Pages

Sabado, Marso 27, 2010

Earth Hour 2010

Para suportahan ang kamapaya laban sa patuloy na pag-init ng mundo (global warming), nakipagkaisa naman kami ng aking pamilya sa pagpatay ng ilaw mula 8:30-9:30 kagabi, Marso 27, 2010.

Paano ko ba malilimutan ito? Mismong mga anak ko ang nagpapaalala. Naka-set pa ang alarm ng mga cellphones para di malimutan ang oras na ito.

Ang bunso ko, minabuting umakyat ng bubungan at pagmasdan daw ang mga bituin.:-) Ang panganay, bisi sa pakikipaglaro sa mga kaibigan. Ang asawa ko, nakipagkuwentuhan sa kaibigang kapitbahay. At ako, kasama ang alaga kong aso na si Heaven, naupo kami sa may kubo sa ilalim ng puso sa tabi ng kalsada habang pinagmamasdan ang kapaligiran...

Palibhasa'y nasa bundok kami, tanaw ang mga nagkikislapang ilaw sa mga kabahayan sa paligid na malayo sa amin. Sa malapitan naman, nakasindi lahat ang mga bonggang street lights ng katabi naming subdivision. At sa dinami-dami ng kapitbahay namin, isang bahay lamang ang nagpatay ng ilaw na tulad namin.

Ang nakakadismaya pa nito, tila walang kamalay-malay ang mga kandidatong pulitiko na abalang-abala sa sa pangangampanya sa napakaliwanag na isteyds. Panay ang sayaw, kanta at diskurso ng iba'tibang personalidad sa gitna ng maraming taong dumalo na ewan kung ano talaga ang motib...pagsuporta o pagkain? Nagpakain kasi sila.

Kaya naman kaninang umaga, bonggang kalat ang bumulaga sa mga unang lumabas ng subdibisyon.:-)

Bumilib sana ako kung pinapatay man lang kahit isang oras ang sandamakmak na naggagandahang ilaw pero di naman ganon kahalaga para di maisakripisyo ng isang oras.

Simpleng pakikipagkaisa sa mundo para maihayag ang pagtutol sa global warming, di magawa. Aba, huwag silang magsasabing "environmentalist" sila at nagpapahalaga sa kalikasan. Lalong huwag nilang asahang sumunod ang mga tao sa kanila kung sila mismo ay huwaran ng kawalang-pagpapahalaga sa mga simulaing pangkapaligiran.

Sa mga taong tulad nila, kung lumindol dahil sa lubhang pag-init ng mundo, huwag nang mag-isip ng dahilan. Isipin na lamang na ito ay sariling kagustuhan.