(Isinatula ni Bartolome del Valle)
Noong unang panahon ayon sa alamat ng pulong MIndanaw,
ay wala ni kahit munting kapatagan. Pawang kabundukan
ang tinatahanan ng maraming taong doo’y namumuhay
maligaya sila sapagkat sagana sa likas na yaman.
Subali’t ang lagim ay biglang dumating sa kanilang bundok
na dati’y payapa. Apat na halimaw ang doo’y nana lot.
Una’y si Kurita na maraming paa at ganid na hayop
pagka’t sa pagkain kahit limang tao’y kanyang nauubos.
Ang Bundok Matutum ay tinirhan naman ng isang halimaw
na may mukhang tao na nakatatakot kung ito’y mamasdan,
ang sino mang tao na kanyang mahuli’y agad nilalapang,
at ang laman nito’y kanyang kinakain na walang anuman.
Ang ikatlo’y si Pah na ibong malaki. Pag ito’y lumipad
ang Bundok na Bita ay napadidilim niyong kanyang pakpak,
ang lahat ng tao’y sa kuweba tumahan upang makaligtas
sa salot na itong may matang malinaw at kukong matalas.
Ang Bundok Kurayang pinananahanan ng maraming tao
ay pinagpalagim ng isa pang ibong may pitong ulo;
walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko
pagkat maaaring kanyang matanaw ang lahat ng dako.