Joi Barrios
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Walang labis, walang kulang.
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Nunal sa balikat,
Hungkag na tiyan.
May tadyang ka bang hinugot
Nang lumisan?
Sinasalat ko bawat bahagi
Ng aking katawan.
Sa kaloob-looban,
Sa kasulok-sulukan
Nais kong mabatid
Ang lahat ng iyong
Tinangay at iniwan.
Nais kong malaman,
Kung buong-buo pa rin ako sa iyong
paglisan