Pages

Linggo, Mayo 2, 2010

Pagboto: Dikta o Sariling Pagpapasya?

Tuwing nalalapit ang araw ng eleksyon, may mga nagtatanong sa akin. Maraming 'bakit...' na ang suma-total ay 'Bakit di ka nagpapadikta at hindi magpasyang mag-isa?' Dikta nga ba o sariling pagpapasya ang sinusunod ko sa pagboto?

Ako ay naghahayag ng sariling kalooban ko bilang isang karaniwang indibidwal at isang mulat na mamamayang Pilipino. Hindi ako isang mangangaral ng relihiyon kaya isasantabi ko ang mga pagpapaliwanang mula sa Bibliya, banal na aklat ng mga Kristiyano, tungkol sa pagkakaisa sa paghatol o pagpili ng mga pinuno.

Gaya ng madalas kong sabihin sa mga nagtatanong sa akin, hindi ako nadidiktahan ukol sa eleksyon. Dahil sa totoo lang, para sa akin, pare-pareho lamang ang mga pulitikong kumakandidato sa iba't ibang posisyon.

Ang mga pulitiko ay mga taong may kanya-kanyang pansariling interes na gustong isulong kapag nakaupo na. Ang pagkakaiba nga lang marahil ay nasa antas ng kasakiman nila sa kapangyarihan at kayamanan. At ang mga ito ay masasalamin sa mga nagawa, ginagawa o gagawin nilang mga batas, proyekto at paggamit kundi, paglustay (?!!!)sa pera ng naghihingalong si Juan dela Cruz.

Ganoon pala, bakit pa ako boboto? Kasi nga isa pa rin akong mamamayang Pilipino. Karapatan at tungkulin ko ang makipagkaisa para magkaroon ng mga (mabubuti sanang) pinuno ang ating bansa.


Boboto ako hindi para sa kung sinumang tao o kandidato. Boboto ako hindi dahil sa dinidiktahan o inoobliga ako.

Boboto ako atas ng sariling pagpapasya at paniniwala sa tunay na kahulugan ng pagkakaisa (pagkakaisa na hinahangad ng lahat ngunit pilit sinisiraan kapag nagagawa ng isang organisasyon). BOBOTO AKO SA PAMAMAGITAN NG PAKIKIPAGKAISA SA RELIHIYONG KINAAANIBAN KO!