Pages

Lunes, Mayo 10, 2021

Buod ng FLORANTE AT LAURA

 I. Kay Selya

Inihayag dito ni Balagtas ni kanyang damdamin -  kalungkutan, pangungulila at pag-ibig sa dalagang hindi itinadhana para sa kanya. Inalala niya ang mga masasayang araw noong magkasama pa sila. Inihandog niya ang kanyang akda sa dalaga. Hiniling niyang sana kung mabasa nito ang kanyang awit ay maalala man lang siya. At hiniling din ni Balagtas na ipagdasal siya ni Celia o M.A.R.

 

II. Sa Babasa Nito

            Sa bahaging ito inihayag ni Balagtas ang kanyang mensahe sa babasa ng kanyang akda – (1) pakikinabangan ng gustong umunawa ang kanyang awit, (2) matutuwa ang matalinong babasa nito (3) huwag baguhin ang berso (4) huwag agad hatulan ang kanyang akda dahil lang may nabasang salita na hindi maintindihan, (5) gamitin ang talababa para mas maunawaan ito at (6) ayaw niyang magaya kay Segismundo na pumangit ang akda dahil sa kababago nito.

 

III. Puno ng Salita

Sa isang madilim na gubat ay nakatali sa isang puno ng Higera ang  isang matikas na binata na taga-kaharian ng Albanya. Labis siyang namimighati dahil sa kinahinatnan ng kanyang bayan, sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo at sa kaiisip kay Laura na inakala niyang nagtaksil sa kanya at ipinagpalit siya kay Konde Adolfo.

Sa di-kalayuan, dumating ang isang gererong moro na nananangis din dahil sa kalupitan ng sariling ama na umagaw sa kasintahan nito na si Flerida. 

Naulinigan ng gererong moro ang pagtangis ng lalaking nakagapos kaya tinunton nito ang kinaroroonan ng huli na noon ay wala nang malay-tao at nasa bingit ng kamatayan dahil sa dalawang leon.

Iniligtas ng gererong moro ang lalaki na nagulat nang magkamalay at mapagtanto niyang iniligtas siya ng isang kaaway.

Kinabukasan, bumuti na ang pakiramdam niya at  nagkuwento na siya sa gererong moro.

Nagpakilala siyang si Florante mula sa Kaharian ng Albanya.  Isinalaysay niya ang buong buhay niya - ang kanyang  kapanganakan, pamilya, kabataan, pag-aaral, pag-ibig at hanggang sa pagtatagumpay niya sa mga labanan bilang heneral ng hukbo sa Albanya.

Si Florante ay solong anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca.

Wala namang gaanong nangyari sa kanyang kamusmusan maliban sa muntik na siyang dagitin ng buwitre habang natutulog noong sanggol pa lamang siya. Iniligtas siya ng pinsan niyang si Menalipo. At sinambilat ng isang arkon ang dyamanteng hiyas sa kanyang dibdib noong bago pa lamang siyang naglalakad at naglalaro sa kanilang salas.

Lumaki siyang nararamdaman ang tunay na pagmamahal mula sa kanyang mga magulang at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Mahilig siyang mamasyal sa tabi ng gubat at mamana ng mga hayop.

Nakilala at naunawaan niya na ang anak ay dapat turuan at hindi dapat palakhin sa layaw ng magulang.

Dahil sa pag-ibig ng kanyang mga magulang, ipinadala siya sa Atenas upang mag-aral noong siya’y edad labing isa pa lamang. Naging guro niya si Antenor.  Sa Atenas din niya nakasama si Konde Adolfo na kinilalang matalino at ulirang mag-aaral bago ito naungusan ni Florante sa tagumpay at karangalan bilang mag-aaral.   Nahayag ang katotohanan  na paimbabaw lang ang ipinakita nitong mga kabaitan nang tangkain nitong patayin si Florante sa pagtatanghal nila ng isang trahedya sa isang pagdiriwang sa Atenas. Mabuti na lang nailigtas siya ng matalik niyang kaibigan na si Menandro.

Dahil sa nangyari, pinauwi si Adolfo sa Albanya.

Makalipas ang isang taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca. Dalawang buwan pa ang lumipas bago nakauwi si Florante sa Albanya. Pinaalalanan siya ni Antenor na mag-ingat kay Adolfo. Sumama sa kanyang pagbabalik si Menandro.

Halos, kararating pa lang nila sa Albanya, nang dumating ang isang kinatawan ng kaharian ng Krotona na may dala ng mensahe na humihiling ng tulong mula sa Albanya. Kubkob na ng mga kalabang taga-Persya sa pamumuno ni Heneral Osmalic na kanang kamay ni Prinsipe Aladin na  morong gererong hinahangaan ni Florante.

Nagtungo sila sa palasyo kung saan malugod dilang sinalubong at pinatuloy ni Haring Linceo. Itinalaga ng hari si Florante para maging Heneral na mamumuno sa hukbo na tutulong sa Crotona. Bagama’t ayaw pa sana ni Duke Briseo na masabak sa labanan ang kanyang anak, hindi na ito tumutol.

Noon niya unang nakita si Laura na agad bumighani sa kanyang puso.  Bago umalis si Florante at ang kanyang hukbo, muli niyang nasilayan si Laura. Inihayag niya ang kanyang pag-ibig sa dalaga.    Hindi man agad  ito tumugon na iniibig din siya nito, sapat na ang nakita nito nang  paalis na sila papuntang Crotona.

Naging matagumpay ang unang pakikidigma ni Florante. Napatay niya si Heneral Osmalik.  Limang buwan pa silang namalagi sa Crotona.

Pabalik na sila sa Albanya nang matanaw nila na bandila na ng mga Persyano ang nakawagayway sa Albanya. Huminto muna sila sa paanan ng isang bundok upang makiramdam at magmasid nang matanaw nila ang isang pulutong ng mga Moro na may bihag na babaeng nakatalukbong.

Sa naisip na baka si Laura iyon, agad sumugod si Florante.  Hindi nga siya nagkamali.  Si Laura nga. Hinatulan ito ng kamatayan dahil sa pagtanggi at pagsampal nito sa emir.  Nakumpirma ni Florante na iniibig din siya ng Prinsesa.

Mula sa dalaga, nalaman nila ang sinapit ng Albanya.  Agad silang lumusob at muling nabawi ang kaharian.  Pinalaya ni Florante mula sa sa kulungan si Haring Linceo, ang kanyang ama at lahat ng mga kababayan nilang nabihag kasama si Adolfo.

Naging kapansin-pansin ang paninibugho ni Adolfo kay Florante dahil sa papuri ng hari at pagtingin ni Laura sa kanya.

Muling sumabak at nagtagumpay sa labanan si Florante sa pagtatanggol sa Kaharian ng Albanya  laban sa mga sumalakay na taga-Turkiya. 

Umabot sa 17 kaharian ang kaniyang kinalaban at nagtagumpay si Florante.

Ang huli ay ang Etolya kung saan isang araw pa lang matapos ang kanilang pagkapanalo, nakatanggap siya ng sulat mula sa Hari na pinapauwi siya agad sa Albanya. Ipinagkatiwala niya ang kanyang hukbo sa matalik niyang kaibigan at kanang kamay na si Menandro.  Agad siyang bumalik sa Albanya.

Gabi na nang dumating siya sa Albanya. Buong tiwalang pumasok siya sa reyno.  Nang biglang kinubkob siya ng may tatlumpong libong sandatahan. Ni hindi na niya nagawang mabunot pa ang kanyang sandata.Binidbid ng gapos ang kanyang buong katawan at ipiniit sa karsel. Doon ay nalaman niyang pinatay ni Konde Adolfo sina Haring Linceo at ang kanyang amang si Duke Briseo. Nalaman din niyang nangako si Laura na magpapakasal kay Adolfo.

Nabilanggo si Florante nang labingwalong araw bago siya dinala nang gabi sa gubat, iginapos at iniwan para mamatay. Ngunit sa pangalawang araw niya roon,  nagising siyang nasa kandungan ng morong nagligtas sa kanya.  Ang moro na katabi niyang  nakaupo at pinagkuwentuhan niya ng kanyang buhay.

Pagkatapos ng pagsasalaysay ni Florante, nagpakilala ang gererong moro na si Aladin. Napagkasunduan nilang magkasama na lang silang maninirahan sa kagubatang iyon. Magkukuwento rin sana si Aladin tungkol sa buhay nito ngunit naging emosyal ito.  Iginalang ni Florante ang damdamin nito.

Pagkalipas ng may limang buwan, habang naglilibang na nilibot nila ang loob ng gubat,  nagkuwento na si  Aladin tungkol sa buhay nito.

Si Aladin ay anak ni Sultan Ali Adab na umagaw sa kasintahan niyang si Flerida.  Si Aladin ang namuno sa pagsakop sa Albanya ngunit pagkatapos ay umuwi na siya sa Persya.  Ipinakulong siya agad ng kanyang amang Sultan dahil sa kanyang pagbabalik nang wala pa itong utos.  At nang nabalitaan nito na nabawi ni Florante ang Albanya, hinatulan na si Aladin na pupugutan ng ulo.

Ngunit kinagabihan bago ang nakatakdang pugutan ito ng ulo, pinuntahan ito ng isang heneral na nagbalita ng patawad sa kondisyong huwag na itong maabutan ng bukas sa reyno.  Mabigat man sa kalooban nito, sumunod na lang si Aladin.

Umalis itong nangungulila sa pinakaiibig nitong kasintahang si Flerida.

Anim na taon na itong naninirahan sa gubat na iyon

Maya-maya’y may naulinigan silang nag-uusap.

Ayon sa isa, nang malaman nitong pupugutan ng ulo ang iniibig nitong nasa kulungan, nagmakaawa ito sa haring sukaban at nangakong magpapakasal dito kung patatawarin ang anak nito  ngunit kung tatanggi ito, hindi nito mapapatawad.

Nagsakripisyo ito alang-alang sa iniibig nitong kasintahan.  Napaniwala naman nito ang hari. Pinatawad nito ang anak ngunit pinaalis at hindi na pwedeng bumalik.

Inihahanda na ang pag-iisang-dibdib nito at ng hari.

Ngunit isang hatinggabi, dumaan ito sa bintana at tumakas.  Napadpad at nanirahan sa bundok at gubat.  At dumating doon kaya nailigtas nito ang kausap.

Napatigil ang mga ito sa pag-uusap dahil sa biglang pagdating nina  Aladin  at  Florante na agad humangos doon nang mabosesan na ang mga nag-uusap ay ang mga dalagang  iniibig nila - sina Flerida at Laura.

Pakiramdam ng apat, nasa isang paraiso  na sila sa gitna ng malungkot na gubat na iyon.  Walang pagsidlan ang kaligayahang lumukob sa puso ng bawat isa sa kanila.

Maya-maya pa’y nagsalaysay din si Laura.

Hindi nagtagal pagkaalis ni Florante at ng kanyang hukbo, nagkaroon ng hindi maipaliwanag na piping gulo na umabot hanggang palasyo.

Nabigla ang mga ito nang kinubkob na ng mga kalaban ang palasyo. Nagkagulo na sa kaharian at sumisigaw ang mga tao laban kay Haring Linceo na diumano’y nagpanukalang gutumin ang mga ito. Puwersahang inalis sa trono ang hari at pinugutan ng ulo. Pinagpapatay ang lahat ng makitang mababait sa kaharian.  At pakana lahat ito ni Adolfo upang maangkin nito ang trono.

Nagbanta itong papatayin si Laura na papatayin kapag tumanggi sa pag-ibig nito.  Para makaganti kay Adolfo, hindi ipinahalata ng prinsesa ang pagkasuklam nito sa lalaki.  Lihim itong sumulat kay Florante na noon ay nasa Etolia.

Humiling ng limang buwan si Laura bago nito tanggapin ang pag-ibig ni Adolfo.  Pero ang plano ng dalaga ay magpatiwakal kapag hindi dumating si Florante.

Ngunit wala pang isang buwan, nahulog sa patibong ni Adolfo si Florante nang bumalik itong mag-isa. Sa takot ni Adolfo sa binata kapag bumalik na kasama ang hukbo, pinadalhan nito ng sulat na may selyo at pirma ni Haring Linceo para umuwing mag-isa.

Nang nakahanda na ang loob ng dalaga para magpatiwakal, dumating si Menandro at ang hukbo.  Ito ang nakatanggap ng sulat ni Laura. Nang wala nang magawa si Adolfo, tumakas na lang at isinama si Laura sa gubat. Pinagtatangkaan nitong halayin si Prinsesa Laura nang tamaan sa dibdib ng isang sibat at namatay.

Sinabi ni Flerida na narinig nito ang paghingi ni Laura ng saklolo. Nang makita nito ang tangkang panghahalay sa dalaga, agad nitong bininit sa busog ang isang palaso na tumapos sa taksil na si Adolfo.

Di pa natatapos magsalita si Flerida, dumating si Menandro at ang hukbo na naghahanap kay Adolfo.

Nabalot ng katuwaan ang lahat.

Bumalik na sila sa Reyno ng Albanya kung saan nagpabinyag sina Prinsipe Aladin at Flerida.

Ikinasal ang magkakasintahan.

Nang namatay si Sultan Ali-Adab, umuwi sa Persya sina Prinsipe Aladin at Flerida.

Nanumbalik ang kapayapaan sa Reyno dahil sa mahusay na pamamalakad ng Hari at Reyna.

                                                            ***W a k a s***