Pages

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Ang Katamaran ng mga Pilipino



ni Dr. Jose P. Rizal
(Ang matutunghayan ay isang lagom sa Tagalog ng sanaysay na “La Indolencia de los Filipinos,” na nalathala sa La Solidaridad mula noong Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890. Ang sanaysay na ito’y isinulat ni Rizal sa ikalawang pagtungo niya sa Europa. Isinulat niya ito bilang tugon sa paulit-ulit na upasala sa mga Pilipino na sila’y mga tamad. Ang upasalang ito’y hindi tinutulan ni Jose Rizal sa kaniyang sanaysay. Manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng katamaran ng kaniyang mga kababayan. At sa pag-amin niyang iyan ay nagbigay siya ng mga matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay masasabi ngang tamad. Narito ang kaniyang mga matuwid.
Ang pangunahing sanhi ay ang mainit na singaw ng panahon. Kahit na ang mga banyagang nandarayuhan sa Pilipinas buhat sa mga bayang malamig ang klima ay nagiging tamad pagdating dito at ayaw humawak ng mabibigat na gawain. Sa bayang mainit ang panahon, kahit hindi kumilos ang isang tao, siya’y pinagpapawisan at hindi mapalagay. Wika pa ni Rizal: Ang mga Europeong naninirahan sa Pilipinas ay nangangailangan pa ng mga tagapaypay at tagahugot ng sapatos, at hindi nagsisipaglakad kundi laging lulan ng kanilang karwahe, gayong masasarap ang kanilang kinakain at ginhawa ang kanilang kabuhayan. Sila’y malaya, ang bunga ng kanilang mga pagsisikap ay para sa kanilang sarili, may pag-asa sa kinabukasan, at iginagalang ng madla. Ang abang katutubo, ang tamad na katutubo ay kulang sa pagkain, walang inaasahan sa araw ng bukas, ang bunga ng kanilang pagod ay sa iba napupunta, at kinukuha sila sa paggawang sapilitan.
Sinasabing ang mga Europeo ay nahihirapan sa mga bayang mainit ang singaw ng panahon palibhasa’y hindi sila hirati sa gayong klima, kaya’t karampatan lamang na dulutan sila ng balanang makapagpapaginhawa sa kanilang kalagayan. Datapuwa’t ang wika nga ni Rizal, ang isang tao’y maaaring mabuhay kahit saan kung sisikapin lamang niyang ibagay ang kanyang sarili sa hinihingi ng pangangailangan.
Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga Pilipino dahil din sa kagagawan ng mga Kastila. Ang mga Pilipino, nang bago dumating ang mga Kastila ay ginhawa sa kanilang kabuhayan, nakikipagkalakalan sila sa Tsina at iba pang mga bansa, at hinaharap nila ang pagsasaka, pagmamanukan, paghabi ng damit at iba pa. Kaya’t mapagkikilalang nang wala pa rito ang mga Kastila, ang mga Pilipino bagaman ang mga pangangailangan nila’y hindi naman marami, ay hindi mga mapagpabayang gaya ngayon.
Ang lahat ng industriya at pati na ang pagsasaka ay napabayaan sapagkat ang mga Pilipino’y hindi makapagtanggol laban sa pananalakay ng mga mandarambong buhat sa Mindanaw at Sulu. Paano’y ayaw pahintulutang makapag-ingat ng mga baril at iba pang sandata ang mga Pilipinong naiiwan sa bayan habang ang iba’y wala at kasama sa mga pandarayuhang walang kabuluhan. Nang panahon ng Kastila’y maraming digma at kaguluhan sa loob ng bayan at maraming ipinapapatay. Isinalaysay ni Rizal ang nangyari sa isang pulong malapit sa Sebu, na halos nawalan ng tao sapagkat madaling nangabihag ng mga piratang buhat sa Sulu palibhasa’y walang sukat maipananggol sa sarili.
Ang pagsasaka’y napabayaan dahil pa rin sa sapilitang paggawa na ipinatutupad ng pamahalaan. Dahil sa maraming pandarayuhang ginagawa ng mga Kastila, kailangan ang walang tigil na paggawa ng mga barko, kaya’t maraming Pilipino ang pinapagpuputol nila ng mga kahoy sa gubat upang magamit. Wala tuloy katiyakan ang kabuhayan ng mga tao kaya’t naging mga mapagpabaya. Tungkol dito’y sinipi ni Rizal si Morga na nagsabi (sa kanyang Sucesos) na halos nakalimutan na ng mga katutubo ang pagsasaka, pagmamanukan, ang paghabi, na dati nilang ginagawa noong sila’y mga pagano pa hanggang sa mga ilang taon pa pagkatapos ng pagsakop. Iyan ang naging bunga ng tatlumpu’t dalawang taon ng sapilitang paggawa na ipinataw sa mga Pilipino.
Ang pamahalaa’y walang dulot na pampasigla upang ang mga tao ay mahikayat na gumawa. Pinatamlay ng mga Kastila ang pakikipagkalakalan sa mga bansang malaya, gaya ng Siam, Cambodia, at Hapon, kaya’t humina ang pagluluwas ng mga produktong Pilipino at ang industriya ay hindi umunlad. Ang Pilipino’y hindi maaaring gumawa sa kanilang bukid kung walang pahintulot ng pamahalaan.
Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi tumatanggap ng karampatang halaga sa kanilang mga produkto. Sinabi ni Rizal na alinsunod sa istorya, matapos alipinin ng mga encomendero ang mga Pilipino, sila’y pinagagawa para sa sarili nilang kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na sa kanila ipagbili ang inaani o produkto sa maliit na halaga at kung minsa’y wala pang bayad o kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling timbangan at takalan.
Alinsunod pa rin kay Rizal, ang lahat ng negosyo’y sinasarili ng gobernador, at sa halip pukawin ang mga Pilipino sa kanilang pagpapabaya, ang iniisip lamang niya’y ang kanyang kapakanan kaya’t sinusugpo ang ano mang makaaagaw niya sa mga pakinabang sa pangangalakal.
Mga kung anu-anong kuskos-balungos sa pakikitungo sa pamahalaan, mga “kakuwanan” ng pulitika, mga kinakailangang panunuyo at “pakikisama,” mga pagreregalo, at ang ganap na pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan,- ang mga iyan ay naging pamatay-sigla sa paggawang kapaki-pakinabang.
Nariyan pa ang halimbawang ipinamalas ng mga Kastila: pag-iwas sa pagpaparumi ng kamay sa paggawa, pagkuha ng maraming utusan sa bahay, na para bang alangan sa kanilang kalagayan ang magpatulo ng pawis, at ang pagkilos na animo’y kung sinong maginoo at panginoon na ipinaging palasak tuloy ng kasabihang “para kang Kastila,”- ang lahat ng iyan ay nagpunla sa kalooban ng mga Pilipino ng binhi ng katamaran at pagtanggi o pagkatakot sa mabibigat na gawain.
At ang wika pa ng mga Pilipino noon: “Bakit gagawa pa? Ang sabi ng kura ay hindi raw makapapasok sa kaharian ng langit ang taong mayaman.”
Ang sugal ay binibigyan ng luwag, at ito’y isa pa ring nagpapalala ng katamaran.
Ang Pilipino’y hindi binibigyan ng ano mang tulong na salapi o pautang upang maging puhunan. Kung may salapi man ang isang Pilipinong magsasaka, ang natitira, matapos bawasin ang buwis at iba pang impuwesto ay ipinambabayad naman niya sa kalmen, kandila, nobena, at iba pa.
Kung ang mga pananim ay pinipinsala ng balang o ng bagyo, ang pamahalaan ay hindi nagbibigay ng ano mang tulong sa mga magsasaka, kaya ang mga ito ay inaalihan ng katamaran.
Walang pampasiglang ibinibigay sa pagpapakadalubhasa. May isang Pilipinong nag-aral ng kimika sa Europa, ngunit hindi man lamang siya pinag-ukulan ng pansin.
Ang katamara’y pinalulubha pang lalo ng di mabuting sistema ng edukasyon. Ganito ang wika ni Rizal:
“Iminulat palibhasa sa halimbawa ng mapagbulay-bulay at tamad na pamumuhay ng mga monghe, ang mga katutubo nama’y walang ginawa kundi iukol ang kanilang buhay sa pagkakaloob ng kanilang salapi sa simbahan dahil sa inaasahang mga himala at iba pang kataka-takang bagay. Ang kanilang kalooban ay nagayuma; buhat sa pagkabata ay wala silang natutuhan kundi ang pagkilos na parang mga makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan. Kataka-taka bang ang ganitong maling pagmumulat sa isip at kalooban ng isang bata ay magbunga ng kahambal-hambal na mga pagkakasalungatan? Iyang walang puknat na pagtutunggali ng isip at ng tungkulin… ay humantong sa pananamlay ng kanyang mga pagsisikap, at sa tulong ng init panahon, ang kaniyang walang katapusang pag-aatubili, ang kaniyang mga pag-aalinlangan ay siyang naging ugat ng kaniyang katamaran.”
Ang sistema ng edukasyon, na isang kawil ng mga pagmamalupit, ay nagpatamlay sa halip na magpasigla sa Pilipino. Siya’y nagkaroon ng mababang pagkakilala sa sarili at pagwawalang-bahala sa paggawa.
Ang isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang kawalan nila ng damdamin bilang isang bansa palibhasa’y pinagkaitan sila ng karapatang makapagtatag ng mga samahan na magbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaunawaan at magkaisang damdamin.
Palibhasa nga’y walang bansang kinaaaniban, ang mga Pilipino’y hindi nagkaroon ng pagkabahala sa ano mang kahirapang dinaranas ng mga tao. Patay ang apoy ng kanilang pagsisikap, at walang sukat makaganyak sa kanila na mag-ukol ng panahon at sigla alang-alang sa kaunlaran at kasaganaan ng kanilang Bayan.
Ang sabi ni Rizal: “Ang edukasyon ay siyang lupa, at ang kalayaan ay siyang araw, ng sangkatauhan. Kung walang edukasyon at walang kalayaan, walang pagbabagong maisasagawa, walang hakbang na makapagdudulot ng bungang ninanais.”