Pages

Miyerkules, Pebrero 25, 2015

Florante at Laura: Saknong 126-142

126
Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na napigil ang habag;
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.
127
Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik,
sa dagok ng lubhang matalas sa kalis;
Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.
128
Anyong pantay-mata ang lagak ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran
siyang pagkatalos sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.
129
Nang malapit siya't abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y linigid ng hirap,
nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y nagapos ng habag.
130
Malaong natigil na 'di nakakibo
hininga'y hinabol at biglang lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangang nagbangis leong nangagtayo.
131
Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi't kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.
132
Tanang balahibo'y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.
133
Nagtaas ng kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ng kukong panira;
nang darakmain na'y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.
134
Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos na 'di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.
135
Kung ipamilantik ang kanang pamatay,
at saka isalag ang pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.
136
Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ang loob.
137
Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo'y nang matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi't nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.
138
Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
katawang malatang parang bangkay,
at minsang pinatid ng espadang tangan,
walang awang lubid na lubhang matibay.
139
Umupo't kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga'y natulog;
hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop,
nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.
140
Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay,
ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay,
nininilay niya at pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas at kinasapitan.
141
Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
mawiwiwli disin ang iminamalas
na mata, kundangan sa malaking habag.
142
Gulung-gulong lubha ang kanyang loob,
ngunit napayapa nang anyong kumilos
itong abang kandong na kalunos-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.