126
Sa tinaghuy-taghoy
na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na
napigil ang habag;
tinunton ang boses
at siyang hinanap,
patalim ang siyang
nagbukas ng landas.
127
Dawag na masinsi'y
naglagi-lagitik,
sa dagok ng lubhang
matalas sa kalis;
Moro'y 'di tumugo't
hanggang 'di nasapit
ang binubukalan ng
maraming tangis.
128
Anyong pantay-mata
ang lagak ng araw
niyong pagkatungo
sa kalulunuran
siyang pagkatalos
sa kinalalagyan
nitong nagagapos na
kahambal-hambal.
129
Nang malapit siya't
abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y
linigid ng hirap,
nawalan ng diwa't
luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y
nagapos ng habag.
130
Malaong natigil na
'di nakakibo
hininga'y hinabol
at biglang lumayo;
matutulog disin sa
habag ang dugo,
kundangang
nagbangis leong nangagtayo.
131
Naakay ng gutom at
gawing manila,
nag-uli sa ganid at
nawalang-awa;
handa na ang
ngipi't kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang
gapos ng iwa.
132
Tanang balahibo'y
pinapangalisag,
nanindig ang buntot
na nakagugulat;
sa bangis ng anyo
at nginasab-ngasab,
Puryang
nagngangalit ang siyang katulad.
133
Nagtaas ng kamay at
nangakaakma
sa katawang gapos
ng kukong panira;
nang darakmain na'y
siyang pagsagasa
niyong bagong
Marteng lumitaw sa lupa.
134
Inusig ng taga ang
dalawang leon,
si Apolo mandin na
sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos
na 'di nababaon
ang lubhang bayaning
tabak na pamutol.
135
Kung ipamilantik
ang kanang pamatay,
at saka isalag ang
pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay
nangalilinlang,
kaya 'di nalao'y
nangagumong bangkay.
136
Nang magtagumpay na
ang gererong bantog
sa nangakalabang
mabangis na hayop,
luha'y tumutulong
kinalag ang gapos
ng kaawa-awang
iniwan ang loob.
137
Halos nabibihay sa
habag ang dibdib,
dugo'y nang
matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang
maliksi't nainip
sa siga-sigalot na
madlang bilibid.
138
Kaya ang ginawa'y
inagapayanan,
katawang malatang
parang bangkay,
at minsang pinatid
ng espadang tangan,
walang awang lubid
na lubhang matibay.
139
Umupo't kinalong na
naghihimutok,
katawang sa dusa
hininga'y natulog;
hinaplos ang
mukha't dibdib ay tinutop,
nasa ng gerero'y
pagsaulang-loob.
140
Doon sa pagtitig sa
pagkalungayngay,
ng kaniyang kalong
na kalumbay-lumbay,
nininilay niya at
pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas
at kinasapitan.
141
Namamangha naman
ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon
sa bayaning tikas;
mawiwiwli disin ang
iminamalas
na mata, kundangan
sa malaking habag.
142
Gulung-gulong lubha
ang kanyang loob,
ngunit napayapa
nang anyong kumilos
itong abang kandong
na kalunos-lunos,
nagising ang buhay
na nakakatulog.