunin ng bawat namumundok, ang kumonekta sa kalikasan sa pamamagitan ng una,  ang makarating at damhin ang biyayang hatid ng pagtapak sa pinakaituktok ng destinasyong bundok . Dito, hindi lang 'footprints' ang puwede nang iwan kundi maging ang marka na maaaring balikan sa hinaharap o kung hindi man,  masilayan ng mga susunod sa mga yapak ng mga nauna nang umakyat –  mga buto o punla na inihasik o itinanim para maging mga puno.
“Magdala tayo ng maitatanim o kahit mga buto na maihahasik upang maging puno pagdating ng araw sa ating pag-akyat para tulong na rin sa kalikasan,” suhestiyon ni Khay Villorente, dating K-9 Handler o Trainer sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na kabilang na ngayon sa mga  tour guides ng mga namumundok sa Montalban.
Pangalawang paraan ng pagkonekta sa kalikasan ang pagkakataong malapitan at masilayan man lamang at mapahalagahan ang napakayamang biodiversity ng  bayan na kinabibilangan ng iba't ibang hayop gaya ng paniki, cloud rat, unggoy at iba pa ganoon din ng  mga iba't ibang tanim o puno na makikita o matatanaw habang pahingal-hingal pang naglalakad sa daan.
May mga namumundok na 'by random lang' ang pangkat at pa-isa-isang bundok lang ang inaakyat bagama’t dumadayo pa sila mula sa ibang probinsya.
“Nalaman lang namin sa Facebook ang tungkol sa Mt. Pamitinan kaya nagkayayaan kaming magpipinsan,” ani Claire, 23 taong gulang mula sa Laguna.
“Babalik pa kami pero ibang bundok naman ang aakyatin namin,” paniniyak naman ng kanyang pinsan na si Pauline, edad 23 rin.
May mga namumundok na gumagawa ng twin hike o magkasunod na pag-akyat sa dalawang bundok.  Mayroon ding gumagawa ng  trilogy, quadrilogy, pentalogy, hexalogy, heptalogy, octalogy, ennealogy, decalogy at paniwalaan man o hindi, undecalogy adventure o tatlo hanggang labing isa (11) bundok ang inaakyat sa loob lamang ng isang araw.
Sa kasalukuyan, narito ang mga bundok sa Rodriguez, Rizal na bukas na para sa mga gustong           mamundok.
1. Mt. Pamitinan
Sa lahat ng mga bundok na  inaakyat sa Rodriguez, mukhang ang Mt. Pamitinan na nasa 426 + Meters above sea level (MASL)  ang pinakasikat .  Isa ito sa dalawang maalamat na bundok na pinaghiwalay diumano sa pamamagitan ng sariling lakas ng kathang-isip na bayaning  si Bernardo Carpio upang makalaya siya bagama’t may ibang bersyon namang nagsasabi na nakakadena pa rin siya sa gilid nito upang pigilan ang tuluyang pagsasalpukan nito at  ng Mt. Binicayan.
Sa totoong buhay naman at batay sa kasaysayan,  sa kuweba nito nagtago  si Andres Bonifacio noong 1895 kung saan niya idineklara ang isa sa mga unang deklarasyon ng kalayaan kung saan sinasabing nakaaukit pa rin ang kanyang pahayag na “Viva la Independencia Filipinas”.
Naitampok na rin sa telebisyon at iba pa ang Mt. Pamitinan bilang isa sa mga paboritong akyatin ng mga namumundok sa Montalban.
Maaaring  umabot sa isa’t kalahati hanggang dalawa’t kalahating oras ang pag-akyat dito depende sa  bilis ng paglakad o tagal ng pahinga sa pagitan nito.
Maraming madadaanang viewpoints paakyat dito na nagtatapos sa   pambihirang karanasan ng pag-akyat sa tulong ng malaking lubid bago tuluyang  makasampa sa summit nito sa  ibabaw ng malaking bato,  kung saan tanaw ang Mt. Hapunang Banoy at  ang malayong Mt. Arayat  sa norte, isang malaking bahagi ng Bulubundukin ng  Sierra Madre sa hilagang silangan na kulay berde pa naman at ang papaunlad na bayan ng Rizal, ang malapit na tanawin ng Ilog ng Wawa at Mt. Binicayan.
Talagang mapapa-wow sa 360-degree view na matatanaw dito.

2. Mt. Binicayan
Mas mababa nang ilang metro ang Mt. Binicayan sa taas nitong nasa 424+ MASL pero hindi masasabing mas madaling akyatin.
Mahaba-haba ang bahagi ng kalsadang babagtasin na susundan ng  mga taniman bago ang mga daang mabato at maraming kawayan.  Pinaka-finale ang malalaking paghakbang sa mga naglalakihang  limestone upang marating ang summit.
Nasa dalawang oras ang pag-akyat kung diretso lang o saglit lamang ang mga paghinto para kumuha ng larawan.
Halos katulad lamang ng tanawin sa Mt. Pamitinan ang makikita rito        bagama’t mas malawak na bahagi ng Ilog ng Wawa ang matatanaw habang natatakpan ang isang bahagi ng ng Mt. Hapunang Banoy.
Kapag maaga ang pag-akyat dito, may tsansang makasilay ng mga    unggoy na nagpapalipat-lipat sa mga punong nadadaanan
3. Mt. Hapunang Banoy
Malaki-laki ang hamong  maihahain sa mga baguhang namumundok ng mahigit dalawang oras na pagtahak sa landas paakyat sa pinakaituktok ng Mt. Hapunang Banoy na  nasa 517 MASL.
Kumpara sa mga bundok ng Binicayan at Pamitinan,  higit na matutulis ang mga bato o limestones dito at pagdating sa summit, pahirapan ang pag-upo para sa pagkuha ng piktyur dahil may katulisan ang halos lahat ng bahagi ng malaking bato sa pinakamataas na bahagi nito.
Ngunit bago pa makarating sa summit,  maraming view points na may kanya-kanyang challenge sa mga namumundok.
4. Mt. Parawagan
Isa ito sa mga bundok na iaakyat sa San Rafael, Rodriguez, Rizal na may pinakanakahahamong tanawin sa bandang kanluranin ng Sitio Wawa.
Makikita rito ang mga makikitid na batis, kagubatan, Kabundukn ng Sierra Madre at sa pinakaituktok, masisilayan ang kabuuan ng La Mesa dam Reservoir at kalangitan ng  Makati.
5.  Mount Balagbag
Madali at maluwag ang daan paakyat dito kung kayat paborito rinn ito ng mga turista namimisekleta. 
Sinasabi ng mga tagarito na puno ng mga puno ang lugar na ito noon,  halos kalbo na ito ngayon kaya pahirapan ang pag-akyat dito kapag mainit ang panahon kaya mas gusto at inirerekomenda ng mga nakasubok na ang dim trekking o pag-akyat nang madaling araw o hapon na.
6. Mt. Lagyo  
Nasa 396+ (MASL) ang Mt. Lagyo na nasa  bahaging timog ng Ilog Wawa at  kabubukas lang para sa mga namumundok noong Enero ng taong ito.
Mula sa ituktok ng mga katabi nitong mga bundok ng Hapunang Banoy, Pamitinan at Binicayan,  malinaw na matatanaw ang Mt. Lagyo na maliit man kumpara sa mga ito,  nangangako naman ito ng  sapat na hamon para sa mga adbenturerong namumundok.
7.  Mt. Susong Dalaga
Kasama ito sa mga huling bundok na binuksan para sa mga mountaineers at  di pa tiyak kung ilang MASL ng Mt. Susong Dalaga na natawag na ganiito dahil sa kakatwang hugis nito na tila suso ng dalaga  kaya lang, may butas sa pinagitna nito  .
Gayunpaman,  ayon sa pagsasaliksik ukol sa feedbacks ng mga nakaakyat na rito,  kapag pumunta sa Mt. Lagyo,  pwedeng-pwede nang mag-twin hike at tumuloy na rito.
Sundan ang matarik na daan pababa sa maalikabok na kalsada na tatahakin hanggang marating ang nagsangang daan na papuntang Mt. Susong Dalaga.
Madali naman daw ang daan hanggang marating ang matarik na akyatan papunta sa pinakaituktok nito lalo na sa panahong maulan.
8. Mt. Kapananan
Nasa 567 MASL ang elebasyon ng Mt. Kapananan na maaaring marating sa loob ng tatlo hanggang limang oras pinakamalayong destinasyon ito ng pamumundok na  sa Wawa ang jumpoff site at  ganoon din sa distansya nito sa mga kapwa bundok sa lugar.
Iilang tour guides lamang ang nakaalam ng daan paakyat dito palibhasa, hindi ito puntahan ng karamihang namumundok at kilala lang ito bilang isa sa sampung bundok na destinasyon sa Decalogy Mountain Peak Challenge.
9. Mt. Magloko
Dahil halos bagong bukas pa lang ang bundokna ito,  wala pang gaanong ipormasyon tungkol dito.
10. Mt. Ayaas
Para maakyat ang Mt. Ayaas na nasa 627+MASL ang pinakaituktok, maaaring magsimula sa Brgy. Wawa, Rodriguez, Rizal bilang major jumpoff o sa Brgy. Mascap para sa Minor Jumpoff.
Umaabot sa tatlo hanggang apat na oras ang pag-akyat dito ng mga              karaniwang namumundok gaya ng mga guro ng San Jose National High School  na  umakyat  mula sa Mascap noong bakasyon.
Pagtawid sa ilog,  puro grassland na ang binagtas na napakahabang         landas.  May iilang bahagi na may mangilan-ngilang puno ngunit bago             makarating sa pinakaituktok,  puro damo na lamang ang nasa tabi ng             maalikabok na daanan.
Tiyak na mahirap umakyat dito kapag tag-ulan dahil magiging maputik at madulas ang daan.
11. Mt. Sipit Ulang
Mababa lang kung tutuusin ang Mt. Sipit Ulang na nasa 252+MASL na inaakyat mula sa may Mascap Barangay Hall  nang halos dalawang oras.
Para sa mga baguhang adbenturero,  masarap itong akyatin lalo na kapag di maulan dahil sa pagbagtas sa loob ng mga mala- kuwebang rock formation  kung saan halos gumapang sa pagpasok at kailangang umakyat sa hagdan para makalabas.
Huling rock formation ang  pinaka-summit  nito na animo sipit ng hipon na pinagbatayan ng          pangalan nito kung saan kamangha-mangha rin ang tanawin ng mga mabatong bundok ng Wawa na Hapunang Banoy, Pamitinan at Binacayan at tila malapit lang ang Mt. Ayaas.
Kamangha-mangha ang mga limestone formation dito at       maging ang mga challenge na hatid nito na kung bitin pa, puwedeng magsaydtrip sa Payaran Falls.
12. Mt. Oro
Nasa 340+ MASL ang pinakaituktok ng Mt. Oro na kamakailan lang din binuksan para sa mga namumundok sa Rodriguez na maakyat ang summit sa mahigit kumulang dalawang oras.
13. Mount Lubog
Bahagi  ang Mt. Lubog na nasa 955 MASL ang summit ng lugar na apektado ng banta ng illegal na pagtotrooso bagama’t malapit ito sa Ipo Watershed na nagsusuplay ng tubig sa Kamaynilaan.
Malapit  sa may hangganan ng Bulacan ang Mt. Lubog  kalapit ng Mt. Balagbag

Sa panahon ngayon na parang kabuteng nagsusulputan ang mga pabahay at subdibisyon at idagdag pa ang pagbu-bulldozer sa ilang bahagi ng bayan,  isang kaaya-ayang pambalanse ang promosyon ng ecotourism gaya ng pamumundok ng mga tao Rodriguez.
Lingid sa kaalaman ng ibang tao tao na pagpapakapagod lang ang tingin sa pamumundok, napakabisa itong pantanggal ng stress  sapagkat maituturing na hindi matatawarang tanging biyaya ng kalikasan ang ginhawang alay ng sariwang hangin, ang sayang nalalasap sa napakagagandang tanawin, ang kagandahan ng kalikasan na natutuklasan, ang nakahahamong pagsubok sa pagtahak sa iba’t ibang uri ng landas, ang kapanatagang nararamdaman habang pinagmamasdan ang dagat ng ulap na maabutan sa mga summit ng kabundukan kung umulan kinahapunan bago ang maagang pag-akyat at damdamin ng tagumpay sa bawat pagsampa sa summit ng bundok.
Napakaedukasyonal din ang pamumundok sapagkat naisusulong ang kabilang mukha ng pag-unlad ng bayan ng Rodriguez – ang ekoturismo na nagkakaloob naman ng mga alternatibong pagkakakitaan sa mga mamamayan habang tulong-tulong na pinapahalagahan ang kalikasan.
Sa ngayon, may tatlo nang pangkat ang nakapagsagawa na ng Undecalogy Exploration o pag-akyat na ginawa mula ala una nang madaling araw hanggang 11:45 nang  gabi bagama’t hindi nagtagumpay ang lahat ng kasama na maakyat ang labing isang (11) bundok.
Bilang motibasyon, pinagkakalooban na ng sertipiko ang bawat namumundok na nagtagumpay nang umakyat nang single hike, twin hike, trilogy hanggang undecalogy.






Lunes, Setyembre 25, 2017

Lupang Tinubuan ni Narciso G. Reyes


Ang tren ay tumulak sa gitna ng Sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ang mga batang nagtitinda ng mga babasahin, Tribune, mama, Tribune, Taliba? Ubos nap o. Liwayway, bagong labas. Alingawngaw ng mga habilinan at pagpapaalam. Huwag mong kalimutan, Sindo, ang baba mo ay sa Sta. Isabel, tingnan mo ang istasyon. Temiong, huwag mong mabitiw-bitiwan ang supot na iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kamusta na lang sa Ka Uweng. Sela, sabihin mong sa Mahal Na Araw na kami uuwi. Ang pases mo Kiko, baka mawaglit. Maligayang Paglalakbay, Gng. Enriquez. Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at susulta ako araw-araw. Kamusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli.
Ang tren ay nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-s-Tsug. Tsug. Naiwan sa likuran nina Danding ang takipsilim ng Tutuban, at sila’y napagitna sa malayang hangin at sa liwanag ng umaga.
Huminga nang maluwag ang kanyang Tiya Juana at ang sabi, ‘Salamat at tayo’y nakatulak na rin. Kay init doon sa istasyon.’ Ang kanyang Tiyo Goryo ay nakadungaw at nagmamasid sa mga bahay at halaman sa dinaraanan.
Ang galaw ng makina ngayon ay mabilis na’t tugma-tugma, tila pintig ng isang pusong wala nang alinlangan. Napawing tila ulap sa isip ni Danding ang gulo at ingay ng pag-alis, at gumitaw ang pakay ng kanilang pag-uwi sa Malawig. Nagsasalita na naman ang kanyang Tiay Juana, ‘Ang namatay ay ang Tata Inong mo, pamangkin ng iyong Lola Asyang at pinsan namin ng iyong ama. Mabait siyang tao noong siya’y nabubuhay pa.’
Si Danding ay sinagian ng lungkot, bagama’t hindi niya nakita kailanman ang namatay na kamag-anak. Ang pagkabanggit sa kanyang ama ang tumimo sa ilang bahagi ng kanyang puso, at naglapit sa kanyang damdamin ang hindi kilalang patay. Naalala niya na sa Malawig ipinanganak, lumaki at nagkaisip ang kanyang ama. Bumaling siya sa kanyang Tiya Juana at itinanong kung ano ang anyo ng nayong iyon, kung mayaman o dukha, kung liblib o malapit sa bayan. At samantalang nag-aapuhap sa alaala ang kanyang butihing ate ay nabubuo naman sa isip ni Danding ang isang kaaya-ayang larawan, at umusbong sa kanyang puso ang pambihirang pananabik.
Sa unang malas, ang Malawig ay walang pagkakaiba sa alinmang nayon sa Kallagitnaang Luzon. Isang daang makitid, paliku-liko, natatalukapan ng makapal at manilaw-nilaw na alikabok. Mga puno ng kawayan, mangga, niyog at akasya. Mga bahay na pawid, luma na ang karamihan at sunog sa araw ang mga dingding at bubong. Pasalit-salit, isang tindahang hindi mapagwari kung tititigan sa malapit. Doon at ditto, nasisilip sa kabila ang madalang na hanay ng mga bahay. At sa ibabaw ng lahat, nakangiti at puno ng ningning ng umaga, ang bughaw, maaliwalas at walang ulap na langit.
‘Walang maganda rito kundi ang langit,’ ang sabing pabiro ng kutsero ng karitelang sinasakyan nila. Pinaglalabanan ni Danding ang sulak ng pagkabigo sa kanyang dibdib. ’ Hindi po naman,’ ang marahan niyang tugon. Naisaloob niyang sa mga nayong tulad nito isinilang at nagsilaki sina del Pilar, at iba pang bayani ng lahi, at sa gayong mga bukid nagtining ang diwa ng kabayanihan ng himagsikan laban sa mga Kastila. Ang alaalang iyon ay nakaaaliw sa kanya, nagbigay ng bagong anyo sa lahat ng bagay sa paligid-ligid.
Kay rami pala niyang kamag-anak doon. Hindi mapatid-patid ang pagpapakilala ng kanyang Tiya Juana. Sila ang iyong Lolo Tasyo, at sila ang iyong Lola Ines. Ang mga pinsan mong Juan, Seling, Marya at Asyas. Ang iyong Nana Bito. Ang iyong Tata Enteng. Yukod at ngiti rito, halik ng kamay roon. Mga kamag-anak na malapit at malayo, tunay at hawa lamang, matatanda at mga bata. Ang lahat yata ng tao sa bahay, buhat sa mga nangasapuno ng hagdan hanggang sa nagasaloob ay pawang kamag-anak ni Danding. ’Mabuti na lamang at likas na sarat ang ilong ko,’ ang naisaloob niya. ’ Kung hindi ay pulpol na marahil ngayon.’
Sapagkat sila lamang ang nagsipanggaling sa Maynila, sa pagtitipong iyon ay napako kina Danding ang pansin ng lahat. Umugong ang kamustahan. Balana ang nagtanong kay Danding ng kung ano ang lagay ng kanyang amang may sakit at ng kanyang inang siya na lamang ngayong bumubuhay sa kanilang mag-anak. Sinulyapan ng kanyang Tiya Juana si Danding at sinikap na saluhin ang mga tanong. Bantad na siya sa pagkamaramdamin ng kanyang pamangkin, at alam niyang ang kasawian ng ama nito ay talusaling na sugat sa puso nito. Ngunit hindi niya maunahan ng pagtugon sai Danding, na tila magaan ngayon ang bibig at palagay na ang loob sa piling ng mga kamag-anak na ngayon lamang nakilala.
Isang manipis na dingding ng sawali ang tanging nakapagitan sa bulwagan at sa pinakaloob ng bahay, na siyang kinabuburulan ng patay. At sa bukas na lagusan, na napapalamutihan sa magkabilang panig ng mga puting kurtina salo ng pinagbuhol na lasong itim, ay walang tigil ang pagyayaut-yaot dito ng mga taong nakikiramay sa mga namatayan, nagmamasid sa bangkay. Ngunit pagpasok na pagpasok ni Danding ay nag-iba ang kanyang pakiramdam. Napawi sa kanyang pandinig ang alingawngaw sa labas, at dumampi sa kanyang puso ang katahimikan ng kamatayan. Dahan-dahan siyang lumapit sa kabaong, at pinagmasdan ang mukha ng bangkay. Maputi, kaaya-aya ang bukas, isang mukhang nagbabandila sa katapatan at kagitingan. Nabakas ni Danding ang lapad ng noo, sa mga matang hindi ganap ang pagkakapikit, at sa hugis ng ilong, ang bahagyang pagkakahawig sa kanyang ama. Bigla siyang nakaramdam ng awa at lungkot.
’Hindi mo nababati ang Nana Marya mo,’ ang marahang paalala ng kanyang Tita Juana. ’At ang pinsan mong si Bining,’ ang pabulong pang habol. Humalik ng kamay si Danding sa asawa ng yumao, at naupo sa tabi ni Bining, ngunit wala siyang nasabing anuman. Puno ang kanyang puso. Pagkaraan ng ilang sandali ay umabot siya ng isang album sa mesang kalapit, binuksan iyon, at pinagmuni-muni ang mahiwaga at makapangyarihang kaugnayan ng dugo na nagbubuklod ng mga tao.
Pagkakain ng tanghalian ay nanaog si Danding at nagtungo sa bukid sa may likuran ng bahay. Nakaraan na ang panahon ng paggapas, at namandala ana ang ani. Malinis ang hubad na lupa, na naglalatang sa init ng araw. Naupo si Danding sa ilalim ng isang pulutong ng mga punong kawayan, at nagmasid sa paligid-ligid.
Hindi kalayuan, sa gawing kaliwa niya, ay naroon ang kanyang Lolo Tasyo na nagkakayas ng kawayan. Ang talim ng matanda ay tila hiyas na kumikislap sa araw. Tumindig si Danding at lumapit sa matanda. Si Lolo Tasyo ang unang nagsalita.
’Kaparis ka ng iyong ama,’ ang wika niya.
’Bakit po?’
’Balisa ka sa gitna ng karamihan; ibig mo pa ang nag-iisa.’
’May mga sandali pong kailangan ng tao ang mapag-isa.’
’Ganyan din siya kung magsalita, bata pa’y magulang na ang isip.’
’Nasaksihan po ba ninyo ang kanyang kabataan?’
’Nasaksihan!’ Napahalakhak si Lolo Tasyo. ’Ang batang ito! Ako ang nagbaon ng inunan ng ama mo. Ako ang gumawa ng mga una niyang laruan. Naulila agad siya sa ama.’
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itinuro ng itak ang hangganan ng bukid. ’Doon siya malimit magpalipad ng saranggola noong bata pa siyang munti. Sa kabilang pitak siya nahulog sa kalabaw, nang minsang sumama siya sa akin sa pag-araro. Nasaktan siya noon, ang akala ko’y hindi siya titigil sa kaiiyak.’
Lumingon ang matanda at tiningala ang punong mangga sa kanilang likuran. ’Sa itaas ng punong ito pinaakyat ko at pinagtago ang ama mo isang hapon, noong kainitan ng himagsikan, nang mabalitaang may mga huramentadong Kastila na paparito. At doon, sa kinauupuan mo kanina, doon niya isinulat ang kauna-unahan niyang tula-isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa mga dalagang nakilala niya sa bayan. May tagong kapilyuhan ang ama mo.’
Napangiti si Danding. ’Ang dalaga po bang iyan ang naging sanhi ng pagkakaluwas niya sa Maynila?’
’Oo,’ natigilan si Lolo Tasyo na tila nalalasap sa alaala ang mga nangyari. ’Nahuli sila sa tabi ng isang mandala ng palay.’
’Nahuli po?’
’Oo – sa liwanag ng aandap-andap na bituin.’
Marami pang ibig itanong si Danding, ngunit naalala niya ang patay at ang mga tao sa bahay; baka hinahanap na siya. Unti-unting pinutol niya ang pag-uusap nila ni Lolo Tasyo, at iniwan ang matanda sa mga alaala nito.
’Ano ang pinanood mo sa bukid?’ ang usisang biro ng isa sa mga bagong tuklas niyang pinsan.
’Ang araw,’ ang tugon ni Danding, sabay pikit ng mga mata niyang naninibago at hindi halos makakita sa agaw-dilim na tila nakalambong sa bahay.
Ang libingan ay nasa gilid ng simbahan, bagay na nagpapagunita kay Danding ng sumpa ng Diyos kay Adan sa mga anak nito, at ng malungkot at batbat – sakit na pagkakawalay nila, na kamatayan lamang ang lubusang magwawakas. Nagunita niya na sa maliit na bakurang ito ng mga patay na nakahimlay ang alabok ng kanyang ninuno, ang abang labi ng Katipunan, ng mga pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong mga pangarap at mga pagkabigo na siyang pumana sa kanya ng kanyang angkan. Magaan ang pagyapak ni Danding sa malambot na lupa, at sinikap niyang huwag masaling maging ang pinakamaliit na halaman.
Handa na ang hukay. Wala na ang nalalabi kundi ang paghulog at pagtatabon sa kabaong. Ngunit ng huling sandali ay binuksang muli ang takip sa tapat ng mukha ng bangkay, upang ito’y minsan pang masulyapan ng mga naulila.
Nabasag ang katahimikan at naghari ang impit na mga hikbi at ang mga piping pananangis na higit na makadurog-puso kaysa maingay na pag-iyak.
Pinagtiim ni Danding ang kanyang mga bagang, ngunit sa kabila ng kanyang pagtitimpi ay naramdaman niyang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Sandaling nag-ulap ang lahat ng kanyang paningin. Nilunod ang kanyang puso ng matinding dalamhati at ng malabong pakiramdam na siya man ay dumaranas ng isang uri ng kamatayan. Balisa at nagsisikap ang dibdib ng damdaming ito, si Danding ay dahan-dahang lumayo at nagpaunang bumalik sa bahay.
Ibig niyang mapag-isa kaya’t nang makita niyang may taong naiwan sa bahay ay patalilis siyang nagtungo sa bukid. Lumulubog na ang araw, at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Ang abuhing kamay ng takipsilim ay nakaamba na sa himpapawid. Tumigil si Danding sa tabi ng pulutong ng mga kawayan at pinahid ang pawis sa kanyang mukha at leeg.
Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni Danding. Huminga siya nang malalim, umupo sa lupa, at ipinikit ang mga mata. Dahan-dahang inunat niya ang kanyang mga paa, itinukod sa lupa ang mga palad; tumingala at binayaang maglaro sa ligalig niyang mukha ang banayad na hangin.
Kay lamig at kay bango ng hanging iyon.
Unti-unti siyang pinanawan ng lumbay at agam-agam, at natiwasay ang pagod niyang katawan. Sa kapirasong lupang ito, na siyang sinilangan ng ama niya, ay napanatag ang kanyang puso.
Palakas nang palakas ang hangin, na nagtataglay ng amoy ng lupa at kay bango ng nakamandalang palay! Naalala ni Danding ang mga kuwento ni Lolo Tasyo tungkol sa kanyang ama, at siya’y napangiti nang lihim. Ang pagsasaranggola sa bukid, ang pagkahulog sa kalabaw, dalaga sa bunton ng palay, ang lahat ay nananariwa sa kanyang gunita. Tumawa nang marahan si Danding at pinag-igi pang lalo ang pagkakasalampak niya sa lupa. Tila isang punong kababaon doon ang mga ugat, siya’y nakaramdam ng pagkakaugnay sa bukid na minsa’y nadilig na mga luha at umalingawngaw sa mga halakhak ng kanyang ama.
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng tinatawag na pag-ibig sa lupang tinubuan. Nauunawaan niya kung bakit ang pagkakatapon sa ibang bansa ay napakabigat na parusa, at kung bakit ang mga nawawalay na anak ay sumasalunga sa bagyo at baha makauwi lamang sa Inang Bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at Bonifacio.
Sa kabila ng mga magigiting na pangungusap ng pambihirang mga pagmamalasakit, at ng kamatayan ng mga bayani ay nasulyapan ni Danding ang kapirasong lupa, na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, kinabubuhayan ng kanilang mga kamag-anak, kasalo sa kanilang mga lihim at nagtatago na pamana ng kanilang mga angkan. Muli siyang napangiti.

Sa dako ng baybay ay nakarinig siya ng mga tinig, at nauulinigan niyang tinatawag ang kanyang pangalan. Dahan-dahan siyang tumayo. Gabi na, kagat na ang dilim sa lahat ng dako. Walang buwan at may kadiliman ang langit. Ngunit nababanaagan pa niya ang dulo ng mga kawayang nakapanood ng paglikha ng unang tula ng kanyang ama, at ang ilang aandap-andap ng bituing saksi ng unang pag-ibig nito.

Biyernes, Setyembre 1, 2017

Pagsulat ng BALITA

Mga Dapat Tandaan

 (LEAD)
1. Maikli at simple hangga’t maaari.
-Mas ok pag 35 salita o mas konti pa
2. Mas ok pag isang pangunngusap lang.
-pandiwa + pangngalan + tuwirang layon + di tuwirang layon
-preferably “who, what and why? (So what?)
Halimbawa:
Talata # 1. Sinabi ni ___________ na (tuwirang layon) dahil ______________________.
Talata #2. Where (when), ________________________ (paliwanag)
Talata #3 Tahasang sabi (direct quotation) na sumusuporta sa talata 1 & 2.
Talata #4 Paano? Bakit?
·         HUWAG GUMAMIT NG QUOTATION LEAD sa balita  dahil maghina at nagreresulta sa passive na na ikalawang talata.
3. Iwasang simulan ang lead  sa “Kailan” at “Saan” maliban kung ang panahon at lugar ay kakaiba.  Karaniwnag nagsisimula ang lead sa “Sino” o “Ano”
4. Iwasang simulan ang Lead sa “Doon” o “Ito”
5. Sa mga lead ng paunang balita (advance news), ang oras at petsa at lugar ay karaniwang nasa dulo ng pangungusap.
·         Kapag mangyayari pa lamang ang story, iyon lang ang pagkakataon para sa “event lead” at kumpleto ang 5Ws at H.
·         Sino ang gumawa/nagsabi?
·         Ano mismo ang ginawa/sinabi?
·         Kailan sinabi?
·         Bakit ito sinabi?
·         Bakit mahalaga ito sa babasa?



Lunes, Agosto 28, 2017

Pagsulat ng EDITORYAL

Ang EDITORYAL
*     -  Nagsasaad ng pagpuna, panunuligsa, pagtuturo, pagpapaunawa, pagbibigay-puri, pagbibigay-kahulugan napapanahong balita at kumakatawan sa paninindigan ng buong patnugutan at pahayagan.
             - Maituturing na ambag sa pakikipagtalo ukol sa napapanahong isyu.

Mga Uri ng Editoryal
*       Editoryal ng Pagpapabatid (Editorial of Information)
*       Editoryal ng Panghihikayat (Editorial of Persuasion)
*        Editoryal ng Panunuligsa             (Editorial of criticism)
*       Editoryal ng Pagpaparangal  (Editorial of Praise or Commendation)

Mga Bahagi ng EDITORYAL
*      1. Pamagat (Title/Headline)
   -Dapat nakakukuha ng atensiyon ng mambabasa

2. Simula (Lead)
*       Di tulad ng sa balita na itinuturing na ‘puso’ ng kuwento ang lead, sa editoryal, ang ‘puso’ ay maaaring nasa gitna o wakas, depende sa kapritso at istilo ng editorial writer.
*       Hindi kailangang sundin ang tradisyunal na ASSKPB.
*       Mas may kalayaan ang  manunulat ng editorial  na maging  malikahin kaysa manunulat ng balita sa pagsulat ng  ‘lead’.
*       Maaaring isang makabuluhan at makatawag-pansing pangungusap tungkol sa paksa o isyu na mapagtatalunan/matatalakay o pagsasalaysay na naghahayag ng suliranin o isyu.
*       News peg – isang maikling pahayag tungkol sa isang balita na pinagbatayan ng editoryal o napapanahong isyu na nangangailangan ng agarang solusyon.

3. Katawan
*       Naglalaman ng mga ‘basic facts’, mga sanhi at bunga sa likod ng mga pangyayari, sitwasyon at argumento.
*       Inilalahad dito ang mga detalye  ng  mga  katotohanan tungkol sa isyu, kalakip ang
opinion o prinsipyong pinapanigan ng patnugutan.
4. Konklusyon/Wakas
- Naglalaman ng pinakamahalagang kaisipan, tagubilin, mungkahi o direksyon na maaaring payo, hamon o
simpleng  buod  ng akda  

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Editoryal
1. Planuhin ang  isusulat.
*       Pumili ng paksa. Maaaring kahit anong isyu, pangyayari at personalidad na laman ng mga balita pero hangga’t maaari, tiyaking taglay ng editoryal ang mga sumusunod:
ü  Napapanahon
ü  Malaman
ü   Naghahayag ng Pananaw
ü  Walang ‘conflict of interest’
2. Tiyaking nauunawaang  mabuti  ang sitwasyon o isyu.
3. Gawing makatawag pansin at kawili-wili ang panimula na binubuo ng batayang balita  at  reaksyon.
4. Kailangang magtaglay ng isa lamang ideya o panukala.
    -Hango ang paksa sa mga balitang pangkasalukuyan na may malaking kahalagahan sa nakararami, maging sa mga mag-aaral, mga mamamayan o sa buong  bansa.
5. Magbasa at magsaliksik para sa mga impormasyon at datos.
6. Ipaliwanag ang isyu gaya ng ginagawa ng isang reporter at sabihin ang kahalagahan ng sitwasyon
7. Gawing matipid sa mga salita subalit gawing mabisa at kaakit-
akit ang mga pangungusap.
8. Kailangan itong maging makatwiran
9. Kailangan itong umiwas sa pagmumura ni sa pagsesermon.
10. Gawing pormal ang pananalita  at paglalahad ng opinyon.
11. Magbigay ng estadistika kung kinakailangan.
12. Kung magbigay ng argumento, simulan sa pinakamahalaga.