69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas;
putong na turbante ay kalingas-lingas,
pananamit-Moro sa Persiyang S'yudad.
70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninita ng pagpapahingahan;
'di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.
71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong na kahoy na takip sa langit;
estatuwa manding nakatayo't umid,
ang buntung-hininga niya'y walang patid.
72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo;
nagwikang, "O palad!", sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.
73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo sa kanan;
anaki'y mayroong gunamgunam —
isang mahalagang nalimutang bagay.
74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
'di rin kumakati ang bati ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"
75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtahanan.
76
Mapamaya-maya'y nagbaong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng Furias —
"'di ko itutulot!" ang ipinahayag.
77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at 'di ang ama kong dapat igalang,
hindi ko masasabi kung ang pikang tangan —
bubuga ng libo't laksang kamatayan!"
78
"Bababa si Marte mula sa itaas,
at sa kailalima'y aahon ang Parkas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!"
79
"Sa kukong lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niyaring kaluluwang angkin;
liban kay ama, ang sino ma't alin
ay 'di igagalang ng tangang patalim."
80
"O pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!"
81
"At yuyurakan na ang lalong dakila —
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya."
82
"Itong kinaratnan ng palad kong linsil,
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong 'di makayang bathin."
Sa mawika ito luha'y pinaagos,
pika'y isinaksak saka naghimutok;
nagkataon namang parang isinagot
ang buntung-hininga niyong nagagapos.