Pages

Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Sayang


“Gising…! Gising…!Sunud-sunod na yugyog ng  aking ina. Sadyang nakatatamad ang paggising nang maaga lalo pa’t malamig ang panahon.  Nasa kasarapan ka sa pagtulog pagkatapos heto’t may mang-iistorbo; pipilitin kang gisingin.

“Dalian mo’t   baka mahuli ka na naman.  Gabi ka na kasi kung matulog.  Nagpupuyat ka sa panonood ng telebisyon.” Litanya ng aking ina.

Maaga pa naman subali’t minamadali na niya ako sa pagpasok.  Mabagal daw kasi akong kumilos.  Isa pa, ayaw niya akong umalis ng bahay nang hindi kumakain ng agahan.
Isang gabi’y naisipan kong pihitin an gaming orasang nakalagay sa sala at sa aking silid.  Iniatras ko ito ng kalahating oras.

“Masarap-sarap ang tulog ko mamaya, hindi ako magigising ang maaga,” pangiti-ngiti ko pang bulong sa sarili.

Eksaktong ika-7:00 nang umaga nang dumating ako sa paaralan.  Muntik na akong mahuli.  Mabuti na lamang at mabilis-bilis ang dyip na aking nasakyan.

Mag-uuwian na nang ipahayag n gaming tagapayong matutuloy ang aming lakbay-aral kinabukasan-lahat ng nasa Grade 8 ay kasama. Binilinan niya kami na pumasok nang maaga dahil hindi maaaring maghintay nang matagal ang bus.

Sa labis na pananabik ay di-agad ako nakatulog subali’t maaga akong nagising. Nagpatumpik-tumpik pa ako sa pagkilos.

Eksakto ika-6:00 ng umaga nang umalis ako sa bahay.  Isang oras para sa biyahe ay labis-labis na gayong hindi naman kalayuan ang aming bahay sa paaralan. Matagal-tagal din akong naghintay ng dyip.

“Ako yata ang unang dumating. Wala pa kahit isa sa aking kamag-aral. Mabuti naman at sa unahan ako mapupuwesto.”

Kampante akong nakaupo sa batong upuan nang lapitan at tanungin ako ng guwardiya ng paaralan.
“Sinong hinihintay mo?”

“Iyon pong mga kamag-aral ko. Bakit ho yata wala pa sila?”

“Kaalis lang nila.  Hindi mo ba alam ang oras ng pag-alis?”

Hindi na ako nakaimik.  Tumayo ako’t tumalikod sa guwardiya.

“Kasalanan ko. Kung hindi ko iniatras ang oras, hindi ako mahuhuli. Sayang…


Hango sa Kayumanggi (Baitang 8), p. 19

Miyerkules, Enero 27, 2016

Buod ng Florante at Laura (Saknong 1-68)

Sa isang madilim at nakakatakot na gubat,  maraming malalaking puno at kakaibang mga halaman at mga mababangis na hayop tulad ng serpyente, hyena, basilisko at leon. Matatagpuan dito ang Ilog Cocito na makamandag ang tubig. Nasa malapit ito sa Reyno Averno.
Nagsimula ang tulang pasalaysay sa paglalarawan ng isang madilim at nakakatakot na gubat na madilim at nakakatakot kung saan makikita ang  maraming malalaking puno, kakaibang halaman, mababangis na hayop at makamandag na ilog.
Sa isang puno ng Higera sa gitna ng gubat,  nakagapos ang isang  umiiyak na lalaking mala-Adonis at Narciso sa kaguwapuhan at tikas.
 Naalala niya ang kalagayan ng bayan niyang Albanya na noon ay pinaghaharian ng kasamaan, sa pamumuno ni Konde Adolfo na nagtaksil kay Haring Linseo at  naging ganid sa kayamanan ng Dukeng Ama ng lalaking nakagapos.
Ipinagdalamhati rin niya ang pinakamamahal niyang si Laura na naisip niyang nagtaksil sa kanya at nasa piling na ni Adolfo.
Sa tindi ng pagdurusa, tila kinuwestyon pa niya ang Langit kung bakit pinayagang mangyari ang ganon sa Albanya.  Gayunpaman, nagpakumbaba rin siya at sinabi sa kanyang panalangin na matitiis niya ang anumang pagdurusa kung ito ang kaloob sa kanya.  Kasunod nito,  humirit pa ang siya na sana’y isagi siya ng Langit sa alaala ni Laura.
Nawalan ng malay ang lalaking nakagapos.
                                       
Nang magkamalay, ipinagpatuloy niya ang pag-iyak habang inaalala ang mga nakaraang ‘moments’ nila ni Laura kung kailan iniyakan siya ng  Prinsesa kapag naghahanda siyang umalis para pumunta sa pakikipagdigma sa ibang kaharian bilang pagsunod sa Hari na ama nito.Naalala rin niya ang pang-aaliw nito sa kanya at pagluha kapag malungkot siya.
Kasunod ng pagdaloy ng mga alaala ang realisasyon at panghihinayang ng lalaki sa mga luha at pangako ni Laura sa masaklap na kinahantungan ng pag-iibigan nila ng dalaga. 
Sa kabila ng lahat, tiniyak ng lalaki na mamahalin niya hanggang sa huling hibla ng buhay niya si Prinsesa Laura.
Sa ikalawang pagkakataon,  nawalan ng malay  ang lalaking nakagapos.